Ang Sining ng Pagpapalaya [PU...

By miko__akihiro

631 33 14

Ang Sining ng Pagpapalaya Koleksiyon ng mga maikling kuwento Unang nailathala sa Liwayway, ang nangungunang l... More

Mga Alaala sa Paris
Agawin Mo Ako sa Diyos
Ang Sining ng Pagpapalaya
Isang Araw sa Sementeryo
Mga Sulat Mula sa Isang Anghel
Isang Perpektong Pasko
Ang Liham ng Pamamaalam
Bumili ng Kopya!

Ang Diary sa Lilim ng Cherry Tree

78 5 0
By miko__akihiro

MAGANDA rito sa Japan. Maraming magagandang tanawin. Ang sarap kunan ng litrato. Kaya naman, pagdating na pagdating ko rito ay kaagad akong gumala upang kumuha ng mga litrato sa paligid. Pagod man ako sa mahigit apat na oras na biyahe sa eroplano ay mas nangibabaw ang excitement ko kaya parang nawala ang pagod ko.

Mahilig akong kumuha ng litrato kaya naman sobrang saya ko nang niregaluhan ako ni Mama ng Polaroid camera noong second year high school ako. Alam kong matagal niyang pinag-ipunan iyon kaya naman ay lagi kong iniingatan.

Pangarap ko ang maging isang photographer. Pero hindi lang ang pagkuha ng litrato ang pinunta ko sa Japan. Nandito ako para hanapin ang aking ama. Iyon ang pinakadahilan ko.

Sabi ni Mama, sanggol pa lamang ako mula nang umalis si Papa sa Pilipinas at umuwi sa sariling bansa. Negosyante si Papa sa Pilipinas. Pero nang malugi ang hardware store niya ay nagdesisyon siyang umuwi sa Japan upang doon magtrabaho. Nangako siyang babalik pero hanggang ngayon ay hindi na namin nakita ni anino niya. Nakalimutan din niya ang obligasyon at responsibilidad niya bilang asawa ni Mama. Hindi rin siya nagpapadala ng pera. Tila kinalimutan na niya kami na pamilya niya. Mabuti na lang at natanggap si Mama sa isang food company at naging regular doon.

Sumali ako sa isang photography contest na inorganisa ng isang kilalang arts organization sa Pilipinas para sa mga college students sa tulong ng Japanese government. Mapalad akong nanalo. Trip to Japan ang premyo. Mayroon pang apat na araw na photography workshop sa Tokyo Polytechnic University, na ang dating pangalan ay Konishi Professional School of Photography, kaya naman ay talagang specialization ng university ang photography. Kasama sa prize ng contest ang one-week cash allowance na ilang papel na yen at isang linggong pag-stay sa isang hotel sa Tokyo.


ISANG LINGGO. Kailangang mahanap ko ang papa ko sa loob ng pitong araw. Sabi nila, lahat daw ng nangyayari ay may dahilan. Maaaring ang dahilan kung bakit nanalo ako sa contest ay ang mahanap ko si Papa. Sana nga.

May picture ako ni Papa. Lihim kong kinuha iyon sa mga gamit ni Mama. Ang sabi ni Mama, pinunit at itinapon na niya ang nag-iisang larawan na iyon ni Papa pero nagsinungaling siya. Nang hanapin ko iyon sa mga gamit niya ay nakita kong buong-buo iyon. Naisip ko na ayaw rin pala ni Mama na mawala ang isang remembrance na iyon mula kay Papa. Marahil ay ayaw rin niyang kalimutan si Papa.

Kahit hindi sabihin ni Mama, kahit ikinakaila niya, alam kong mahal pa rin niya si Papa. Natural lang naman na magalit siya dahil sa ginawa ni Papa pero alam kong hindi mapagtanim ng galit o sama ng loob si Mama. Alam kong matagal na niyang pinatawad si Papa.

Sa laki at lawak ng Japan, paano ko hahanapin doon si Papa? Hindi ko alam ang eksaktong address niya. Dalawang bagay lang ang alam ko sa kanya: ang pangalan niya at kung nasaan siya. Siya si Ichiro Takahashi at siya ay nasa Tokyo, kung saan ako naroroon ngayon. Pero hindi ko alam kung doon pa siya nakatira o hindi na. Basta, hahanapin ko pa rin siya. Bahala na. Labis akong nananalangin na sana ay makita ko si Papa.

Gusto kong malaman kung ano na ang nangyari sa kanya. Kung may bago na ba siyang pamilya. Sana, wala. Gusto ko kasi sanang magkabalikan pa sila ni Mama. Pero iyon nga lang, hanggang "sana" na lang. Dahil hindi na mangyayari iyon. Wala na si Mama. Sumakabilang-buhay siya noong isang taon. Isang umaga, hindi na siya nagising.


NAMUMULAKLAK ngayon ang mga cherry tree sa Tokyo. Sa pagkakaalam ko, sa ibang lugar sa Japan, sa ibang buwan din namumulaklak ang mga cherry tree. Sa Okinawa, January ang cherry blossom. Samantalang sa northern island ng Hokkaido, buwan naman ng Mayo. Kasabay naman ng Tokyo ang Kyoto at Osaka tuwing Abril.

Sini-celebrate din nila ang Cherry Blossom Festival o tinatawag nilang Hanami. Maraming nagpi-picnic sa ilalim ng mga cherry tree. Nagdadala sila ng mga lutong-bahay o bumibili ng mga pagkain sa restaurants o ng street foods at kinakain sa ilalim ng mga cherry tree. May mga nagtitinda rin ng sari-saring souvenirs para sa mga turista.

Halos isa-isa kong tiningnan ang bawat pamilyang nandoon pero nabigo akong makita roon si Papa. Naisip ko lang na baka hindi na ganoon ang itsura niya sa picture. Nasa late thirties pa siya sa picture. Baka nag-iba na ang itsura niya dahil nadadagdagan na rin ang kanyang edad. Ngunit naisip ko na baka hindi naman. Baka wala lang siya roon. Ganoon lang talaga siguro. Kapag hinahanap mo, hindi mo nakikita pero kapag hindi mo naman hinahanap, doon mo makikita. Pero sige lang. Pasasaan ba't makikita ko rin si Papa.

Hindi raw nagtatagal ang cherry blossom season. Ang full bloom o ang tinatawag nilang mankai ay umaabot lamang ng humigit-kumulang o sa loob ng isang linggo pagkatapos ng first blossom o ng tinatawag nilang kaika. At siyempre, unti-unti nang nalalaglag ang mga bulaklak mula sa puno.

Nakangiti kong kinuhanan ng larawan ang mga cherry tree sa isang park na malapit sa isang ilog. Magandang tingnan ang unti-unting naglalaglagang petals ng mga bulaklak. Sa pelikula ko lang iyon nakikita dati. Mas maganda pala kapag nandoon ka mismo, mas maa-appreciate mo. Napaka-classic ng view. Napaka-awesome, napaka-excellent, napaka-epic.

Marami ring kumukuha ng litrato maliban sa akin. Maraming turista. Napansin kong may mga ilaw sa mga cherry tree. Malamang pinapailaw nila ito kapag gabi. Ang ganda sigurong tingnan ng mga ito habang namamangka sa ilog na malapit doon. Tumingin-tingin ako sa paligid. Mula sa hindi-kalayuan, natatanaw ang isang napakataas na building. May mga kumukuha rin ng litrato ng building na iyon. Nang umurong ako nang kaunti upang kunan iyon ng litrato, may nabangga ako.

"Sorry," paghingi ko ng paumanhin kasabay ng paglingon sa nabangga ko.

Tiningnan lang niya ako. Nginitian ko siya pero hindi siya gumanti ng ngiti. Grabe naman, hindi naman malakas ang pagbangga ko sa kanya. Siguro naman, kahit Japanese siya, naiintindihan naman siguro niya ang salitang sorry dahil simpleng English lang naman iyon at karaniwang ginagamit. Pero bakit kaya nakakunot ang noo niya? Talagang suplada lang siguro siya. O baka bingi lang at hindi ako narinig. Sayang, maganda pa naman. Kaygandang haponesa.

"Ano nga ba ang I'm sorry sa Japanese?" bulong ko. Kaunti lang kasi ang alam kong Japanese, nakalimutan ko pa ang iba.

"Gomen nasai," sabi niya. Narinig niya ang sinabi ko.

"'Ayun! Gomen nasai pala. Gomen nasai," paghingi ko uli ng paumanhin sa kanya sa salitang Hapon. At huli ko na naisip kung paano niya naintindihan ang sinabi ko kanina. "Nakakaintindi ka ng Tagalog? Pilipino ka?" magkasunod na tanong ko sa kanya.

Tumango lang siya bilang sagot.

"Half-Japanese din ako," sabi ko. "Sa Pilipinas ako ipinanganak at lumaki. Ngayon lang ako nakapunta rito sa Japan."

"Purong Pilipino ako," sabi niya.

"Talaga?" hindi-makapaniwalang sabi ko. "Akala ko half-Japanese ka." Magtatanong pa sana ako pero mukhang ayaw niyang tumagal pa ang usapan. "Ako nga pala si Akihiro Takahashi at humihingi uli ako ng sorry sa pagbangga ko sa 'yo."

"Okay lang, hindi naman ako nasaktan. Sige, I'll go ahead," paalam niya.

Nakadalawang hakbang pa lang siya nang pigilan ko. "Teka, alam mo ba kung nasaan tayo?"

"Nasa Sumida Park. Ang ilog na 'yan ay ang Sumida River. At 'yong kukunan mo sana ng picture, 'yan ang Tokyo Skytree, ang pinakamataas na building sa Japan at second tallest structure sa buong mundo."

"Salamat," nakangiting sabi ko.

"May itatanong ka pa?" aniya.

"Marami pa sana. Kaso parang nagmamadali ka. Magkikita pa kaya uli tayo?"

Matipid lang siyang ngumiti at ipinagpatuloy ang paglalakad palayo. Sinundan ko ng tingin ang babaeng umagaw ng pansin ko. Nahihiwagaan ako sa kanya. Tila may misteryong nababalot sa seryoso niyang mukha at sa matipid niyang ngiti. Gusto kong malaman kung ano iyon. Bigla akong nagkaroon ng interes sa kanya.

Bumalik ako sa hotel kinahapunan upang magpahinga. Naramdaman ko ang pagod nang humiga ako sa kama. Naisip ko si Papa pero kaagad ay napalitan iyon ng alaala ng babaeng nabangga ko kanina. Hindi ko pala natanong kung ano ang pangalan niya. Sana lang ay makita ko siya uli. At nakatulog akong may ngiti sa mga labi habang iniisip ko siya.


KINABUKASAN, tumungo ako sa Tokyo Polytechnic University para sa unang araw ng apat na araw na photography workshop bilang isang malaking bahagi ng napanalunan ko sa photography contest. Pagdating doon ay kaagad kong hinanap ang Department of Photography sa Faculty of Arts.

Base sa mga itsura ay iba-ibang lahi ang mga kasama ko sa workshop. Pagdating ng magwo-workshop sa amin na isang professor, sinabihan niya kami na isa-isang magpakilala. English daw ang gagamitin naming lengguwahe para magkaintindihan kaming lahat. Nalaman kong halos lahat ay nagbayad para sa workshop. May ilang nanalo rin sa contest kagaya ko. Pero ako lang ang nag-iisang Pilipino. Halos lahat ay Asian at may ilang European at American.

Natapos ang unang araw ng workshop na marami akong natutunan. Nadagdagan ang mga nalaman ko mula sa School of Design and Arts, Bachelor of Arts in Photography ng De La Salle-College of Saint Benilde, kung saan nag-aaral ako bilang scholar. Bukod sa pagiging working student, may half scholarship ako mula sa pagiging salutatorian ko noong high school.

Kinuhanan ko ng picture ang Tokyo Polytechnic University, ang Department of Photography, ang room na dinadausan ng workshop, ang professor at ang mga ka-workshop ko para i-feature sa The Benildean, ang official student newspaper ng DLS-CSB, kung saan isa ako sa mga official photographer at feature writer.

Kinahapunan ay muli akong tumungo ako sa Sumida Park. Nagpagabi ako roon upang makita ko ang pagliwanag ang mga ilaw sa mga cherry tree doon. "Ang ganda!" bulalas ko habang nakatingala sa mga puno. At naalala ko ang magandang babaeng nabangga ko kahapon. Tumingin-tingin ako sa paligid, bakasakaling makita ko siya. Pero wala siya. Baka hindi na rin kami magkita. Pero sana, makita ko uli siya. Sana, magkita uli kami.

Sumakay rin ako sa bangka sa Sumida River. Mas magandang tingnan ang mga cherry tree habang nakasakay sa bangka. Pagkatapos ay naglakad na ako palabas sa Sumida Park. Marami pang park sa Tokyo at gusto kong puntahan lahat at ang iba pang tourist spots, pero iyong mga walang admission fee lang gaya ng Sumida Park. Nandito na ako kaya lulubus-lubusin ko na.

Habang papalabas ako ng park ay inaliw ko ang aking mga mata sa hindi mabilang na mga cherry tree na nakatanim sa riverside. At sa ilalim ng isa sa mga puno ay may namataan akong isang notebook. Nilapitan at dinampot ko iyon. Binuklat ko iyon. Sa unang pahina ay nabasa ko ang mga salitang "Dear Diary."


DINALA KO ang talaarawan pabalik sa hotel. At peksman, wala akong nabasa roon kundi "Dear Diary" lang. Kaagad kong tiniklop ang notebook nang mabasa ko kanina iyon. Mali ang basahin ko ang hindi ko pag-aari. Pero natutukso akong basahin iyon.

Kanina ko pa iyon tinitingnan sa bedside table kung saan ko iyon ipinatong. Gusto kong magbasa kahit isang entry lang. Hindi naman malalaman ng kung sino man ang may-ari niyon. Walang ibang makakaalam maliban sa akin. Isang entry lang naman ang babasahin ko. Kinuha ko ang diary at binuklat sa bandang gitna.


Dear Diary,

Hindi ko pa rin siya makalimutan. Ano ba ang dapat kong gawin para makalimutan siya? Sinunog ko na ang mga pictures niya, ang mga sulat niya sa akin, pati ang mga niregalo niya.

Hanggang kailan pa ba siya mananatili sa isip at puso ko? Kailan ba siya mabubura sa buong sistema ko? Sana, sa paglubog ng araw mamaya, sasabay na ring lulubog ang pag-ibig ko sa kanya.


Truly yours,

Queenie


Pilipino ang may-ari ng diary at isang babae. May pinagdadaanan siya. Mukhang niloko siya ng boyfriend niya. Gusto niya kasing kalimutan ito. Ano kaya ang dahilan? Parang gusto ko tuloy basahin ang mga naunang entry.

Ewan ko ba kung bakit parang apektado ako. Bakit ba? Hindi ko naman kilala ang may-ari ng diary. Pero kawawa naman siya. Naaawa ako sa kanya. Parang kailangan niya ng makakausap, ng masasandalan, ng magpapatahan sa kanya.

Pero naisip ko rin na gitna ng diary ang binasa ko. Malay ko ba na baka sa mga huling entry ay nakasulat na nakalimutan na niya ang gusto niyang kalimutan. Ngunit nang binasa ko ang talaarawan hanggang sa pinakahuling entry, nalaman kong hindi pa rin niya ito nakalimutan.

Nakasulat doon na sinadya niyang iwan ang diary sa lilim ng cherry tree para tuluyan na niyang makalimutan ang lalaking iyon. Dapat na niya itong ibaon sa limot dahil niloko siya nito. Nalaman niyang ipinagpalit siya nito sa iba. Ipinagtapat nito sa kanya na may nakilala itong iba sa Amerika kung saan ito nag-aaral ng kolehiyo.


PAGKATAPOS ng ikalawang araw ng workshop ay bumalik ako sa lugar kung saan ko napulot ang diary. Bakasakaling nagbago ang isip ng may-ari at hanapin niya ito roon. Gusto ko siyang makilala. Tila sinagot kaagad ang hiling ko nang may nakita akong isang babaeng parang may hinahanap sa paligid ng puno kung saan ko napulot ang diary.

"Miss, excuse me. Baka puwede kitang matulungan sa hinahanap mo," sabi ko nang makalapit sa kanya.

Nang lumingon siya ay kaagad ko siyang nakilala. Siya ang babaeng nabangga ko noong isang araw. Siya kaya ang may-ari ng diary? Posible iyon dahil Pilipina siya.

"Ikaw si Akihiro Takahashi, hindi ba?" tanong niya.

"Ako nga," nakangiting sagot ko. "Matalas pala ang memorya mo."

Saglit lang siyang ngumiti at nagpatuloy sa paghahanap ng kung ano.

"Ikaw ba si Queenie?"

Napatigil siya sa paghahanap at napatingin sa akin. Tumango siya bilang sagot sa tanong ko. Siya nga ang may-ari ng diary. Gaya nang una ko siyang makita, seryoso pa rin siya. Mukhang misteryoso.

Ipinakita ko sa kanya ang diary mula sa likod ko. "Tatapatin na kita. Binasa ko ang ito. Sorry, ha?"

"Okay lang. At hindi mo na kailangang ibalik. Hindi ko na kailangan 'yan. Hinanap ko lang to make sure na wala na nga 'yan dito sa pinag-iwanan ko."

"Sa akin na lang pala ito."

"Sige, maiwan na kita," sa halip ay paalam niya.

Pinigilan ko siya. "Teka, puwede ba tayong magkuwentuhan?"

"Ano naman ang pagkukuwentuhan natin? Nabasa mo na rin naman ang diary ko, hindi ba? Siguro naman, marami ka nang nalalaman tungkol sa akin."

"Hindi ko naman nabasa lahat. I want to know more about you. Personally. Kung gusto mo, magkukuwento rin ako tungkol sa buhay ko. Habang nililibot natin ang Tokyo. Para naman may makausap ako na hindi kukunot ang noo kung sakaling mabanggit ko ang Pasig River, ang Cubao, Quiapo, Divisoria, at Payatas dumpsite."

Ngumiti siya. Sa pagkakataong iyon, hindi matipid. At iyon ang pinakamagandang ngiti na nakita ko.


INIKOT NAMIN ni Queenie halos ang buong Tokyo. Siya ang nagsilbing tour guide ko. Dinala niya ako sa Shinjuku Gyoen National Garden, isang malaking park at isa sa magagandang parke sa Tokyo kung saan may Japanese, French at English na style. Marami pa kaming pinuntahang parks na hindi ko na matandaan kung ano ang pangalan. Basta, lahat ay mayroong cherry trees sa paligid. Naglakad pa kami sa mga kalsada ng Tokyo at pinuntahan din namin ang ilan pang mga tourist spot doon. Sa Japan siya nag-aaral kaya marami siyang alam na puntahan doon.

Tuwing kinukunan ko ng mga larawan ang bawat lugar na pinupuntahan namin, palihim ko siyang kinukunan ng picture. May mga pagkakataong nagpapaalam din ako sa kanya kung puwede ko siyang kunan ng litrato pero most of the time ay stolen shots ang ginagawa ko. Photogenic siya. Pero mas maganda pa rin siya sa personal.

Kinagabihan, bago ako natulog, isa-isa kong tiningnan ang mga larawan niya.


PAGKATAPOS ng ikatlong araw ng workshop, isinama ako ni Queenie sa unibersidad na pinapasukan niya. Mass Communication ang kursong kinukuha niya roon.

Ikinuwento niya sa akin na kinupkop siya ng tiyahin niyang kapatid ng nanay niya nang maulila siya sa mga magulang noong bata pa siya. Nang magtrabaho ito sa Japan bilang English teacher ay naiwan siya sa lola niya. Nakapag-asawa ng Hapon ang tita niya. Pagka-graduate niya sa elementarya, dinala siya sa Japan upang doon na magpatuloy ng pag-aaral. Tulad ng tita niya, parang anak na rin ang turing sa kanya ng asawa nito.

Pinag-usapan din namin ang mga hilig at paborito namin-paboritong kulay, libro, pelikula, artista, at marami pang iba.

Tinanong niya ako kung bakit ako nandito sa Japan. Hindi ko pa pala naikuwento iyon sa kanya. Sinabi ko naman na nanalo ako sa isang photography contest. Nagkuwento na rin ako tungkol sa pamilya ko, tungkol sa papa ko.

Doon ko nalaman na Takahashi rin ang apelyido ng asawa ng tita niya. Ang sabi ko, baka kamag-anak ng papa ko. Pero nagulat ako nang banggitin niya ang buong pangalan nito, "Ichiro Takahashi."

Kinuha ko ang picture ni Papa mula sa bag ko. Nang ipinakita ko sa kanya iyon, sinabi niya na ang nasa larawan ay ang asawa ng tita niya.

"Siya ang papa ko," sabi ko sa kanya.

Ganyan nga talaga siguro ang buhay. Kapag hinahanap mo, hindi mo nakikita. Kapag hindi mo naman hinahanap, kusa ring nagpapakita.

Tulad din ng pag-ibig. Tulad ni Queenie. Hindi ko siya hinanap pero natagpuan ko siya. Natagpuan ko ang pag-ibig sa kanya.


UMIIYAK na niyakap ko si Papa nang dinala ako ni Queenie sa kanya. Inaamin ko, may galit akong nararamdaman kay Papa pero nang makita ko siya nang mga sandaling iyon, nangibabaw ang pagmamahal ko sa kanya bilang anak. Hindi na nakakalakad si Papa. Pinutol ang mga paa nito dahil sa diabetes. Nakaupo na lamang siya sa wheelchair.

Niyakap din ako ni Papa, mas mahigpit pa sa yakap ko sa kanya. "Forgive me, son," mahinang paghingi niya ng paumanhin sa gitna ng pag-iyak. "I'm very sorry."

Pinapatawad ko naman siya. Tinanong ko kung bakit niya kami iniwan. Wala siyang ibang sinagot kundi dahil masama raw siyang tao. Nang kinumusta niya ako, sinabi kong mag-isa na lang ako sa buhay dahil wala na si Mama. Lalo siyang umiyak dahil hindi man lang daw niya nakausap si Mama at hindi siya nakahingi ng tawad dito. Humingi siya ng tawad dahil wala siyang naitulong sa akin, sa pag-aaral ko, sa buhay ko. Ang sabi ko, hindi naman mapagtanim ng galit o sama ng loob si Mama kaya natitiyak kong pinatawad na rin siya nito. Sinabi ko rin na huwag siyang mag-alala sa akin dahil kaya kong alagaan ang sarili ko. Bago nawala si Mama, iniwan nito sa akin ang mga naipon nito mula sa trabaho. Mahaba ang naging usapan namin. Ikinuwento namin ang lahat ng hindi namin alam tungkol sa isa't isa.

Sabi sa akin ng tita ni Queenie, hindi nito alam na may pamilya si Papa sa Pilipinas. Huli na raw ipinagtapat ni Papa ang totoo. Sinabihan daw nito si Papa na kung gusto raw kaming makita ni Papa ay pumapayag ito pero si Papa raw ang ayaw. Wala na raw itong mukhang ihaharap. Humingi rin ng tawad ang tita ni Queenie sa akin, pati kay Mama. Ang sabi ko, wala naman siyang kasalanan.

Ang importante sa akin ngayon ay nakita ko na si Papa. Kahit papaano ay parang kumpleto na ang pagkatao ko. Mula pagkabata ay hindi ko nakita si Papa, ngayon lang. Masayang-masaya ako dahil natagpuan ko na siya. At hindi lang siya kundi pati ang pag-ibig ko-si Queenie Marasigan. Hindi ko alam kung paano nagsimula, basta nagising na lamang ako isang umaga, mahal ko na siya, umiibig na ako sa kanya.

Bago ako bumalik sa Pilipinas, ipinagtapat ko kay Queenie ang damdamin ko. Wala akong mapagsisidlan ng kaligayahan ng sinabi niyang may nararamdaman din daw siya sa akin. Mayroon kaming mutual understanding. Ang sabi niya, ligawan ko raw muna siya. Sabi niya, naging masaya na raw siya uli mula nang makilala niya ako. Halata nga dahil tila hindi na napapalis ang mga ngiti niya. Pagkalipas ng ilang buwan ay nakuha ko ang matamis niyang oo.

Nagbakasyon sila sa Pilipinas kasama ang tita niya at si Papa. Dumalaw si Papa sa puntod ni Mama at doon ay humingi siya ng tawad. Pagkalipas ng ilang buwan, binawian ng buhay si Papa.


PAGKA-GRADUATE ko ng college, natanggap akong photographer sa isang kilalang publishing company na naglalathala ng iba't ibang klase ng magazine.

Nagtayo kami ng photo studio ng mga kaibigan kong may passion din sa photography. Pinaplano rin namin ang pagtayo ng isa pang branch, at marami pa.

Pumayag si Queenie nang mag-propose ako sa kanya ng kasal pagkalipas ng dalawang taon. Walang alinlangan ang naging desisyon niya.

Naalala ko ang diary na nakita ko sa lilim ng cherry tree. Ang diary ni Queenie. Ang diary tungkol sa kanya at sa dati niyang nobyo. Itinago ko iyon. Pero sabi niya, kailangang itapon na raw iyon. Hindi ko lang basta tinapon, sinunog ko ang talaarawan sa aming bakuran.

Sabay naming pinanood ang nasusunog na diary hanggang sa tuluyang maging abo.



[Published: November 30, 2015]



Continue Reading

You'll Also Like

974K 43.6K 60
Dominique Selenophile * Mikaela Rielle
216K 528 18
SPG
227M 6.9M 92
When billionaire bad boy Eros meets shy, nerdy Jade, he doesn't recognize her from his past. Will they be able to look past their secrets and fall in...
44.4M 1.3M 37
"You are mine," He murmured across my skin. He inhaled my scent deeply and kissed the mark he gave me. I shuddered as he lightly nipped it. "Danny, y...