PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf...

By YroEno

8.5K 152 14

"Gising ako sa buong magdamag, Aurora. Kinatatakutan ko ang magiging reaksiyon mo sa pagkatuklas mo sa pagkat... More

Martha Cecilia - The Wolf & The Beauty
PROLOGUE
Chapter One
Chapter Two
Chapter Four
Chapter Five
Chapter Six
Chapter Seven
Chapter Eight
Chapter Nine
Chapter Ten
Chapter Eleven
Chapter Twelve
Chapter Thirteen
Chapter Fourteen
Chapter Fifteen
Chapter Sixteen
Chapter Seventeen
Chapter Eighteen
Chapter Nineteen - Last Part

Chapter Three

306 6 0
By YroEno


BINAYBAY ni Aurora ang madamong daan pasulong. It was getting dark. She was scared out of her wits. Hindi niya ininda ang paghampas ng matatalas na damo sa balat niya. O kung ano mang panggabing hayop ang madadaanan niya. Hindi niya rin alam kung saan patungo ang tinatakbo niya. Kahit munting landas ay wala siyang maaninag. Siya ang gumagawa ng landas sa pamamagitan ng pagdausdos sa mga damo, dawag, at siit.

She was safe.

For now.

Hindi niya alam kung gaano siya katagal na tumatakbo at kung gaano na siya kalayo mula sa pinanggalingan niya. She kept on moving fast. Naroong masubsob at matapilok siya sa mga ugat ng kahoy sa gitna ng dilim. Kapagkuwa'y nakarinig siya ng lagaslas ng tubig. Sandali siyang huminto. Daloy ng tubig ang naririnig niya. Mas o menos ay ilog mula sa bundok patungo sa dagat.

She stopped on her tracks. Maingat siyang nangunyapit sa bawat mahawakan niya. Sinusundan ang ingay ng lagaslas ng tubig. Hanggang sa maaninag niya ang isang bahagi ng tulay sa itaas. At sa ilalim ng tulay ay mga naglalakihang bato. Kislap ng lagaslas ng tubig ang nakikita niya.

Nagmamadali niyang tinakbo ang ibaba. Nadulas siya at gumulong siya pababa. Kung hindi siya nakakapit sa damuhan ay tuluy-tuloy siya sa batuhan. Nang mahimasmasan ay nagpatuloy siya. Tinawid niya ang ilog hanggang sa kabila sa pagapang na paraan. It was getting darker. At sino ang nakakaalam kung gaano kalalim ang tubig sa pagitan ng mga bato?

Marunong siyang lumangoy pero hindi niya iyon ipakikipagsapalaran sa hindi niya kabisadong lugar at sa kadilimang ito. Nasa ilalim na siya ng tulay at binaybay niya ang daan patungo sa kabilang bahagi sa pamamagitan ng mga nakausling bato. Hindi niya nais na baybayin ang pinanggalingan ng ilog dahil patungo iyon sa malalim na bahagi ng gubat. Bukas, bago mag-umaga, saka siya magpapatuloy sa paglalakad sa gilid ng bundok.

Naririnig niya ang mga sasakyang nagpaparoo't parito sa ibabaw ng tulay manaka-naka. Sa kabila ng tulay ay isang malaki at mataas na kabatuhan. Doon siya magpapalipas ng dilim. Malayu-layo na iyon mula sa kinaroroonan nina Gregor. At posibleng nagsialis na ang mga ito.

Mas madali na ang pagpanhik pabalik sa kalsada mula roon. Naroon iyong madulas-dulas siya mula sa mga batong tinatapakan niya. Naroon iyong takot na dumamba sa dibdib niya na baka bumagsak siya sa dagat at higupin ng malalaking alon patungo sa laot.

She tried to hold on to something. Damo man, bato, o ugat ng maliliit na punong tumutubo sa ilalim ng tulay. Until she reached the other side. Naririnig niya ang nagngangalit na hampas ng malalaking alon sa batuhan sa ibaba. Sa kaunting liwanag ng buwan na ang kalahati ay itinatago na ng mga ulap ay nangunyapit siya patungo sa may bahaging mataas.

Half-way thru the huge rock, nakaaninag siya ng masisilungan. Hindi naman kalakasan ang ulan subalit basa na siya at nilalamig na. Huwag sabihing walang laman ang tiyan niya. Idagdag ang pagod at takot mula sa pagtakas. Sa isang wari ay nakausli na bato na kasya lang marahil ang dalawang tao ay sumilong si Aurora.

Saka pa lang niya inilabas ang hiningang sa wari ay kanina pa niya pinipigil. Umuklo siya roon at niyakap ang mga binti. Hindi niya mapigil ang pagkawala ng mga hikbi.

What now? Saan siya patungo? Kahit ang bag niya ay hindi niya naalalang kunin sa sasakyan bago niya iyon inihulog sa bangin. Kung anu-anong kaisipan ang dumadaloy sa isip niya. Walang isa man sa mga naisip niya ang nakapagbibigay ng pag-asa na malulusutan niya ang kinasusuungan niya.

She couldn't hitch hike back. O kahit patungong Cagayan. Hindi papayagan ni Gregor na makaalis siya ng Norte nang paganoon lang. And she had no money. Baka ngayon pa lang ay nagpangalat na ito ng mga tauhan sa magkabilang bahagi ng daan.

Kung inaakala ng mga humahabol sa kanyang patay na siya, dapat siyang manatiling patay. Hanggang sa matuklasan ng mga ito na hindi siya kasamang nasunog ng sasakyan. Malibang maisip ng mga ito na tumilapon siya mula sa sasakyan patungo sa dagat at inanod papalayo.

Isa-isa niyang binalikan sa nahahapong isip ang mga nagdaang pangyayari dalawang buwan na ang nakalipas hanggang kaninang lumapag ang eroplanong sinakyan niya sa Clark International Airport mula sa Seoul, South Korea...


SA NALALAPIT na pagtatapos ni Aurora ng kolehiyo bilang cum laude ay ten days European tours ang iniregalo ng ama sa kanya. Sampung araw siyang magliliwaliw sa ilang bansa sa Europa. Julio Zuñiga bought it three months earlier through on-line booking.

Hiniling niya sa ama na sana'y kasama niya ito at si Doreen sa biyahe. Subalit tumanggi si Julio. Ayon dito ay hindi dapat na sabay silang mawala sa tindahan. Hindi magawang iwan ng itay niya ang negosyo, ang MJ Jewelry. M stood for Melania, Aurora's grandmother. And J for Julito, her grandfather. Julio inherited the business from his parents. And when they died, her father took over.

Hindi marahil kasinlaki ng ibang kilalang mag-aalahas ang MJ Jewelry. Subalit maayos ang takbo ng alahasan nila. Napalaki silang magkapatid ng ama sa kung hindi man sa maluhong paraan ay maalwan naman. Ibinigay ng tatay nila sa kanilang magkapatid ang bagay na hindi nito naranasan noong nagsisimula pa lang na umayos ng takbo ang negosyo nila.

Totoong dumating iyong panahong humina ang negosyo dahil na rin sa pagbagsak ng ekonomiya. Bahagyang natinag ang maraming mag-aalahas sa bayan nila. Kabilang na ang MJ Jewelry. May ilang panahon ding napakahina ng pasok ng pananalapi sa tindahan.

Ang dalawang branches ng jewelry shop nila sa Makati at Quezon City sa dalawang kilalang malls ay pinag-isa na lang at pinanatili ang nasa Quezon City. Dahil isinara na rin ng tatay niya ang branch nila sa Ongpin magmula nang manakawan ito at si Gregor ay ini-assign sa Quezon City branch.

At bagaman hindi na muling nag-boom ang negosyong alahas ay hindi naman iyon lubusang namatay. Ang main office at pagawaan nila ay sa Bulacan kung saan doon din naman sila nakatirang mag-aama. Doon din ang puntahan ng mga ahente nila at ng mga datihan na nilang customers.

Ang itay niya mismo ang designer ng mga alahas. Ito at si Felipe ang tumatayong quality control. Naturuan si Julio ng mga magulang bata pa man. O marahil dahil hilig din iyon ng kanyang ama. Everything in Aurora and Nadja's life went well.

Nakilala niya si Gregor nang minsang dumalaw siya sa branch ng MJ Jewelry sa Quezon City. Niligawan siya. May kataasan ito sa isang normal na lalaki. Matipuno ang pangangatawan dahil alaga itong mag-gym. Mestiso at magandang lalaki rin naman.

Hindi niya alam kung bakit hindi pa niya ito sinasagot. Marahil dahil kahit paano, sa sulok ng isip niya ay gusto niyang paluguran ang ama sa hindi nito pagsang-ayon kay Gregor bilang mamanugangin. Umaasa siyang kahit paano ay makuha ni Gregor ang loob ng tatay niya sa paglipas ng mga araw.

Nais ni Aurora na huwag madaliin ang pakikipag-boyfriend niya. She was only twenty-two. Alam niyang nais ng tatay niya ang makatapos silang magkapatid ng pag-aaral. Dahil hindi nito nagawa iyon para sa sarili. Nais niyang makita ng ama ang pagiging karapat-dapat ni Gregor. Nangako siya kay Gregor na sa pagbabalik niya mula sa European tour ay sasagutin niya ito.

Until that fatal day. Nang pasukin ng masasamang-loob ang kanilang tindahan. Walang takot at buong kalupitang pinagbabaril ng mga masasamang-loob ang mga tauhan. At bagaman hindi nagtangkang manlaban ang tatay niya ay binaril pa rin ito ng mga masasamang-loob.

Pitong tao ang namatay nang araw na iyon. Ang dalawang security guard na pawang mga nangabigla nang tutukan ang mga ito ng armas at pagbabarilin; si Felipe at ang bunso na anak nito, ang dalawa pang tindera, at ang tatay niya. Kung hindi inutusan ng tatay niya ang sekretarya nitong si Olivia na magdeposito sa bangko ay malamang na kasama ito sa napahamak.

Natatandaan niya ang araw bago sila nilooban. Tinawag siya ng tatay niya sa opisina nito at ang pinakakatiwala, si Felipe. Si Felipe ay empleyado na ng MJ Jewelry panahon pa ng mga lolo at lola niya. Ito ay ang numero uno nilang manggagawa ng alahas. Sa kabila ng ilang dayuhan na ang nag-alok dito na magtrabaho sa ibang bansa ay hindi nito iniwan ang trabaho sa kanila.

Sa tindahan na ito nagkaasawa at nagkaanak. Pamilya na kung ituring ng tatay niya si Felipe. Matanda lamang nang dalawang taon dito si Julio.

Dalawa ang anak ni Felipe, isang babae at lalaki. Ang panganay na anak na lalaki ay isang sundalo ay naka-deploy sa Mindanao. Ang bunso, ay ang accountant ng MJ Jewelry at kasamang napatay nang araw na iyon.

"What's the sudden secret meeting?" she joked, smiling. Kanina pa siya dapat bumalik sa Maynila, sa condo niya, para sa mga panghuling requirements sa klase niya kinabukasan. Ilang linggo na lang at magtatapos na siya. Subalit hinilingan siya ng ama na magpagabi na at ipahahatid siya sa driver.

Alas-siete pasado na ng gabi at sarado na ang buong shop at opisina kanina pang alas-sais. Kahit ang dalawang guwardiya sa ibaba ng tindahan ay hindi alam na naroroon sila. Sa back door silang lahat nagdaan. Katunayan ay may dalawang daanan sa likod ng tindahan at opisinang iyon sa second floor ng building. They owned the building. Ang unang palapag ay pinaupahan sa isang furniture store.

Karaniwan nang sa main entrance dumadaan ang mga tindera sa shop. Subalit iilan lamang ang gumagamit ng pintong iyon na nasa loob ng opisina ng tatay niya. Sila lamang magpamilya at si Felipe. Naupo siya sa gilid ng mesa ng ama. Nakita niyang ganoon din ang nasa mukha ni Felipe, nakakunot ang noo.

Ang itay niya ay alanganing natawa. "Nagiging paranoid na lang marahil ako sa aking katandaan, Felipe," anito, tiningala ang katiwala.

She laughed. "What else is new? Lagi kang paranoid, Tatay." Dinampot niya mula sa ibabaw ng mesa ang ball point. It was an old Sheaffer. Iyon ang huling binili ng nanay niya para sa tatay niya noong anibersaryo ng mga ito. Five months later, her mother died giving birth to Nadja.

"Tungkol saan, Kuya Julio?" tanong ni Felipe na lalong nagdikit ang mga kilay.

Her father took a deep breath. Pagkatapos ay isinandal ang ulo sa headrest ng swivel chair nito. "Hindi sinasadyang nakaringgan ko kaninang umaga ang usapan ng dalawang security guards, Felipe..." He paused. "Sa likod ako dapat dadaan pero ipinasya kong sa harap na lang at balak kong magtungo na muna sa bangko..." Ang katabi ng building nila ay ang bangko kung saan nagdedeposito ang tatay niya at ang MJ Jewelry.

"Hindi marahil inaasahan ng dalawang security guards na may ibang tao. Naulinigan ko silang nag-uusap tungkol sa biglang magkakapera; na hindi birong salapi ang magiging kabahagi nila; na isang araw na lang at tiba-tiba sila kapag nagkataon; na magreretiro sila at magliliwaliw. Hinintay ko silang magpatuloy sa pag-uusap subalit hindi na iyon nadugtungan dahil sa pagdating ni Olivia. Binati nila ito..."

Si Olivia ay labinlimang taon na sa empleyo nila at isa sa pinagkakatiwalaan ng kanyang ama. Nagsimula ito sa MJ Jewelry bilang tindera noong ito'y tatlumpong taon pa lamang. Kabibiyuda lamang nito at walang anak. Kaya naman ang buong atensiyon nito ay nakabuhos sa tindahan. Labinlimang taon ang nakalipas ay naging bihasa ito at naging sekretarya sa tindahan at Girl Friday ng kanyang ama.

"Nabigyan ako ng pagkakataong bumalik sa likod nang hindi namamalayan ninoman," patuloy ni Julio. "At nagsimula akong mabagabag mula pa kanina..."

Aurora rolled her eyes. "Tatay, for all you know, they were talking of winning the lotto. Alam mo naman ang mga tao rito sa atin, lagi ng nangangarap ng gagawin kapag nanalo sa lotto..." Sinulyapan niya si Felipe at umaasang sesegundahan nito ang sinasabi niya. Subalit hindi kumibo si Felipe at nakatitig lang sa ama niya. Seryoso ang mukha.

"Hija, sa negosyong ito kung saan ang posibilidad ng hold-up ay palasak at kahit sa mga malls, kailangan kong pagkatiwalaan ang aking katutubong hinala."

She shrugged. Hindi niya maiwasang sang-ayunan ang ama. Ilan na bang mag-aalahas sa bayan nila ang nakaranas ng panloloob? May mga napapatay pa nga dahil piniling manlaban. Kaya naman maingat na ngayon ang mga may-ari ng mga tindahan sa bayan nila. Bagaman ang Bulacan ang head office at ang pagawaan na rin mismo, wala silang display shops like the one in the mall, na hantad sa mga tao, at sa mga passers by.

Karaniwan na'y nasa loob ng bahay o building o sa second floor ng building tulad ng sa kanila. At nababakuran nang husto at nakapaikot ang alarma at camera. Tutal, alam naman ng buyers at mga ahente kung saan sila patungo. At karaniwan na ay kilala naman ng security guards ang mga ahente.

"Tama ang itay mo, Aurora," ani Felipe na nagsalita sa kauna-unahang pagkakataon. Itinuon ang pansin kay Julio. "Posibleng bale-wala naman ang narinig mo, Kuya Julio. Pero dahil may iba kang pakiramdam, hindi masamang sang-ayunan ang pakiramdam mo. Hindi dapat ipagwalang-bahala. Walang mawawala sa atin kundi kaunting trabaho lang."

"So, what do you want us to do?" she asked.

Nilingon ng itay niya ang isang maliit na sako ng makapal na katsa at may nakataling drawstring sa may gilid ng mesa nito. Noon lang nila napansin iyon. Bagaman nagtataka ay nahuhulaan na niya ang laman ng maliit na sakong-katsa. Mga alahas. Mamahaling mga alahas.

"Ang halaga ng mga alahas na nariyan ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa dalawampung milyon..."

"Twenty million," pag-ulit niya sa kaswal na tono. Buong buhay niya ay namulat siya sa alahas, sa mga mamahaling alahas, sa milyon-milyong halaga ng mga alahas. It didn't bother her anymore. Ordinaryong tanawin na lamang ang mga iyon sa kanya kahit nakapaloob na roon ang buong kabuhayan nila. "Eh, bakit nakabalot nang ganyan?"

Nagpatuloy ang ama, hindi pinansin ang tanong niya. "Kasama na ang mga mahahalagang bato na nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa dalawampu't limang milyon. Kinuha ko mula sa vault at isinama ko na riyan sa sako. Mahigit sa apatnapu't limang milyon ang halaga ng lahat ng iyan, Aurora..." Nilingon nito ang vault sa likod kung saan nakatago ang mga mamahaling bato. Only Aurora, Nadja, Felipe, and her father knew the vault's code.

"May mga taong pumapatay dahil lang sa hindi-kamahalang halaga ng mga alahas..." dugtong ng tatay niya. "Ang mga alahas sa mall, at ang mga batong ito na ang kabuuan halos ng ating kabuhayan, Aurora. Hindi naging maganda ang negosyo sa nakalipas na apat na taon. Nadale rin tayo ng mga swindlers..." Nagbuntong-hininga si Julio sa huling sinabi. Hindi rin biro ang na-swindle sa kanila nitong nakaraang taon. Ang mga mag-aalahas ay hindi ligtas sa ganitong uri ng mga tao. Ito ang numero unong kalaban nila sa negosyo.

"Ang halaga ng mga alahas na nasa branch ay humigit-kumulang sa sampung milyon lang."

Sinulyapan nito ang sako. "Kapag nawala ang mga ito ay mahihirapang makaahong muli ang mga tindahan bagaman naka-insured ang mga iyan."

May ilang patung-patong na jewelry tray ang itinaas ng itay niya mula sa ibaba ng swivel chair nito at inilagay sa mesa. Natambad sa kanya ang mga kumikinang na mga alahas sa ibabaw na tray. Pamilyar sa kanya ang laman ng mga tray ng alahas.

"Kinuha ninyong lahat ang mga nasa display counters!"

Bahagyang nagkatawanan sina Felipe at Julio. "Sa isang banda ay oo, hija. Ang nasa sakong katsa ang mga alahas na galing mismo sa display counters."

Hinila ang silya sa harapan ng mesa ng ama at naupo roon. "At ano iyang mga nasa tray?"

"Hindi ba namin nabanggit sa iyo na may mga duplicate ang bawat isang mamahaling alahas na nasa display counter?"

Kumunot ang noo niya. "No, you did not," she said irritably. "At duda ako kung alam din ni Nadja. Are those duplicates?" Tumango ang dalawa. "Sinu-sino lang ang nakakaalam?" May bahagyang hinanakit sa tinig niya na hindi nasabi sa kanya ang bagay na iyon. Inisa-isa niyang inaangat ang mga alahas sa tray na nasa ibabaw ng iba pang mga trays.

"Kami lang ni Felipe. Kahit si Olivia ay hindi alam ito. Kung paanong si Felipe rin lang ang nakakaalam noong panahon ng mga lolo at lola mo..."

Naglahong iglap ang kapirasong hinanakit niya nang malamang kasali ang stepmother niya sa hindi nakakaalam sa bagay na iyon. Bagaman kasundo niya ang stepmother, she would feel betrayed if Doreen had known about the duplicates and she and Nadja hadn't.

"Bakit hindi alam ni Ate Olivia na may duplicates ang bawat alahas?"

Nagkibit ng mga balikat si Julio. "Hindi ko rin alam. Hindi marahil nagkaroon ng pagkakataong mailagay ang nga iyan mula noong huling inilagay iyan ng mga lolo at lola mo. Nasa vault lang iyan at nakatago," patuloy ni Julio.

"Ang huling natatandaan kong nailagay ang mga duplicates ay noong may threat ng holdup may apat... limang taon na ang nakaraan. Isang taon bago mamatay ang lolo mo. Dalawang business associates nina Tatay at Nanay ang nilooban noon. At ang mga lolo at lola mo ay hindi ang uring mapagtiwala. Si Felipe lamang ang pinagkatiwalaan nila sa bagay na iyan."

"Where's Doreen?" she asked out of the blue.

"Siya na ang pinadalo ko sa house warming party ni Mrs. Lucio. Nagdahilan akong masama ang pakiramdam. Ang manliligaw mo ang hiniram kong driver," sagot ng itay niya. "Hindi ba tumawag sa iyo?"

"I actually haven't checked with my cell phone. Nasa bag ko sa kotse." Malamang na kung hindi man nag-miss call si Gregor ay nag-text ito. Nai-imagine na niya ang bagot sa mukha ni Gregor. Hindi lang niyon matanggihan ang tatay niya kapag sinabing ipag-drive si Doreen. And knowing Mrs. Lucio's party, aabutin iyon ng madaling-araw.

Lumakad si Aurora palabas sa opisina ng ama patungo sa display room. May kaunting liwanag ang buong display room. May mga dalawang mahahabang glass counters sa pa-L na pagkakaayos. Ang entrance-exit sa likuran ng aluminum-glass counters ay sa magkabilang dulo.

Napuna niyang halos bakante na ang mga iyon maliban sa ilang jewelry trays na iilan na rin lang ang nakalagay. Nilingon niya ang ama at si Felipe.

"Hindi ba mapapansin ng security guards na bukas ang ilaw dito?"

"Hindi nila mapapansin, hija," sagot ng tatay niya. "Bukod sa hindi rin nila tayo maririnig."

Wala sa loob siyang tumango. Bago ang landing patungo sa display room ay isang bakal na gate. Ang bakal na ginamit ay hindi yaong pangkaraniwan. Ang building ay may deck upang ang pinaka-ceiling ng second floor ay semento.

Sa ibaba ng hagdan ay panibagong gate. Nasa labas niyon ang dalawang security guards. Ang may hawak ng mga susi ay sina Felipe at Olivia. Ang likuran ay walang bantay maliban din sa isa sa mga security guards dahil ang kabila ng building ay bahay na nila. Bukod pa sa bakal din ang pinto niyon.

Ang building compound ng MJ Jewelry ay lampas-taong bakod lamang ang pagitan sa bahay nila. Isang maliit na pantaong gate ang lagusan patungo sa kabilang bahay.

Continue Reading

You'll Also Like

205K 3.3K 24
This story was just an experiment. Gusto ko kasi na sumubok magsulat ng action romance. It was a first time for me then. Ang sabi ko subok lang naman...
150K 2.4K 10
My very first approved novel from Precious Hearts Romances. "Ayokong marinig mula sa iyo na hindi mo na ako mahal." Pagkalipas ng apat na taon ay nag...
57.6K 1.5K 31
When Aiden died, Joey thought she died with him. Until she saw him again...Pero ang kakambal pala iyon ni Aiden na si Aidan. Okay lang naman sana sa...
245K 3.6K 21
Warning: 🔞 (This is not suitable for young readers.) BETHANY CAGLIOSTRO is a confident and brave woman. However, due to a mission assigned by her ow...