Malayah

itskavii

2.1K 299 566

Isang tagna. Mula sa balon ni Tala ay bumaba ang isang pangitain sa lupa. Sa ika-anim na beses na tangkaing a... Еще

Malayah
PROLOGO
1. Ang Pagkawala ni Apulatu
2. Ang Kapre sa Balete
3. Ang Mapa
4. Si Mariang Sinukuan
5. Sa Lumang Bahay
6. Ang Tiyanak
7. Kay Mariang Karamot
8. Si Agua
9. Huwad
10. Ang Panlilinlang
11. Sa Tugot
12. Ilang Ilang
13. Engkanto
14. Hiling
15. Ang Ginintuang Kabibe
16. Si Angalo
17. Ang Ikalawang Hiyas
18. Si Aran
19. Sa Makitan
20. Ang Araw
21. Sa Daluti
22. Mga Tadhanang Magkakadikit
23. Anong Tadhana
24. 'Di Kasiguraduhan
25. Sa Dagat Kung Saan Nagsimula
26. Ang Mahiwagang Sandata
27. Si Linsana
28. Adhikaing Maging Babaylan
29. Pagkagayuma
30. Sa Pagkamatay ng Ibon
31. Si Dalikmata
32. Ang Pagpula ng Paruparo
34. Ang Susi Upang Mapakawalan.
35. Ama
36. Ang Itim na Hiyas
37. Kay Daragang Magayon
38. Isang Sugal
39. Ang Kakaibang Pwersa
40. Si Panganoron
41. Mula Sa Akin At Para Sa'yo
42. Umiibig
43. Si Pagtuga
44. Ang Kasal
45. Isang Sumpa
46. Himala
47. Isang Panaginip
48. Si Magayon
49. Mga Tikbalang
50. Portal
51. Ang Tagna
52. Batis Ng Katotohanan
53. Isang Dayo
54. Dalangin
55. Ina
56. Anino

33. Sa Talibon, Bohol

20 4 20
itskavii

Tahimik ang kanilang biyahe.

Mula sa paggalaw ng manibela ay panay ang pagsulyap ni Lakan sa katabi. Kanina pa tahimik si Malayah, maski ang dalawa pa nilang kasama sa likurang upuan ng kotse.

Mahigit isang oras pa lamang mula nang lisanin nila ang Makitan. Hindi na nila naabutan ang pag-uwi ng datu at ng dayan ngunit maayos silang nakapagpaalam sa mga anak nito. At ngayon ay patungo na sila sa susunod na destinasyon, sa kuta ng mga manananggal sa Talibon, Bohol.

"Malapit na tayo sa bayan ng Talibon," turan niya upang basagin ang katahimikan. Ngunit wala man lamang kumibo, maski ang masiyahing si Aran.

Marahil ay dahil nararamdaman ng lahat kung gaano kadilim ang kanilang patutunguhan. O marahil ay dahil sa nangyari sa kanilang pinanggalingan. Hindi alam ni Lakan. Siguro ay parehas.

Kalahating oras pa ng biyahe ang lumipas at natunton na nila ang baranggay ng Magsaysay sa Talibon. Sa pagbaba sa sasakyan ay katahimikan pa rin ang bumungad sa kanila.

Di kalayuan, sa masukal na gilid ng daan, ay may mahabang kawayang upuan na nasisislungan ng bubong na gawa sa nipa at iba pang mga dahon. Doon ay may mga taong nakaupo at pinagmamasdan sila habang nagbubulungan.

Si Lakan ang naglakas loob na lumapit sa mga ito. "Magandang umaga po, mayroon ho ba kayong alam na marerentahang panuluyan malapit dito?"

Nagkatinginan ang mga kausap niya. Dalawang ale na nakasuot ng bulaklaking mga daster. Ang isa ay kulay pula at ang isa pa'y nakasuot ng asul. Ang mga mahahabang buhok ay nakapusod na tila hindi na nagawang suklayin. Sa likod ng mga ito ay naglalaro ang dalawang bata na marahil ay kanilang mga anak.

"Nako, hijo. Sigurado ka bang hindi ka naliligaw? Walang panuluyan dito dahil hindi naman ito pasyalan ng mga turista."

Napatango lamang si Lakan at napalingon sa mga kasama 'di kalayuan na naghihintay malapit sa kanilang sasakyan. "Ganoon po ba? 'Eh, kainan po? May alam po ba kayong malapit na karendirya? Mahaba-haba rin po kasi ang naging biyahe namin."

Tumango ang mga ito at sinabi kay Lakan ang direksyon. Napatango lamang si Lakan at nagpasalamat bago muling bumalik sa mga kasama.

Tahimik pa rin ay muli silang pumasok sa sasakyan. Sinabi ng mga ale na kailangan lamang nilang diretsuhin ang masukal na kalsada at sa dulo nito ay mayroong dalawang daan. Tumungo sila sa kanan at sa pag-usad ay matatanaw nila ang kabahayan. Sa isang malaking bahay na gawa sa kawayan, naroon sa harap ay nakatayo ang isang karinderya.

Narating nila ito at mula sa nakabukas na bintana ay maaamoy ang nakatatakam na halimuyak ng mga bagong lutong pagkain. Lumabas sila ng sasakyan at lumapit dito. Sinalubong sila ng isang dalaga nang may matamis na ngiti.

"Magandang umaga! Pasok po kayo at maupo," mahinhin niyang wika. Nakasuot ito ng kulay itim na epron na nakapatong sa kulay rosas niyang bestida. Mapapansin ang pagka-tsokolate ng kanyang buhok sa pagtama ng sinag ng araw dito. Malinis itong nakatirintas sa kanyang likod.

Tumango lamang ang apat at sumunod sa dalaga.

"Ako nga pala si Liway," pakilala nito habang ihinahain ang mga pagkain sa pabilog na lamesa.

Si Lakan ang tumugon. "Ako si Lakan. Ito naman si Malayah. Iyon si Aran at si Sagani."

Napangiti si Liway. "Nagagalak akong makilala kayo." Wika niya at nagpaalam upang asikasuhin ang iba pang mga nais kumain sa karendirya.

Kinuha ni Lakan ang kubyertos at pinagmasdan ang mga kasama. Abala na sa tahimik na pagkain si Aran. Si Sagani ay nililibot ng tingin ang paligid, marahil ay sinusuri ang mga taong naroroon sapagkat nasa lugar na sila ng mga mananaggal at ilan sa mga naroroon ay maaring kalahi ng mga ito. Bumaling si Lakan kay Malayah. Sa pagtingin ay lumingon din sa kanya ang dalaga at bumaling sa braso niyang mayroon pa ring bandahe bago muling umiwas.

Napabuntong-hininga si Lakan at nagsimula nang kumain.

Ilang saglit lamang ay bumalik muli sa kanilang lamesa si Liway. "Mayroon pa ba kayong kailangan? Kung mayroon ay tawagin niyo lang ako," saad niya at magiliw na ngumiti.

Lumingon naman dito si Lakan. "Liway, mayroon ka bang alam na panuluyan na maaaring rentahan?"

Biglang nawala ang ngiti ni Liway at nagtatakang pinagmasdan ang mga bisita. "Ang ibig mong sabihin ay mananatili kayo sa aming lugar?"

Mula sa kabilang lamesa ay lumapit ay isa pang babae na nakasuot din ng itim na epron gaya ng kay Liway. "Mananatili kayo?" Kunot-noo nitong tanong.

Napalingon dito si Malayah. Maski si Sagani ay nakuha ng babae ang atensyon. Bakas sa mukha ng mga kaharap ang pagkabigla sa pananatili nila.

"Pasensya na, ngunit walang panuluyan dito sa Magsaysay. Bibihira lamang talaga kasi ang mga dayo rito."

Napatango-tango si Lakan. "Ganoon din ang sinabi sa amin ng mga ale na nakasalubong namin sa daan."

"Kung nais ninyo ay sa kabilang nayon nalang kayo manatili. Doon ay maraming panuluyan at-"

Hindi naipagpatuloy ni Liway ang sinasabi nang tumugon ang kasama niyang babae. "Dito sa amin!"

Napalingon ang apat sa babae. Maski si Liway ay kunot-noo itong pinagmasdan.

"Hindi ba, Liway? Malaki naman ang bahay ni Tiyang Nene," saaad nito at itinuro ang bahay kung saan nakatayo ang karinderya. "Marahil ay maaari natin silang patuluyin. Siguro ay saglit lang naman sila dito." Wika nito at mahinang bumungisngis. "Gaano katagal ba ninyo nais manatili?"

"Isang araw lang," si Malayah ang tumugon.

Napapalakpak ang babae. "Tamang-tama! Bilisan niyo nang kumain at ihahatid ko kayo sa magiging mga kwarto ninyo."

Nagkatinginan ang apat. Hindi nila alam kung matutuwa ba sila dahil may matutuluyan na o mababahala sapagkat tila pakiramdam nila'y may mali sa mga bagay-bagay o 'di kaya'y masyado lamang silang nag-iisip ng kung anu-ano.

