131 Years (PUBLISHED)

By nicoleannenuna

196K 8.9K 7.1K

Dalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matuko... More

Prologo
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 6
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 16
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 19
Kabanata 20
Kabanata 21
Kabanata 22
Kabanata 23
Kabanata 24
Kabanata 25
Kabanata 26
Kabanata 27
Kabanata 28
Kabanata 29
Kabanata 30
Kabanata 31
Kabanata 32
Kabanata 34
Kabanata 35
Kabanata 36
Kabanata 37
Kabanata 38
Kabanata 39
Kabanata 40
Kabanata 41
Kabanata 42
Kabanata 43
Kabanata 44
Kabanata 45
Kabanata 46
Ang Aking Lihim
Kabanata 47
Kabanata 48
Kabanata 49
Kabanata 50
Kabanata 51
Kabanata 52
Kabanata 53
Kabanata 54
Epilogo
131 Years Book Giveaway
Book Giveaway Winners
131 YEARS is coming to the MIBF!
El Último Capítulo (The Last Chapter)

Kabanata 33

2.5K 159 131
By nicoleannenuna

Unang pagkakataon na magkakaron ng point of view mula kay ginoong Vicente. Enjoy!

VICENTE DE LA VEGA

Mag-isa akong nakatayo habang nakatingin sa magandang tanawin sa karagatan ng hangganan. Napabuntong-hininga na lamang ako habang iniisip ang mga bagay na bumabagabag sa aking isipan.

Alas-sais na ng gabi ngayon, lumubog na ang araw at mala-rosas at kulay kahel na langit ang aking natutunghayan.

Nakarinig ako ng papalapit sa akin kaya agaran akong tumalikod upang harapin kung sino iyon—isa itong babae na kulay itim ang kasuotan maging ang belong nakatakip sa mukha, tila nagluluksa ito. Tanging mata lang niya ang naaaninagan ko.

"Ikaw..." panimula niya noong magkatama ang tingin namin.

"Binibini, ikaw ba ay naliligaw?" tanong ko sa babae na ngayon ay walang imik. May galit sa kaniyang mga mata na hindi ko maipinta.

Nagitla ako nang humakbang siya papalapit sa akin. Kinikilabutan ako sa presensiya niya ngayon. Hindi ako madaling masindak ngunit iba ang awra na bumabalot sa babaeng nasa harap ko ngayon.

"Higit pa sa kamatayan ang kabayaran sa bagay na iyong nagawa," humihikbi na ang babae ngayon dahilan para kumunot ang noo ko sa sinasabi niya.

"H-Hindi kita maintindihan, binibini. Masama ba ang iyong pakiramdam? Sasamahan kita sa pagamutan—"

"Isusumpa kita Vicente, sinusumpa kita." Wika ng babae at ang kaninang mga pagtangis at hikbi niya ay napalitan na ng pagtawa, tawa na nagpataas sa lahat ng balahibo sa aking katawan. "Magsisisi ka sa iyong ginawa. Isa-isa mong matutunghayan ang pagkamatay ng iyong mga mahal sa buhay." Aniya.

"Sino ka? Ano ang ngalan mo?" nilabas ko ang rebolber mula sa aking bulsa at itinapat ito sa kaniyang dibdib.

Hindi umimik ang babae. Sa halip ay dahan-dahan niyang inangat ang kaniyang itim na belo upang ipakita ang kaniyang mukha.
"Kuya!" napabalikwas ako ng pagbangon sa boses ni Julieta.

Masamang panaginip lang pala ito. Napahawak ako sa binigay ni Rosenda na regalo kung saan tinatawag niya itong 'dream catcher'. Mukhang hindi gumana ang bagay na ito sa masama at nakakatakot na panaginip na iyon.

"Mamaya mo na ako abalahin, Julieta, por favor," saad ko sa aking kapatid. Wala naman na siyang nagawa kun'di ang umalis at tigilan ang kaniyang pagkatok sa aking silid.

Napansin ko ang pawis na tumutulo ngayon sa sentido ko, bumangon ako mula sa aking kama at binuksan ang malalaking bintana. Napatingin ako sa salamin at tinitigan ko ang sarili kong repleksyon.

Ano ang ibig sabihin ng panaginip na iyon at sino ang babae sa likod ng itim na belo?

Naalala ko ang kuwintas na binigay sa akin ni padre Alvaro. Iyon ang kuwintas na binigay ko kay Rosenda. Sinabi sa akin ni padre Alvaro na ang kuwintas na 'yon ay may laman na isang kahilingan lamang. Kung may nais ako hilingin, marapat daw na malaman niya kung ano ito.

Gamitin ko raw ang kahilingan na 'yon upang isalba ang aking sarili sa kapahamakan. Kapahamakan na magpapabago sa aking kapalaran.

Noong siya ay aking tanungin ay hindi raw niya marapat na isiwalat ang kaniyang nalalaman, dahil oras na gawin niya iyon, hindi magkakaron ng bisa ang kaisa-isang kahilingan na taglay ng kuwintas.

Ibig ko ito ibigay sa aking magiging anak hanggang sa maipasa niya ito sa susunod na henerasyon. Ngunit alam kong mas kailangan ito ni Rosenda. Mas pipiliin ko ang sarili niyang kaligtasan kaysa sa akin. Siya ang aking uunahin sa lahat ng bagay, kahit pa isakripisyo ko ang sarili kong buhay para sa kaniyang kapakanan.

Pagkababa ko mula sa aking silid, tumambad sa akin si Julieta at Miguel na masayang nagkukwentuhan sa hapag-kainan. Sa kabisera naman ay nakapuwesto si Ama na abala sa binabasang diyaryo. "Buenos días, Vicente," pagbati sa akin ni Ama.

"Magandang umaga, Kuya." sabay namang sinabi ni Julieta at Miguel.

Tinabihan ko ang dalawa kong kapatid at nagitla ako nang alukin ako ni Miguel ng isang pinya. "Kuya, dagdag mo sa agahan mo," aniya.

Inusog ko ito pabalik sa kaniya, "Hindi ako mahilig sa pinya,"

"Paborito mo ito no'n, 'di ba, Kuya?" nagtataka niyang tanong.

"Hindi na ngayon," nagkatinginan naman si Julieta at Miguel.

"Kailan pa kayo nagkaron ng alitan ng pinya?" nakatwang tanong ni Julieta.

"Simula nang umeksena siya," tugon ko.

"Pinya pa ba ang pinag-uusapan natin?" tanong naman ni Miguel na masayang kinakain ang pinya, "Kumusta si ate Rosenda?"

Napatingin ako sa gawi ni Ama nang banggitin ni Miguel si Rosenda. Hindi niya batid ang malalim kong pagtingin para sa kaniya.

"Ayos naman," matipid kong sagot kay Miguel.

"Kuya, ilang taon na lang at may tiyansa na rin ako maging Heneral katulad mo," ani Miguel na hindi mapigilan ang kaniyang labis na kasiyahan.

Sa aming pamilya, si Miguel ang mas nagnanais na tumulong sa pamahalaan at maging parte nito. Busilak din ang kaniyang kalooban at handang ialay ang kaniyang buhay para sa inang bayan. Kahit labing walong taong gulang pa lang siya ay marami na siyang pangarap at adhikain para sa bayang ilang taon nang pinagsisilbihan ng aming pamilya.

"Asintado ka na ba sa paggamit ng baril?" tanong ko sa kaniya.

"Mas magaling pa ako sa iyo, Kuya. Kahit sino pa ang kalaban tiyak na tatamaan ito sa ulo—"

"Mga kuya, ako ay kumakain, baka ibig n'yo naman magpasintabi sa inyong mga kuwento?" sabad ni Julieta.

Si Julieta ang prinsesa at bunso ng aming tahanan—kahit mapagmataas ang kaniyang kilay ay siya ang pinakamalambing sa aming magkakapatid. Sa edad na labing anim na taong gulang ay naranasan na niyang mawalan ng ina. Tuwing titignan ko siya ay hindi mapagkakaila na kawangis niya ang namayapa naming ina kaya naman masaya ako na nakikita si Julieta, dahil isa siyang magandang alaala na naiwan ng yumao naming magulang.

"Ikuwento mo na lang ang pag-iibigan niyo ni ate Rosenda na noon ay kinamumuhian mo," anang Julieta.

Hindi ko naman kinamumuhian si Rosenda noon. Kaya nga lang, tanyag si Rosenda bilang isang babae na walang kinakausap kahit na sino.

Hindi palangiti, hindi palabiro, at likas itong tahimik. Noon pa man ay alam ko na sa aking sarili na hindi kagaya niya ang babaeng aking matitipuhan.

Ngunit nagbago ang lahat ng iyon simula noong mapadpad siya sa aming hacienda. Suot niya ang isang 'di pangkaraniwang pulang kasuotan at nagpanggap siya na hindi niya ako kilala. Hindi ko malimutan ang hiling niya na ihatid ko siya papuntang Binondo.

Lalo na nang marinig ko siyang kumanta sa entablado noong pista. Ka'y ganda ng kaniyang tinig at hindi mapagkakaila na naantig ako kay Rosenda sa aking natunghayan. Mas may buhay siya ngayon at nagbibigay siya ng kasiyahan sa bawat taong makakasalamuha niya.

Habang lumilipas ang mga araw na kasama ko siya ay gumagaan ang loob ko sa kaniya; ang kaniyang mata na laging lumalaki kapag naiinis, o kaya naman ang kaniyang tinig na palaging nakatili o kaya naman nakasigaw. Hindi ko rin malilimutan ang mga tawa at ngiti niya kung saan handa kong isugal ang lahat makita ko lamang iyon.

"Kuya, bakit ka nangangamatis diyan?" natauhan ako sa boses ni Julieta. Hindi ko namalayan na ako pala ay nakatulala na habang iniisip si Rosenda.

"Ama, nais kitang makausap mamaya," pag-iiba ko ng usapan. Napatango si Ama na abala pa rin sa binabasang peryodiko.

Pagkaalis ni Julieta at Miguel, naiwan kami ni Ama sa hapag-kainan. "Ama, bakit ayaw mo pa sibakin sa puwesto si Javier Hidalgo?" tanong ko.

Binaling niya ang atensiyon sa akin at kumunot ang noo, "Alam nating parehas kung bakit hindi ko kayang patawan ng ganoon si Javier," saad niya.

