131 Years (PUBLISHED)

By nicoleannenuna

196K 8.9K 7.1K

Dalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matuko... More

Prologo
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 6
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 16
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 19
Kabanata 20
Kabanata 21
Kabanata 22
Kabanata 23
Kabanata 25
Kabanata 26
Kabanata 27
Kabanata 28
Kabanata 29
Kabanata 30
Kabanata 31
Kabanata 32
Kabanata 33
Kabanata 34
Kabanata 35
Kabanata 36
Kabanata 37
Kabanata 38
Kabanata 39
Kabanata 40
Kabanata 41
Kabanata 42
Kabanata 43
Kabanata 44
Kabanata 45
Kabanata 46
Ang Aking Lihim
Kabanata 47
Kabanata 48
Kabanata 49
Kabanata 50
Kabanata 51
Kabanata 52
Kabanata 53
Kabanata 54
Epilogo
131 Years Book Giveaway
Book Giveaway Winners
131 YEARS is coming to the MIBF!
El Último Capítulo (The Last Chapter)

Kabanata 24

2.3K 132 74
By nicoleannenuna



Napaatras ako sa sinabi ni Ama at napailing.

"Hindi.." bulong ko sa sarili. Hindi ko labis na kilala si Javier Hidalgo at unang beses ko lamang siya nakita sa plaza. Marahas si Hidalgo at base sa aking nakita, ay wala itong patawad sa tao. Ayoko maikasal sa taong malupit at masama.

"Ano'ng sinabi mo?" tanong ni Ama.

Nagbabadya na naman tumulo ang aking luha. Sinabi ko na gagawin ko ang lahat pero hindi ko alam na hahantong sa ganito.

"Kung pumayag po ako, babalik pa ba sa posisyon si Vicente bilang heneral maging ang kaayusan ng kanilang pamilya?"

Tumango si Ama. "Masususpende si Vicente ng isang buwan sa kaniyang posisyon ngunit babalik din sa normal ang lahat matapos no'n." Paninigurado ni Ama.

Napakagat ako sa aking labi. Gagawin ko ito para kay Vicente. "Naubos na rin ang aking pasensiya kay ginoong Vicente. Kapag pinahintulutan ko muli ang pag-iisang dibdib ninyo, batid ko na gagantihan ako ni Lucio." Saad ni ama.

"Ulilang lubos si Javier, at bago mamatay ang kaniyang ama ay pinamanahan siya nito ng ilang libong salapi. Nag-iisang anak siya ng namayapang si Luis at Maria Hidalgo. Siguro nama'y mabibigyan ka niya ng masaganang buhay, katumbas ng kayang ibigay ni Vicente sa iyo." Pagpapatuloy niya.

"Kailan po ang kasal?" tanong ko.

"Nais ni koronel Hidalgo na mapaaga ang kasal. Gaganapin ito sa susunod na buwan,"

Hindi ako makapaniwala na kung kani-kanino na lang ako ipagtataboy ni Ama. Nagmistulang akong isang palamuti na walang magawa sa mga nangyayari. Walang boses. Walang karapatan. Ganito ba talaga ang karanasan sa panahon na ito?

Maaaring lumaki nga ang totoong Rosenda sa yaman—kumakain ng tatlong beses sa isang araw, may magagarbong kasuotan, at hindi nararanasan ang kumayod para sa araw-araw. Pero ito, ito ang mga bagay na dapat niyang gampanan.

Nangyari ba sa totoong Rosenda ang lahat ng ito? O nagbago ang ihip ng hangin dahil ako ang nasa katauhan niya?



ISANG LINGGO NA ANG lumipas ngunit hindi ko pa rin nakikita si Vicente. Balita ko ay nakalabas na siya ng bilangguan apat na araw na ang nakalipas.

Wala pang nakakaalam sa balak ni Ama na ikasal ako kay Javier kun'di kami lang. Nais rin kasi niya na magkaroon ng okasyon sa mansiyon upang pormal na i-anunsyo ang panibagong kasalan na magaganap sa pagitan namin ni Javier Hidalgo.

Narito ako ngayon sa tapat ng mansiyon nina Vicentenakapusod ang aking buhok at kulay rosas ang baro't saya na abot hanggang talampakan. Bitbit ko ang isang basket ng prutas na ibibigay ko para sa kanila. Sigurado ako na masama ang loob ni Don Lucio dahil sa ginawa ni Ama, pero maglalakas loob ako na kitain si Vicente bago ako ikasal.

Hindi ko na rin alam kung san ako dadalhin ng buhay ko dito. Hindi ko alam kung dapat pa ako magpatuloy.

Kumatok ako sa malaking pinto nila. Isang tagapagsilbi nila ang nagbukas. "Magandang umaga po, Señorita Rosenda." Bati niya.

"Magandang umaga rin," sagot ko.

"Minda, nais ko kausapin ang ating panauhin," kinabahan ako sa boses na narinig ko mula sa loob. Si Don Lucio.

Umalis na si ate Minda at niyaya ako ni Don Lucio na umupo sa sofa. Naupo siya sa tapat ko. "Alak?" alok niya. Umiling ako.

"Nabalitaan ko ang pagtanggol mo sa aking anak noong gabing dinakip siya ni Hidalgo sa plaza, pati na rin ang pagbisita mo sa kaniya sa bilangguan," sinalin niya sa isang baso ang alak saka, uminom.

"Kung ano man ang aming alitan ng iyong ama, hindi marapat na idamay kita sa aking hinanakit sapagkat napatunayan mo na may malasakit ka kay Vicente." Aniya.

"Kaibigan ko po si Vicente. Mabuti siyang tao, Don Lucio."

Napatango ito. "Sí. Ang aking mga anak ay ang pinakamahalagang yaman sa aking buhay. Batid ko na hindi na matutuloy ang inyong pag-iisang dibdib ngunit ko maunawaan kung paano humantong si Hidalgo sa desisyong palayain ang aking anak," saad nito sabay lagok sa alak.

"Noon pa ma'y malupit na ang kapatid ni Fabio na si Jaime. Isama mo pa ang hambog na si Hidalgo na maaring kaalyado niya. Layunin nilang pabagsakin ang aming pamilya kung kaya't hindi ako naniniwala sa matatamis na salita ni Jaime Montemayor. Barbariko ang mga opisyales na iyon," seryoso niyang sinabi. "Bueno, masiyado na mahaba ang ating usapan, malaya kang bisitahin ang aking anak."

Para namang umikot ang sikmura ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung paano haharapin si Vicente ngayon.

"Nasaan po siya?" tanong ko.

Isang pamilyar na tinig ang narinig ko. "Wala siya sa kaniyang silid, ate Rosenda, batid ko na nasa karagatan ng hangganan si kuya," sambit ni Julieta. Tumayo ako para batiin siya pero sinuklian niya ako ng yakap.

"Maraming salamat sa ginawa mo para kay kuya Vicente,"

Hinaplos ko ang kulot niyang buhok. "Lahat gagawin ko para sa kaniya." Bigla akong napatakip ng bibig sa nasabi ko. Nahiya ako bigla.

"Tunay ngang may pag-ibig ka na sa aking Kuya. Naaalala ko noong natuklasan ko kayo sa loob ng apara—" tinakpan ko ang bibig ni Julieta. Baka marinig ni Don Lucio.

" 'Wag ka maingay! Baka magalit ang iyong ama," suway ko kay Julieta. Napatango naman siya nang ilang beses.

"Kailangan ko na umalis, Juls, baka hindi ko maabutan Kuya mo sa karagatan. Mag-iingat kayo ha?"

Tumungo ako kay Don Lucio at nag-bow, "Don Lucio, maraming salamat po." Tumango lamang siya nang walang ekspresyon sa mukha. Hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw sa'kin ang tunay na katauhan ng ama ni Vicente.

Iniwan ko na ang basket na may lamang prutas kanina kay Julieta bago ako sumakay ng kalesa patungong karagatan ng hangganan. Nagbayad na ako sa kutsero at sinabihan siya na kung puwede ay huwag niya ipagsasabi na pumunta ako rito.

Pagkayapak ko sa buhangin, muling bumalik ang alaala noong araw na pumunta si Adelina para ibalita kay Vicente na buntis siya. Hindi ko malimutan kung paano ko naramdaman ang kirot sa aking puso.

Habang naglalakad ako, natanaw ko ang isang lalaking nakaputing kamiso na abot hanggang pulso ang manggas, nakaupo ito sa buhangin at tinatanaw ang tanawin.

"Vicente!" pagtawag ko sa kaniya. "Vicente!" pagtawag kong muli. Lumingon ang lalaki at tumayo ito.

Tumakbo naman ako papunta sa kaniya. Feel na feel ko ang moment at sa hindi pambihirang pagkakataon, ay naapakan ko ang dulo ng saya ko at sumubsob ang mukha ko sa buhangin. What the!

Narinig ko na may sinabi si Vicente pero hindi ko 'yun narinig dahil medyo malayo pa siya sa akin. Tumatakbo na siya papalapit para tulungan ako.

Tumayo ako kaagad para puntahan siya at gaya kanina ay tumakbo ulit ako. Habang papalapit kami ni Vicente sa isa't-isa ay aakalain mong nasa eksena kami ng isang pelikula.

"Inte!" pagtawag ko sa kaniya. Biglaan akong nakaisip ng palayaw sa lalaking ito.

Nang marating ko si Vicente ay yinakap ko siya nang mahigpit. Muntikan pa siyang tumumba dahil sa lakas ng pagkakayakap ko sa kaniya.

Hindi ko naramdaman ang kamay niya sa likod ko, marahil ay nagulat siya. Pero ilang sandali pa, naramdaman ko ang mahigpit niyang yakap pabalik. Hindi ako bumitiw. Mapusok man sa paningin ng iba, hindi na iyon mahalaga.

"Na-miss kita, panget," saad ko. "Sobra." Amoy na amoy ko ang bango ng kaniyang dibdib. Ano kayang sabon ang gamit niya panligo?

Ito ang unang beses na nayakap ko si Vicente. Nagulat ako noong hinimas ng kamay niya ang ulo ko na parang protektadong-protektado ako sa piling niya. Humiwalay na ako sa pagkakayakap at hawak niya ako ngayon sa magkabilang braso.

Tinignan lang ako ni Vicente, pagaling na ang mga sugat sa mukha niya at para siyang anghel kung titignan, napakaamo ng mukha.

"Rosenda," iyon lang ang tanging binigkas niya. "Ano ang nahuli mo?" tanong niya. Nagtaka naman ako.

Wait!

Nilait niya ang pagbagsak ko sa buhangin kanina!

Tinulak ko siya sa dibdib. "Ganiyan mo ba babatiin ang kaibigan mo? Tsk! nagkasugat na naman ulit ako sa tuhod dahil pinaluhod ako ni Father dear sa salt. Kung alam mo lang sacrifices ko sa'yo." Singhal ko.

"Ayan ka na naman sa pag-gamit mo ng wikang Ingles. Sa susunod, uudyukan na kitang turuan ako ng lengguwaheng iyan," hinawi niya ang kaniyang buhok na tumatama sa mata niya dahil sa malakas na hangin. "O sige, ano ang Ingles kapag nangungulila ka sa isang tao at ngayo'y nasa tabi mo na siya?" tanong niya.

"Namiss kita," tugon ko.

Napangiti ito, dahilan para makita ko ang dimple niya. "Bueno, namiss kita, binibini." Napahinto siya saglit. "Hindi ba't iyan ang katagang sinabi mo noong yakap mo ako? Ibig sabihin, ibig mo rin akong makita? Paano ba ito..sobrang namiss na miss mo ba ako? Tama ba ang Ingles ko?" 'di ko mapigilang pisilin siya sa pisngi dahil ang cute ng expression niya.

"Oo, namiss kita." Sagot ko.

Biglang sumagi sa isip ko ang nalalapit na kasal namin ni Javier. Paano ko sasabihin sa kaniya ito nang harapan? Hindi ko yata kaya.

"Nakausap ko si Adelina—" napapikit siya saka, napailing na tila itinatanggi ang pagbigkas ko sa pangalang iyon.

"Si Adelina ay parte na lamang ng aking nakaraan at mananatili siya doon. Bakit mo pilit na pinapaniwala ang iyong sarili na siya ang iniibig ko?" nilagay niya sa likod ng tainga ko ang buhok na tumatama sa mata ko. Nanlambot naman ang tuhod ko sa ginawa niya.

"Bakit, may iniibig ka na ba?" tanong ko.

Bubuksan na sana niya ang bibig niya para magsalita pero napatingin siya sa likuran ko. Napalingon naman ako at nakita ko ang isang guardia civil na rumuronda.

Hinawakan kaagad ako ni Vicente sa kamay, "Halika," pagyaya niya.

Tumakbo kami sa pag-asang hindi kami mamataan nung guardia civil. Nagtago kami sa may batuhan pero papunta na ito sa direksiyon namin. Malakas ang kabog ng aking dibdib.

"Bakit hindi mo nalang siya paalisin? hindi ba't heneral ka?" usisa ko.

"Isang buwan akong suspendido sa aking puwesto, hindi ako kikilalanin niyan bilang heneral sa ngayon," tugon ni Vicente. "Sumama ka sa akin," yumuko kami sa likod ng malalaking bato at nagsimulang tumakbo.

"Alto! Sino iyan?" sigaw nung guardia civil. Oh no! Baka akalain niyang mga rebelde kami ni Vicente!

Napatingin ako kay Vicente na parang sinasabing 'ano na ang dapat gawin? kilos-kilos naman!'.

Pinaputok ng guardia civil ang baril sa langit dahilan para hilahin ako ni Vicente sa isang gubat malapit dito sa karagatan.

Masukal ito at maraming mga ugat ng puno kaya hindi madaling tumakbo lalo pa't mahaba ang aking saya. Narinig ko muli ang pagsigaw ng guardia civil pero malayo na kami ni Vicente sa kaniya.

Hawak ni Vicente ang kamay ko at takbo lang kami nang takbo hanggang sa huminto kami sa tapat ng isang abandonadong kubo. Kumatok si Vicente dito at lumingon sa akin, "Walang tao," aniya. Binuksan niya ang pinto wala nang gamit sa loob nito. Halatang matagal na rin itong napabayaan dahil halos tumuklap na ang bubong ng kubo.

Napahawak ako sa aking dibdib, hinihingal ako ngayon. Naalala ko noong nasa pagamutan ako, na sinabi ng Doktor na mayroon daw akong sakit sa puso, kahit ang totoo niyan ay wala naman ako ganoong sakit. Napayuko ako dahil sa pagod. Bakit ang bilis humina ng katawan ko?

"Binibini," inalalayan ako ni Vicente sa pamamagitan ng paghawak sa likod. Napaupo ako sa maliit na hagdan ng kubo. Pawis na pawis ako ngayon.

"Ayos ka lang ba?" tumango ako kay Vicente. Pero ang totoo niyan, nahihilo at masama na ang pakiramdam ko.

Hindi kaya may koneksyon ito sa nangyayari sa katawan ko sa modernong panahon?

"Kailangan mo na umuwi, Rosenda. Hindi ligtas na narito ka pa," paalala niya. Tumabi siya sa akin sa maliit na hagdan kung kaya't lalong bumilis ang pagtibok ng aking puso.

"Ayoko."

"Anong dahilan?"

"Basta ayoko. Dito muna tayo." Tumango na lang siya at itinaas ang kaniyang dalawang kamay na parang sinasabing 'suko na siya at hindi na lalaban pa'.

"May kakilala ako na babae sa lugar na ito. Nakatira siya sa maliit na kubo," pagkukwento pa ni Vicente. Napairap naman ako sa sinabi niya.

"Babae? Ang dami mo namang chix. Sinaunang pakboy ka ata e!"

Napakunot ang noo ni Vicente at napataas ang isang kilay. Pansin ko na gawain niya iyon kapag curious o naguguluhan siya.

"Wala, charot lang. Tara na, hanapin na natin 'yung kubong sinasabi mo," hinila ko siya pakanan pero hinila naman niya ako pakaliwa.

"Dito kasi," wika niya.

"Kaano mo itong babaeng sinasabi mo?" tanong ko.

Napansin ni Vicente na hawak pa rin niya ang kamay ko kaya binitiwan niya ito.

"Siya ang nagsilbing nanay-nanayan ko noon. Dating tagapagsilbi siya sa amin ngunit umalis din siya dahil kailangan ng mag-aalaga sa kaniyang mga supling sa tahanan. Namatay na kasi ang asawa niya dahil sa sakit sa baga noong dalawang buwan pa lamang siyang buntis sa kaniyang bunsong anak. Paminsan-minsa'y dumadalaw ako dito upang kumustahin sila. Sa totoo niyan, hindi ko pa nakikita ang bunso niyang anak." Pagsasalaysay ni Vicente.

"Talagang may malasakit ka sa tao, 'no?" tanong ko. "Hindi ka nagpapabaya."

Bahagyang napayuko at napangiti nang matipid si Vicente na tila nahiya sa compliment ko sa kaniya.

Ilang minuto rin kami naglakad bago kami tumigil sa harap ng isang maliit na kubo—sa unang tingin ay aakalain mong may handaan dahil mayroong nakasalang na palayok at makapal na ang usok sa paligid nito dahil sa tilapiang niluluto.

"Dito ka muna," pakli ni Vicente. Naiwan naman ako sa labas habang siya ay pumasok sa kubo.

Mamaya pa ay lumabas si Vicente kasama ang isang morena na babae at medyo malaki ang pangangatawan—nakapusod ang itim niyang buhok at madumi ang kaniyang saya at kahit halatang pagod, ay bakas pa rin sa mukha niya ang pagiging masiyahin. Nasa 40's na ang edad niya kung hindi ako nagkakamali.

Sumenyas sa akin si Vicente na lumapit ako at tumakbo naman ako papalapit sa kanila.

"Manang Ester, si Rosenda po," pagpapakilala ni Vicente. Nagmano naman ako kay manang Ester.

"Ay, hija! Ang lakas makatanda ng pagmamano. Totoo nga ang nauulinigan ko sa pamilihan, tunay ka ngang marilag." Komento pa niya dahilan para pamulahan ako ng pisngi.

"Magandang umaga po," pagbati ko. "At thank you—este, salamat po." Recently nahihiya ako tuwing kino-compliment ako. Weird.

"Magandang umaga rin, señorita Rosenda." Tugon ni aling Ester.

"Rosenda na lang po."

"O siya, pumasok na tayo sa loob, sakto malapit na ang tanghalian. Nagluluto ako ng sinigang at inihaw na tilapia," umakbay siya sa amin ni Vicente at masaya kaming pinaupo sa pahabang upuan na yari sa kahoy. Nasa magkabilang dulo kami ni Vicente nakapuwesto.

Kaunti lang ang gamit sa maliit na kubo—isang maliit na lamesa, mga gamit panluto, dalawang lampara, at mayroon ring kumpol na mga buko at saging sa gilid.

May batang lalaki ang lumabas mula sa isang maliit na kuwarto at kinukusot nito ang kaniyang mata.

Napatayo naman si Vicente. "Ito na ba si totoy Tauro na madalas bumibisita sa aming tahanan?" Binuhat ni Vicente sa kaniyang bisig ang bata, "Ilang taon ka na, Tauro?" tanong ni Vicente sa tonong naglalambing sa paslit.

"O, ilang taon ka na raw anak sabi ni kuya Vicente?" tanong naman ni manang Ester.

Itinaas ng bata ang limang daliri ng kaniyang kamay. "Naaalala ko noong tatlong taong gulang ka pa lamang at madalas ka na pinanggigigilan nina Miguel at Julieta." Masayang pagbabalik-tanaw ni Vicente. Tahimik lang ang bata na marahil ay hindi na naaalala si Vicente.

Habang nilalaro ni Vicente si Tauro ay may umiyak na sanggol na galing din sa maliit na kuwarto. "Iyon na ho ba ang inyong bunsong anak?" nagagalak na tanong ni Vicente. Maingat niyang ibinaba si Tauro.

"A, oo, teka, baka nagugutom na si Tejana," pinunas ni manang Ester ang kamay sa gilid ng saya at saka, pumasok ng silid.

Lumabas siya nang may buhat na sanggol na panay ang iyak. Pilit niya itong hinehele ngunit panay pa rin ang pag-iyak nito.

"Hindi na kasi nakakainom ng gatas ang aking anak mula sa aking dibdib, batid ko na dahil ito sa kawalan ng nutrisyon sa aking katawan." Malungkot na saad ni manang Ester. Hindi ko maiwasang mahabag ang loob ko sa sinabi niya.

"Maaari ko po ba siya buhatin?" tanong ni Vicente na siyang ikinagulat ko. Ni minsan hindi ako nagbuhat ng sanggol talaga. Si Carlo, nabuhat ko lang siya noong 1-year-old na siya. Takot kasi ako baka mahulog sa kamay ko.

"Ilang buwan na po si Tejana?" usisa ni Vicente na hindi na mai-alis ang ngiti habang sabik na nakatingin sa sanggol.

"Dalawang buwan pa lang, hijo." Sagot ni manang Ester.

Pinagmasdan ko ang nangyayari sa harapan ko. Maingat na inililipat ni Manang Ester ang umiiyak na sanggol sa bisig ni Vicente, at maingat na inalalayan ni Vicente ang ulo ng bata na panay pa rin ang iyak. Dahan-dahan niya itong niyugyog at kinantahan.

"Tulog na, munting paslit

huwag ka nang umiyak at iyong mga mata ay ipikit

hanggang sa ikaw ay managinip at ikaw ay gigising na may ngiti sa iyong labi.."

Paulit-ulit na kinanta iyon ni Vicente, dahilan para maantig ang aking puso sa nakikita kong tagpo sa harap ko. Sobrang masaya ako sa natutunghayan ko ngayon.

Saglit lang at tumigil na sa pag-iyak ang bata. Ngumiti naman si Vicente dito. Si Manang Ester naman ay abala sa labas sa kaniyang mga niluluto.n

Napatingin sa akin si Vicente, "Senda, nais mo ba siya buhatin?" tanong niya.

"No, I mean, ayoko. Baka mahulog ko siya, natatakot ako." Umiling-iling pa ako.

Umupo si Vicente sa tabi ko. Nasilayan ko ang maamong mukha ni Tejana na natutulog. Ang batang si Tauro naman ay sumunod sa kaniyang ina sa labas.

Hinawakan ko ang kamay ng sanggol gamit ang hintuturo ko, 'di nagtagal ay hinawakan ni Tejana ang daliri ko gamit ang kaniyang mumunting kamay. Napangiti naman ako. "Tignan mo Inte, ang cute o!" nakangiting saad ko kay Vicente.

Ano ba tagalog ng cute kasi?

"Inte?" nagtataka niyang tanong.

"Oo, Inte. Palayaw ko sa iyo 'yan,"

"Ni minsan walang nagtangkang tawagin ako sa palayaw ng aking pangalan. Pero sige, kung iyan ang iyong ikasasaya." Saad niya.

Napatingin ako kay Vicente na hawak ang sanggol, suwerte ang mapapangasawa ni Vicente at sigurado ako doon.

Na-imagine ko tuloy ang isang dosena naming supling at inaalagaan ito ni Vicente tapos—

"Binibini?" natauhan ako sa boses ni Vicente. "Bakit ka nakatingin sa itaas?"

Napakamot naman ako sa ulo. "H-Ha?"

"Tinatanong kita kung nais mo buhatin si Tejana,"

Napatango ako, "A.., ayoko. Baka mahulog nga."

"Ako ang bahala. Paano na ang magiging anak mo kung hindi ka marunong bumuhat ng isang sanggol?" nadismaya at nahiya ako sa sinabi niya. Akala ko sasabihin niya 'anak namin'. Psh. Huwag ka kasing ilusyonada, Dalia.

"Sige na nga." Wari napilitan pa ako.

Maingat na inilipat ni Vicente sa akin ang sanggol na si Tejana. Oh my! Sobrang liit pala talaga niya at ang gaan!

"Alalayan mo nang mabuti ang ulo niya," ani Vicente. Inalalayan ko ang ulo ng bata at sinikap kong hindi talaga siya mabitiwan o masaktan. Mabuti na lang at nakaupo kami.

"Grabe! ang liit niya!" namamangha kong sinabi kay Vicente. "Sinong mag-aakala na minsa'y ganito rin tayo kaliit noon? Karga-karga ng nanay..tapos ngayon damulag na." saad ko habang unting-unting sumisilay ang ngiti sa labi dahil sa buhat kong baby ngayon.

Bigla naman ako nanggigil sa hitsura nung sanggol. Sobrang tambok ng pisngi niya at para itong mamon.

"Pwede ko ba kagatin 'yung pisngi niya?" pagbibiro ko kay Vicente.

"Senda!" pag-awat niya.

"Binibiro lang kita," natawa pa ako. "Sige, ikaw na lang kakagatin ko." Panunukso ko.

"Sa anong paraan?" tanong ni Vicente sa tonong hindi ko maintindihan kung nang-aakit ba. "At kailan?" dagdag pa niya.

"V-Vicente!" nahihiya kong pagbulyaw sa kaniya. Ramdam ko na nag-init kaagad ang pisngi ko dahil sa kahihiyan.

"E, ikaw. Sinasakyan ko lang ang mga biro mo." Nakangising sinabi ni Vicente. Hindi ko naman ine-expect na papatulan niya 'yung joke ko, 'no!

Itinuon ko ang atensiyon ko kay Tejana at iniwas ang tingin kay Vicente dahil sa 'medyo' mapusok na moment na iyon.

"Bagay sa iyo," saad ni Vicente. "Nakakagiliw tignan na may sanggol kang buhat." Dagdag pa niya. Napalingon ako sa kaliwa dahil kinikilig na ako. Umiikot na ang sikmura ko dahil sa lalaking ito.

"Aysus! Kailan ba kasi kayo magkakaroon ng supling señor Vicente?" panunukso ni Manang Ester. Nagulat naman ako sa kaniya. May dala-dala siyang palayok at inilagay niya ang tilapia sa bilao. "Hindi ba't ikakasal kayo sa Disyembre?" tanong nito.

"Opo, Manang," tugon ni Vicente. "Subalit, hindi ko pa nakakausap ang ama ni Rosenda. Batid ko naman na magkakaayos din kami."

Bigla naman nawala ang ngiti sa labi ko. Hindi ko maamin kay Vicente na ikakasal ako kay Javier Hidalgo na siyang rason kung bakit siya nakulong at nahatulan ng kamatayan.

Kinuha na ni manang Ester ang natutulog na si Tejana at ibinalik sa mumunting silid. Hinalikan ko pa sa pisngi ang sanggol bago siya mawala sa bisig ko.

Hinila ng batang si Tauro ang mesang kahoy para ilapit ito sa amin. Nagpatong si Manang Ester ng apat na dahon ng saging at alam ko na ito ang magsisilbing plato namin ngayon. Ito yata ang sinaunang Boodle Fight.

Naglagay siya ng mga kanin at inilapag na rin ang ulam.

"Mabuti na lang at sobra ang mga putaheng ito para sa amin. Malaki kasi ang aking kinita sa pagsasaka sa hacienda nila Don Hidalgo," saad niya. Sumimangot naman si Vicente sa narinig.

"Kay Javier Hidalgo kayo naninilbihan, Manang?" usisa ni Vicente.

Tumango si manang Ester. "Oo hijo, sa kaniya na lang kasi nangangailangan ng tauhan sa pagsasaka. Hindi na tumatanggap ang pamilya Lafuente at inyong pamilya ng trabahador," paliwanag niya.

Hindi naman na nangialam si Vicente. Batid naman niya na mabuting tao si manang. Nagdasal muna kami sa pangunguna ni Manang Ester bago kumain. "Matagal kang hindi nabisita dito señor Vicente, mabuti naman at naisipan mong dumalaw," ani manang Ester.

"Na-miss ko lang kayo, manang." tugon ni Vicente.

"Ano kamo? Mis?"

Tumango si Vicente. "Opo. Sabi sa akin ni Rosenda, 'na-miss' ang terminong ginagamit kapag sabik ka na makita ang isang tao, wikang Ingles ito."

Napatango si manang Ester. Pasimple naman akong ngumiti dahil sa sinabi ni Vicente. Hindi niya sinabi ang totoong dahilan kung bakit nandito kami. Marahil ay hindi alam ni Manang Ester na galing sa pagkakakulong si Vicente.

"Ikaw talagang bata ka, malambing ka talaga noon pa man," sambit ni manang Ester na winasiwas ang isang kamay na nagalak sa simpleng paglalambing ni Vicente.

Magkatabi kami ni Vicente at nasa tapat namin nakaupo si manang at Tauro. Masaya naming pinagsasaluhan ang kaunting putahe na nakahanda sa mesa. Panay ang tanong ni Vicente sa batang si Tauro tungkol sa kaniya pero tanging pagtango lang ang sinasagot ng paslit.

"Alam mo ba, noong paslit pa lamang itong si señor Vicente, ubod ng kulit ang batang ito. Madalas siyang napapalo sa puwet ng kaniyang ina," kuwento ni manang na natawa pa. Nahiya naman bigla si Vicente at palihim na hinuli ang reaksiyon ko. "Hindi ba't ibig mo noon na maging isang maestro?" usisa ni manang.

Nagulat naman ako sa aking narinig. Si Vicente? Bilang isang guro o maestro? Wow.

"Opo manang, ngunit inudyukan ako ng aking ama na maging sundalo na lamang. Sa paglipas ng panahon ay minahal ko rin ang pagiging isang sundalo," tugon ni Vicente, pero bakas sa boses niya na may kulang pa sa kung ano na ang nakamit niya.

Napatango naman si manang Ester. "Naaawa nga ako sa aking anak na si Tauro, panay ang tanong niya sa'kin kung makakapag-aral siya sa Maynila. Wala naman kaming karapatan bilang indio na makahakbang sa isang paaralan upang matamasa ang karunungan," malungkot na saad ni manang Ester.

Naalala ko bigla ang sinabi ng Philippine History Professor ko na si Ma'am Natividad.

Ginawa nilang mangmang ang mga indio, hindi itinuturo ang matematika, siyensya at pilosopiya na siyang higit na kailangan sa mga elitista lamang. Ang gawaing ito ng mga Kastila ay nagpapatunay lamang na ayaw nilang matuto ang mga Pilipino sapagkat natatakot silang maging maalam tayo, maghanap ng kasarinlan o di kaya'y representasyon at magpumilit na lumaya mula sa kanilang pagmamalupit at kolonya.

Dahil na rin sa korporal na parusa kaya naman ang mga mag-aaral noon ay higit na namumuo ang takot kaya napipilitan mag-aral at magbasa, kaunti lamang ang nahilig sa pag-aaral ng kusa. Ang gawaing ito ng mga Prayle ay isang estratehiya upang higit na talikuran ng mga Pilipino ang pag-aaral, upang talikdan nila ang karunungan na siya sanang makakapagpalaya sa kanila sa mas maagang panahon.

Pinaloob din nila ang mga indio sa polo y servicio, inalipin at inalipusta upang lalo pang bumaba ang kanilang nalalaman at hindi na maisipan pang mag-alsa.

"Paumanhin, manang. Maging ako, ay hiling na tuluyan nang magwakas ang ganoong pagtrato sa mga taong naiiba ang estado sa sa aming mga Kastila. Kung ako ang tatanungin, bawat Pilipino sa ating bansa ay dapat magkaroon ng pagkakataon upang makapag-aral. Babae man o lalaki, mahirap man o mayaman." Wika ni Vicente.

"Suwerte nga kayong mga ilustrados at principales, kaya ninyong mag-aral sa Europa o kahit saang paaralan niyo ninanais." pakli ni Manang Ester.

Napayuko si Vicente. Alam niyang kailanman ay hindi magiging pantay ang pagtingin ng Espanyol sa mga indio. Alam niyang may lamat ang pamahalaang kinabibilangan niya. Hindi siya bulag upang hindi ito makita.

Totoo ang sinasabi ni manang Ester, natatandaan ko ang sinabi sa amin ni Ma'am Natividad na kapuna-punang mapapansin sa sistema ng edukasyon ng mga Espanyol ay ang pagpapahalaga sa mga lalaki bilang tagapagdala ng karapatan na makapag-aral sa pormal na eskwelahan.

Ngunit hindi naglaon ay naitatag din ang mga beaterio

isang makarelihiyong institusyon para sa mga babae. Masasabing hiwalay ang paaralan ng mga lalaki sa babae. Higit sa lahat, isa sa mga pangkaraniwang mukha ng sistema ng edukasyon ng mga Espanyol ay pagbibigay lamang sa mga mamamayan ng karapatang mag-aral. Nabibilang sa mga mapapalad na taong ito ang principales at ilustrados.

Para akong nalunod sa mga naalala at nalalaman ko ngayon. Hindi tayo malaya sa sarili nating bayan. Nakakulong tayo sa sarili nating lupa, hindi hayag, at hindi malaya. Isinusubo lang ang bawat batas na isinasakatuparan ng mga Espanyol, tinatanggap na lamang ang mga ihinahain ng mga tusong opisyales sa panahon na ito.

Ito ang realidad ng ating mga ninuno, ito ang kasarinlan na kanilang sinapit habang ako ay madalas na pinandidirihan ang subject na history. Mahalaga ito malaman, dahil kailanman ay hindi natin magagawang makamit ang totoong kalayaan kung hindi natin tutuklasin ang nakaraan. Ang maging mangmang at ignorante sa mga ganitong pangyayari ay marahil isa na ring uri ng pagtatakwil at pagpapahalaga sa mga sakripisyo ng ating ninuno.

Biglang naglabas ng barya si Vicente sa kaniyang bulsa,

"Manang, heto po tanggapin ninyo, upang makatulong sa inyo nina Tejana at Tauro kahit papano."

