Wag mong Salingin ang Mga Patay! Wag Po! Wag Po! By Carlos Malvar and Jose Rizal

1.2K 5 0
                                    

Wag mong Salingin ang Mga Patay! Wag Po! Wag Po!

By Carlos Malvar and Jose Rizal

Nang gabing ang mundo'y magwakas ng tuluyan, abalang-abala ang mga tauhan ni Kapitan Santiago sa paghahanda ng piging. Ang piging ay isang pagsa-salo-salo na inaalay para sa isang panauhing pangdangal, isang santo, isang okasyon ng pagdiriwang, o kahit anong chorva lang. Ang chorva ay isang salitang hindi pa naiimbento ng mga panahon na yun sapagkat masaya na ang mga tao sa pag-gamit ng salitang "kwan" at "ano" upang ipabatid sa kanilang mga kausap ang mga bagay-bagay at konseptong hindi mabigyang hugis ng kawikaan. Masaya na sila sapagkat yun ang sabi sa kanila ng mga establisyamentong nangangalaga sa paggamit ng mga kawikaan.

"Bonggang-bongga ang piging ngayong gabi, Manang Flora!" sabi ng dalagitang si Ningning na nagtatadtad ng mga patatas. Si Ningning ay mahilig mag-imbento ng mga salita tulad ng "bonggang-bongga" at "dilemma" sapagkat hindi siya nakapag-aral sa unibersidad.

Kinurot ni Manang Flora ang tagiliran ng dalagita. "Huy, Ningning! Ano ba yaong pinagsasabi mong mga salita? Bilisan mo sa paghihiwa ng mga patatas at nang maluto na sa kumukulong mantika. Ilang minuto na lamang at magdaratingan na ang mga bisita."

"Kung Ano Man, Manang!" sambit ni Ningning sabay senyas ng letrang 'Ka' gamit ang kanyang mga daliri. "Alas-sais y medya pa lamang! Hindi ba't ang imbitasyon ay para sa ika-pito pa ng gabi? Sa palagay mo ba'y darating ang mga inimbitahang panauhin sa tamang oras?"

"Kungsabagay," sabi ni Manang Flora. "Asa pa tayong sisipot ang mga yun. Malamang ay magpapamalas pa sila kung sino ang pinakaimportante sa lahat sa pamamagitan ng pagpapahuli upang paghintayin ang iba."

Naghagalpakan ang dalawa sa katatawa.

"O, Da Ka!" hirit ni Ningning. Madalas siyang mapabunghalit ng "O, Da Ka!" simula nung nahabaan siya sa kasasambit ng "O, Diyos Ko!"

Hindi nagkakamali ang dalawa sa pagaakalang magpapamalas ng kani-kanilang importansya ang mga naimbitahang panauhin. Pagsapit ng alas-siete, kung kalian ang mga bisita'y dapat nagsisipagdatingan na, mag-isa pa ring nagpapaypay ng kanyang abanico sa sala si Tiya Isabel na kapatid ni Kapitan TIyago.

"Handa na ba ang mga kubyertos, Isabel? Malinis na ang lahat?" tanong ng rebulto ni San Lukas mula sa kanyang kinatatayuan sa may paanan ng hagdan.

"Ang mga kobre ba ng mga upuan, napalabhan mo?" tanong ng rebulto ni Santa Ines mula sa kanyang sulok.

"Isabel, Isabel! Ang mga kurtina! Kay dumi! Anong kahihiyan!" sigaw ng Birheng Maria mula sa kanyang pedestal.

Nagngangalit, nanggigigil, nagpipigil. Tinikom ni Isabel ang kanyang bibig ng mariin, pumikit ng mahigpit, at nagbilang mula uno hanggang diyes. Simula ng mamatay ang kanilang ina na siyang nagturo sa kanilang magkapatid na mahumaling at malulong sa relihiyon (bukod sa pagtuturo kay Isabel ng 'Wastong Gawain ng mga Babai' at 'Wastong Asal ng mga Anak' at 'Wastong Pagluluto ng Tinola') ay pinunan ni Kapitan Tiyago ang pangungulila sa ina sa pagpapagawa ng mga imahen ng mga santo sa mga manglilok sa Paete. Maging ang asawa ni TIyago ay nagsimulang mabahala sa animo'y walang tigil na pagpapagawa ng Kapitan. Nang maubusan na sila ng espasyo sa kanilang bahay sa Binundok ay ang kanilang tirahan naman sa San Diego ang sinimulang punuin ni Santiago ng mga rebulto.

"Ang mga kubyertos!" ulit ni San Lukas.

"Kubyertos! Kubyertos! Sino ang naghugas ng mga kubyertos, Isabel?" pagsali ng Santo Nino na patakbo-takbo at nagmamanhik-manaog sa hagdanan.

"Ang bata! Isabel, sawayin mo ang bata!" irit ng Birheng Maria. "Maaring matalisod sa kanyang kakulitan at gumulong pababa ng mga baytang!"

At duon na sumabog si Isabel sa kanyang pagtitimpi. "Lubayan ninyo ako, mga putang ina ninyo!" kanyang sigaw, at biglaang nanumbalik ang katahimikan ng sala. Ang mga santong istatwa'y hindi makakilos, tila mga piping hindi maka-imik. Ang Santo Nino na kanina'y tumatalon-talon sa mga hakbang ng hagdaanan ay maamong nakatanghod mula sa kanyang estante, ang mga rebultong Santo'y hindi makatingin sa isa't isa. Tanging ang Birheng Maria lamang ang naglakas loob na magpahuling salita kay Isabel.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 04, 2010 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Wag mong Salingin ang Mga Patay! Wag Po! Wag Po! By Carlos Malvar and Jose RizalWhere stories live. Discover now