"Bakit ako ang magdadala sa bigat at konsensiya sa bagay na iyong ginawa, Ama? Mawalang-galang po, pero hindi ba't ikaw ang responsable sa kung anong kinahinatnan ni Javier ngayon? Hindi ako magugulat kung isang araw siya ang magpapabagsak sa atin, kasama na ro'n si Don Jaime na alam nating matagal nang hinahangad ang posisyon mo sa gabinete,"

Napaismid si Ama. "Hidalgo, Lafuente, at Montemayor— iyang mga tanyag na pamilya sa ating bayan, lahat sila ay bulag sa kapangyarihan," mariin niyang tugon.

"Maaaring may mga sarili silang interes. Ngunit Ama, kahit ang hindi mabuti sa ating paningin ay mayroong kuwento. Huwag nating ilahat. Maging tayo ay hindi perpektong pamilya." Paliwanag ko.

Natawa si Ama na parang hindi makapaniwala sa narinig, "Iyan ba ang nakukuha mo sa pagbabasa, Vicente? Hindi ba't sinabi ko sa iyo na wala kang mapapala sa mga nobela na iyan?"

"May nakapagsabi sa akin na ang paghawak at pagbabasa ng libro ay isa sa pinakamabisang armas na kailanman ay hindi matutumbasan ng espada o baril. Ito ay isang instrumento na daan sa kaalaman."

Natawa siya nang sarkastiko, "Ito ba ay isa sa dahilan kung bakit gusto mo maging isang maestro?" sumimsim siya ng kape mula sa kaniyang baso.

Naalala ko ang batang si Tauro na hindi marunong bumasa o sumulat, ibig ko na maturuan ang mga batang kagaya niya.

"Matagal ko nang kinalimutan ang pangarap na iyon," sambit ko.

"Mabuti iyan, sapagkat kailangang manatili ng ating pamilya sa posisyon na tinamasa natin ngayon. Walang puwang ang iba pang pangarap," wika niya.

Napatango na lamang ako kay Ama. Iyon naman ang aking nais, ang sundin siya dahil dala ko ang konsensiya kung bakit namatay ang aking Ina. Niligtas niya ako at hanggang ngayon hindi ko pa nalalaman kung sino ang nasa likod ng kamatayan niya.

Mahal ko ang aking posisyon bilang heneral, ngunit kung ako ay may pagkakataon na mabuhay sa ikalawang pagkakataon, pipiliin ko naman ang pagtuturo sa mga kapos-palad.

"Naulinigan ko na nakalabas na ng bahay-pagamutan si Hidalgo," pahayag ko kay Ama.

Napatingin siya sa akin, "Mabuti. Mabuti iyon." Napailing ako sa kaniyang kahibangan.

Limang taon kong kinikimkim ang lihim kung bakit hindi magawang gawan ng masama ni Ama si Javier. Kahit pa pagal ang taong iyon, alam ko na responsable ang aking ama kung bakit tila nabalot siya ng galit at poot.

l

MAAGA KONG SINANAY ang mga sundalo kinabukasan. Isang linggo ko na ring hindi nakikita si Rosenda. Isa sa dahilan no'n ay hindi ako ibig makita ng kaniyang ama. Hanggang ngayon ay malaki ang kaniyang galit sa amin lalo na kay ama kahit pa matagal na silang magkaibigan.

Kasalukuyan kong pinapatakbo sa putikan ang mga sundalong baguhan pa lamang sa hanay, kailangan nila itong gawin ng isang oras.

Sa gitna ng pag-eensayo ko sa mga sundalo ay dumating ang isang kulay kayumanggi na kabayo sakay si Immanuel Isidro. Hanggang ngayon ay kasama ko siya sa aking tungkulin bilang parehas kaming heneral sa aming mga bayan.

Hindi ko batid kung paano nagawang pagkatiwalaan ni ama ang taong ito. Parehas namin kailangan sugpuin ang mga rebelde. Ngunit ilang buwan na ang nakalipas pero tanging si Ameng pa lamang ang naparusahan.

Hindi ko ibig na mamatay si Ameng sa ganoong paraan ngunit nasa peligro ang buhay ni Rosenda sa pagkakataong iyon.

"Isang oras kang nahuli sa itinakdang oras," bungad ko kay Immanuel na ngayon ay kakababa lang ng kabayo. Itinali niya ito sa may puno ng mangga. Suot niya ang kaniyang pulang uniporme.

"Kailangan mo pa ba ng aking tulong?" tanong niya.

"Hindi. Ngunit ano ba ang utos ng aking ama at ng iyong ama? Ito ay ang dakpin ang mga rebelde,"

Ngumisi ito saka nagpameywang, "Ke aga-aga ang init ng ulo mo, Heneral. Ano'ng almusal mo, sama ng loob?"

"Ikaw ba, ampalaya?" buwelta ko naman, "Sumama ka sa akin sa Plaza, may kakausapin tayo na maaring makapagsabi ukol sa pinuno ng mga rebelde sa inyong bayan," pakli ko,

Pansin ko ang sandaling pagkagulat ni Immanuel sa kaniyang mga mata ngunit agad itong nawala.

Sumakay na ako kay Kabayo at ganoon din siya sa kaniyang kabayo. Kahit hindi kami nagpapang-abot ni Immanuel ay mabigat ang atmospera kapag nakakasama ko siya sa trabaho.

Pagdating namin sa plaza ay binati kami ng madaming tao. Matunog na rin ang pangalan ni Immanuel Isidro na dati ay hindi naman tanyag sa karamihan. Magiliw niyang binati ang mga tao na lumalapit sa kaniya.

