Dream

602 9 0
                                    

"Jacob... jacob..."

Tila may tumatawag sa aking pangalan. Unti-unti kong dinilat ang aking mga mata. Biglang gulat ko nang may isang babaeng walang mukha na humihila sa akin mula sa aking higaan. Pero mukhang maganda siya. Lumabas kami ng kwarto at namangha akong nakita ang parang kumpol ng mga ulap. Sumakay kami doon at lumipad.

Ang gaan, ang saya sa pakiramdam. Nakikita ko ang paligid. Malawak, lalong lumalawak. Ang taas na namin na parang ang layo na namin sa lahat. "Mahal kita", narinig ko mula sa boses na marahil ay sa babaeng kasakasama ko sa himpapawid. Niyapos niya ako ng mahigpit at hinawakan ang aking mga kamay. Unang beses kong naramdaman ang kakaiba, hindi ko maipaliwanag. Ramdam ko ang pagmamahal niya. Palingon ako upang harapin ang katotohanan sa likod ng babaeng walang mukha nang...

KKKIIIRRRIIINNGGG!!!!

Napadilat ako sa alarm clock kong napakaingay. Hindi ko magalaw ang ang aking buong katawan. Gusto kong sumigaw pero walang boses na lumalabas sa aking mga bibig. Para akong si William Byers na nilamon na ng ibang dimensiyon. Naisip ko na baka ganito nalang ako habang buhay, lantang gulay na akala ng lahat ay hindi nararapat sa mundo. Ang daming pumasok sa isip ko at bigla nalang narinig ko ang radyo habang tumutugtog ang Pinipigil ni Yeng Constantino. Biglang nabuhayan ang mga ugat ko at naigalaw ko na ang mga paa ko. Si Yeng talaga lagi ang nakakapagpaexcite sakin, crush ko lang naman siya.

Dahan-dahan akong bumangon. Para akong napagod sa napakahabang biyahe. Kinapa ko sa study table ko ang nag-iisa kong salamin na sira ang bridge. Naging ugali ko na ang itapat sa akin ang salamin ko at bigla kong sasambitin ang "Oculus Reparo!" ngunit hindi naman siya naaayos. Kailangan ko talaga yata si Hermione Granger para maayos 'to. Sana man lang di malabo yung mata ko para di ko na kailangan isuot ito, hays.

Oo, old school ako at medyo weird, mahiyain pati. Mas gugustuhin kong mag-isa sa tahimik na lugar kaysa sa matao at maingay na paligid. Tumitingin ako sa salamin bawat gising ko at wala namang nagbabago. Sabi nila pogi naman daw ako pero ewan ko ba, kulang yata ako sa self confidence, payat din kasi ako.

Isang araw na naman ang mag-uumpisa at nagsimula na akong mag-ayos. Huling araw sa unang linggo ng pasukan pero parang hindi ako excited para sa weekend dahil may pupuntahan kaming family gathering at ayaw ko sanang sumama.

Habang nasa biyahe papunta sa school, naisip ko ulit ang napanaginipan ko. Bitin pero parang ang weird din para sa akin. Never pa akong nanaginip ng kagaya noon. At kung sino man kaya ang babaeng yun, baka siya na yung hinihintay kong prinsesa ng napakatahimik kong kaharian.

"Uy Jacob! Tara sabay na tayo!", tinig galing sa waiting shed na babaan ng mini-bus

Siya si Maika, best friend ko. Isa sa mga taong nakakaalam ng mga sikreto ko at nakakaintindi sa napakaboring kong pagkatao. Simula nung first year magkakilala na kami dito sa Cavite State University at heto't magkasama pa rin sa huling taon namin sa kolehiyo.

"Tara best! Buti naman di ako mag-isang papasok sa room dahil siguradong kakantiyawin na naman ako kung mag-isa lang ako," sagot ko naman.

Habang papasok, nakasalubong namin sa hallway ang crush kong si Julie. Simple, mabait, at ang cute ng smile. As usual, bumagal na naman ang mundo ko nung makita ko siya. Inimagine kong siya yung babaeng nasa panaginip ko. Parang nananaginip ako ulit na nasa ulap kami at lumilipad...

"Hi Jacob!", bati ni Julie.

Back to reality, kailangan hindi niya mapansin na crush ko siya. "Ahh.. Hello Julie!", sagot ko.

"Kinikilig na naman ang bestfriend ko, naku!", pabulong na sinabi sa akin ni Maika. Ngiti lang ang naging tugon ko.

Ang ganda naman ng simula ng araw ko. Mas lalong gaganahan ako sa feasibility study namin. Pagpasok namin sa room, marami na yung mga kaklase namin, nakakapagtaka dahil maaga. Hindi ako masyadong stressed dahil kasabay ko sa Maika at hindi ako mabubully.

Lost In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon