MY DEAR JESSIE

17 1 0
                                    

Dear Jessie,

Binabagtas ko ngayong araw na ito ang mga landas sa loob ng Intramuros na nilatagan ng mga bato. Mga sinaunang bagay na hanggang ngayon nararamdaman pa rin ng mga paang tinatahak ang kahapon. Gaya ng mga alaalang iniwan mo sa akin sa lugar na ito na aking binabalik-balikan sa isip ko at laman ng aking mga tula at sulat para sa iyo na hindi ko naman maipadala. 

Tinungo ko itong arko na papasok ng Walled City sa Maynila sa kalye ng General Luna.  Hinahanap ko roon ang munting computer shop noong tayo ay nasa kolehiyo pa. Ngunit ibang café na pala ang nandoon. Subalit ang mga gunita ng mga munting sandali na ating pinagsaluhan doon ay muli kong natunghayan sa aking isip.

Tanaw mula roon ang pamantasan, ang aking alma mater. Naalala ko pa, isa kang simple at mahiyaing college boy sa ibang unibersidad. Natungo ka lang dito dahil sinusundo mo ang aking maganda at mabining kaklase noon. 

Matiyaga mo siyang hinihintay. Minsan upang sabay kayong mananghalian o kaya naman para ihatid siya sa kanilang bahay sa South kahit pa ikaw ay nakatira sa Norte. 

Ikaw yung mangingibig na pinapangarap ng sinumang hindi tumitingin sa panlabas na anyo. Noon pa man ramdam ko ang tunay na pagmamahal mo sa kanya mula nang ipakilala ka niya sa amin at tuwing kasama ka sa aming mga proyekto malayo man or malapit. Minsan driver, minsan tagabitbit o kaya ay nakaalalay sa amin.

Isang tanghali habang may mga tinatapos kaming gawain sa dating cafe, napansin kong nakatayo ka sa isang sulok. Tinatanaw ang salaming bintana at pinto habang hinihintay ang iyong kasintahan. 

Kung anong puwersa ang tila humahatak sa mga paa ko upang lumapit sa iyo. Maaring kagandahang asal dahil magkakilala na naman tayo. Pero sa pagbabalik-tanaw ko pagkatapos noon, nabatid kong higit pa roon ang dahilan. 

Yung simpleng pagbati ko sa iyo nauwi sa mga ngitian at sa hindi ko inaasahang paghawak mo sa aking kamay. 

Tinangka kong hilahin iyon ngunit hindi mo pinakawalan. Pakiramdam ko namumula na ang aking mga pisngi sa hiya sa mga customer at kaklase kong nagsisimula nang magtinginan sa atin.

“Hayaan mo lang silang tumingin para malaman nila na close tayo. Close tayo di ba?” sabi mo pa habang patuloy na nakakulong ang aking palad sa iyong higanteng kamay. 

Di mabilang ang mga tanong sa aking isip ngunit di mabigkas ng aking mga labi habang dinuduyan mo pa ang ating magkadaop na mga kamay. Ilang minuto ang lumipas ngunit tila nililiyo ako sa walang hanggan. Tuluyan akong nagpasakop sa iyo at nawala ang aking takot sa sasabihin ng iba. 

Kinikiliti ng init ang magkadikit nating mga palad. Walang salitang namutawi ng mga sandaling iyon habang nadaloy ang di nakikitang puwersa sa aking braso, hanggang tuktok at talampakan. Tila  makukulay na mga bituin ang aking nakikita habang ang paligid natin ay natutunaw. 

At mula roon parang sumabog ang kalawakan sa aking kaibuturan na umagos sa aking katawan na tila buhos ng ulan sa mahabang tag-init. 

Isang pangyayari na hindi ko alam paano tatawagin. Ang paglapat ng mga kamay, ng dalawang puso, isip at kaluluwa.  Dalawang nilalang na nagtagpo sa sandaling iyon at naging isa. Ang pagkahanap ay naging pagdiriwang ng umiiral na buhay sa lupang ating tinatapakan at sa ilang dimensyon ng ating kamalayan. 

Mayamaya pa ay pinakawalan mo na rin ako pero ako'y napako sa sandaling pagniniig natin. Kahit nakabalik na ako sa aking upuan para tapusin ang aking mga tinipa sa computer kanina, parang naiwan pa rin ako sa mga minutong iyon na walang katapusan sa aking isip. 

Pagdating niya ay lumapit ka, pinisil ang aking balikat at kayo ay nagpaalam. 

Ramdam ko ang tingin ng aking mga kaklase at mga tanong na hindi nila maibulalas habang tila ako ay nasa kawalan. 

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 24, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

MY DEAR JESSIEWhere stories live. Discover now