--

Nang maiayos na ang mga dalang gamit sa kwartong tutuluyan ay napaupo si Malayah sa kama. Mula sa sulok ng maliit na kwarto ay nakabukas ang isang bintana. Mayroong lamang isang maliit na aparador at isang maliit na mesa sa kwartong iyon bukod sa isang kama. Ang mga dingding ay gawa sa mga kawayang ibinibigkis ng mga alambre.

Narito na sila sa ikatlong kinalalagyan ng hiyas. Maiksing panahon na lamang at maililigtas na niya ang kanyang ama.

Napatitig si Malayah sa paru-parong purselas. Tiyak siyang pumula ito kagabi. Iyon ang dahilan ng kanyang nagawa na lubos niyang pinagsisisihan. Ngunit kahit pa pagsisihan ay alam niyang hindi na muling maaayos ang natupok ng apoy. At kahit hindi man sabihin ng mga kasama, nararamdaman ni Malayah ang biglaang pagkailap ng mga ito sa kanya-lalo na si Aran.

Magkakalapit lamang ang kanilang mga kwarto at makitid ang pasilyo. Nang lumabas si Malayah ay kaagad niyang nakasalubong si Aran. Sinubukan niyang ngitian ito bilang pagbati ngunit kaagad itong umiwas ng tingin at umalis nang hindi siya pinapansin. Napabuga na lamang ng hangin si Malayah at nagpatuloy sa paglalakad.

Kung tutuusin ay dapat ay wala kay Malayah ang ganoong mga pagkilos. Nasanay siyang ituon ang atensyon sa sariling buhay at huwag pakialaman ang iba. Ano naman kung mayroong may galit sa kanya? Ang pinakamahalaga sa dalaga ay ang maligtas ang kanyang ama.

Ngunit tila hindi ganoon ang sitwasyon.

Hindi alam ni Malayah kung bakit ngunit tila nalulungkot siya sa paglayo ng loob ni Aran sa kanya. Hindi siya sanay sa tahimik nitong pagkilos sapagkat nasanay siya sa makulit at masiyahin nitong paggalaw.

Tumungo siyang muli sa harap ng bahay na kanilang tinutuluyan kung saan naroon ang karendirya. Alas-dose na ng tanghali kung kaya't paparami na ang mga tao sa kainan.

Ang tanging daan lamang palabas ay ang harap kung kaya't walang magagawa si Malayah kung hindi ang suungin ang napakaraming tao upang makaalis. Sa unang hakbang pa lamang niya mula sa pinto ay may iilan na ang napatingin sa kanya. Mula sa mga lamesa nito ay tila nagbubulungan ang iba, hindi sanay na makakita ng dayo sa lugar.

Napalunok si Malayah at binilisan ang paglakad paalis. Isang bagay ang naglalaro sa kanyang isip. Sa kumpulan ng mga taong naririto sa kanyang paligid, ang iba ay hindi talaga mga tao. Naalala ni Malayah ang mananaggal na nakasalamuha niya sa Subic. Paano kung kagaya ng isang iyon ay may makakilala rin sa kanya dito?

Nabulabog ang kanyang pag-iisip nang may biglang humigit sa kanyang braso at hinila siya papalayo mula sa mga matang nakatingin. Pinagmasdan niya si Sagani. "Iyong mga tao roon-"

Tumango ito nang hindi siya nililingon. "Nasa Magsaysay tayo. Hindi lahat ng mga naroroon ay mga tao."

Narating nila ang masukal na lote malayo sa mga kabahayan. Naroon ay nakatayong naghihintay sa kanila sina Aran at Lakan. Matatalas ang pandinig ng mga mananaggal at kung mananatili sila sa malapit ay tiyak na malalaman ng mga ito ang kanilang pag-uusapan.

"Kailangan nating mahanap ang hiyas bago pa dumilim. Matalim ang mga manananggal sa mga dayo. Tiyak na hindi nila tayo paabutin nang buhay kinabukasan," seryosong saad ni Aran.

"Ngunit wala pa tayong ideya kung nasaan dito ang hiyas o naka'y nino," wika naman ni Sagani.

"Hindi ba't hinahanap mo ang mga tagapangalaga? Hindi mo ba alam kung sino o ano ang mga ito?" Tanong naman ni Malayah kay Sagani na kaagad namang umiling.

"Kung mayroon mang nakakaalam ay tiyak na matagal nang nahanap ang mga tagapangalaga. Tanging ang mapa lamang ang may alam ng kinaroroonan ng hiyas at maski ito ay hindi sinasabi kung sino ang mga makakapangyarihang nilalang na may hawak ng mga ito."

Saglit na napuno ng katahimikan ang paligid. Hindi nila alam kung saan magsisimula. At ang yugtong ito ay kitang-kita nila ang kapahamakan kaysa sa iba pang kinaroroonan ng mga hiyas. Sapagkat ngayon ay nasa kuta sila ng mababangis na halimaw at tila ipinapain ang mga sarili.

"Ganito nalang," pagbasag ni Lakan sa nakapanlulumong katahimikan. "Magtanong-tanong tayo sa mga naririto. Ngunit huwag kayong papahalata. Mas mainam na isipin ng mga ito na wala tayong alam patungkol sa kanila."

Sa mga katagang iyon ay tumango ang lahat.

--

Mula sa loob ay natanaw ni Malayah si Aran. Nakaupo ito sa isa sa mga silya ng karendirya. Wala nang mga tao rito at ang babaeng nagngangalang Luz at si Liway ay nagliligpit na ng mga pinagkainan.

Lumapit siya rito at naupo sa katabing silya. Bago pa man ito tumayo at umalis ay nagsalita si Malayah. "Tungkol sa nangyari kagabi..." Narinig niya ang mga tinuran nito noong gabing iyon. At doon ay napagtanto ni Malayah na hindi totoo ang kanyang sinabi.

Hindi lamang sila mga estranghero. Sila'y mga kaibigan. At marahil ay kaya hindi kaagad napagtanto iyon ni Malayah ay dahil kailan man ay hindi pa siya nagkaroon ng kaibigan.

"Naiintindihan kita, Malayah." Tumayo si Aran mula sa pagkakaupo. "Tama ka, mga estranghero lamang tayo sa isa't-isa." Saad nito at naglakad paalis.

Napabuntong-hininga na lamang si Malayah at sumandal sa kanyang silya.

--

"Matagal ka nang nakatira rito, Liway?"

Huminto si Liway sa pagwawalis sa likuran ng bahay at tumango kay Aran. "Oo, mula pagkapanganak ay laking Magsaysay ako." Wika niya at ipinagpatuloy ang ginagawa

"Kung ganoon ay alam mo ang kwento-kwento patungkol sa mga manananggal na naninirahan daw dito?"

Muling napatigil si Liway sa pagwawalis at ngayon ay nilingon ang nakaupong si Aran sa isang putol na puno. May kunot sa noo niyang pinagmasdan ang binata.

Napakamot ng batok si Aran at kumurba ang isang huwad na ngiti sa labi. "Ah, narinig ko lang 'yon sa lola ko. Dito siya nakatira dati pero matagal na matagal na. Hindi mo na naabutan kaya di mo siya kilala. Hindi nga ako naniniwala sa kanya 'e. Ang sabi ko ay maniniwala lamang ako kung ako mismo ang makakakita."

Iyon ay mga kasinungalingan at tinakpan ni Aran ng isang ngiti ang kanyang pangambang baka hindi kapani-paniwala ang mga ito. Ngunit napalunok siya nang pinanliitan siya ng mata ni Liway.

"Ang ibig sabihin ba ay iyon ang dahilan ng pagtungo niyo rito? Upang makakita ng mga nilalang na iyon?" Kunot-noong turan ni Liway at mahigpit ang hawak sa walis tingting na tila ba handa nang ihampas ito sa kausap.

"Hindi, hindi!" Kaagad na tugon ni Aran. "Nagkataon lamang na dito kami nahinto. Naalala ko lang ang sinabi ni lola ngayun-ngayon lang."

Ilang segundong pinagmasdan lamang siya ni Liway at sa mga sandaling iyon ay napatukod ang mga kamay ni Aran sa inuupuan. Paano kung isa sa mga manananggal ang kanyang kausap? Tiyak na kaagad siya nitong susunggaban at kakainin dahil alam niya ang kanilang lihim. Ngunit napahinga nang maluwag si Aran nang maalala na hindi nga pala nakakapagpalit anyo ang mga manananggal sa umaga.

"Mabuti naman kung ganoon," wika ng dalaga at muling bumalik sa pagwawalis. "Sapagkat isang kahibangan kung iyon nga ang inyong pinakay rito." Liningon nito si Aran. "Panakot lamang sa mga bata ang mga kwento-kwentong iyon. Hindi totoo ang mga manananggal at kung totoo man nga sila ay hindi sila narito."

Dahan-dahang napatango si Aran at tumayo. "Sige, sabi mo 'e."

--

"Ganoon din ang winika ng nakausap ko," saad ni Lakan nang ikuwento ni Aran ang sinabi ni Liway sa kanya.

Naroon sila't nakaupo sa mahabang upuang nasisilungan ng bubong na gawa sa nipa at iba pang mga dahon na kanina'y kinaroroonan ng nga aleng napagtanungan nila.

Tumango rito si Aran habang sina Sagani at Malayah ay mariing nakikinig sa mga kasama.

"Ang ibig bang sabihin noon ay hindi alam ng mga nasa karinderya ang tungkol sa mga manananggal na palihim na narito sa kanilang bayan?"

Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa kanila.

"Marahil," pagtugon ni Lakan dito. "Hindi umaaatake ang mga manananggal sa kanilang lugar. Marahil ay iyon ang dahilan kaya hindi nila nakikita ang mga ito."

Muli, katahimikan ang yumakap sa apat. Hindi man ituran ngunit mararamdaman sa bawat isa ang mabigat na pakiramdam. Alas-tres na ng hapon at malapit na ang pagdating ng gabi. Sa ilang oras na paghihiwa-hiwalay ay wala man lamang silang nakuhang impormasyon na makatutulong sa kanilang misyon.

Sapagkat wala ni isa sa mga tao ang may alam patungkol sa mga mananaggal.

"O 'di kaya... sila mismo ay ang mga manananggal."

Lahat ay napalingon kay Sagani sa itinuran nito. Kung hindi lamang maingay ang mga ibon ay tiyak na maririnig ng isa't-isa ang pagkabog ng kanilang mga dibdib. Matagal na nilang alam na ang paroroonan ay ang kuta ng mga halimaw. Ngunit ngayon, sa aktuwal na sandali, tila dito pa lamang nila napagtanto ang panganib na kanilang hinaharap.

"At ngayon," pagpapatuloy ni Sagani. "Dahil sa mga tinanong natin ay mapagtatanto nilang sila ang pakay natin."

Napasandal si Aran sa marupok na pundasyon ng maliit na kubo. Si Malayah naman ay nakatitig lamang sa lupa at tila malalim ang iniisip. Nakatitig si Lakan sa kanya at pawang hinuhulaan ang nasa isip ng dalaga.

"At kung totoo man ang aking pakiwari, tiyak na wala tayong ligtas sa pagpatak ng dilim."

Napatingin ang lahat kay Sagani maliban kay Malayah na kung hindi pinupunit ng mga kamay ang mga dahong hawak ay mapagkakamalang nakatulog na habang nakayuko.

Lahat ay nag-iisip ng susunod na hakbang na gagawin. Ngunit lahat sila ay hindi makapag-isip ng magandang paraan. Nang maubos ang mga dahon sa palad ni Malayah ay tsaka pa lamang tumingala at hinarap ang mga kasama.

May naisip siyang paraan. Ngunit hindi ito ganoon kakonkreto at katiyak na magtatagumpay. Kung ilalarawan ito ni Malayah sa isang salita, ito'y isang sugal.

Sa maikling sandali ay nag-alangan ang dalaga na imungkahi ang kanyang naisip. Ngunit sa huli ay ginawa niya rin. Sabagay, ang paglalakbay nilang iyon ay isa nang ganap na sugal. Huli na para umalis at umatras. At kung wala silang gagawin ay tuluyan silang mahuhulog sa pagkatalo. Hindi ba't mas mainam na makalahati man lamang ang posibilidad ng pagkatalo?

"Kahit anong gawin natin ay makakaharap natin ang mga manananggal sa pagdating ng dilim. Tiyak na matatalo at mahuhuli nila tayo." Pinagmasdan ni Malayah ang mga kasama at isang ngisi ang kumurba sa kanyang mga labi. "Kung kaya't bakit pa natin sila pahihirapan?"

Kunot-noo siyang pinagmasdan ng tatlo. Nais matawa ni Malayah sa reaksyon ng kanyang mga kasama. At upang punan ang pagkalito ay isinaad na ni Malayah ang kanyang plano.

***

Продолжить чтение

Вам также понравится

When The Clock Strikes at 12✔ silenthill

Детектив / Триллер

7.8K 1K 37
When The Clock Strikes at 12 you need to hide or else you'll beg for your life.
175K 12.7K 46
Lavender is in love with Yuan, the perfect guy--kind, sweet, charming, and a musician like her. The problem? He's not real. He only exists in her dre...
226K 4.9K 47
"The pain you gave me is a sign that you truly love me, please, don't be upset and don't let me go...Because I am fully ready to be with you even if...
115K 2.2K 66
Liah Martinez dislikes difficult things, preferring to live a simple life. But after her dream on the day of her birthday, weird things happened and...