"Nako! hidi na hijo, nakakayanan pa namin. Hindi mo dapat gawin iyan—"

Lahat kami ay natahimik sa ingay na nagmula sa labas. Naaninagan ko mula sa manipis na kurtina, na nagsisilbing pinto nila, ang dalawang lalaki.

"Tao po," panimula nila. Tumayo naman agad si manang at nilabas ang dalawang lalaki.

Hinawakan ako sa kamay ni Vicente. Hinila niya ako patungo sa isang sulok at idinikit niya ang kaniyang tainga sa dingding ng kubo. Napadikit naman ako sa kaniya na tila nakiki-tsismis din at nagulat ako kasi napalingon sa akin si Vicente na parang sinasabing 'anong ginagawa mo?'.

"B-Binibini, masiyado ka yatang malapit," nagulat ako kasi na-realize ko na nakadikit na pala 'yung dibdib ko sa likuran niya.

"Ay, shit!" napasigaw ako bigla dahil sa napagtanto ko, dahilan para takpan ni Vicente ang bibig ko. Pinakinggan namin ang usapan sa labas. Manipis lang ang pundasyon ng kubo kaya rinig namin ito.

"May nakita ho ba kayong isang lalaki at babae rito?" tanong ng isang lalaki. Oh my! Isa yata ito sa guardia civil na humahabol sa amin kanina!

"Paumanhin, mga ginoo, ngunit kami lang ng mga anak ko ang narito." Napahawak ako sa aking dibdib sa kaba. Buti nakutuban ni manang Ester ang nangyayari.

"Maaari po ba naming makita ang loob ng inyong tahanan?" tanong ng pang isang boses. Teka, parang pamilyar ang boses na 'yon.

"Paumanhin, Koronel Hidalgo ngunit abala ako sa mga gawaing-bahay. Kilala ninyo naman ako, di'ba?"

"Naiintindihan ko, Manang Ester. Ngunit posibleng mga tulisan ang aming hinahanap. Para rin ito sa inyong kaligtasan," mahinahong pakli ni Javier. Wala na yatang magagawa pa si manang Ester. Baka paghinalaan pa siya nito.

"Sandali lang, señor, kukunin ko lang ang aking mga anak."

Pagkapasok ni Manang Ester ay nakita niya kami ni Vicente sa isang sulok, iyon na ang hudyat na kailangan namin maghanap ng pagtataguan. Kinuha lang niya ang dalawang anak upang magsilbing distraction sa dalawang sundalo. Sumenyas si Manang gamit ang kaniyang mata na magtago kami.

Dinala ako ni Vicente papunta roon sa maliit na silid kung nasaan natutulog ang sanggol kanina. Kumuha siya ng isang kulay itim na kumot at nagtago kami sa ilalim ng kama.

Nagulat ako noong tinakluban ni Vicente ang katawan namin gamit ang kumot. "Anong—"

"Huwag ka maingay, sa ganitong paraan iisipin lamang nila na tayo ay kagamitan lang na hindi na ginagamit sa bahay," mahina niyang sinabi.

Bumilis naman ang tibok ng puso ko dahil sa hitsura namin. Hindi ko alam kung dahil ito kay Javier Hidalgo na nasa labas o dahil dalawa kaming nakatalukbong ng kumot ni Vicente dito sa ilalim ng kama.

Nakatihaya akong nakahiga habang si Vicente naman ay nakadapa at nakasandal ang pisngi sa sahig, pinapakinggan niya ang mga nangyayari sa labas. Nakarinig kami ng mga yabag ng paa mula sa kawayang sahig ng kubo.

Sobrang lapit ko kay Vicente ngayon. Para na yata akong hihimatayin dahil nagwawala na ang puso ko.

'Di nagtagal ay may papalapit na sa amin, tinignan nito ang aparador at sandaling sumilip sa kama, tanging bota lang ang nakikita ko mula sa pinagtataguan namin. Napapikit naman ako dahil sa kaba at nagdasal na hindi kami makita.

"Manang, ano itong mga kagamitang nakabalot ng kumot sa ilalim ng inyong higaan?" tanong ni Javier.

Shit!

"A! Mga lumang banig at unan lamang iyan, Koronel." Paliwanag ni manang. Sana umubra ang excuse niya.

"Maaari ko ba itong makita?" tanong niya.

Nagulat ako noong maglabas si Vicente ng isang kutsilyo na nakaipit pala sa sinturon niya. Hinawakan niya ako sa kamay saka, tinignan. "Kapag sinabi kong takbo, tumakbo ka," aniya. Napatango naman ako.

Nakita ko na lumuhod na si Javier at akmang tatanggalin na ang kumot na nakabalot sa katawan namin. Hawak na niya ito hanggang sa..

"Señor Hidalgo! Nakita ko na ang inyong hinahanap! Mga kabataan lamang pala ito na naglalaro sa kagubatan at napunta sa karagatan. Magkapatid lang pala ito." Sigaw nung isang sundalo.

Napabitaw na sa kumot si Javier at nakita ko ang bota niya na papaalis na.

"Ihahatid ko na kayo, señor." Saad ni manang Ester. Tuluyan naman na silang nawala sa aming paningin.

Para naman akong nabunutan ng tinik sa dibdib dahil sa nangyari. Ibinalik na ni Vicente ang kutsilyong hawak kung saan niya ito kinuha.

"Dito muna tayo hanggang hindi tayo nakakasigurado na wala na si Hidalgo," saad niya. Naririnig pa rin namin na may mga tinig sa labas.

Kaunting liwanag lang na galing sa araw ang pumapasok mula sa itim na kumot na nakatalukbong sa amin, tinanggal na ito ni Vicente at ngayon ay kitang-kita ko na ang mukha niya.

