BAYAD PO! (one shot)

252 3 2
                                    

Dahan -dahan tayong sumakay sa jeep.

Magkahawak ng kamay.

Baluktot na ang likod at tuhod natin dulot ng katandaan.

Bahagya na lamang ang ating nakikita.

Pero dahil magkasama tayo, magaan ang loob natin.

Hindi natin iniintindi ang peligro ng pagbibiyahe na tayo lang dalawa.

Baste ang alam natin, magkalapat lang ang ating mga palad ay panatag na tayo. Alam nating protektado natin ang isa’t-isa.

Naaalala mo pa ba nung maheadline tayo nung nakaraang buwan sa dyaryo. “DALAWANG LOLO: PINAGTANGGOL ANG MGA SARILI LABAN SA MASASAMANG LOOB!”

Natatawa nga ako eh. Kung alam lang nila na magnobyo ang dalawang lolo na ito, malamang na lalo tayong naging laman ng usapan sa kanto ng Kalentong.

At ngayon nga, pupunta tayo sa Quiapo, magsisimba.

Magpapasalamat tayo sa Kanya kasi pinaabot niya tayo ng ganito katagal.

GOLDEN ANNIVERSARY natin ngayon.

Limampung tayong pagmamahalan, pagtatalo, at paglalambingan.

Isama mo pa yung dalawang buwan nating pagsusuyuan doon sa may ilalim ng puno ng alatiris sa bakuran niyo. Diba nga nalaglag ka pa kasi pinakuha kita ng mga hinog na bunga? Buti nalang sakin ka bumagsak at hindi sa lupa. Malamang bali ang likod mo pag nagkataon.

(ngumiti ka, isang matamis na ngiti.)

(tumingin ako sa labas.)

Ang saya diba?

Lalo pa sa mga oras na magkasama tayo sa jeep. Tapos sasabihin ko dati, “BAYAD PO! DALAWANG ESTUDYANTE.” Hanggang sa naging “BAYAD PO! DALAWANG SENIOR.”

Mahigpit pa rin ang pagkakahawak ng ating mga kamay.

Alam ko at ramdam ko na nakatingin sa atin ang mga ibang pasahero.

Kung naaasiwa man sila, wala tayong pakialam.

‘Di ba nga sabi mo, hindi mahalaga ang sasabihin ng iba?

Ang mahalaga ay nagmamahalan tayo at patuloy tayong magmamahalan hanggang sa huling segundo ng ating buhay.

Sa gitna ng kanilang titig ay nginitian ko na lamang sila.

Nanatiling nakatingin ang iba, umiwas ng tingin ang natira.

Ayan na ang simbahan. Nandito na tayo.

“Para ho!”

Huminto ang jeep at tinapik kita.

“Bababa na tayo.”

Hindi ka kumibo. Mahigpit ang pagkakahawak mo sa aking kamay. Lapat na lapat ang ating mga palad.

“Gising na. nandito na tayo.”

Napatingin ako sa kanila.

Di ko man malinaw na makita ang kanilang mga mukha ay alam kong nakatingin sila sa atin.

Alam ko ang ibig sabihin ng mga tingin na iyon.

Hindi diskriminasyon kundi awa.

Muli kong binaling sa iyo ang tingin.

Paulit-ulit kitang tinawag sa iiyong pangalan.

Bigla na lamang tumulo ang aking mga luha.

Nanikip ang aking dibdib at dumilim ang aking paningin.

Naramdaman ko ang pagdantay ng aking ulo sa iyong dibdib kasabay ng ritmong pagbagsak ng ating mga katawan.

“Mahal kita, hanggang sa kahulihulihan nating hininga. Mahal kita, hanggang dito nalang.”

Umihip ang malamig na hangin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 22, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

BAYAD PO! (one shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon