Ang Mahikero

291 5 0
                                    

Ilang taon na rin ang nakalipas mula nang huli siyang magtanghal. Isang tunay na mahikero kung siya ay tawagin, sapagkat kapag siya ay nasaksihan mong nagtatanghal, ikaw ay garantisadong mamamangha at maiiwang balisa dahil sa mga kababalaghan na kaya niyang gawin. Isang bigwas lang ng kaniyang mga daliri at isang dosenang rosas ang lilitaw mula sa kaniyang palad. Isang "Alakadabra!" "Alakazam!" at hatid nito'y libo-libong ngiti sa kaniyang mga panauhin.

Kilala siya sa buong lalawigan bilang isang mabuti at maprinsipyong mahikero. Siya ay matipuno, maganda ang postura at laging nananamit ng maayos. Nakatira siya sa malaking mansiyon at sinasabing nagmula pa raw sa Europa. Mahilig siyang magbigay ng limos sa mahihirap at mga laruan sa mga bata kung kaya siya'y lalong kinagigiliwan ng mga ito. Mayroon pa ngang nagsasabi na siya daw ay nakakapagpagaling ng may sakit; na lubos namang itinatanggi ng mahikero.

Ngunit ngayon ay hindi na siya nagtatanghal at matatagpuan na lamang na pagala-gala sa kalye at damuhan, bitbit ang alaga niyang kuneho. Hindi na siya nagsasalita at wala na siya sa katinuan. Maraming tao ang nagtataka sa kung anong nangyari sa kaniya sapagkat walang ni-isang makapagsabi sa kung anong kalagim-lagim na pangyayari ang nagdulot ng kabaliwan sa minamahal nilang mahikero.

Sariwa pa sa kanilang mga isip kung paano siya magpamalas ng mahika sa entablado. Mag-uumpisa ito sa isang magiliw na "Magandang Gabi" at siya ay magkukuwento ng mga istoryang nakakatawa at tampok sa panahon. Matapos nito ay magsisimula na siyang magpalitaw ng kung ano-anong mga bagay mula sa kaniyang sumbrero. Sinasalubong naman ng palakpakan ang bawat bagay na kaniyang inaangat. Sunod dito ay lalabas na ang mga nagagandahang mga babae ng mahikero na nakasuot lamang ng kaunting saplot na lubos na kinaliligaya ng mga lalaking manonood. Sila ay sasayaw at isa-isang hihiga sa lamesang nasa harapan. Sila ay tatakpan ng mahikero ng isang malaking telang itim. Matapos ay kukuha ang mahikero ng mga malalaking espada at isa-isang sasaksakin ang mga nakahigang babae. Mapapapikit ang mga tao sa takot. Ngunit kapag tinanggal na ng mahikero ang mga espada at ang tela, magpapalakpakan na muli ang mga ito at maghihiyawan sapagkat wala na ang mga babae sa lamesa at napalitan na ng isang ahas, kalapati at kuneho.

Matapos ang palabas umuuwi na ang mahikero mag-isa sa kaniyang bahay bitbit ang mga kasangkapang ginamit niya. Maligaya siyang pumapasok sa kaniyang tahanan sapagkat alam niyang kahit papaano ay nabawasan niya ang kalungkutan ng mga tao sa kanilang baryo. Ikakandado niya ang pintuan at didiretso siya sa isang silid na nasa ilalim ng kaniyang malaking mansiyon. Doon niya itinatago ang lahat ng mga ginagamit niya sa trabaho; doon din niya binubuksan ang supot na naglalaman ng bangkay ng isang ahas, kalapati at kuneho. Itinatapon niya ang mga ito sa nagbabagang apoy upang di na mabulok at mangamoy.

Sa silid na iyon ay maraming nagtatagong sikreto. Bukod sa doon itinatago ng mahikero ang kaniyang mga ginagamit sa mahika, doon din nakatago ang mga alaga niyang hayop. Iba't-ibang uri ng hayop ang matatagpuan doon at ang lahat ng mga iyon ay namamatay sa tuwing dinadala niya sa palabas. Makikita rin doon ang iba't-ibang uri ng halamang gamot at mga mapanganib na kemikal na nakaimbak lamang sa mga babasaging bote. At sa isang sulok ng madilim na silid, ay matatagpuan ang isang batang babaeng nakahubo't hubad na mayroong tanikalang gawa sa metal.

Ang babaeng ito ay walang pangalan. Hindi siya nakakapagsalita at walang ibang alam kundi kumain. Natagpuan siyang sanggol ng mahikero noong binata pa lamang ito sa kulungan ng mga kuneho. Alila pa lamang noon ng isang mayamang kastila ang mahikero nang marinig niyang umiiyak ang sanggol. Pinuntahan ng mahikero ang sanggol at doon nakitang may sugat ito at tumatagas ang dugo sa bibig. Natakot ang mahikero at napa-upo sa sahig. Napukaw ang kaniyang atensiyon ng lumapit ang isang kuneho sa sanggol at ininom ang dugo nito. Tinitigan niyang mabuti ang kuneho, nang biglang tumingin ito sa kaniya at naging isang magandang babae. Natakot siya at sinabi sa babae na lumayo sa kaniya. Sumunod naman ito at lumayo. Mabilis na binunot ng binatang mahikero ang kaniyang itak at dahil sa takot sa babaeng nasa harapan niya ito ay kaniyang sinaksak. Naging malusog na kuneho muli ito ngunit matapos ang ilang minuto ay agad na namatay. Tinitigan muli ng mahikero ang sanggol at binuhat ito. At sila ay lumayas at di na kailanman bumalik sa mayamang kastila.

