Prologue - Trapped In The Past

17.3K 303 19
                                    


Napakabilis ng takbo ng buhay sa siyudad. Na para bang hinahabol palagi ng kung ano ang mga tao. O ang mga tao ba ang humahabol sa kung ano? Tila palagi silang may gustong abutin. Ang oras nila palaging kulang sa lahat ng mga bagay na gusto nilang gawin. Halos lahat sila kumikilos pasulong. Na para bang natatakot sila na kapag huminto lang sila sandali mapag-iiwanan sila.

Hindi ako tulad nila. Wala akong hinahabol. Kung may magtatanong sa akin kung ano ang gusto kong maging wala akong maisasagot. Nagpapatangay lang ako sa agos. Bahala na kung saan pupulutin.

Hindi naman ako ganito simula't sapol. Sa palagay ko nagkaganito lamang ako dahil...

May importanteng bagay na nawala sa akin noong araw na iyon na malakas ang ulan. Bago opisyal na magsimula ang tag-init matagal na panahon na ang nakararaan...

Hindi ko na matandaan kung ano eksakto ang nawala sa akin. O kung isa lang ba iyon o marami. Basta sa tuwing bumubuhos ang ulan, kahit hindi ko matandaan ang mismong nangyari, natatandaan ko naman ang pakiramdam ko nang mga sandaling iyon. Iyong parang may lumalamutak sa dibdib ko. Ang kakapusan ng paghinga, ang pakiramdam na parang bumagal ang takbo ng oras, ang kadiliman.

Madalas ko din iyong maramdaman sa gabi. Kapag nag-iisa lang ako at nabibingi sa katahimikan. Minsan sa panaginip. At kapag nagising ako pakiramdam ko may hinatak na kung ano sa loob ko na hindi ko na mabawi.

Subalit bukod doon hindi ko na matandaan ang mga detalye.

Ang tanging alam ko lang...

Hanggang ngayon hindi pa rin naibabalik sa akin ang nawalang iyon sa pagkatao ko. Hindi ko alam kung paano.

Tumigil na akong umasang maibabalik ko pa ang lahat...

Back In TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon