Moments In Time

By Ember-1458

1.9K 40 26

A Fidel and Klay one-shot fanfic collection . . . Disclaimer: No copryright infringement. Original characters... More

Casa De Los Reyes Y Maglipol
Aish! Dak Cheo!
Ikaw lang ang SAKALAM
Namamangka sa dalawang ilog
Hindi ba pwedeng... Ikaw na lang?
Sa Dako Paroon...
Karibal
Yo Te Quiero ka talaga!
Andito ka na

Sinaunang Couple Shirt

248 5 0
By Ember-1458

Moments In Time 02 - Sinaunang Couple Shirt

SUMMARY: Nagkataon nga lang ba or may nagplano sa "matching outfit" ni Fidel at Klay sa pa-picnic sa gubat ni Sir Ibarra at Clarita.

●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●
●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●

Matapos ang ikalawang misang pang umaga ay lumarga sila Maria at Tiya Isabel papuntang mercado. Bago magtungo sa mercado ay kinausap muna nya ang mga amiga pagkalabas ng simbahan. Mula sa ilang mga mungkahi ng mga amiga ay nakabuo na rin ng ilang ideya si Maria Clara para sa mga pwedeng kainin at gawin sa magaganap na salu-salo sa kakahuyan na pamumunuan nilang dalawa ng kanyang irog na si Crisostomo.

Sinuyod ni Maria ang mga tinda sa mercado. Nangangailan sya ng iba't ibang especias o pampalasa para sa mga iniisip nyang ihain. Sinigurado naman sa kanya ni Crisostomo nung nakaraang araw ito na raw ang bahalang mag-angkat ng mga karne, gulay at bigas na kailangang lutuin. Naisip rin ni Maria na mag-angkat na rin nang iba pang prutas at magpagawa ng kakanin na panghimagas na kukunin nila sa umaga ng araw ng pagtitipon.

"Hija mi Clarita, hindi pa ba sapat ang iyong mga nabili para sa paghanda sa salu-salo?" Tanong sa kanya ni Tiya Isabel. Tinignan nya ito at nakitang init na init at pagod na. Oo nga pala, may ka-edaran na rin nga pala ang kanyang tiya kaya medyo mabilis na itong mapagod. Medyo na-konsensya ng kaunti ang dalaga sa nagawang hindi pag-alala sa kalagayan ng nakakatandang babae. Ngunit may mga kailangan pa syang asukisuhin.

Sa paglibot ng kanyang mata'y nakita ni Maria si Fidel na naglalakad sa hindi kalayuan. Hinawakan ni Maria ang kamay ni Tiya Isabel at nginitian ito.

"Sandali na lamang po, Tiya Isabel. Nais ko lamang pong maayos at perfecto ang magiging salu-salo. Kung mamarapatin nyo po ay gusto ko lang makausap saglit si Ginoong Fidel." Pagpapaalam nya kay Tiya Isabel sabay alalay sa tiyahin upang sila ay makapaglakad patungo sa direksyo ng nabanggit na binata.

"Buenas Diaz, Don Fidel. Maari ka bang makausap kahit saglit lamang?" Ani ni Maria matapos makalapit sa (pambansang)ginoo. Dali-daling tinanggal ni Fidel ang kanyang fedora at yumukod ng pagbati at paggalang sa kaharap na binibini.

"Buenos días a usted también, Señorita Maria. Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo" ani ni Fidel pagkatapos tumayong muli ng tuwid at hinarap ang babaeng iniirog ng kanyang amigo.

"Mabuti na lamang at nakita kita rito. Ibig ko sanang pumaroon sa iyong compaña upang makapamili sana ng iba pang maaring kailanganin sa salu-salo na gaganapin sa kakahuyan na pamumunuan namin ni Crisostomo. Napagtanto ko na kakailanganin namin ng ilang mga malaking buslo, kubyertos, at kung ano-anong pansapin na mainam gamitin sa kagubatan. Ang mayroon lamang kami ay mga mase-selan at babasaging plato at tela na hindi angkop sa pagdarausan ng piging. Sinabi ko naman na ito kay Crisostomo at minabuti nyang ako na lamang ang mamili ng mga ito." Paliwanag ni Maria kay Fidel habang ang huli ay tumatango tango lamang. Dagdag negosyo rin ito para sa kanya. Pero dahil sa matalik naman nyang kaibigan sina Crisostomo at Maria ay babawasan nya ang presyo ng kanyang paninda upang iyon na rin ang maging kontribusyon nya sa mangyayaring piging .

'Iyon na lamang ang aking kontribusyon, maliban pa sa maging pangunahing panukaw ng atensyon ng kababaihan' patago at natatawang isip ni Fidel. Paniguradong puputaktihin nanaman sya ng mga titig nag kadalagahang dadalo sa magaganap na salu-salo. Ngunit ano pa nga ba? Sanay naman na syang maging kumpulan ng mata ng mga kababaihan. Tumikhim na lamang ang (pambansang)ginoo at maayos na hinarap muli si Maria habang winawaksi ang huling naisip sa kanyang isipan.

"Ikinagagalak kong makatulong sa inyong mga plano ng aking amigo, Seňorita Maria Clara. Tamang tama at kakarating lang ng ibang mga produktong inangkat ko mula Tsina at Europa. Maari kong ipakita muna sa iyo iyon ng makapamili kang mabuti bago ilagay ang mga iyon sa comercio." paanyaya ni Fidel.

"Kung iyong mamarapatin, Don Fidel, maari ba sanang bumalik na lamang ako doon mamayang hapon kasama si Andeng? Medyo marami na rin kaming napamili at malayu-layo na rin ang nalakad namin ni Tiya Isabel at pagod na ang aking Tiya. Kaya maari ba sanang kami ay pumaroon na lang matapos ang pananghalian?" Tanong ng may kasamang pagsusumamo ni Maria. Batid ng dalaga na karaniwang nag si-siesta ang lahat matapos mananghalian, kahit ang mga negosyo ay panandaliang nagsasara. Kaya't nakikiusap ang dalaga kung maaring buksan ni Fidel at comercio nito para sa kanya sa oras na iyon.

Tinitigan ni Fidel si Maria Clara at nabatid kung gaano ka-swerte ng amigo sa pagkat tuna'y na napakaganda talaga nito. Sa sobrang kagandahan ay hindi sya maka-hindi sa pakiusap nito kahit balak din sana nyang mamahinga ng kaunti mamayang makapananghalian bilang ilang gabi na syang puyat sa pag-aayos ng papeles ng mga produktong inangkat. Nagkibit balikat na lamang si Fidel bilang parang isang nakakabatang kapatid na nya ang dalaga at malugod sa loob nyang tulungan ito.

"Walang problema, Seňorita. Bukas ang aking tindahan para sa inyo ng aking amigo para sa lahat ng inyong pangangailangan sa kahit anong oras ninyo mang naisin" Pahayag ni Fidel na ikina-lapad ng ngiti ni Maria.

"Muchas Gracias, Don Fidel. Bueno, ika'y amin na lamang kikitain mamayang makapananghalian. Muli ay salamat sa iyong pang-unawa." Ani ni Maria bago nagbigay ng isang marahang pagtango at yukod upang magbigay galang sa ginoo.

♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡

Humihimig si Klay habang nagluluto ng adobong baboy sa pugon. Karaniwang gawain iyon ni Andeng dahil hindi pa sya sanay magluto sa kalang hindi gas stove. Ngunit ngayong umaga'y sya lang muna ang gumagawa niyon. Pinuntahan kanina ni Klay si Andeng sa kanyang pribadong kwarto at nakitang medyo nilalagnat ang dalaga. Dali-dali namang nilapatan ni Klay ng lunas ito ng hindi na lalong lumalala ang sakit na dumampi kay Andeng. Kaya sya na lang muna ang naglilinis sa buong kabahayan at ngayon nga'y nagluluto ng pananghalian.

Wala pa sina Señorita Clarita at si Tiya Isabel. Umalis ng maaga ang dalawa para humabol sa ikalawang pang-umagang misa. Nagpaalam na lamang syang hindi muna makakadalo bilang kailangan nyang alagaan si Andeng. Pinagkatiwala naman sa kanya ng kanyang ka-tukayo ang kinakapatid sabay nagsabi na ring matatagalan bilang bibili ng ilang kagamitan at sangkap na panghanda sa magaganap na pa-picnic nila ni Sir Ibarra.

'Buti na lang medyo late sina Señorita Clarita kasi medyo nahirapan ako dito. Grabe, muntik masunog yung sinaing. Wala naman kasing pang-control ng apoy ih. Grabe sa pagka-manual ng kalan nila dito!' Pagmumuni ni Klay habang hinahango na mula sa kawali ang nilutong adobo. Tinikman ito ni Klay at napangiti ng malasahang tamang tama lang ang lasa nito base sa 'secret recipe' ng kanyang Mama Narsing. May lungkot na namutawi sa mukha ni Klay ng maalala ang ina ngunit winaksi rin nya iyon agad. May mission lang sya dito at makakauwi rin sya pag natapos nya na yun.

Nagpakulo kanina si Klay ng tubig at inilagay iyon sa malaking palangganang gawa sa metal. Nilagyan nya ng tabla de cortar na gawa sa sinibak na punong kahoy ang gitna ng palanggana sabay inilagay sa ibabaw nito ang mangkok na pinaglagyan nya ng adobo ng maingat para hindi umapaw ang tubig at mahaluan ang adobo at tinakpan ring muli ng isa pang palangganang gawa rin sa metal na kasing laki lang ng naunang palanggana. Tinuro iyon sa kanya ni Andeng. Paraan raw iyon para manatiling mainit ang pagkain. 'In fairness, low budget and manual na microwave oven or buffet food warmer ang peg.' Paghanga na lamang ni Klay sa "technic" na tinuro ng criada.

Matapos ang lutuin ay sumilip saglit si Klay sa bintana. Sa palagay nya ay may ilang minuto, kung hindi man isang oras, na lamang ay pananghalian na. Pawis na pawis sya dahil sa init ng pugon na kanyang pinaglutuan. Maliban sa sinuyod ata nya ng paglinis ang buong kabahayan. Kaya't napag-decision-an ni Klay na maligo at magbihis muna. Mamayang hapon, pagnagsi-siesta na si Maria at natingnan na nyang muli ang lagay ni Andeng ay maglalaba naman sya.

Saktong matapos makapaligo at magbihis ni Klay ay sya namang pagdating sa wakas nila Señorita Maria at ni Tiya Isabel. Halata ni Klay ang pagod sa mukha ng dalawa kaya naman dali-dali syang kumuha ng maiinom na tubig sa comedor at dinala iyon sa mag-tiyahin.

"Mabuti naman po at nakabalik na kayo Señorita Maria at Señora Isabel. Kamusta naman po ang lakad nyo? Gutom na po ba kayo? Nakapag-luto na po ako, kaya kung gusto nyo ay ihahanda ko na po ang pananghalian ninyo." Sambit ni Klay matapos bigyan ng tig-isang baso ng tubig ang magtiyahin.

"Maraming salamat, Klay, at kami nga ay nagugutom na. Ngayon ko lang nalamang marunong ka rin pala magluto, pero bakit ikaw ang gumawa noon? Kumain ka na ba? Saluhan mo na kami. Sabihin mo na lang kay Andeng na iayos na ang hapag kainan bilang ikaw naman pala ang nagluto." Sagot ni Maria sa mungkahi ni Klay. Napataas naman ng dalawang kilay si Klay sa tinuran ng señorita.

"Ah, señorita kelangan po magpahinga ni Andeng di ba? Forda Amnesiac yarn?" Ani ni Klay na kinalito ng magtiyahin. Nagkatinginan ang dalawang babae sa tinuran Klay. Napakamot naman ng ulo ang dalagita.

"Ang ibig ko pong sabihin ay, nakalimutan nyo po bang may lagnat kaninang umaga si Andeng? Tinignan ko po sya ulit kanina, medyo bumaba na yung... Ahm... Ano ba sa tagalog yon?... Ah... Temperatura! Ayun!... Bumaba na po yung temperatura nya pero sinabihan ko na lang po syang magpahinga at matulog muli para mabilis syang gumaling. Kaya ako na po muna kumilos dito. Dapat lang naman po yon kasi pinatira nyo po ako dito." Paliwanag ni Klay. Nag-aliwalas naman ang mukha ni Maria ngunit bigla rin nagkabahid ng munting pag-alala.

"Oo nga pala. May sakit nga pala si Andeng. Paano iyon tiya? Sino ang makakasama ko mamaya sa pagpunta sa Comercio?" Tanong ni Maria sa nakakatandang babae.

"Hindi ba pwedeng huwag ka na lamang ang pagpunta roon, Clarita? Hindi pa ba sapat ang kagamitan natin rito" Tanong ni Tiya Isabel. Hindi tamang si Maria lang mag-isa ang pumunta roon. Hindi naman maaaring sumama si Andeng, pagod na si Tiya Isabel, at si Klay man na kumilos sa buong kabahayan ay nangangailangan ring magpahinga.

"Hindi maari, Tiya. Ang mga produktong inangkat nila ay dapat ilalagay na sa bungad ng comercio para makita ng ibang mamimili. Nagmagandang loob na nga lang silang ipagpaliban muna ito para makapamili muna ako bago nila ibaba sa publiko ang mga naangkat. Kaya dapat kong ituloy ang pagpunta doon mamayang makapanghali." Paliwanag ni Maria sa kanyang tiyahin. Bakit nga ba kasi nakalimutan nyang may sakit nga pala si Andeng.

"Naku, Señorita Maria, kung mahalaga ang lakad ninyo mamayang hapon... Eh di, sasamahan ko na lang kayo mamaya. Tutal po pede ko namang ipagpaliban sa ibang araw yung paglalaba. Para din hindi na maabala yung kausap niyong tao at hindi mag-alala si Señora Isabel." Pagbigay solusyon ni Klay ng may ngiti sa labi. Nag-aliwalas muli ang magandang mukha ni Maria at tuluyan na itong ngumiti. Ngunit si Tiya Isabel ay may mababakas paring pangamba sa mukha.

"Nako dio mio, Klay. Baka naman ipahamak mo itong si Clarita ha? Alam naman nating lahat na lapitin ka sa gulo at eskandalo." Ani ni Tiya Isabel upang isatinig ang pangambang nadarama. Pinigilan naman ni Klay ang mapasimangot at pinilit na ngumiti ng matamis para maisiguro sa señora na ligtas ang anak-anakan nito pag kasama sya.

"Naku, Señora Isabel, Judgemental yarn!--Este-Huwag na po kayo mangamba, magpapakatino po ako sa ngalan ng kaligtasan ni Señorita Maria. Isa pa po, masyado nakong napahiya nung isang gabi sa bahay nila Kapitan Basilio. Ayoko po munang umulit. Quota na po ako ih." Pangako ni Klay sa nakakatandang señora upang hindi na ito mag-alala.

"Sigurado ka ba, Klay? Hindi ka ba pagod na?" Tanong ni Maria sa nakababatang dalaga bilang ito lang ang kumilos buong umaga para sa lahat ng gawaing bahay. Tinaas naman ni Klay ang kanyang kanang hintuturo upang magsenyales na siya ay ayos lamang.

"Nako, Señorita Maria. Ako pa? Kayang kaya ko yan. Matagal pa bago maubos ang lakas ko kasi pinaglihi po ako sa kabayo." Nakangiting paninigurado ni Klay kay Maria habang naalala ang kwento ng Mama Narsing nya na kaya malakas ang pangngatawan ni Klay ay dahil pinaglihi sya nito sa tapa ng kabayo. Tinignan na rin ni Klay si Tiya Isabel para siguraduhin dito na hindi nya pababayaan si Maria. Bumuntong hininga na lamang si Tiya Isabel sabay tumayo at nagsimula ng tumungo sa cuarto de comedor.

"Oh sya, sige na. Basta ingatan nyong mabuti ang inyong sarili. Tara ng mananghalian para maaga na kayong makapunta sa comercio at maaga ring makauwi." Ani ni Tiya Isabel bago itinuloy ang pagtahak sa pasilyo papunta sa cuarto de comedor.

♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡

Inalalayan muna ni Klay si Maria para maka-akyat ng kalesa bago sya umakyat na rin sa sasakyan patungo sa sinasabi ni Maria na comercio kung saan muling mamimili ang katukayo ng ilan pang gamit para sa piging. Hindi naman iyon kalayuan ngunit minabuti na ni Maria na magpahatid at sundo sa kanilang kalesa at kutsero bilang batid nito na madaming tinapos na gawaing bahay si Klay kaninang umaga. Hindi man amining ng nakababatang dalaga ay alam ni Maria na nakakapagod ang mga ginawa nito kaya ayaw na nyang dagdagan pa ang pagod nito at nagpahatid na lamang imbis na maglakad. Isa pa'y baka maparami sya ng mapamili, mainam ng sunduin sila ng kalesa para hindi nila kailanganing magbuhat ng mabigat na pinamili.

Saglit lang ang kanilang biyahe, wala pang sampung minuto. Pamilyar ang lugar na tinahak at hindi na nagtaka si Klay ng makarating sila sa tindahan ni Fidel. Eto pala ang comercio na sinasabi ni Maria. Ano ba kasi ibig sabihin ng 'comercio'? Nang huminto na ang kalesa sa harap ng tindahan ni Fidel ay nagpatiuna namang bumaba ng sasakyan si Klay para na rin alalayan ang nakakatandang dalaga sa pagbaba nito.

"Maraming salamat, Klay." Pasasalamat ni Maria sa ginagawang pag-aasikaso sa kanya ni Klay. Nagpatiuna ng maglakad si Maria para simulan na ang pamimili. Sa bukana pa lang ng comercio ay nakita na nya si Fidel na sinisipat at ininspeksyon ang ilang mga produkto marahil ay bago ito ibaba sa publiko.

"Buenas Tardes, Don Fidel." Panimulang pagbati ni Maria kay Fidel. Lumingon naman ang huli upang harapin ang dalawang dalagang ngayon ay dumadalaw sa kanyang tindahan. Yumukod ng paggalang ang binata. Nang makita ni Fidel si Klay ay may pagtataka sa mukha nito kung bakit andito rin ang nakababatang dalaga.

"Salamat ulit sa pagpapa-unlak sa aming pang-aabala sa iyo ngayong hapon. Nagmadali kami upang mas maaga na ring matapos ang aming pamimili. Nang sa gayon ay magkaron ka pa rin ng kahit kaunting oras na mag-siesta bago bumalik ang oras ng trabahong panghapon." Paliwanag ni Maria habang ang mata naman ni Fidel ay banayad na nagpabalik-balik sa dalawang dalagang bisita. Walang imik namang nakamasid lang si Klay mula sa likod ni Maria.

"Ikaw naman, Maria. Para bang iba ka sa akin. Kayong dalawa ni Crisostomo ay aking pamilya ng maituturing. Kaya huwag mong iisiping nakaka-abala ka. Isa pa'y pinapalago mo nga ang negosyo ko sa ginagawa mo ngayon. Alam kong maganda kang buena mano. Kaya't sige na, huwag na kayong mahiyang mamili sa aking mga paninda." Pagpapaunlak ni Fidel at sumenyas na pumasok pa sa loob ang dalawa ng sila ay makapamili na. Yumukod naman ng paggalang si Maria Clara bago naunang pumasok ng tuluyan sa loob ng comercio.

Sumunod naman agad si Klay kay Maria ngunit nanatili lamang syang nakatayo sa may gilid ng bukanang pinto at malapit sa kasalukuyang kinaroroonan ni Fidel, hinahayaang mamili si Maria. Kinuha ni Klay ang pamaypay na nakasabit sa kanyang saya at nagsimulang magpaypay ng may kabilisan bilang napakainit ng hapong iyon. Hindi pa rin talaga sya sana'y sa sobrang kapal ng mga kasuotan ng panahon na ito. Nakita iyon ni Fidel at saka lumapit sa kinatatayuan ng dalaga ng may ngisi sa labi.

Sa totoo lang, medyo nagulat si Fidel na si Klay ang kasama ni Maria sa pagpunta sa kanyang tindahan. Ang sabi kasi ni Maria kaninang umaga'y si Andeng ang makakasama nito ngayong hapon. Kaya naman na-surpresa siya ng makitang si Klay ang kasama nito. At ngayon ngang nagpapaypay ito ng mabilis ay naintindihan na nya kung bakit. Marahil ay nakiusap si Klay kay Maria na sya na lang ang isama. Hay... wala talagang makatakas sa mapang-akit nyang kagwapuhan.

"Binibining Klay. Batid kong may epektong natural sa iyo ang aking presensya. Ngunit sana'y hindi ka masyadong magpahalata sa iyong nararamdaman. Hindi magandang manggaling sa babae ang unang pahiwatig." Sambit ni Fidel kasabay ang pagkindat sa gawing direksyon ni Klay, ang titig ay nagpabalik-balik sa mata at pamaypay ni Klay. Umikot naman ang mata ni Klay at tumigil sa pagpay-pay. 'Heto nanaman po sya!' Isip-isip ni Klay habang iniipon ang pagpa-pasensya.

"Mr. Fidel De Los Reyes. Excuse me lang po kasi nahiya naman yung init ng panahon sayo noh. Siguro nga hindi ko na kelangan magpaypay. Ang hangin na oh! Kahit kelan GGSS ka ih!" Tugon ni Klay ng pabalang sabay ng mabilis na pagsara ng dalaga sa kanyang pamaypay.

"Ha, Binibining Klay? Anong GGSS?" Kunot-noong tanong ni Fidel sa huling tinuran ni Klay. Yumuko si Fidel upang salubungin ang tingin ni Klay. Inirapan naman ito ni Klay.

"Gwapong gwapo sa sarili! Iba ka men!" Sambit ni Klay sa naiinis na tono. Lalo lamang lumapad ang ngisi ni Fidel sa tinuran ng dalaga.

"Binibining Klay, sinisigurado ko sa iyo. Hindi lang ako ang nagwa-gwapuhan sa aking sarili. Kay raming babae at kapwa kong lalaki ang nagpapatunay na iba sa karaniwan ang aking kagwapuhan. Hindi ako nagtatakang pati ikaw ay napansin rin yon. Minsan nga'y pinanalangin ko na sana'y binawasan man lang ng kaunti ng panginoon ang biniyaya nya sa aking kagwapuhan para naman hindi ako masyadong kaiinggitan ng ibang ginoo sa bayang ito" Buong pagmamalaking pahayag ni Fidel kasabay ng pagkindat kay Klay, pagngisi at pagtaas ng noo.

"Ewan ko sayo! Balakajan!" Hiyaw na lang ni Klay na tuluyan ng nainis sa (pambansang)ginoo. Mabuti pang hindi na lang pansinin si Fidel kesa mabaliw pa sya.

Nangiti na lamang si Fidel. Alam naman nyang ganun lang talaga si Klay - hindi marunong umamin sa totoong nararamdaman. Sino ba namang hindi maga-gwapuhan at magkaka-gusto sa kanya? Matalino, mayaman, magaling sa negosyo, maginoo at ubod na pinagpala ng kagwapuhan. Batid ng buong San Diego na sya ang pantasya ng halos lahat ng kababaihan rito. Inirapan naman syang muli ng naturang dalaga at lumayo ng isang hakbang patagilid mula sa kanya. Hinayaan na lamang ito ni Fidel bilang tulad nga ng kanyang tinuran, marahil ay naisip ni Klay na hindi magandang masyado nitong pinapahiwatig ang pagkagusto sa kanya.

♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡

Inabot ng halos isang oras at sa wakas, natapos na rin ni Maria ang kanyang pamimili. Marami syang napili. Mula sa mga plato, baso, kubyertos na gawa sa manipis na kahoy at kawayan or magaang na metal, makapal at hindi rumuhing telang pansapin, mga malalaking buslo at maliit na mga caretilla na ihahatid na lamang ng tauhan ni Don Fidel sa araw ng pagtitipon. Muli ay nagpasalamat si Maria kay Fidel at binayaran na lahat ng kanyang napamili.

Matapos bayaran ang mga pinamili'y inumpisahan na ni Klay ang unti-unting pagkarga ng mga buslo sa karwahe. Nang makita ito ni Fidel ay dali-dali naman itong nagpaunlak ng tulong. Tumanggi man si Klay sa umpisa'y nagpumilit pa rin si Fidel na tulungan ang dalaga. Kaya naman sinabi na lang ni Klay na buhatin ang iba pang buslo ng mas mabilis nilang maiangkat lahat ng pinamili sa karwahe.

Lumingon si Maria sa iba pang buslong naglalaman ng mga produktong napamili. Naiangkat na nila Fidel at Klay ang apat sa walong buslo sa kanilang karwahe, kaya may apat na lamang ang natira dito. Muling sinuyod ni Maria ng huling beses ang buong comercio upang siguraduhing talagang wala na syang nakalimutang bilhin ng may mapansin syang isang bagay na hawak-hawak ng empleyado ni Don Fidel.

♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡

Tinititigan ni Maria ang laman nang isang katamtamang laki ng tampipi sa kanyang harapan. Nag-aalala sya kay Klay. Pagkatapos ng kanilang pamimili kaninang hapon ay tila nagkasakit na rin ang dalaga. Baka raw sya'y nahawa kay Andeng. Mabuti na lamang at hindi sya nilagnat na katulad ni Andeng. Gayunpama'y masama pa rin ang pakiramdam ng dalaga.

Isa pa si Andeng. Buti na lang at nawala na ng tuluyan ang lagnat nito at ngayon nga'y sinigurado sa kanya ng kinakakapatid na isang mahabang pahinga na lang ngayong gabi ang kailangan nya. Paniguradong bukas ay manunumbalik na raw ang lakas nito kaya nagpaunlak ito na sasama sa salu-salo at tutulungan sya.

Tumayo si Maria at dinala ang tampipi. Kakamustahin nya na lang si Klay bilang hindi sya mapakali. Nais nya sanang isama ang dalaga sa mangyayaring salu-salo bukas. Kaya kakausapin muna nya ito ng masinsinan para malaman ang talagang lagay nito.

♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡

Hindi mapakali si Klay sa kanyang higaan. Totoong hindi maganda ang pakiramdam nya. Palagay nya, may mangyayaring hindi maganda bukas sa pa-picnic nila Sir Ibarra at Señorita Maria. Kaya siguro'y dapat lamang na umiwas muna sya dito. Maiintindihan naman siguro ni Sir Ibarra yun. Isa pa'y natulungan na nya si Señorita Maria kanina sa pamimili nito ng kagamitan para bukas. Ibig sabihin, may ambag na sya, so hindi na kelangan ng presence nya.

Naalala ni Klay ang nangyari sa tahanan ni Kapitan Basilio ilang gabi pa lang ang nakakaraan. Sobra parin sa monthly quota ang nararamdaman nyang pagkapahiya matapos mapalayas sa piging. Ayaw pa muna sana nyang magpakita sa mga ito. Nasa ganoong dalo'y sya ng pag-iisip ng marinig nya ang isang mahinang katok sa pinto ng kanyang silid sabay ang marahang tinig ni Maria.

"Klay, gising ka pa ba? Maari ba kitang makausap saglit?" Sambit ni Maria habang kumakatok. Dali-dali namang tumugon si Klay at bumangon upang paunlakan si Maria papasok sa kanyang silid.

"Maraming salamat, Klay. Pasensya ka na sa abala't alam kong gabing gabi na. Kamusta ka na? Masama pa rin ba ang iyong pakiramdam?" Tanong ni Maria sa kanya habang sya nama'y bumalik sa pagkakaupo sa gilid ng kanyang kama.

"Oo eh, humilab bigla yong tiyan ko. Pero ayos nako ngayon." Tugon niya sa tanong ni Maria. Hindi naman sya nagsinungaling. Talaga matindi yung pagkahilab ng tiyan nya kanina simula ng pagkauwi nila mula sa tindahan ni Sir Fidel. Allergic nga talaga ata sya presence ng mokong na yun. Muntikan pa syang mag-alala na baka may something sa niluto nya kaya humilab ang tiyan nya. Buti na lang, sya lang nakaramdam nun. Kung pati sila Tiya Isabel at Maria ay nakaramdam nun, confirmed food poisoning yun at sya lang ang sisisihin. Kaya buti na lang sya lang ang nakaramdam nito.

"Hay, pobrecita. Sigurado ka ba? Dahil kung may sakit ka ay maaring dito ka na lamang magpahinga sa bahay. Hindi naman kita pipiliting sumama sa amin ni Crisostomo sa aming salu-salo sa lawa at gubat." Mainitindihing ani ni Maria. Kung hindi talaga kaya ng ka-tukayo ay hindi nya na ito pipilitin. Baka sumama lang lalo ang pakiramdam nito.

"Lawa? May swimming par-" panimula ni Klay ngunit napagtantong nyang ingles ang wikang ito, hindi maiintindihan ni Maria. Tumikhim na lang sya at binago ang pagsasalita.

"Lalangoy habang nagkakasiyahan?" tuloy na tanong ni Klay kay Maria

"Bakit, hindi ka marunong lumangoy? O takot ka sa tubig?" Pagbabalik tanong ni Maria kay Klay.

"Hindi naman. Marunong naman akong lumangoy kahit papano. Mabilis lang akong mahilo sa bangka." Tugon nya kay Maria. Bumuntong hininga si Maria habang patuloy na nakatayo at nakatitig kay Klay. "Sayang naman. Mangingisda sana tayo at mamamangka papunta doon sa gubat kung saan ang salu-salo. Kung gayon ay hindi ka makakasama at baka mahilo ka pa?"

"Parang ayaw mo naman talaga akong isama ih. Makakaabala nanaman ba ako?" Ani ni Klay na hindi mawari kung bakit parang may tampo syang naramdaman sa huling sinabi ni Maria. Wala namang masama sa sinabi nito. 'FOMO mode ka gurl?' Tanong na lang ni Klay sa daloy ng sariling pag-iisip.

"Ay, hindi! Nag-aalala lamang ako sa iyo at sa iyong kalagayan. Bakit ko naman hindi gugustohin na nandon ka? Inaasahan ni Crisostomo ang kahanga-hangang kaibigan nyang babae na katulad nya ay matalino, matatas, maraming abilidad kumpara sa karaniwang babae." Madamdaming paliwanag ni Maria sa kanya. Ikinangiti naman ito ni Klay. Sadyang napakabait ni Señorita Maria.

"Hmm... Hindi naman masyado... Eh... Umiiwas lang ako sa mga ganap. Alam mo na. Magagalit nanaman ang sangkababaihan ng bayang ito. Saka sa totoo lang, sa lahat ng tao dito, ayoko namang mabigo o mapahiya ko kayo ni Sir Ibarra. Lalong-lalo ka na. Ikaw na kumukupkop at nagtitiis sa'kin ngayon. Kaya so-patawad. Alam ko, minsan, matigas talaga yung ulo ko. Pero nakikita ko naman na sinusubukan mo kong intindihin. Sadyang nahihirapan ka lang talaga kasi nga kakaiba ako dito sa panahon-sa lugar nyo." Mahabang paliwanag ni Klay at tipid na ngumiti kay Maria. Umupo si Maria sa kanyang tabi at marahan syang tinitigan

"Sige na nga. Sumama ka na." pagsusumamo ni Maria kay Klay. "Kakailanganin namin ni Crisostomo ng tulong dahil sya ang aking katuwang sa pagiging punong-abala sa pagtitipon"

"Eh... mabilis nga akong mahilo sa bangka." Bumuntong hininga na lamang si Klay. Marahil ay mas maiintindihan ni Maria kung sasabihin nya ang totoong nakakapagpabagabag ng kalooban nya. "Iniisip ko kasi yung mga bisita ih. Yong mga kaibigan mo. Imbitado rin ba si Kapitan Basilio? Ayos lang ba sa kanya na may kasama kang 'mangkukulam'?" Sinabayan na lang ni Klay ng marahang tawa ang huling tinuran pero batid ni Maria ang bahid ng pait sa sinabi ni Klay.

"Aaminin ko na natatakot pa rin ako sa mga pwede mong ikilos? Pero mas mapapanatag ako na naandon ka. Kung kailangan ko lang ipaliwanag sa kanila ang iyong galing at iyong kabutihan na nakikita sa iyo ni Crisostomo ay gagawin ko para hindi ka husgahan ng mga tao." Tugon sa kanya ni Klay na may pangakong po-protektahan sya sa ano mang masamang 'chismis' ng mga marites ng San Diego.

"Salamat... sige na sige na. Hahanapin ko yung balanse ko sa bangka para hindi ako mahilo. At pro-pangako. Magpapakatino ako bukas." Nakangiting pagsang-ayon at pangako ni Klay kay Maria. Ngumiti na rin si Maria at naalala ang dalang tampipi na iniwan nya sa may gawing pintuan.

"Gusto ko sanang ibigay sayo ito. Ito sana ang gamitin mo bukas." Ani ni Maria sabay abot ng isang katamtamang laki ng tampipi sa kanya. Nang binuksan nya iyon ay nanlaki ang mata nya. Sa loob ng kahon ay isang napakagandang baro't saya. Sa isip ni Klay ay para itong wedding gown.

"Wow, Señorita. Eh handa ka naman pala. May padamit ka na pala agad kahit hindi pa ako nagsasabi kung makakadalo nga ako bukas." Hagikgik ni Klay na kinangiti rin ni Maria. "Maraming salamat dito sa padamit, Señorita Maria."

Nginitian ulit ni Maria si Klay. "Sa muli nating pagkikita? Bukas?" Sambit nito habang nasa pintuan na ng silid ni Klay. Tumango na lamang ng pagsang-ayon si Klay dito.

"Bakit ba parang ang big deal ng mangyayari sa kanila bukas? Nasa nobela rin ba ang mangyayari sa lawa at gubat?" Tanong ni Klay sa sarili ng sya na lamang ang nasa cuarto. Muling sumagi sa isip ang magaganap bukas.

'Klay, quota ka na ha! Quotang quota ka na! Lagpas na ng monthly supply of embarrassment yung na-quota mo sa bahay pa lang nila Captain Basilio. Kaya pls lang. Patience-is-a-virtue-mode ka muna bukas. Iwas gulo ha!' Pangungumbinsi ni Klay sa sarili.

Humiga si Klay ng patagilid sa kanyang kama at hinarap ang malaking bintana ng kanyang silid. Kitang kita nya ang libo-libong mga tala sa kalangitan. Nagsusumamo sya ng isang mataimtim na kahilingan sa isa sa mga iyon na sana'y huwag hayaang mapahiya nanaman sya bukas.

♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡

Huminga ng malalim si Klay. Ngayon na ang araw ng salu-salo. Kaya naman gumayak na silang lahat. Maaga silang lahat nagsi-gising upang ihanda ang lahat ng kakailanganin. Mabuti na lang at maayos na si Andeng. Parang nakapag-Milo nga to sa pagiging energized ih. Dinaig pa sya.

Ilang karwahe rin ang kinailangang gamitin upang maiangkat ang lahat ng pagkain at kagamitan na hinanda ni Señorita Maria para sa salu-salo ngayong araw na toh. Talagang binonggahan nito ang paghahanda at batid ni Klay na gusto lamang ng dalaga na maging maayos ang lahat sa araw na toh kung saan ipinagkatiwala ni Sir Ibarra kay Señorita Clarita ang lahat ng kaganapan.

At ngayon nga ay narito na sila sa maliit na pantalan sa may lawa. Napatigil si Klay sa paglalakad. Ready na ba sya para dito? Napapikit na lamang ang dalaga.

'Hay, bakit ba wala pang meclizine hydrochloride ng panahong toh? Lord, kaw na poh bahala sa'kin please!' Panalangin ni Klay na sana ay hindi sya sumpungin ng hilo. Kaso, tinitignan pa lang nya yung bangka, na-anxiety attack na sya kagad ih. Nagpapadagdag lang yung sa nausea nya.

"Ayos ka lang ba, binibini?" Tanong ni Andeng kay Klay ng makitang nakapikit ang nakababatang dalaga. Napamulat naman si Klay at tumango kahit batid ni Andeng sa mukha ni Klay ang pag-alala.

"Miss Klay, Andeng, halina kayo dito." Tawag sa kanilang dalawa ni Sir Ibarra. Tinanguan muli ni Klay si Andeng bago nagpatiunang pumunta sa kinatatayuan nila Sir Ibarra, Tiya Isabel, Señorita Clarita at ng mga amiga nito. Ngunit matapos lamang ng ilang hakbang ay napatigil si Klay nang makita si Sir Fidel.

♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡

Kitang-kita ni Maria ang reaksyon sa mukha nila Klay at Fidel ng mapagtantong magka-terno ang kanilang suot na damit. Hindi maitatanggi ang pagkabigla at iritasyon sa mukha ni Klay habang si Fidel nama'y naaaliw at hindi na itinago ang ngiti habang tinititigan ang kabuuan ni Klay.

Kahit si Maria mismo'y medyo nagulat rin. Hindi nya inaasahang ang barong na may magandang tela na nakita nya sa comercio ni Fidel ay personal na gamit pala ng (pambansang)ginoo. Akala nya'y ibinebenta ito kaya naman binili na lang nya ang natira pang tela.

Unti-unting nagtatagpi ang mga kaganapan sa isip ni Maria. Tila ba ito'y tinadhana at sya rin mismong kinasangkapan nito.

~~~~~~~~~~~~~

Inikot ni Maria ng isa pang huling tingin ang buong comercio ni Fidel upang makatiyak na nabili nya ang lahat ng kakailangan para sa pagtitipon o salu-salo sa gubat. Nang magawi sa may bandang kanan ang kanyang mata'y nakita ni Maria ang hawak na barong ng isang empleyado ni Fidel. Maganda ang tela nito, kakaiba ang disenyo at kulay. Ipinagbebenta rin kaya ito ni Fidel? Mukhang magugustohan iyon ni Crisostomo o ng kanyang ama. Nilapitan ni Maria ang empleyado.

"Magandang hapon sa iyo manong. Napansin ko lamang na kay ganda ng barong na iyong hawak. Iyan ba'y binebenta rin ni Don Fidel?" Tanong ni Maria sa lalaking empleyado. Yumukod ng paggalang ang lalaki at itinabi ang barong bago muling humarap kay Maria.

"Magandang hapon rin po, Señorita. Hindi po ito pinagbebenta dahil kabilin-bilinan po ni Don Fidel na mayroon na pong bumil't nagmamay-ari ng barong na ito" Paliwanag ng empleyado. Nakadama naman ng pagkadismaya si Maria. Sayang naman at gusto nya sanang ipang-regalo ito.

"Ganon po ba? Maari ko na lang po bang malaman kung may kaparehong tela nitong barong na toh na kayo'y binebenta?" Muling tanong ni Maria sa empleyado.

"Opo meron pa po ngunit ilang pulgada na lamang, Señorita." Sagot ng empleyado na tuluyan ng ikinangiti ni Maria.

~~~~

Nakita ni Maria ang maagang paggising ng kabahayan nila upang maghanda para sa salu-salo ngayong araw na ito. Nakita nyang nakabihis na si Klay at tinutulungan na si Andeng. Napansin ni Maria na parang hindi bagay ang tapis sa saya ni Klay para sa okasyon ngayong araw. May pagka-luma na ito. Naalala nya ang munting telang nabili sa comercio ni Fidel. Baka bumagay iyon ka Klay. Tinawag ni Maria si Klay at pinakiusapang magtungo saglit sa kanyang silid.

"Señorita, ano pong kailangan nyo sa'kin?" Tanong ni Klay sa kanya.

"Wala naman, Klay. Naisip ko lang na ang tapis ng iyong saya ay medyo may kalumaan na pala. Kaya sana'y gusto kong palitan ito. Maari bang ito na lamang ang itapis mo sa saya mo? Paniguradong mas lalong lalabas ang kagandahan ng damit pag ito ang ginamit mo." Paliwanag ni Maria sa nakababatang dalaga. Nagpaunlak naman ito kaya tinulungan na lang ni Maria si Klay na ayusin ang saya ng huli at palitan ang tapis nito. At nang maisuot naman na ito ni Klay ay natutuwang ngumiti si Maria. Tama sya, bagay kay Klay ang telang nabili.

~~~~~~~~~~~~~

"Hay... esa aqui la bruha"

"Si otra vez"

"Si una chica muy rara"

Narinig na lang ni Maria ang mga sinambit ng mga amiga na nagpabalik ng daloy ng kanyang isipan sa kasalukuyan. Nakita nya ang reaksyon ng mukha ni Klay na kahit hindi naintindihan ang mga tinuran ng kanyang mga amiga'y batid nito na sya ang kanilang pinagtatawanan. Nakaramdam ng kirot sa puso si Maria ng makitang yumuko na lamang ang ka-tukayo.

"Maraming lamok sa banda riyan. Baka kayo ay papakin." Sambit ni Fidel na panadaliang lamang na kinagulat ni Maria. Tinitigan nya ang mukha ng ginoo at nakita ang hindi maitagong iritasyon at pagkadismaya sa tinuran ng kanyang mga amiga. Nakita rin ni Maria ang muling pag-angat ng ulo ni Klay sabay ang matipid na ngiti ng mabatid na sya'y pinagtanggol ni Fidel.

Kilala nya ang kaibigan. Hindi ito mapagpatol sa mga babae at karaniwa'y hinahayaan lang nito ang mga kababaihan sa mga usapan nito gaano man kababaw ang paksa. Kaya nga tanyag ito sa kababaihan ng San Diego, dahil sa pagiging gwapo at maginoo nito maliban sa pagiging matalino, mayaman at magaling na negosyante. Gayunpama'y tama ang ginoo sa pagtanggol kay Klay. Huminga ng malalim si Maria bago hinarap ang mga amiga.

"Amigas, paz ta ya, por favor." Ani ni Maria sa mga kaibigan sa nakikiusap na tono. "Ipinaliwanag ko na sa inyo ang asta ni Klay noong isang gabi. Bigyan nyo sya ng pagkakataon katulad ng ginagawa ko."

Yumukod na lamang si Maria pagkatapos turanan ang mga amiga at lumapit na lamang sa kinatatayuan ni Crisostomo, Klay at Fidel.

"Napakaganda ng panahon. Sumasang-ayon sa atin." Sambit ni (pambansang)Ginoong Fidel habang nakatingala sa kalangitan. Pero hindi lingid sa attensyon ni Maria na bago sinambit ni Fidel iyon ay kay Klay muna ito nakatitig atsaka na lamang tumingala.

"Paniguradong puno ng kasiyahan ang araw na ito. Lalo na't sa lahat ng pagtulong mo, Maria." Ani ni Crisostomo ng makalapit si Maria sa kanya. Ngumiti naman ang dalaga sa kanyang irog.

"Por supuesto, Crisostomo." Nasasabik na tugon ni Maria kay Crisostomo. Muli ay ibinaling ni Maria ang atensyon sa dalawa na magka-terno ang suot. Nakita nya ang nahihiyang paglingon-lingon ni Klay kay Fidel at ang makahulugang titig ni Fidel na minsa'y sinasabayan ng ngiti.

♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡

Habang naglalayag ay muling binalikan ng pag-iisip ni Maria ang patungkol kay Klay at Fidel. May namamagitan na ba sa dalawa? Kung susumahin ay, para bagang pinaglalapit ang dalawa ng tadhana. Noong araw mismo ng pamimili nya sa comercio ni Fidel, dapat ay si Andeng ang kasama ngunit dahil may sakit ito'y si Klay na lamang ang kasama nya. Gawa rin ba ito ng tadhana?

Mas lalong lumayo ang isip ni Maria, patungo sa panimulang pangyayari sa piging sa tahanan ni Kapitan Basilio. Bakit hindi nya napansin iyon noon pa lamang?

~~~~~~~~~~~~~

Nakita ni Maria ang gulat sa mukha at mata ni Fidel ng pumasok sa bukana si Klay. Pagkahuma ay nakita rin nya ang unti-unting pagpungay ng mga mata nito. Lahat ng iyon ay habang nakatitig kay Klay. At nang madapa si Klay ay nakita rin nya ang pagsisirit ng aliw sa mata nito.

Lumapit si Fidel kay Klay matapos syang tulungang alalayan patayo mula sa pagakakadapa ni Crisostomo at kamustahin nilang magsing-irog.

"Binibining Klay. Kung ika'y hindi pa nadapa ay hindi pa kita makikilala. Mayroon ka naman palang tinatagong ganda" Sambit ni Don Fidel sa pilyo't mapanuksong tinig na kinairita naman ng dalaga.

"Hoy! Kailanman hindi ko tinago ang ganda ko noh. Makaano ka dyan. Bakit? Chaka ba 'ko dati?" Sagot naman ni Klay kay Fidel. Wala ni isa sa kanilang tatlo nila Crisostomo at Fidel ang nakaintidi sa huling pangungusap na binanggit ng dalaga. "Chaka? Hindi ko mawari ang iyong sinasabi" Pagsasatinig ni Fidel sa loobin nilang tatlo sa huling tinuran ni Klay.

"Ngunit ang totoo nyan ay, ang buong akala ko talaga ay kauri ka namin" Pagpapatuloy ni Fidel na sa pagkakataong ito ay mas malumanay at bahid ng konting lambing.

"Iyon nga ang layunin, Fidel. Ang maging kaisa siya sa amin." Sagot na lamang ni Maria kay Fidel sa huling tinuran. Nakikita na kasi nya ang iritasyon sa mukha ni Klay kaya minabuti na lamang ni Maria na sya na ang sumagot para kay Klay.

"Tila hindi nga kita namukaan kanina" Sambit naman ni Crisostomo ng may masayang ngiti sa labi. Sinalubong naman ito ng mga ngiti rin ni Klay.

"Nagustohan mo ba ang kanyang ayos, irog ko?" Tanong nya kay Crisostomo. Lumingon naman sa kanya ang kasintahan at ngumiti rin.

"Oo" Tugon sa kanya ng kanyang irog bago muling lumingon kay Klay. "Napakaganda nya."

May kaunti mang selos na naramdaman si Maria sa tinuran ng nobyo ay alam naman nyang walang ibang ibig sabihin si Crisostomo rito. Humahanga lamang ito sa angking kagandahan ng kanilang kaibigan. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang tila makahulugang titig ni Fidel kay Klay.

~~~~~~~~~~~~~

Wari ni Maria'y dapat noon pa lamang ay dapat nagka-ideya na siya. Hindi tingin ng isang normal na lalaki ang ginawa ni Fidel na pagtitig ka Klay ng gabi ng piging sa bahay ni Kapitan Basilio. Alam nya ito bilang isa rin syang babaeng umiibig at iniibig ng kanyang irog. Ang mga tinuran ng mga ito sa isa't-isa, mula sa piging kina Kapitan Basilio, ang mapaglarong usapan nila sa comercio, at ngayon nga'y pagkaka-terno ng kanilang kasuotan at pagtatanggol ni Fidel kay Klay mula sa mga tinuran ng kanyang mga amiga. Lahat ng iyon ay gawa ng pagkakataon at wala ni isa sa kanila ang nagsadya, kahit sya mismo na tila naging kasangkapan sa lahat ng pangyayari mula sa pag-aayos nya kay Klay at pati sa telang kanyang naibili ng hindi rin sadya.

Lihim na lamang na ngumiti si Maria at tumingin sa direksyon ni Klay at Fidel. Ngayon lang nya nabatid na bagay pala sa isa't-isa ang mga ito. Isang magandang binibini at isang makisig na ginoo. Kay gandang pagmasdan ng isang pag-iibigang umuusbong. Marahil ay hindi pa batid ng dalawang iyon ang namamagitan sa kanila ngunit nakakasiguro si Maria na mapagtatanto rin ito ng dalawang kaibigan balang araw. Ipinagpapasalamat naman nya na kinasangkapan sya ng tadhana para paglapitin ang dalawa. Marahil pagkatapos nilang dalawa ni Crisostomo'y, isa muling kasalan ang magaganap sa San Diego.

♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡♡

Naglalayag na ang bangka at dinarama ni Fidel ang hanging dumadampi sa kanyang mukha. Napakaaliwalas ng panahon at napaka-presko ng hangin. Katamtamang bilis lamang ang takbo ng bangka kaya mas lalong kinalugod ni Fidel. Nitong mga nakaraang araw ay masyado syang naging abala sa kanyang mga negosyo kaya ramdam nya ang pagkapagod at pagkabahala sa buong katawan nya. Kaya naman ng sinabi ng amigo na magkakaroon ng salu-salo at kasiyahan ay pinanabikan nya ito dahil isa itong paraan para maalis ang namuong pagod sa katawan nya.

Lumiko ang tingin ni Fidel sa babaeng nakaupo sa kanyang tabi. Tila ito'y hindi mapakali at nakayuko lamang. Ikinangisi iyon ng ginoo. Marahil ay hindi mapakali dahil katabi nito ang lalaking napupusuan.

"Binibining Klay, ikaw ba ay nanadya? Tila binabagayan ng iyong kasuotan ang aking barong." Patay-malisya kuno na turan ni Fidel kay Klay, ngunit bandang huli'y hindi rin natiis na mangiti ng (pambansang)ginoo. Umikot naman ang mata ni Klay at pinili na lamang na huwag magsalita.

Nang walang marinig na tugon ay tinitigan ni Fidel si Klay. Kadalasan ay may sinasagot ito sa tuwing inaasar nya. Ano't bakit hindi man lang ito tumugon? Doon na nakita ni Fidel na mukhang may iniinda ang dalaga. Biglang napalitan ng pag-aalala ang kanina lamang ay mapang-asar nyang kustumbre.

"Binibining Klay, are you alright?" Tanong ni Fidel

"Nahihilo ako... sa pagmumukha mo..." Sabi ni Klay na tila ba ito'y lasing. Nangiting muli si Fidel bagama't may pag-alala pa rin ang ginoo patungkol sa kalagayan ng dalaga. Pagdating sa asaran, hindi talaga magpapatalo si Klay.

"Bakit? Dahil ba... may lihim ka ng pagtingin sa'kin?" Pang-aasar na rin ni Fidel kay Klay na muling napatingin sa kanya. Sinalubong ni Fidel ang iritadong tingin ni Klay. Nginitan at tinaasan na lamang ni ng kilay ng (pambansang)ginoo ang dalagang nasa kanyang tabi. Napakagat ng labi si Fidel upang pigilan ang pagtawa, ngunit nawala ang ngiti nya ng makita ang itsura ng dalaga.

Humahangos na ng husto si Klay at hinahawakan ang tiyan sabay ang biglaang pagduwal. Pumikit ito sa pagbabaka-sakaling mabawasan ang nararamdamang hilo. Ngunit walang nagawa ang pagpikit nito. Sa muling pamulat ng mata'y may kaunti ng namumuong luha sa gilid ng mga mata nito.

"Nahihilo na talaga ako. Ibalik nyo na'ko sa pampang(ga-char!)" Sambit ni Klay na biglang tumayo. Umuga ng kaunti ang bangkang kanilang sinasakyan. Nakita naman ni Fidel na muntikang mawalan balanse si Klay. Mabuti na lang at nakahuma ito at hindi natumba. Gayunpama'y patuloy itong humahangos na para bang tumatakbo at nagpipigil ng ilang kumawalang pagduduwal.

"Binibining Klay... ah... huwag mo akong susukahan at bago ang aking barong..." Pakiusap ni Fidel kay Klay na sa wakas ay napagtantong hindi nakikipag-asaran sa kanya si Klay. Tunay na may nararamdamang hindi maganda ang dalaga.

"Huminahon ka, Klay. Lalong uuga ang bangka." Ani ng amiga ni Maria na si Sinang. Humahangos na ng husto si Klay at ramdam ang pagdating ng unos mula sa kanyang sikmura. Nagkatinginan sila ni Fidel, at kahit sa ganoong kalagayan, batid ni Klay ang pag-aalala sa mukha ng ginoo. Ngunit kung ang pag-aalalalang iyon ay patungkol ba sa kanyang kalagayan o dahil baka sukahan nya ito'y hindi nya wari.

"Tumabi ka nga riyan!" Pabalang na sambit ni Klay kasabay ang mabilis na paghawi kay Fidel upang sya ay makadungay sa tagiliran ng bangka. Saktong sakto lang iyo at tuluyan na ngang kumawala ang suka na kanina pa pinipigilan ni Klay.

Kitang kita ni Fidel ang tila hirap na paghangos at pagduwal ni Klay habang inilalabas ng bunganga nito ang marahil ay inagahan ng dalaga. Mabilis na inikot ng mata ni Fidel ang ibang panauhin sa bangka. Bakas sa mga mata nito ang dismaya at disgusto sa ginawa ni Klay. Muling nagtungo ang mata ni Fidel sa dalaga. Ngunit imbis na magka-disgusto ay pawang pag-aalala lamang ang nararamdaman ni Fidel. Bakit parang hindi nya gustong nahihirapan ang binibini?

Naputol ang daloy ng pag-iisip ni Fidel ng pag-uga ng bangka'y sya namang pagkatumba ni Klay at napaupo ng ubod ng lapit kay Fidel, tila ba nakaupo na ito sa kandungan ng ginoo. Ikinagulat iyon ng dalawa at biglang nagkatinginan sa isa't-isa.

Bigla ang pagdaloy ng mainit na pakiramdam ni Fidel. Nagmula sa kanyang puso, papunta sa kanyang pisngi at nag manifesto sa kanya mata. Hindi alintana ang inasta ni Klay kanina lamang. Kung iisipin ng kung sino'y tila nabi-bighani si Fidel dito. Kitang kita nino man ang pangungusap ng mata ni Fidel habang tinititigan ang kabuuan ng mukha ni Klay. Ang dalaga nama'y gulat na gulat at nakaramdam ng pagkapahiya sa pangyayari. Walang ilang segundo at nakahuma rin si Fidel. Inalalayan na lamang si Klay na umayos muli ng upo.

"...Salamat..." mahinang usal ni Klay matapos tumabi at lumayo ng kaunti kay Fidel. Nangiti ng matipid lamang si Fidel. Mukhang mapapasubo nanaman sya ngayong araw na ito. Simula't sapul ng pagbalik nilang mag-amigo dito sa San Diego kasama ang kakaibang dalaga'y, para na syang tagapag-bantay nito. Lagi nyang kinaiinisan na tuwing may gulong sinuong ang dalaga'y lagi na lamang andoon sya na taga-ayos nito. Ngunit para bang sa araw na ito, hindi nakakaramdam si Fidel ng kahit anong pagka-inis. Bagkus, may kakaibang init sa kanyang dibdib sa tuwing tinititigan nya ang dalaga.

"Huwag kang mag-alala. Malapit naman na ang baklad." Sambit na lamang ni Fidel at tipid na ngumiti. Kinikinita na nyang magiging mahaba ang araw na ito. Pero sa paglakbay muli ng mata ni Fidel papunta kay Klay, batid ng (pambansang)ginoo na hindi nya alintana ang kung ano mang gulo ang baon ni Klay sa araw na ito. Bagkus, pinananabikan nya ito. Palihim na lumalim na lamang ang ngiti ni Fidel.

●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●
●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●●

AUTHOR'S NOTE: Originally, plan ko na sinadya ni Maria Clara ang lahat kasi napansin na nya ung titig ni Fidel kay Klay dun sa pa-dinner ni Kapitan Basilio kaya playing cupid na sya kay Klay at Fidel. Nasulat ko na yun at malapit ko na matapos ung fanfic... kaso napaisip ako... Hindi ba mas romantic kung destiny ang nanadya at hindi si Maria Clara? That Fate itself just used Maria to bring the two closer? Kaya ni-revise ko tong story na toh at ginawa kong walang muwang si Maria until makita nyang "hindi sinasadya" nagterno ung suot ni Klay at Fidel sa salu-salo... don lang na-realize ni Maria na gawa yun ng destiny at naging kasangkapan lang sya. Mas bagay naman kay Maria yun kasi mabait sya at hindi naman sya mischievous enough para pagplanuhang i-matchmake ung dalawa.

Continue Reading

You'll Also Like

137K 2.7K 17
She join the guild fairy tail,fairy tail will find out her power when someone came to guild and broke lucy seal.but they will not know her secret bei...
1.4M 59.4K 106
Maddison Sloan starts her residency at Seattle Grace Hospital and runs into old faces and new friends. "Ugh, men are idiots." OC x OC
41.4K 903 6
Stockholm syndrome is a preferable fate sometimes.
966K 22K 49
In wich a one night stand turns out to be a lot more than that.