Napalapit si Immanuel sa rebulto ng aking ninuno na si Filimon De la Vega—1630 ang taon ng kaniyang kapanganakan at 1710 siyang namatay sa kamay ng mga rebelde.

Hinawakan niya ang mga letrang nakaukit sa ibaba ng rebulto ng aking yumaong ninuno, nakasulat dito ang mga salitang, 'En amoroso recuerdo de Filimon De la Vega 1630-1710'. Labis ko naman ipinagtataka kung bakit napahinto si Immanuel sa harap ng rebultong ito.

"Batid mo ba na magkaibigan ang iyong ninuno at si Gregorio Isidro na siya ring kasama ni Filimon na nakadiskubre sa bayan na ito?" tanong ni Immanuel at binaling niya ang atensiyon sa akin.

"Alam ko," tipid kong sagot.

"Ibig ni Filimon De la Vega na angkinin lamang ang bayan na kanilang natagpuan, ngunit hindi pumayag si Gregorio Isidro, at umusbong ang alitan sa kanilang dalawang magkaibigan. Hanggang sa nahati ang bayan ng De la Vega sa dalawa—at tinawag itong 'San Isidro'," aniya na tila kinakausap ang sarili.

Napatango ako. Hindi ko alam ang istorya na iyon. Inakala ko na magkaibigan lamang silang dalawa at hindi ko kailanman narinig ang kuwento ng kanilang hidwaan. Kaya naman pala hindi magkasundo ang bayan namin sa San Isidro—dala ito ng historya ng aming pinagmulan.

"Mamaya pa ay dadating na ang saksi na nais tayong makausap," tipid kong saad kay Immanuel. Tumango lamang siya bilang tugon.

Mayroong batang lalaki at babae ang naghahabulan at hindi nila namalayan na nabangga ang batang babae kay Immanuel. Sumubsob ito sa lupa at akmang tutulungan ko na ito ngunit naunang yumuko si Immanuel. Tinulungan niya tumayo ang bata.

"Ano ang iyong ngalan?" tanong niya rito.

"Senyor, pipi po ang aking kapatid." anang batang lalaki na nagitla rin sa nangyari, "Paumanhin po, sadyang pilya itong aking kapatid."

"Mag-iingat kayo. Maraming pagala-galang masasamang tao rito," babala ni Immanuel. Napansin ko ang pagsunod ng kaniyang mga tingin sa batang babae. Binigyan niya pa ito ng kaunting salapi.

"Kilala mo ba ang batang iyon?" tanong ko dahil napansin ko na tinitigan niya ito.

"Naalala ko lamang ang aking kapatid—" hindi niya natuloy ang kaniyang sinasabi dahil napatikhim siya bigla.

"Kapatid? Akala ko ba ay nag-iisa kang anak ni don Adolfo?"

Bumuka ang bibig ni Immanuel para ako ay kaniyang sagutin. Ngunit narinig ko ang yabag ng isang taong papalapit sa amin. Isa itong matandang lalaking pawis na pawis.

"Magandang umaga ho, mga heneral," itinapat niya ang kaniyang sumbrerong buri sa dibdib. "Paumanhin kung ako ay natagalan." Tinapik ko siya sa balikat.

"Wala hong problema, ano po ba ang inyong nalalaman ukol sa pinuno ng rebelde?" tanong ko. Nanatiling tahimik si Immanuel.

"Noong araw ng kasal ni señor Javier at señorita Rosenda, namataan ko ang isang lalaki na nagmamasid sa tapat ng simbahan—moreno ito ngunit nakatakip ng itim na tela ang kaniyang mukha. Agaran na tumunog ang kampana kahit naririnig namin mula sa pari na hindi pa tapos ang kasalan, animo'y isa itong hudyat upang lumusob sila," pagsasalaysay nito.

"Ano hong nangyari matapos?" tanong ko muli.

"Nagkagulo na po lahat ng tao noong makarinig kami ng putukan, señor. Nakita ko na may lalaking humila kay binibining Rosenda palabas ng simbahan. Nakasuot siya ng trahe de boda habang hawak siya ng isang lalaki na siyang nakita kong nagmamasid bago ang insidente," patuloy niya.

"At ano ang sumunod na nangyari?"

"Ibig ko sanang iligtas si Rosenda kaya naman sumilip ako nang bahagya sa likuran ng simbahan. Nasipat ko si señorita Rosenda kasama ang lalaking humihila sa kaniya. Tinutok ni Rosenda ang baril sa kaniyang dibdib ngunit niyakap siya noong lalaki dahilan para mapatigil si Rosenda sa kaniyang nais gawin."

Naramdaman ko ang pagkirot ng aking puso sa aking mga narinig. "At ano'ng ginawa niya sa lalaki?"

"Hindi ko na nakita ang mga sumunod na pangyayari, señor. Nilisan ko na ang lugar at isinalba ang aking sariling buhay. Paumanhin ngunit pinangunahan ako ng takot," pagsusumamo niya.

"Gaano katangkad ang ginoo na iyong nakita?" usisa ko.

"Halos kasing-tangkad niyo lang yata, Heneral," napatingin siya sa gawi ni Immanuel, "Kasing-tangkad niya." Tinuro niya si Immanuel gamit ang kaniyang daliri. Pansin ko ang katahimikan nito.

"Malakas ang aking kutob na ang taong humila kay binibining Rosenda ay ang pinuno ng mga rebelde dahil sumugod siya agad pagtunog ng kampana. Ang tawag nila sa kanilang hukbo ay ang grupo ng 'Kalayaan'—naulinigan ko lamang ito sa pamilihan. Malaki rin ang posibilidad na ang rebelde sa ating bayan at ng San Isidro ay nagpaplanong mag-aklas. Maari ring iisa o dadalawa ang pinuno nila, señor." Paliwanag ng lalaki.

Napakurap ako nang ilang beses sa aking mga nalaman. "Maraming salamat po," tinapik ko siya muli sa balikat. Nagbigay- galang siya at nilisan na ang lugar.

Bumaling ang tingin ko kay Immanuel na ngayon ay seryoso ang mukha. "Immanuel, nasaan ka noong mangyari ang kasalan nila Javier at Rosenda? Batid ko na hindi kayo nakadalo ng iyong ama sa kasalan,"

"Kasama ko ang aking tagapagsilbi na si Criselda sa pamilihan namin sa bayan." Mariin niyang sagot.

Binasa ko nang maigi ang mga mata ni Immanuel. Walang takot niya akong hinarap kahit pa alam niya na duda na ako sa pagkatao niya.

"Naalala ko noong umamin si Adelina na buntis siya sa bukana ng mansiyon nila Rosenda, nasabi ni Senda na iniibig ng kaniyang Kuya si Criselda. Tama ba?"

Tumango siya.

"At nakita ko ang iyong reaksiyon noong sabihin ni Rosenda ang pangalan ni Criselda na iniibig siya ni ginoong Antonio. Tila ba ay nagitla ka sa iyong nalaman," salaysay ko.

"Ano ang iyong pinupunto?"

"Si Criselda na iyong tagapagsilbi, nasaan ang kaniyang pamilya?"

Sandaling napaiwas ng tingin sa akin si Immanuel ngunit halos hindi ko ito mahalata dahil sa bilis ng pagbabago ng ekspresyon niya sa mukha. Magaling kumubli ng damdamin ang taong ito.

"Ulilang lubos si Criselda," aniya.

"Sigurado ka? Na wala siyang ama? Ama na maaaring nagngangalang Ameng?" dire-diretso kong tanong kay Immanuel.

Natawa siya nang marahan, "Alam ko ang iyong ginagawa. Sa tingin mo ba hindi ko inaral iyan? Heneral din ako Vicente, kahit hindi mo sabihin alam ko na may duda ka sa akin," mapait na wika nito.

Mahirap maisahan ang taong ito. Hindi ko mabasa ang kaniyang pagkatao.

"O baka naman naninibugho ang iyong damdamin sa lalaking kayakap ni Rosenda sa likod ng simbahan?" napakuyom ako ng kamao sa pang-iinsulto niya.

"Batid mo siguro ang liham na kaniyang pinadala kung saan isiniwalat niya ang nararamdaman para sa akin," humakbang papalapit sa akin si Immanuel. Pilit kong pinipigilan ang aking sarili na hindi makasakit. "'Pag kaharap ka niya aaminin niya na hindi siya ang sumulat noon 'di ba? Marahil ay naguguluhan si Rosenda ngunit nakakasiguro ako na may puwang ako sa puso niya,"

Tinulak ko siya sa balikat, "Ano'ng sinabi mo?"

Ngumisi lamang siya sa akin. "Isipin mo na ang nais mong isipin, Vicente, buong-tapang kitang haharapin." Iyon ang huling niyang sinabi niya bago siya sumakay sa kaniyang kabayo.

"Tangina!" napasuntok ako sa silyang marmol. Hinawi ko ang aking buhok at huminga nang malalim.

Ginulo ni Immanuel ang aking isipan. Kanina lang ay nasa tama akong pag-iisip at alam ko kung paano ko tutudlain ang pinuno ng mga rebelde. Ngunit kapag humalo na ang puso, kasabay ng bugso ng emosyon, nawawaglit ang utak. Masasapawan na lang ito ng damdamin at hindi na makakapag-isip ng tama.

Iyon ang epekto ng mga salitang binitiwan ni Immanuel.

Saka ko napagtanto na hindi lang pala rebelde ang aking kalaban na kinakaharap ngayon, labanan din ito para sa puso ni Rosenda at handa akong isugal lahat ng baraha para sa kaniya.





DALIA ERASQUIN

Isang linggo na rin ang lumipas mula nang huli kong makita si Vicente. Maganda na ang pakikitungo sa akin ni Ama at hindi inaasahang maayos ang kalagayan ng aming pamilya sa mga nagdaang araw. Panay naman ang pagpapalitan namin ng liham ni Vicente sa pamamagitan ng tulong ni Angelita.

Ukol naman sa liham na ipinadala ko 'raw' kay Manuel, isinantabi ko na lang ito at inisip na may gusto lang talagang manira sa akin.

Binuklat ko ang isang papel na naglalaman ng liham ni Vicente ng ngayon lang dumating.

Ika-15 ng Hunyo, 1889

Senda,

Halos isang linggo na rin ang lumipas mula nang huli kong nasilayan ang iyong magandang ngiti. Paumanhin, ngunit ako ay naging abala rin sa aking tungkulin. Nais ko rin sabihin sa iyo na siguraduhin mong bukas ang iyong bintana dakong alas-onse ng gabi sa ika-18 ng Hunyo. Hindi man kaaya-aya ang nais kong gawin, ngunit wala na akong maisip na paraan upang makita ka. Hiling ko na gising ka pa ng oras na iyon at kung hindi man, masaya na ako na masisilayan ang iyong mukha kahit pa ikaw ay nahihimbing.

Nagmamahal,

-Vicente De la Vega

Niyakap ko ang kaniyang liham at inipit ko ito sa aking talaarawan. Lahat naman ng mga sulat na binibigay niya ay iniingatan ko at itinatago. Para kahit magtagumpay ako sa misyon ko ay mayroon akong alaala ni Vicente De la Vega.

Kinandado ko na ang pinto at binuksan ang aking bintana. Alas-diyes pa lang ng gabi at hindi na ako makapag-antay na makita si Vicente. Binuksan ko na rin ang bintana at sumalubong sa akin ang malamig na simoy. Nahiga ako sa aking kama at naghintay na lumipas ang mga minuto.

Hindi ko namalayan na napapikit na ako dahil pagdilat ko, nakarinig ako ng pagkalabog animo'y may bumagsak sa sahig. Agad kong kinuha ang lampara na nasa mesa katabi ng kama at inilawan ang parte kung saan may narinig akong kalabog.

"Vicente?"

Walang sumagot. Tumayo na ako at nakita ang pigura ng isang lalaki na nakaupo at nakasandal sa dingding. May hawak itong isang bote ng alak sa kaniyang kamay.

Halos mabitiwan ko ang hawak kong lampara nang makita ko kung sino ito—si Javier.

"J-Javier? Ano'ng ginagawa mo rito?" bubuksan ko sana ang pinto para tawagin si Ama nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko.

"Bitiwan mo'ko!" hiyaw ko at nagpumiglas sa pagkakahawak niya.

"Wala akong matakbuhan..." panimula niya, "Wala na akong kasama sa buhay," napansin ko ang benda na nakatali sa kaniyang magkabilang binti dahil sa pagkakabaril ni Manuel dito. Hindi ko inaasahan na aakyat siya sa aking silid.

"Ano'ng pinagsasabi mo?"

Iniliwan ko nang maigi ang kaniyang mukha at nahabag naman ang damdamin ko na makita si Javier na lumuluha. Ano'ng nangyayari sa kaniya?

Tinakpan niya ang kaniyang mukha upang hindi ko masilayan ang pagtangis niya. Pero huli na ang lahat.

"Kailangan ko lamang ng kausap," bulong niya. "Wala akong makausap sa mansiyon."

Muli kong naalala ang malaki at malungkot na tirahan ni Javier—nagunita ko ang pagkamatay ng kaniyang ama at ina sa plaza at doon siya nakilala ni Rosenda.

Napahinga ako nang malalim. Nanatiling nakaupo si Javier sa sahig habang nakadiretso ang binti. Inilapag ko ang lampara na hawak ko sa sahig at umupo rin dito. Dalawang dipa ang pagitan namin. Ngayon, mas lalo kong nasilayan ang hitsura ni Javier; magulo ang kaniyang buhok at namumula na ang pisngi't labi dahil sa pag-iyak, ang dating matigas na ekspresyon ay nanlambot kasabay ng awrang bumabalot sa kaniya ngayon—amoy na amoy ko rin ang alak mula sa kaniyang bibig.

Hindi ko magawang tanungin siya nang diretsahan dahil alam ko na hindi siya mabuting tao. Ngunit ako naman ay nakakaramdam din ng awa sa kaniya.

"Ano'ng nangyari?" 'yon lamang ang salitang kumawala sa aking bibig.

"Napanaginipan ko ang aking Ama at Ina, nasa plaza kami, masayang nagkukwentuhan hanggang sa barilin sila. Muli kong nasilayan ang duguang katawan ng aking mga magulang. Ibig ko na sana sumama sa kanilang dalawa ngunit heto, buhay na buhay pa rin ako," rinig na rinig ko ang pagbuntong-hininga niya.

Nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Alam ko naman, e. Alam ko naman kung sino ang nasa likod ng pangyayaring iyon. Pinatay ng ama ni Vicente ang aking mga magulang dahil kaanib sila ng mga rebelde."

Natutop ko ang aking bibig—ito ba ang sinasabi ni Javier na lihim ng ama ni Vicente? Kaya ba hindi magawang sibakin ni don Lucio si Javier sa puwesto?

"Kinupkop ako ni don Lucio matapos ang pangyayari na iyon. Ngunit ako rin ay kaniyang pinalayas. Tinuring ko siya na parang ama kahit hindi ko nakasundo sina Vicente at iba pa niyang kapatid. Marahil ay nakokonsensiya siya kaya kinupkop niya ako sa loob ng isang taon," pahayag niya.

"Paano mo nalaman na siya talaga ang nagpapatay sa magulang mo?"

Nanatiling nakapako ang mata niya sa sahig. "Bago pa man mangyari iyon, binalaan na ako ni ama't ina na nalaman na ni don Lucio na kaanib sila ng mga rebelde," tugon niya.

Punong-puno ng poot ang mga mata ni Javier. Hindi ko inaasahan na magagawa kong masaksihan ang kahinaan ng isang tao na nagmistulang kontrabida sa akin.

"Pero hindi ko magawang paghigantihan si don Lucio. Sa loob ng isang taon niya na pagkupkop sa akin, nawala ang galit ko sa kaniya at tinuring ko siya na parang ama. Ngunit tinaboy niya rin ako na parang isang tuta, diretso sa malaki at malungkot kong tahanan."

