Theatro del Silencio

2.1K 70 10
                                    

 

“Ano’t hindi ka nagmamakaawa para sa buhay mo?”

Malaki ang teatro na pag-aari ng aking pamilya at ang arkitektura nito ay pasadya upang maging maganda sa pandinig ang tunog ng bawat pagtatanghal ngunit sa labas ay halos walang ingay na maririnig… kaya’t tinatawag rin itong Teatro del Silencio ng mga taong hindi kayang magbayad upang makapasok sa loob, partikular na ang mga pesante.

At ngayong patay na ang gabi, kung kailan ang karamihan sa mga tao ay tulog na, ang umalingawngaw na tinig sa bawat haligi ng Teatro del Silencio ay nagmula sa aking tiyuhin at sa aking impit na pagdaing.

Nasa kalagitnaan ako ng entablado ngunit ayokong isipin na ito na ang huling beses na makakatapak pa ako dito.

Nanlalabo ang paningin ko habang pinagmamasdan ko ang sariwang dugo sa sahig na kalulura ko lang. Sapo ko din ang duguan kong tagiliran. Humakbang sa’kin palapit si Tiyo. Muli niyang ikinasa ang hawak niyang baril.

“Hindi ko gusto iyang tingin sa mga mata mo. Kung alam ko lang na magiging ganyan katigas ang iyong ulo, sana pala ay inuna na kita kaysa sa mga magulang mo!”

“S-Sinasabi ko na nga ba at may kinalaman ka sa pagkawala nila!” Bulalas ko. Mas naging dominante sa akin ang galit kaysa sa sakit.

Ngumisi lang si Tiyo. “Hijo, hindi naman sana mauuwi sa trahedya ang lahat kung ibinigay na sa akin ng iyong ama ang titulo ng teatrong ito. Sinayang niya ang magandang alok ng isang mayamang kumpanya!”

“Isang kayamanan para sa kanila ang lugar na ito kaya nunca mo silang mapapapayag at ganoon din ako! Hindi ba’t ipinagbili mo na kay Ama ang bahagi mo sa titulo? Bakit naghahabol ka pa?” tanong ko.

Hindi makasagot si Tiyo. Alam naming pareho ang kanyang motibo, gusto ko lang bumili pa ng oras. Kailangan kong maagaw ang baril mula sa kanya. “Marami kang pinagkakautangan, tama? Ibebenta mo ang teatro para mangumisyon ngunit dahil hindi pumayag ang mga magulang ko, napagpasyahan mong patayin sila dahil akala mo ay makukuha mo ang titulo nang ganoon kadali…”

“TUMIGIL KA!” Kahit paano ay nayanig ng mga sinabi ko si Tiyo. Gumewang-gewang ang braso niya. “M-Maraming paraan para perahin ang walang kuwentang lugar na ito! Kapag namatay ka na, maaari na akong magpagawa ng mga pekeng dokumento! Wala nang maghahabol!”

Dahan-dahan akong tumayo. Sa nakikita kong anyo ni Tiyo, inaasahan niyang mayroon pa akong sasabihin.

Mabuti na lang at mahaba ang aking mga binti. Magagawa ko siyang lapitan sa isang hakbang lang… kaunti pa…

Nagawa ko kung anuman ang nasa isip ko. Nasunggaban ko ang braso ni Tiyo ngunit malikot siya. Nag-agawan kami para sa kanyang baril. Hindi sinasadyang nagalaw ang gatilyo kaya pumutok ang baril. Tumama ang bala sa itaas namin. Maraming nakabiting kagamitang pang-entablado sa itaas ngunit masdayong madilim kaya’t hindi ko na masabi kung saan iyon eksaktong tumama.

Mayamaya lang ay nakarinig na ako ng umuugoy na kung ano. Kapwa kami natigilan ni tiyo. Hindi namin maaaring ignorahin ang langitngit ng kung ano na nasa itaas namin. Para bang anumang oras ay babagsak iyon!

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 07, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PhaedoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon