Papatunayan - Chapter One

58 2 1
                                    

Tumunog na ang bell na siyang hudyat para umuwi. Nagmamadaling inayos ni Carina ang kanyang mga gamit sa pag-asang maaabutan pa ang huling biyahe ng LRT. Kalahating oras na ang lumipas mula alas nuebe, ibig sabihin ay ilang minuto na lang ang nalalabi para siya ay makaabot. Patakbong lumabas ng classroom at nagtungo sa terminal ng tricycle upang mas mapabilis ang biyahe. Pagkadating sa LRT station ay humahangos na tumungo si Carina sa guard upang magpakapkap. Masayang-masaya ang kanyang puso na umabot siya sa huling biyahe na hindi niya naabutan kagabi. Pagkasakay niya ng tren ay bigla niyang naalala ang nangyari noong isang gabi.

“Carina, hindi na ba talaga tayo maaaring maging magkasintahan ulit? Alam mo namang mahal na mahal kita at hindi ko kakayaning mawala ka sa akin.”, pagmamakaawa ni Vincent.

“Vince, matagal na tayong wala. Hindi ka pa ba nakakamove on? Anong gusto mong gawin ko, pilitin ang sarili ko na mahalin ka kahit alam naman nating pareho na matagal ng tapos? Makikipaghiwalay ba ako sa’yo kung kaya ko pa? Ayoko nang masaktan ulit. Tawagin mo na akong makasarili pero ayoko na talaga.”, sagot ni Carina.

“Hindi ako naniniwala na hindi mo na ako mahal, Carina. Hindi ako naniniwala sa mga sinasabi nila at sa kasiyahang ipinakikita mo. Oo, matagal na ang anim na buwan ngunit para sa akin masakit na alam naman nating pareho na mahal natin ang isa’t isa pero patuloy tayong umiiwas at tumatanggi sa sarili nating puso.”, pagsusumamo ni Vincent.

“Hindi ko alam ang sinasabi mo. Wala akong ideya sa mga pinaghuhugutan mo. Hindi na kita mahal kaya pwede ba, tama na! Ayoko na, Vince! Ayoko na! Layuan mo na ako. Kalimutan mo na ako at ang lahat nang pinagsamahan natin. Hindi na natin maaaring ibalik pa yon. Kahit pagkakaibigan ay wala kang mapapala. Pasensya na ngunit pinilit mo akong gawin ito.”, pasigaw na sagot ni Carina sabay patakbong umalis palayo kay Vincent.

Medyo madilim noong gabing yon kaya mahirap maaninag ang lugar na pinagkitaan ng dalawa. Bago tuluyang umalis si Carina, lumingon muna siya sa kanyang pinanggalingan at doon ay nakita niya si Vincent na umiiyak habang nakaluhod. Biglang bumagsak ang ulan. Nais niya sanang lapitan ang lalaki upang payungan dahil madali itong magkasakit ngunit tumayo na si Vincent papalayo sa direksyong tinahak niya.

“Maam, last station na po ito baka po gusto niyo nang bumaba?”, tanong ng guard kay Carina na nakatulala habang nakatayo’t nakahawak sa handle bar.

“Ay, oo nga ano. Pasensya na sa abala manong.”, sagot ni Carina.

Sa isip-isip nito, nakasakay nga siya ng tren ngunit lumampas naman sa istasyon na kanyang dapat babaan. Ipinasok ni Carina ang card at hindi ito kinain ng machine. Nagbayad siya ulit para lang mabigyan ng card na tatanggapin ng makina atsaka umalis.

Hindi alam ni Carina ang lugar na binabaan niya. Hanggang Anonas lang naman kasi ang alam niyang lugar. Sa lagay ngayon, nasa Santolan siya at hindi niya alam kung saan sasakay pabalik ng Cubao. Nagtanong-tanong siya ngunit paulit-ulit siyang tinatanggihan na para bang puta na naghahanap nang kakana. Naisipan niya munang maupo sa isang tabi at mag-isip. Lampas alas diyes na noon at hindi na niya alam ang gagawin. Mabuti na lang at wala na siyang curfew hour tulad ng dati. Pero ano naman ang ipaliliwanag niya sa magulang niya kung bakit siya late makauuwi? Kasi nakatunganga siya’t inaalala ang nangyari noong isang gabi sa kanila ni Vincent? Baka sabihin lang ng nanay niya na naglamyarda lang siya—at yon ang pinaka ayaw niya, ang pinagdududahan.

Marami pa namang naglalakad noong mga oras na yon kaya naman hindi gaanong nanaig ang takot kay Carina ngunit nagtayuan ang kanyang balahibo nang may umupong lalaki sa kanyang likuran. Hindi siya makalingon dahil pagkaupong-pagkaupo nito ay nagsalita ito agad.

“Anong ginagawa mo rito? Gabi na. Baka mapahamak ka lalo na kung dito ka pa tatambay. Dito madalas napunta ang mga pokpok para maghanap ng customer. Kaya walang pumapansin sa’yo kanina pa kasi akala nila ganon ka rin. Naka-ID ka pa naman. Tsk.”, wika ng lalaki.

PapatunayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon