Ang Sining ng Pagpapalaya [PU...

By miko__akihiro

631 33 14

Ang Sining ng Pagpapalaya Koleksiyon ng mga maikling kuwento Unang nailathala sa Liwayway, ang nangungunang l... More

Mga Alaala sa Paris
Agawin Mo Ako sa Diyos
Ang Sining ng Pagpapalaya
Isang Araw sa Sementeryo
Ang Diary sa Lilim ng Cherry Tree
Isang Perpektong Pasko
Ang Liham ng Pamamaalam
Bumili ng Kopya!

Mga Sulat Mula sa Isang Anghel

54 4 6
By miko__akihiro

ALBERT,

Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa iyo ang bagay na ito pero kailangan ko itong sabihin sa 'yo upang malaman mo.

Patawarin mo ako, Albert. Wala na akong nararamdamang pag-ibig para sa 'yo. Alam kong masakit sa parte mo pero gusto ko nang makipaghiwalay. Gusto ko nang maghiwalay tayo. May mahal na akong iba.

Kung hindi mo ako mapapatawad ngayon, naiintindihan kita. Pero sana darating din ang araw na mapatawad mo ako. Maraming salamat sa pagmamahal mo sa akin. Marahil ay hindi ako ang tamang babae para sa 'yo.


Please forgive me,

Eunice


Awtomatikong tumulo ang mga luha ko pagkatapos kong basahin ang e-mail mula sa kasintahan kong si Eunice. Paano nangyaring naglaho na lang na parang bula ang pag-ibig niya para sa akin? Bakit? Ano ang nagawa kong mali? Saan ako nagkulang?

Ginawa ko naman ang lahat para sa kanya, para mapasaya siya. Pero bakit nagawa niya sa akin iyon? Bakit, hindi pa ba sapat ang pagmamahal ko para sa kanya?

Lalo pa akong umiyak nang bumalik sa isip ko ang mga masasayang araw naming dalawa ni Eunice. Miss na miss ko na ang mga araw na iyon. Miss na miss ko na si Eunice. Araw-araw ay nasasabik akong makita siya ngunit parang hindi na darating ang araw na iyon. Hindi ko na siya makakasama. May mahal na siyang iba. Ayaw na niya sa akin. Hindi na ako ang mahal niya.


HINDI AKO NAG-REPLY sa e-mail ni Eunice. Hindi ko na siguro kailangan pang ipaalam sa kanya ang nararamdaman ko. Alam na naman niya siguro na hindi ako masaya sa sinabi niya sa sulat. Pero kahit nakikipaghiwalay siya sa akin, hindi ako makikipaghiwalay sa kanya. Kahit masakit, sige, ayos lang. Wala naman kasi akong magagawa. Ayoko siyang pilitin kung ayaw na niya.

Para sa akin, kung talagang kami ni Eunice ang para sa isa't isa, babalik ang pagmamahal ni Eunice para sa akin. Uuwi si Eunice mula sa Guam at sasabihin sa akin na ako talaga ang tunay niyang mahal.

Hindi ko pa rin mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Bigla akong nawalan ng gana sa lahat ng bagay. Gusto kong magmukmok. Nang tumawag ang katrabaho ko sa isang architectural firm ay hindi ko sinagot ang tawag. Bahala na kung matanggal ako sa trabaho. Wala na akong pakialam.

Akala ko, si Eunice na ang babaeng makakasama ko habambuhay pero hindi pala. Nagkamali ako. Ngunit ipinapanalangin ko na sana ay hindi ako nagkamali, na si Eunice lang ang nagkamali sa sinabi niya. Sobrang nabigla ako sa sinabi niya. Kahapon lang ay masaya pa kaming nag-chat. In-upload pa niya sa Facebook ang mga bagong pictures niya sa Guam, kung saan siya nagtatrabaho bilang isang medical technologist. Pagkatapos kani-kanina lang ay bigla na lang siyang nakipag-break sa akin. Sino ang hindi mabibigla n'on?

Binasa ko ang nakaraang mga e-mail ni Eunice. Kahit masasaya ang mga nakasulat doon ay umiiyak ako. Dahil hindi na ako muling makakatanggap ng mga sulat mula sa kanya. Baka nga huling e-mail na niya ang natanggap ko kanina. Nagkulong ako sa condominium unit ko at uminom ng alak buong araw. Alak ang naging almusal, tanghalian, merienda, at hapunan ko.

Paggising ko kinabukasan, natagpuan ko ang aking sarili na nakahiga sa sahig. Kumikirot ang sentido ko dahil sa matinding hangover. Hindi na ako nagtaka kung bakit magulo ang unit ko. Parang pinasok iyon ng mga magnanakaw. Ako ang may kagagawan kung bakit magulo ang unit ko. Nagwala ako kagabi. Halos lahat ng mga bagay na mahawakan ko ay pinagtatapon ko. Pero nakatulong iyon upang mabawasan ang sobrang sama ng loob ko.

Tumayo ako upang linisin ang mga kalat at upang ayusin ang mga gamit na nagulo. Pinulot ko ang picture namin ni Eunice na nasa loob ng nabasag na frame. Pinagmasdan ko ang masayang larawan namng iyon.


NAKATANGGAP AKO ng e-mail mula kay Eunice pagkalipas ng dalawang araw. Ipinagdasal ko na sana maganda ang sulat na mababasa ko.


Dear Albert,

Huminingi ako ng tawad sa sinabi ko noong isang araw. Patawarin mo ako. Hindi ko alam kung bakit ko iyon nasabi. Nabigla lang siguro ako. Dahil lang siguro sa problemang iniisip ko. Sorry, pati tuloy ikaw, nadamay.

Pero huwag kang mag-alala, okay na ako ngayon. Hintayin mo ang pagbabalik ko. Alam mo naman na four months from now, uuwi ako, hindi ba? Kung puwede ko lang sanang pabilisin ang oras, ginawa ko na para makasama na kita kaagad.

Mahal na mahal kita, Albert. Ikaw lang ang mamahalin ko araw-araw.


Loving you always,

Eunice


Nabuhayan ako ng pag-asa sa nabasa kong iyon. Naglahong parang bula ang mga naisip kong negatibong bagay na balak ko sanang gawin. Lahat ng iyon ay napalitan ng positibo. Kung hindi ko pa siguro natanggap ang sulat na iyon mula sa kanya ay baka wala na akong buhay ng mga sandaling iyon.

Kaagad akong nag-reply.


Dear Eunice,

Maraming salamat. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayon. Sobrang saya ko, Eunice. Umaapaw ang saya sa puso ko. Akala ko, mawawala ka na sa akin. Akala ko, nagkamali ako ng akala. Tama pala talaga ako. Tama ako na ikaw ang makakasama ko habambuhay.

Wala na akong masabi, Eunice. Puwede bang mag-video call na lang ako?


Yours forever,

Albert


Ngunit wala akong natanggap na sagot. Inisip ko na lang na baka busy siya, na may biglaang lakad kaya wala nang oras para mag-reply. Ang importante naman ay maayos na kami.


TULOY-TULOY na ang masayang pakiramdam ko nang mga sumunod pang araw. Araw-araw akong nakakatanggap ng sulat mula kay Eunice na ipinapadala niya sa pamamagitan ng e-mail. Medyo nagtaka lang ako dahil noon ay hindi naman araw-araw kung magpadala siya. Pero hindi na ako nagtanong kung bakit. Magrereklamo pa ba ako? Dapat pa nga akong magpasalamat dahil araw-araw siyang may oras upang sulatan ako.

Inisip ko na lang na bumabawi lang siguro siya sa akin dahil sa ginawa niya noong isang araw na tinatawanan ko na lang kapag naaalala ko. Ngunit may isang bagay lang akong pinag-iisipan nang mabuti: Bakit hindi na niya pinapansin ang gusto ko na makipag-video call o makipag-usap sa kanya kahit sa cell phone? Bakit puro e-mail na lang?

Gusto kong malaman ang sagot pero ayokong magtanong. Hindi ko alam kung bakit. Nawi-weird-an ako sa nangyayari. Nawi-weird-an din ako kay Eunice, pati sa aking sarili. Parang biglang naging weird ang mundo ko.

Pero sa kabila ng lahat, nangingibabaw ang saya ko dahil pakiramdam ko ay araw-araw kong kasama si Eunice dahil sa araw-araw na pagpapalitan namin ng mga sulat sa e-mail. At dahil sa mga sulat na ipinapadala sa akin ni Eunice, tila nakakalimutan ko ang mga lungkot at problema at puro saya na lang ang nararamdaman ko. Araw-araw ay palagi akong inspired. At siyempre pa, si Eunice ang aking inspirasyon.


DEAR ALBERT,

Kahit hindi mo sabihin ay alam kong nagtataka ka sa akin tungkol sa mga bagay-bagay. Huwag kang mag-alala, sasabihin ko rin sa iyo sa tamang panahon. Wala pa kasi akong lakas nang loob sa ngayon. Ang gusto ko kasi ay sabihin sa iyo ito nang personal.

Basta lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita, Albert. Ikaw ang lalaking pinapangarap ko. Labis akong nagpapasalamat sa Panginoon, araw-araw akong nagpapasalamat sa Kanya dahil ibinigay niya ang pagkakataong ito sa akin.

Pangako, Albert, ikaw lang, wala nang iba.


Loving you always,

Eunice


Kunot-noong binasa ko uli ang sulat na natanggap ko mula kay Eunice nang araw na iyon. Tagalog naman ang nakasulat pero tila wala akong naintindihan. Hindi ko mawari kung ano ang ibig niyang sabihin. Parang napakalalim ng mga salitang ginamit niya. Parang bugtong na napakahirap sagutin. Parang jigsaw puzzle na napakahirap buuin.

Gusto ko mang malaman kaagad kung ano ang ibig niyang sabihin, hihintayin ko na lang ang pag-uwi niya. Mas mabuting personal niyang sasabihin ang lahat. Kaya ko namang maghintay, kahit gaano pa katagal.


DUMATING ang araw na pinakahihintay ko. Sobrang excited akong makita si Eunice pagkatapos ng mahigit isang taon. Pakiramdam ko, ang tagal-tagal naming hindi nagkita. Isang araw pa nga lang noon buhat nang umalis siya ay parang isang dekada na para sa akin, pagkatapos pa kaya ng mahigit isang taon?

Sinunod ko ang gusto niya na huwag ko siyang sunduin sa airport. Siya na lang daw ang pupunta sa unit ko. May susi siya ng condominium unit ko.

Kanina pa ako nakatingin sa pinto. Kanina ko pa inaabangan si Eunice. Natatagalan ako.

"Konting-konti na lang, Albert. Kaya mo ngang maghintay ng mahigit isang taon, ngayon pa kayang ilang minuto na lang?" bulong ko sa aking sarili. Ipinikit ko ang aking mga mata. Hiniling ko na sana sa pagmulat ko ay nasa harap ko na si Eunice.

Pagmulat ko ay natupad ang hiling ko. May isang babaeng nakatayo sa harap ko. Ngumiti ako pero unti-unting napalis iyon dahil hindi si Eunice iyon. Ibang babae.

Nagulat man ako ay napansin ko pa rin ang kagandahang taglay niya. Totoo nga talaga siguro ang mga anghel. Dahil isa sa mga iyon ay lumipad mula sa langit pababa sa lupa at nasa harap ko nang mga sandaling iyon.

Ngayon ko lang nakita ang babae pero pakiramdam ko ay matagal ko na siyang kilala. Tila matagal na siyang kilala ng puso ko.


"KAIBIGAN AKO ni Eunice. Magkasama kami sa trabaho sa Guam," sagot niya pagkatapos ko siyang tanungin kung sino siya.

"Nasaan si Eunice? Magkasama ba kayong umuwi? Gusto talaga niya akong sorpresahin, ano?" nakangiting sunud-sunod kong tanong.

Ilang segundo ang pinalipas niya bago sumagot. "Hindi ko siya kasama, Albert. Wala siya. Wala na siya."

Kaagad akong kinabahan sa sinabi niya. "A-anong wala na?" naguguluhang tanong ko.

"I'm sorry to say this but... she passed away."

Natulala ako. Ilang segundo pa ay naramdaman ko ang pagtulo ng mga luha ko. "No. Hindi totoo 'yan. Sino ka ba? Sino ka para sabihin sa akin ang kasinungalingang 'yan?"

"I'm telling the truth, Albert."

"Hindi! Wala kang karapatang sabihin 'yan. Umalis ka! Hindi kita kilala."

"Sige, aalis ako. Naiintindihan kita kung bakit nagkakaganyan ka. Pero kailangang malaman mo na wala na si Eunice. Nagsasabi ako ng totoo. She died in a car accident." Pagkasabi niyon ay tumalikod siya at iniwan ako.

Sinundan ko siya ng tingin habang paulit-ulit na naririnig ko sa isip ang sinabi niya.

"Eunice, bakit? Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin ang totoo? Wala ba akong halaga sa 'yo? Bakit mo ako iniwan? Kailanman ay hindi ka na babalik at hindi na kita makikita sa mundong ibabaw pero bakit ka umalis nang walang paalam?"


MULING NAGING puti at itim ang kulay ng mundo ko dahil sa nalaman ko tungkol kay Eunice. Inisip ko na naman na mali ako. Hindi si Eunice ang babaeng para sa akin. Hindi si Eunice ang makakasama ko habambuhay. Nasaktan na naman ako. Pero hindi katulad noong mabasa ko ang breakup letter ni Eunice. Mas nasasaktan ako ngayon. Hindi lang parang hinati ang puso ko kundi parang hiniwa sa maliliit na bahagi.

Mas masakit pala ang mawala ang taong mahal mo na alam mong hindi na babalik kailanman. Paano pa maibabalik sa akin si Eunice gayong sumakabilang-buhay na siya?

Wala na akong magagawa. Iyon na siguro ang kagustuhan ng nasa Itaas. Ang tanging magagawa ko na lang ay ang umiyak. Umiyak nang umiyak nang umiyak. Siguro hanggang sa wala na akong mailuluha.


SI EUNICE kaagad ang unang pumasok sa isip ko paggising ko kinabukasan. Nakatulog din ako kagabi na si Eunice ang nasa isip. Kahit saan ako tumingin ay siya ang nakikita ko.

Nagtaka ako nang napansin kong tila may nagbago sa condo unit ko. Malinis at maayos iyon. Nang dumako ako sa kusina ay nakita kong may mga nakapatong sa mesa: isang plato at mangkok na pawang may mga takip. May nakatuping papel na nakalagay sa tabi ng tasa ng kape na amoy na amoy ko ang mabangong aroma at kitang-kita ko ang usok niyon na nagpapahalata na mainit pa iyon.

Kinuha ko ang papel at binasa ang nakasulat doon.


Dear Albert,

Alam ko ang pinagdadaanan mo ngayon kaya naintindihan ko kung bakit mo ako ipinagtabuyan kahapon. Pasensiya ka na sa sinabi ko pero iyon ang totoo.

Maganda pa rin ang buhay. Darating din ang araw na muli kang sasaya.

Magandang umaga sa iyo. Mag-breakfast ka na. Baka gutom na gutom ka na. Naisip ko lang na baka hindi ka kumain kahapon buong maghapon.

Smile.


May nakalagay pang smiley pagkatapos ng salitang "smile" sa sulat. Walang nakalagay kung kanino galing ang sulat na iyon pero marahil ang babaeng nakaharap ko kahapon ang gumawa niyon. Hindi na rin ako nagtaka kung paano siya nakapasok sa unit ko. Kaibigan siya ni Eunice. Malamang sa hindi ay ibinigay sa kanya ni Eunice ang susi ng condominium unit ko.

Binitawan ko ang papel na parang walang pakialam kung saan mapunta iyon. Binuksan ko ang mga natatakpan sa mesa. Biglang nagreklamo ang tiyan ko kaya kaagad kong ibinuhos ang pansin sa pagkain.

Nakita ko sa ilalim ng mesa ang sulat na binasa ko kanina. Pinulot ko iyon at muling binasa. Pagkatapos basahin ang salitang "smile" ay natagpuan ko ang sarili ko na nakangiti. Bigla ay parang gumaan ang aking pakiramdam.

Pumasok sa isip ko ang babae. Talagang maganda ito. Tulad ng isang anghel. At na-realize ko nang una ko siyang makita ay sandali kong nakalimutan si Eunice.

Hindi lang iyon ang sulat na natanggap ko mula sa babae. Hindi lang din iyon ang almusal na inihanda niya para sa akin. At hindi lang almusal ang inihahanda niya. Tuwing uuwi ako galing sa trabaho ay may nakahanda nang hapunan sa mesa ko. Ako naman ay binabasa lang ang mga sulat niya at kinakain ang mga pagkaing inihanda niya.

Isang umaga paggising ko ay wala akong nakitang kung ano sa mesa. Tila nasanay na ako na ipinaghahanda niya. Nanibago ako. Ano kaya ang nangyari sa babaeng iyon? Nag-aalala ako.

Nang sumunod na araw ay gumising ako nang maaga upang abangan siya. Pero hindi siya dumating. At buong araw ay ang babaeng iyon ang laman ng aking isipan.


MAHIGIT isang buwan ang lumipas na wala akong balita tungkol sa babae. Paano nga ba ako magkakaroon ng balita tungkol sa kanya gayong hindi ko alam ni pangalan niya? Ngunit kung ilang linggo at araw na wala akong balita tungkol sa kanya ay higit pa roon ang tagal na iniisip ko siya.

Inaamin ko, na-miss ko ang mga sulat niya, na-miss ko ang paghahanda niya ng almusal at hapunan para sa akin. Kaibigan at kasama siya ni Eunice sa trabaho. Naisip ko na baka bumalik na siya sa Guam.

Inihanda ko na lang ang sarili ko para pumasok sa trabaho. Pagbukas ko ng pintuan para lumabas ay tumambad sa harap ko ang babae. Nanlaki ang mga mata ko—hindi dahil sa gulat kundi dahil sa pagkamangha. Tila mas lalo siyang gumanda. Naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko.

"Good morning!" nakangiting bati sa akin ng babae. "Nagulat ba kita?" tanong niya.

"Hindi naman," nakangiting turan ko. "Pumasok ka muna."

"Hindi na. Pumasok ka na sa trabaho, baka ma-late ka. Akala ko nga, nakaalis ka na."

"Hindi muna siguro ako papasok ngayon," sabi ko.

"Bakit naman?"

"Gusto kitang makausap. Nakapag-breakfast ka na ba?" tanong ko. Pero hindi ko na hinintay ang sagot niya. Niyaya ko siyang mag-almusal sa isang restaurant. Maraming mga bagay kaming pinag-usapan tungkol sa aming mga sarili. Gusto kong magtanong tungkol kay Eunice pero hindi ko na ginawa. At hindi na ako nalungkot nang maalala si Eunice. Marahil ay tanggap ko na. Unti-unti ko nang natatanggap na wala na si Eunice.

Buong maghapon na magkasama kami ng babae. Pagkatapos kumain ng almusal ay namasyal kami sa kung saan. Sabay rin kaming kumain ng lunch sa isa pang restaurant. Pagkatapos ay namasyal uli. Sabay uli kaming kumain ng merienda, muling namasyal sa kung saan at sabay muling kumain ng dinner sa isa na namang restaurant.

"Salamat dahil sinamahan mo ako ngayong araw," sabi ko sa kanya pagdating namin sa tapat ng bahay nito. Hinatid ko siya.

"Salamat din naman. Dahil libre mo lahat," natatawang wika niya. "Ayaw mo ba munang pumasok? Huwag ka nang mahiya. Wala naman akong kasama rito. Tulad ni Eunice, nandoon na rin ang pamilya ko sa Guam."

"Huwag na lang siguro," sagot ko. "Baka kung ano pa ang isipin ng mga kapitbahay mo."

"Bakit, may gagawin ka bang masama sa akin?"

"Mukha bang may gagawin akong masama sa 'yo?"

"Sige na nga, umuwi ka na. Salamat sa paghatid."

Umuwi ako na tila hindi maalis ang ngiti sa mga labi. Hindi kasi mawala sa isip ko ang magandang ngiti niya. Ang ngiti niya ay nakapagpapalimot ng lahat. Tila kaya ko nang harapin ang mundo kapag nakikita ko ang ngiti niya.


NANG MGA sumunod na araw ay muli kaming lumabas. Halos araw-araw pagkagaling ko sa trabaho ay sinusundo ko siya upang mag-dinner sa labas. Hinahatid ko rin siya sa kanila.

"Oo nga pala, lagi kong nakakalimutan, salamat nga pala sa mga sulat mo kasama ng paghahanda mo ng almusal at hapunan ko noon. Salamat pa rin sa paghahanda ng mga almusal ko ngayon. Nasanay na yata ako. Bakit mo ba ginagawa 'yon?" tanong ko sa kanya.

Hindi niya sinagot ang tanong ko. "Ikaw, bakit mo rin ako niyayaya palagi na lumabas?" Hindi na niya hinintay ang sagot ko. Kaagad nitong dinugtungan ang sinabi. "May nakalimutan din pala akong sabihin sa 'yo, Albert. Actually, hindi lang sasabihin kundi aaminin. Sa dinami-rami kasi ng napag-usapan natin at sa dinami-rami ng mga araw na magkasama tayo, hindi mo nabanggit ang tungkol sa nagpapadala ng e-mail sa 'yo. At hindi ko rin nabanggit. Nakawiwili ka kasing kasama. Albert, ako ang nagpapadala sa 'yo ng mga e-mail. 'Yong huling e-mail sa 'yo ni Eunice ay 'yong nakalagay na nakikipaghiwalay siya sa 'yo dahil may mahal na siyang iba. Totoo 'yon, Albert. Magkasama sila sa kotse noong naaksidente sila. Sa kasamaang-palad ay binawian ng buhay si Eunice."

Wala akong nasabi. Napalis ang ngiti ko.

"I'm sorry, Albert."

"It's okay. Nakaraan na 'yon. Nakaraan ko na si Eunice. At sa palagay ko, natagpuan ko na ang kasalukuyan ko."

Sandaling katahimikan ang namagitan sa amin bago siya nagsalita.

"Nangyari din sa akin ang nangyari sa 'yo, Albert. Namatay naman siya dahil sa cancer. Hindi ko matanggap noong una. Natural lang siguro 'yon. Pero unti-unti ay natanggap ko rin ang pagkawala niya. At muli akong umibig. Kahit picture pa lang niya ang nakita ko noon, pakiramdam ko ay natagpuan ko na ang lalaking para sa akin. Parang ibinulong ng puso ko na "siya na." Pero may girlfriend siya noon na nakilala ko sa trabaho at naging kaibigan ko. Isang araw, sinabi sa akin ng kaibigan ko na hindi na niya mahal ang boyfriend niya, nawala na raw ang pag-ibig niya para dito. Pinadalhan na daw niya ito ng breakup letter sa e-mail. Sasabihin ko na sana sa kaibigan ko na may gusto ako sa boyfriend niya nang mangyari ang aksidente. Naawa ako sa boyfriend niya. Nagpadala ako ng mga sulat sa lalaking iyon gamit ang e-mail address ni Eunice. Hindi kasi niya na-logout iyon kaya pinakialaman ko. Nagpanggap akong si Eunice. Ang una kong sulat sa kanya ay humihingi ako ng tawad, na hindi ko sinadyang makipag-break, nadala lang ako sa problema ko. Masaya ako dahil muli siyang naging masaya nang matanggap niya ang sulat. Nagpalitan kami ng sulat pero hindi ko pinagbibigyan ang hiling niyang magbi-video call siya o tumawag sa cell phone. Natakot ako na baka malaman niya na hindi ako si Eunice. Baka magalit siya at ayawan niya ako. Ayokong mangyari 'yon. Pero sinabi ko sa huling e-mail ko na handa na akong sabihin ang lahat sa pag-uwi ko. Kaya sinabi ko na sa 'yo ang lahat, Albert. Kung galit ka man sa akin ngayon, naiintindihan kita. Patawarin mo ako dahil niloko kita. Patawarin mo ako dahil hindi ko sinabi na hindi ako si—"

Hindi na niya naituloy ang sasabihin niya dahil hinalikan ko siya sa mga labi. Ngumiti ako nang tumigil ako sa paghalik sa kanya. "Hindi mo kailangang humingi ng tawad. Ako pa nga ang dapat na humingi ng tawad sa ginawa ko sa 'yo. Pinaalis kita dahil hindi ako naniwala sa 'yo sa sinabi mong wala na si Eunice. Dapat din akong magpasalamat sa 'yo. Dahil sa mga sulat na 'yon kaya nananatili akong buhay sa mundo. Alam mo bang binalak kong kitlin ang sarili kong buhay kung hindi ko natanggap ang mga sulat mo. Isa kang anghel. Isang napakagandang anghel."

"Maraming salamat, Albert."

"Pero teka, mabuti ka pa alam mo ang pangalan ko. Bakit ako, hindi ko alam ang pangalan mo?"

"Angeline. 'Yan ang pangalan ko."

"Angeline. Bagay na bagay sa 'yo ang pangalan mo. Will you be my angel for the rest of my life?"

Muling tumulo ang mga luha ni Angeline. "I will be your angel for the rest of your life, Albert."



Published December 7, 2015



Continue Reading

You'll Also Like

13.7K 401 10
Elizer & Liam's story prequel. Yes, you can read it without reading Arken Needs if you want. This is only a short story.
504K 17.3K 35
"If someday, when you realize that I could somehow be a part of your life , I'll always be your shooting star." Santi X Martee
11.7M 302K 23
Alexander Vintalli is one of the most ruthless mafias of America. His name is feared all over America. The way people fear him and the way he has his...
381K 9K 16
She is a well-known actress. She knows how to act, and to fake her emotions, even her civil status. Who would have thought that she is already marrie...