Tatlong Segundo (One Shot)

1.1K 50 24
                                    

Tatlong Segundo
[One Shot Story]
ni: WaitingToBeLoved

xxx

Nakikita na kita dati pa pero wala namang halaga. Yun bang, dadaanan lang kita, dadaanan mo lang ako, syempre schoolmates. Ni hindi ko rin alam ang pangalan mo dahil nga para sa 'kin isa ka nga lang ordinaryong estudyante.

Hindi ko alam kung kailan nagsimula na lagi na kitang tinitignan kapag dadaan ka sa tapat ng classroom namin. Inaabangan kita kasi bago ka pumunta o umalis sa classroom niyo eh madadaanan mo muna yung sa 'min.

Hindi ko alam kung napapansin mo ako pero mukhang hindi rin naman dahil ang mga mata mo, diretso lang ang tingin sa daraanan mo. Hindi ka tumitingin sa gilid, kung saan, nandoon ako.

Ilang beses na rin tayo nagkasalubong sa hallway. Kapag nakikita kita sa malayo pa lang, 'di ko alam kung anong gagawin ko. Babalik ba ako para 'di ka na lang makasalubong o didiretso ako para makita kong tumingin ka man lang sa mga mata ko kahit sandali lang. Pero sa huli, mas pinili ko ang dumiretso na lang pero sa direksyon ng daraanan ko ako nakatingin. Hindi ako makatingin sa 'yo sa hindi malamang dahilan. Kinakabahan ako kapag malapit ka na sa 'kin pero nagsisi ako pagkalagpas natin sa isa't isa dahil nakita ko sa peripheral vision ko na napatingin ka sa 'kin.

Ilang beses ko na rin natanong sa sarili ko kung gusto na ba kita. Pero paulit-ulit din sa utak ko na HINDI kita gusto at siguro na-attract lang talaga ako sa 'yo. Paano naman ako magkakagusto sa taong hindi ko pa naririnig ang boses at hindi ko rin alam ang pangalan? Hindi ko pa naririnig ang boses mo dahil kapag dadaan ka sa classroom namin, wala kang kasama. Hindi ko rin matanong sa mga kaklase ko kung kilala ka ba nila kasi ayokong isipin nilang may gusto ako sa 'yo dahil baka asar-asarin nila ako 'pag dadaan ka.

Ilang buwan na rin nagpaulit-ulit ang gaanong sitwasyon. Dadaan ka, titingin ako sa 'yo, magkakasalubong tayo sa hallway, pero sa daan ako nakatingin.

Hanggang sa isang araw, hindi ko inaasahang mangyayari pala sa 'kin ang matagal ko nang hinihiling.

Paglabas na paglabas ko ng classroom namin at pag-angat ng ulo ko nun eh nakita ko agad ang mga mata mo. Saktong-sakto. Ang mga mata mo na matagal ko nang hinihiling na sana ay mapatingin din sa 'kin. Parehas tayong napahinto. Isa, dalawa, tatlo. Akala ko ikaw ang unang bibitiw sa mga sandaling iyon pero hindi. Ako ang unang bumitiw, naglakad na ako at nilagpasan kita. Alam kong sa mga sandaling iyon, magsisisi ako dahil matagal ko nang hinihiling na mangyari yun pero ako pa ang unang bumitiw. Hindi ko alam ang naramdaman ko ng mga sandaling iyon, kinabahan ako, parang tumigil ang oras, at parang tayo lang ang nasa paligid. Ganoon na ganoon ang mga napapanood ko sa T.V., hindi ko inaasahan na mangyayari rin pala yun sa 'kin dahil nababaduyan ako sa ganoon.

Isang linggo. Isang linggo kitang hindi nakitang dumaan sa classroom namin. Akala ko nung una, hindi lang kita naaabutan pero nang tumagal ito, na-realized kong hindi ka na nga ulit pang dumaan. Alam kong hindi naman ito ganoong katagal pero para sa 'kin, matagal na ito dahil inaamin ko, sobrang na-mimiss na kita. Minsan napapatingin ako sa labas ng classroom kung makikita ko ba ulit ang lalaking matangkad, maputi, may pagka-chinito at may pagkasuplado ang dating--- pero bigo ako.

Tatlong classrooms lang naman ang pagitan ng room natin kaya napagpasyahan kong silipin ito kung absent ka lang ba talaga o iniiwasan mo lang ako dahil napansin mong palagi akong nakatingin sa iyo.

Dismissal, papunta na sana ako sa classroom niyo nang maalala kong may naiwan nga pala akong libro sa library. Kinuha ko ito at dali-daling lumabas pero katulad ng unang tatlong segundong pagtatagpo ng mga mata natin, ganoon din ang naging sitwasyon ko. Pagka-angat ng ulo ko, napahinto ako dahil nakita kita. Hindi katulad ng dati, hindi ka nakatingin sa akin pero naka-ngiti ka at mukhang masaya. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa mga oras na iyon. Magiging masaya ba ako dahil sa halos isang linggo kitang hindi nakita, nasa harap na ulit kita at nakangiti o dapat katulad ng unang tatlong segundo natin, ako na ulit mismo ang lumagpas sa 'yo dahil nakita nga kita... pero hindi ka na nag-iisa kagaya ng dati at hindi lang iyon, mayroon nang mga kamay ang nakahawak sa mga kamay mo.

Napatingin ka sa akin. Mga tingin na parang isang ordinaryong tao lang ako na nadaanan lang ng mga mata mo.

Isa, dalawa, tatlo. At sa pangalawang pagkakataon, bumitiw ako sa mga sandaling iyon at nilagpasan kayo.

Hindi ko inaasahan na mali pala ang sagot ng utak ko noon kung gusto ba kita dahil ang puso ko na mismo ang nagpatunay na mali ito.

Alam ko na. Alam na alam ko nang GUSTO kita. Mali, hindi lang yata ito gusto, mahal na yata kita. Hindi ako iiyak at hindi ako masasaktan nang ganito kung hindi kita mahal.

Tama nga ang sabi ng iba, walang pinipiling panahon ang pag-ibig. Dahil ako mismo, na hindi pa naririnig ang boses at hindi alam ang pangalan ng taong mahal ko, ng dahil lang sa tatlong segundong pagtatagpo ng mga mata namin, napatunayan kong maaari kang magmahal kahit sa sandaling panahon lamang.

xxx

Tatlong Segundo (One Shot)Where stories live. Discover now