"Hindi ko alam ang dapat ko sabihin..." pag-amin ko.

"Hindi mo kailangang magsalita, kailangan ko lang ng makikinig," uminom siya muli sa isang bote ng alak na hawak niya. "Anibersaryo ng kanilang kamatayan ngayon. Nagtirik ako ng kandila upang gunitain ang kanilang alaala. Mag-isa akong nakatitig sa kandila na iyon, walang kasama, walang pamilya. Hanggang sa naisipan kong lumapit sa iyo. Kasi Rosenda...mabigat na."

Tumulo na ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Hindi na maawat ito dahil sa kuwentong narinig ko kay Javier. Hindi ko inaakalang maaawa ako sa kagaya niya. Hinusgahan ko siya agad nang hindi nalalaman ang paghihirap niya. Gaya nga ng sinabi ni daddy sa akin— lahat ng tao, may kuwento.

"Ngayon, punong-puno na ng galit ang aking puso. Gusto ko maghiganti kina Vicente, dahil hindi totoong sa kamay ng mga rebelde namatay ang aking magulang. Pero ako ay nagkamali, dahil kahit nabilanggo si Vicente, hindi ako masaya. Kahit na pahirapan ko pa siya, hindi ako liligaya. Bakit? Hindi maibabalik ng kasamaan ang aking mga magulang. Wala akong magagawa kun'di matulog mag-isa sa aking kama at hanapin ang pagkalinga ng isang ama at ina."

Pinunasan ko ang luha sa aking mata. Hindi na ako nagsalita. Lumuhod ako at kinuha ang bote ng alak na nasa kamay niya. "Tahan na," banayad kong sinabi, "Huwag ka nang umiyak. Hindi ko alam na ganiyan ang karanasan mo, Javier. Pero kahit gano'n, sana manaig pa rin ang kabutihan sa iyong puso," saad ko.

Tumabi ako sa kaniya at nilapag ang bote ng alak sa gilid ko. Pinunasan niya ang kaniyang luha. Kapag pinakitaan ka ng kahinaan ng isang tao, dapat kang makinig sa kaniya dahil pinili niyang ipakita ang kahinaan niya sa iyo. Hindi sila dapat husgahan, bagkus ay nararapat silang intindihin.

"Alam mo? Sigurado ako na nakikita ka ng magulang mo ngayon na nahihirapan. Dapat gumawa ka ng mabuti, Javier. Dapat ipakita mo na may halaga ang kanilang kamatayan. Huwag ka magpapakain sa galit, alam ko na mabuting tao ka rin ngunit binago ka ng nakaraan mo," pilit akong ngumiti.

Dahan-dahan siyang napatingin sa akin. Tumatama ang ilaw ng lampara sa kaniyang mukha. Tumulo ang luha niya at dumaan ito sa matangos niyang ilong hanggang sa kaniyang labi. Hindi mapagkakaila ang kakisigan na taglay ni Javier, para siyang bata na naliligaw ng landas, na naikubli sa tao na kung ano siya ngayon.

"Salamat," tipid niyang sagot. "Gusto ko na silang makasama."

"Huwag...huwag mong sabihin 'yan. Iisa lang ang buhay Javier, iisa lang ito. Sulitin natin ito. Magmahal tayo, umiyak, tumawa, at abutin ang ating pangarap." Pinilit kong ngumiti kahit na naiiyak na naman ako. Naalala ko ang pagkawala ni mommy sa kaniya.

"Kaya siguro hindi nawala ang nararamdaman ko para sa iyo," pag-amin niya, "Napakabuti mong tao."

Napaiwas ako ng tingin kay Javier. Nagulat ako nang inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin at akmang hahalikan niya ako. Amoy na amoy ko ang alak sa kaniyang bibig na sobrang lapit na sa akin.

"Huwag," pagtanggi ko.

Hindi ko inasahan na hahalikan niya ako sa pisngi. Bago ako makapagsalita ay niyakap niya ako nang mahigpit. Muli siyang humikbi at binaon ang mukha sa aking balikat. Tinapik ko siya sa kaniyang likuran.

"Rosenda, gagawin ko ang lahat huwag ka lang uli mawala sa akin. Malinaw na sa akin ang lahat, kaya ko pa magbago, magbabago ako para sa iyo."

Hindi ako makapaniwala sa mga sinasabi niya. Mahigpit ang pagkakayakap niya sa akin ngayon. "Hindi ko ibig na ituloy muna ang kasal. Paiibigin kita Rosenda hanggang sa mahalin mo ako muli. At kapag dumating ang araw na iyon, mamahalin kita sa araw-araw," wika niya.

Kumirot ang puso ko sa aking narinig. "Salamat. Salamat dahil iminulat mo ang aking mga mata. Hindi na ako mabubuhay sa galit, Rosenda, mabubuhay ako para sa iyo."

"Javier..." hindi ko na marehistro sa aking isipan ang mga sinasabi niya.

Tinulungan ko siya tumayo. Napahinga siya nang malalim at hinawakan niya ako sa magkabilang balikat. Mayroon nang ngiti sa kaniyang labi, isang ngiti na ngayon ko lang nakita mula sa kaniya—punong-puno ng sensiridad at pagmamahal.

"Binago mo ako, Rosenda. Binago mo ako sa loob ng isang gabi," naantig ang aking puso sa binitawan niyang salita.

Hindi na ako nagsalita at muli niya akong niyakap. Panay ang sambit niya sa akin na masaya siya.

"Napakasaya ko ngayon—"

Dagliang humiwalay sa pagkakayakap sa akin si Javier at nakita ko na lang na bumagsak siya sa sahig. Napalingon ako at nakita ko si Vicente na galit na galit sa nakita niyang tagpo.

"Ikaw ba?!" hiyaw ni Vicente. "Ikaw ba ang pinuno ng mga rebelde na yumakap kay Rosenda sa likod ng simbahan?!"

Natakot ako sa pagtataas ng boses ni Vicente. Ngayon ko lang narinig na sumigaw siya ng ganito. Nanatili sa sahig si Javier, marahil ay mahinang-mahina dahil sa kalagayan niya ngayon.

At paano nalaman ni Vicente na may taong humila sa akin sa likod ng simbahan?

"Ano'ng sinasabi mo, Vicente? Binaril siya sa kaniyang binti noong araw na iyon. Paano siya makakarating sa labas ng simbahan?" sabad ko.

Napaisip si Vicente. "Kung gayon, bakit kayakap ka ng lalaking iyan? Pinagsasamantalahan ka ba niya?" dinuro niya si Javier.

Nagulat ako nang lapitan ni Vicente kay Javier at sinuntok ito. Hindi lumaban si Javier na labis kong ipinagtaka.

"Vicente!" pag-awat ko. Nilapitan ko si Javier at tinulungan siya sa pagtayo. Naawa ako sa kalagayan ni Javier, ni hindi siya makapatol kay Vicente.

"Ipinagtatanggol mo siya, Rosenda?" nakita ko ang galit sa mata ni Vicente animo'y pinagtaksilan ko siya.

"Vicente, inamin sa akin ni Javier ang totoong rason sa pagkamatay ng kaniyang mga magulang," lumambot ang ekspresyon ni Vicente. Hindi ko ito mabasa. Lungkot ba ito? Konsensiya?

"Walang kalaban-laban si Javier ngayon. Hindi ko siya ipinagtatanggol lalo na't alam ko ang mga nagawa niya sa'yo. Pero Vicente, nilahad lang niya ang nararamdaman niya. Ibig niyang magbago." Mahinahon kong paliwanag.

Natawa nang sarkastiko si Vicente. Bakit sobrang init ng ulo niya?

"At gumana naman ang kaniyang taktika upang magkaro'n siya ng puwang sa iyong puso?" tuwiran niyang tanong.

"Rosenda..." narinig kong pagtawag ni Javier.

"Ano'ng sinasabi mo? Lumapit sa akin 'yung tao. Hindi mo ba nakikita ang mga mata niya, Vicente? At ano ito? Kinukwestiyon mo na kaagad ang pag-big ko sa'yo?" buwelta ko't hindi na rin naiwasan ang magtaas ng boses.

Naramdaman ko ang luha kong nagbabadyang kumawala.

"Sino ang kayakap mo noon sa labas ng simbahan?" nanlamig ang katawan ko sa tanong niya. "Kahit sino ba ay magagawa mong papasukin sa iyong puso?"

Hindi ko siya nagawang sagutin. Mahapdi na masiyado sa puso ang pananalita ni Vicente.

Nanatili kaming tahimik sa loob ng silid. "Handa akong lumaban para sa iyo, Rosenda, ngunit huwag mo naman paglaruan ang aking damdamin." Aniya.

"Hindi kita pinaglalaruan, Vicente. 'Wag mo akong sisihin dahil sa konsensiya na dinadala mo sa iyong puso. Alam ko na alam mo na ama mo ang pumatay sa magulang ni Javier, hindi ba?"

Sandaling natahimik si Vicente. Muli akong nagsalita. "Kung nagawa kong ipagtapat ang nararamdaman ko sa iyo ngunit pinili mo itong pagdudahan, hindi pa pala kita labis na kilala." Seryoso kong saad.

Lalapitan ako ni Vicente pero humakbang ako paatras. "Senda," pagsusumamo niya, "Pag-usapan natin ito," hinawakan niya ang kamay ko na binitiwan ko agad.

"Umalis ka na, Vicente. Hindi na kita ibig pang makita." Kumurap nang dalawang beses si Vicente na hindi makapaniwala. Nawalan siya ng boses, hindi siya makapagsalita.

"Magsama kayo ni Javier." Tahasan niyang sinabi at umalis ng aking silid sa pamamagitan ng paglabas sa bintana.

Hinawakan ko ang aking kuwintas at sa pagkurap ko ay sumabay na ang luhang kanina pa pinipigilan.







Continue Reading

You'll Also Like

4.8M 191K 31
"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Sa loob ng labinlimang taon, ang makasal sa kababata niyang si Enrique Alfonso ang tanging pinapa...
1.4M 62.8K 61
Reincarnated as the Seventh Princess Book 1 (Trilogy) Despite the clichè title, a breath-taking story is yet to unfold, waiting to be told. Not ever...
759K 30.1K 46
WATTYS 2020 WINNER FOR HISTORICAL FICTION Ako si Catalina, nagmahal, nasaktan, humiling kay Tala at sumubok muli. Ang buhay ay mapaglaro at tinatawa...
816K 35.4K 10
She has to die to travel from the past to the future. This is all for the handsome guy with attitude problems whose arrogance is incomparable, yet he...