Tinignan niya ako at hindi ko maintindihan ang ipinapahiwatig ng mga tingin na iyon. Nakadapa pa rin siya at nakatihaya pa rin ang higa ko. Pero ngayon ay nakatukod na ang braso ni Vicente sa sahig kaya naman alam ko na kitang-kita niya ako ngayon.

Ramdam ko ang init ng hininga ni Vicente, nakatitig pa din siya sa akin at walang sinasabi. Heto na ba iyon? Ito na ba 'yung moment na hahalikan niya ako? Siya ang first kiss ko kung sakali.

Bigla niyang inilapit ang mukha sa akin at hindi na ako nagdalawang isip na ipikit ang mata ko para tanggapin ang halik ni Vicente.

Mamaya pa ay naramdaman ko na ang init ng hininga niya—

"Rosenda? Anong nangyayari sa'yo at nakanguso ka nang ganiyan?" tanong niya. Napadilat naman ako. What?!

"H-Hindi ba..anong ginagawa mo?" nagtataka kong tanong.

"Kinuha ko ang pulseras mo. Natanggal ito mula sa iyong pulso." Paliwanag niya.

Anak ng tokneneng! Akala ko naman mangyayari na ang first kiss ko. Nag-iimagine lang pala ako ng bagay-bagay. Masiyado akong mapangahas.

Sinuot niya ang pulseras sa kamay ko. "Sabihin mo sa akin, ano ang rason at nakanguso ka kanina na parang isang bibe? Nakapikit ka pa," pang-aasar niya.

Tinulak ko naman siya sa inis, "Aywan ko sa'yo!" ramdam ko naman bigla ang kahihiyan na gumagapang sa katawan ko. Ayan Dalia, napakalandi mo kasi.

"Señor Vicente, señorita Rosenda, wala na ang guardia civil at si Koronel Hidalgo," gumapang kami ni Vicente palabas sa ilalim ng kama. Nagpagpag ako ng saya ko. "Ano ba talaga ang nangyari?" tanong ni manang Ester.

"Saka ko na ho ipapaliwanag, Manang. Maraming salamat po dahil hindi ninyo kami itinuro," naglabas si Vicente ng barya at kinuha ang kamay ni manang Ester saka inilagay ang barya sa palad nito. "Huwag niyo na po tanggihan ang katiting na tulong ko. Bilang pasasalamat ho ito," ani Vicente.

"Salamat po kanina," sabi ko kay Manang Ester.

Niyakap niya kaming dalawa ni Vicente. Ginulo naman ni Vicente ang buhok ni Tauro at hinalikan sa pisngi si Tejana. Marahan na kinurot ko naman sa pisngi si Tejana pati na rin si Tauro. Kahit saglit ko lang sila nakasama ay masaya ako na nakilala ko sila.

Umalis na kami sa kanilang kubo at sa paglingon ko, nakita ko pang nakangiti si Manang Ester at buhat-buhat pa niya si Tejana habang kumakaway naman sa amin si Tauro. Lahat sila ay nakangiti sa amin. Kumaway rin ako pabalik at gumati rin ng isang ngiti.



KINABUKASAN, MAAGA AKONG ginising ni Ina. Inuga-uga niya ako nang bonggang-bongga. "Senda! Gumising ka! Mamayang alas siete ay magtutungo kayo ni kuya Antonio mo sa daungan sa Maynila," nag-unat pa ako. Anong oras na ba?

"Ina? Anong oras na ba?" nakapikit ko pa ring tanong.

"Alas kuwatro na ng umaga. Bumangon kana't tanghali na." Aligagang sinabi ni Ina.

"P-Po? Hindi pa nga po sumisikat ang araw tanghali na agad?" tanong ko.

"Namimilosopo ka ba, Senda?" bulyaw naman niya.

Napaupo naman ako sa kama ko, "Joke--biro lang, Ina. Heto na po, tatayo na po. Saan po ba tayo pupunta habang hindi pa sumisikat ang araw? Nako, hindi na ako makapaghintay!" hiyaw ko na sinabayan pa ng pagpalakpak.

Napailing si Ina, "Aywan ko sa'yong bata ka. Magaling na ba ang tuhod mo?" usisa niya. "Huwag mo na ulit susuwayin ang iyong Ama, anak ha? Hindi ko kayang nakikita na nasasaktan ka." Hinawakan niya ako sa pisngi.

"Opo, Ina. Ayoko rin po kayong nasasaktan nang dahil sa akin." Wika ko.

"Magandang umaga! Senda, maghanda ka na at mahaba-haba ang biyahe natin papuntang Maynila," bumungad si kuya Antonio sa pinto at akala mo batang sabik na sabik sa pupuntahan.

"Huh? Saan ba tayo pupunta, Kuya?" tanong ko.

"Hindi mo ba batid? Susunduin natin sa daungan ang paborito nating pinsan..si Leonardo Valiente."

What?

Another pinsan na naman?

Sana hindi siya kasing sama nina Jovita at Jacinta Montemayor!

Continue Reading

You'll Also Like

4.6M 58K 51
Nagkulang ba ako sa kanya? Binigay ko naman sa kanya ang lahat, ang puso ko, ang kaluluwa ko at ang katawan ko pero bakit niya sakin nagawa ito? Akal...
4M 180K 56
AUDITION GONE WRONG! Macey Ela Sandoval aspires to be a singer. Instead, she ends up in The Search for 7 Wives- a harem reality game, designed by the...
27.3M 220K 66
From online story to published book. Diary ng Panget BOOKS 1 to 4 are now available in bookstores nationwide for only 150 pesos each. Thank you every...
1.7M 80.2K 22
Ang Ikalawang Serye. Si Aurora Lacamiento ay mayroong malubhang karamdaman mula pagkabata. Sa loob ng ilang taon ay naging sandigan niya ang pagbabas...