5:6 isa ko rin to 13 427

105 13 0
                                    

Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga naganap sa mga oras na yun, magkahalong kilabot, kaba at panghihinayang ang nararamdaman ko habang nakita si Tito Domz na umiiyak pa rin sa nangyari.

Habang wala pa si Tito Domz sa sarili niya ay lumapit ako sa lugar kung saan nakatayo si Rich kanina para tingnan ang mensahe ni Rich para kay Sherry—agad ko namang kinopya sa notebook ko ang mensahe ni Rich—pagkatapos na pagkatapos kong kopyahin ang mensahe ay para na lang bula na nawala ang mensahe sa lupa.

"Iha, salamat. Kung hindi dahil sayo hindi ko makakausap ulit ang anak ko at hindi ako makakahingi ng tawad sa kanya... Ngayon ay panatag na ang loob ko na nasa mabuting kalagayan na ang anak ko. Salamat—"

"Eve po Tito Domz... Eve na lang po ang itawag ninyo sa akin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari, pero kailangan na lang po nating tanggapin ang mga nangyari. 'Wag po kayong magalala, gagawin ko ang lahat para maibigay ang mensahe ni Rich kay Sherry kung nasaan man po siya. Kahit asaan pa siya ay hahanapin ko siya."

"Hindi mo na siya kailangang hanapin pa iha. Ang Sherry na tinutukoy niya ay kilalang-kilala mo at araw-araw mong nakikita. Sigurado ako na sa mensahe ng anak ko para sa kanya ay babalik na siya sa dati niyang sigla labing-tatlong taon na ang nakakaraan."

Sa mga oras na yun nagtaka ako sa mga sinabi ni Tito Domz. Kilalang-kilala ko si Sherry? Araw-araw ko siyang nakikita?

Kinabukasan ay agad akong sinalubong ni Tito Domz sa gate na punong-puno ng sigla at saya tulad ng ibang mga studyante na pumapasok sa school—nakakatawa dahil takang-taka ang mga matagal nang studyante ng school sa biglang pagbabago ni Tito Domz. Mula sa isang bwisit at laging nakabusangot na guard ay bigla na lang siya naging magiliw at magaan na Kuya G ng school.

Pinaliwanag ni Tito Domz sa akin na nakausap na niya si Sherry at sinabi niya na kakausapin daw namin siya after class sa parehong lugar kung saan huli naming nakita si Rich.

Medyo kinabahan ako sa mga sinabi ni Tito Domz dahil sa sinabi ni Rich na parehong-pareho kami ni Sherry—tama si Rich sa sinabi niya na ang mga mata ko ay punong-puno ng pagmamahal at sakit—kung pareho nga kami ni Sherry ay siguradong magkakasundo kami.

Habang nasa classroom ako ay pinapractice ko ang mga sasabihin ko kay Sherry pag nagkita na kami. Nabasa ko na rin ang message ni Rich para sa kanya, pero hindi ko maintindihan kung ano ang meaning ng mga salitang yun.

"Ms. Antonio! Kanina pa kita tinatawag! Ano ang mga gamit ng pang-abay at magbigay ka ng  dalawang halimbawa gamit ang pang-abay."

"S—sorry po Ma'am..."

Kahit kailan talaga ay iba ang sungit ni Ma'am Cabrerra. Filipino na nga lang ang subject niya, pero sobra pa niya kaming pinahihirapan... Bakit kailangan pang pagaralan ang Filipino e simula bata pa lang e ginagamit na natin ang Tagalog. Hay...

Medyo napatigil ako sa pagiisip tungkol kay Rich at Sherry dahil sa pag-on-the-spot sakin ni Ma'am Cabrerra kanina kaya minabuti ko na lang na 'wag na munang isipin yung tungkol sa mamayang hapon at magfocus na lang muna sa class.

Pagdating ng hapon ay agad akong dumeretso sa may guard house para puntahan si Tito Domz na mukhang kinakabahan rin na kausapin si Sherry.

Sabay kaming pumunta sa may secret place ko para makausap si Sherry... Habang naglalakad kami ni Tito Domz ay tumitindi ng tumitindi ang kaba sa puso ko. Hindi ko maintindihan kung bakit—nagseselos ba ako sa pagtingin ni Rich kay Sherry?

Dumating kami sa secret place ko na may isang babae na nakatalikod, nakaupo at nagsusulat sa lupa tulad ng ginagawa ni Rich kahapon.

"Sherry, andito na kami ni Eve."

"Kuya Domz kung pinapunta niyo po ako dito para sumbatan sa nangyari kay Rich 12 Years ago. Humihingi ako ng tawad... Walang araw na hindi ko pinagsisihan ang nangyari samin ni Rich nang araw na masunog ang lugar na 'to noong isa pa 'tong store room... Sana ako na lang ang nasunog sa apoy at sana si Rich na lang ang nakalabas."

"Sherry, hindi yun ang dahilan kung bakit kita pinapunta dito. Pinapunta kita dito dahil gusto kong humingi ng tawad... Patawarin mo ako. Dahil sa akin naging misirable ang buhay mo at tiniis mo ang labing dalawang taon ng galit mula sa akin. Nagkamali ako... Sinisi ko sayo ang kapabayaan ko bilang isang ama... Ngayon ko lang naunawaan yun dahil kay Rich at Eve"

Nang mga oras na yun ay napatayo si Sherry sa sinabi ni Tito Domz. Pagharap ni Sherry ay hindi ako makapaniwala kung sino siya—ang inakala kong ka-edad ko ay matanda na pala... Nakalimutan ko na teenager man ang itsura ni Rich ay 26 na pala siya kaya ang tumatak sa isip ko ay si Sherry ay teenager rin.

Si Sherry ay walang iba kundi si Ma'am Cabrerra—Sherry Cabrerra, ang teacher namin sa Filipino.

Pareho kaming gulat na gulat na makita ang isa't isa.

"Ma'am hindi ko po akalain na kayo po pala yung Sherry na tinutukoy ni Rich. Andito po ako ngayon dahil may message po sayo si Rich—ang sabi daw po sa message niya ay 'isa ko rin to 13 427' ano po ang ibig sabihin nito?"

Pagkatapos kong sabihin ang message ni Rich kay Ma'am Cabrerra ay bigla na lang siyang lumuha at umiyak ng todo-todo at napaluhod sa iyak... Pati si Tito Domz ay napa-iyak rin. Nang mga oras na yun ay hindi ko pa rin maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng message ni Rich.

"Naiintindihan ko na... Salamat Eve. Hindi ko alam na ikaw pa pala ang magiging dahilan para maayos ang lahat sa amin ni Kuya Domz at pati na rin kay Rich... Ang ibig sabihin ng message ni Rich ay 1st Corinthians Chapter 13 Verse 4 to 7. Ang laman ng Verse na yun ay: 4 Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man. 5 Hindi magaspang ang paguugali, hindi makasarili, hindi magagalitin o mapagtanim sa kapwa. 6 Hindi niya ikinatutuwa ang gawang masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. 7 ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pagasa at mapagtiis hanggang wakas."

"Tama si Sherry iha kay Richard nga ang mensahe na yan dahil lagi niyang binabasa sakin ang Verse na yan dahil ito daw talaga ang ibig sabihin ng Pag-ibig at isa daw itong paalala sa atin kapag naliligaw na tayo ng landas. Ngayon ko lang ulit naalala... Si Rich ang tipo ng lalake na hindi diretso kung magbigay ng payo, pero kapag naintindihan mo ang ibig sabihin ng payo niya ay siguradong malilinawan ka."

Pagkatapos nang pangyayaring iyon sa secret place ko ay nagkaayos na rin si Ma'am at si Tito Domz.

Sa tingin ko, kung nasaan man si Rich ngayon ay masaya na siya—wala na akong makikitang katulad ni Rich...

Theory #11: Love knows no time or boundary.

HSL: Highschool LifeWhere stories live. Discover now