Mula noon ay inalagaan ng mahikero ang sanggol. Lagi niya itong pinapakain kapalit ang dugo nitong inihahalo niya sa mga kemikal at pinapa-inom sa iba't-ibang hayop upang maging tao at magamit niya sa pagtatanghal. Maraming taong humanga't bumilib sa kaniya dahil sa kaniyang kakayahang gawing tao ang hayop o gawing hayop ang tao. Aniya sa kaniyang sarili na ang kaniyang ginagawa ay ang tunay na mahika at walang kaparis, at ang mas maganda pa raw ay walang nalulungkot sa kaniyang ginagawa sapagkat napapangiti niya ang mga tao at ang babaeng kinukuhanan niya ng dugo ay pinapakain naman niya na ang tanging pangarap lamang ay kumain ng kumain.

Tila para sa mahikero ay wala ng katapausan ang kaniyang suwerte. Habang tumatagal lalo siyang nakikilala sa iba't-ibang lungsod at lalo rin siyang yumayaman. Isang gabi habang sila ng isang maganda at mayamang artista ay nagkakamabutihan sa kaniyang kwarto, di inaasahang sumabog ang isang maliit na paputok, na ginagamit ng mahikero sa kaniyang mga palabas, sa suot na damit ng artista. Nasunog ang magandang damit ng babae. Nagalit ang magandang babae at sinampal ang mahikero at iniwan itong mag-isa. Nadismaya ang mahikero sapagkat mapapa-ibig na niya sana ang artista, kaya bumaba na lamang siya sa silid sa ilalim ng kaniyang tahanan upang magprepara sa pagtatanghal niya kinabukasan. Habang naroroon siya mag-isa sa silid, napatingin siya sa kaniyang likuran at nakita ang kaniyang alagang batang babae. Noon niya lamang napansin na lumaki na pala ito at naging isang magandang dalaga. Nilapitan niya ito at napansing masikip na ang kadena na nakatali sa hubad nitong katawan. Tinitigan ng mahikero ang dalagang nakatitig lamang sa kaniya at nagdalawang-isip. Ngunit matagal tagal na mula nang huli siyang nakatikim ng babae at wala namang makaaalam ng kaniyang gagawin, at isa pa ay paliligayahin naman niya ito.

Pumikit siya at sinimulang halikan ang labi ng dalaga. Hinalikan niya ito ng hinalikan nang makaramdam siya ng balahibo sa kaniyang labi. Pagdilat niya ay isang kuneho na ang tumambad sa kaniyang harapan. Napalundag siya sa takot. Tinitigan niya lamang ang kuneho at nagtaka kung nasaan na ang alaga niyang babae. Lumapit ang kuneho sa kaniya at tinitigan siya sa mata. Nandilim ang kaniyang paningin at umikot ang kaniyang mundo. Napa-luhod siya at biglang sumuka ng kay dami-raming dugo. Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na sakit sa kaniyang buong katawan. Unti-unting nabali ang kaniyang mga buto at naubos at lumiit ang kaniyang mga kalamnan. Sumigaw siya ng sumigaw, kaalinsabay ang nakabibinging ingay na kaniyang naririnig, hanggang hindi na siya nakasigaw. Makalipas ang ilang katakot-takot na minuto, tumigil na ang sakit at ang ingay na kaniyang narinig. Ngunit nang makahinga na siya ng maluwag, saka niya lamang nalaman na isa na pala siyang kuneho.

Napatingin siya sa kaniyang harapan at nakakita ng isang kunehong iniinom ang kanina'y sinuka niyang dugo. Maya-maya ay naging tao ito, at sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, kinuha nito ang kaniyang anyo. Pilit rin niyang ininom ang sariling dugo, ngunit kahit gaano karami ang kaniyang inumin ay wala namang nangyayari. Kaya binuhat na ng mahikero ang alaga niyang kuneho at sila'y lumayas papuntang damuhan.

Ang gabing iyon ay ang kaniyang huling pagtatanghal. Isang tunay na mahikero kung siya ay tawagin sapagkat kapag siya ay nasaksihan mong nagtatanghal ikaw ay garantisadong mamamangha at maiiwang balisa dahil sa mga kababalaghan na kaya niyang gawin. Isang bigwas lang ng kaniyang mga daliri at isang dosenang rosas ang lilitaw mula sa kaniyang palad. Isang "Alakadabra!" "Alakazam!" at hatid nito'y libo-libong ngiti sa kaniyang mga panauhin.

Ang MahikeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon