Chapter 2

242 28 39
                                                  

Napatimpla ako ng kape kahit ala una ng umaga. Kung tama ang pagkakaintindi ko, wala akong dapat aksayahin maski isang segundo kahit para lang matulog ngayon.

"Nandito ka ba?" tanong ko sa hangin, baka sakaling lumabas 'yong ilaw na naging si Irene. "Oy, mumu, naririnig mo ba ako?"

"Para kang tanga. Mumu, ano? Sabing di ako mumu," bigla kong narinig. Paglingon ko, nando'n si Irene. O 'yong bolang naging Irene. "Kung may makakita sa 'yong nagsasalita mag-isa, matatakot sila, 'lam mo 'yon?"

"Kasalanan ko ba? E, ikaw 'tong nagpakita sa 'kin? At puwede ba, tigilan mong gayahin si Irene?"

"Ganito kasi, okay? Di ako nanggagaya—"

"Anong tawag mo diyan?"

"Patapusin mo nga 'ko." Nagbuntonghininga siya. "Ang itsura ko ay 'yong pinakagusto makamit ng puso mo."

"So kapag iPhone 11 Pro Max ang gusto ng puso ko, magiging iyon ka?"

Napapikit siya, parang malapit nang sumuko sa 'kin. "Sumasakit ulo ko sa 'yo."

"Pa'no pa kaya ako?" sagot ko matapos kong humigop ng kape. "E ba't ganyan ka magsalita?"

"Kung pa'no ka mag-isip, magsalita—iyon din ako." Umupo siya sa may sofa namin. "So ngayon alam mo na pakiramdam na kausap mo talaga sarili mo? Ano, ang exciting 'no?"

"Di ko alam kung anong mararamdaman ko na ka-katawan mo si Irene, pero kabibig ko. Di magandang kombinasyon."

"Sobra."

Di ko alam kung matatawa ako o maasar na kasing ugali ko 'tong kung ano man 'to. Pero dumiretso na ako sa puntong kanina ko pa gusto sabihin: "Di mo naman sinabi na puwede kang tumupad ng hiling. E di sana hiniling ko na—"

"May limit kami, ano? Isa pa, ang mga genuine na hiling, 'yong naiisip mo on the spot kapag tinanong ka pero subtle lang ang pagtatanong. Kung alam mong tutuparin ko, malamang mag-iisip ka nang sobrang tagal. Isa pa, wala nga akong sinabing, 'Anong wish mo?' Ikaw kusang nagsabi—" Napatigil siya nang nakita niyang ang sama ng tingin ko sa kanya. "Bakit ganyan tingin mo, ha?"

"Sigurado ka bang anghel ka? Di ganyan turo sa 'min sa religion."

"Gulo mo. Ikaw na nagsabi na hindi ako anghel, di ba? Nag-adjust na nga ako, e. Elemento na ako, right? Alam mo, Humphrey, kung magtatanong ka lang nang magtatanong tungkol sa kung ano ako buong araw, mauubusan kayo ng oras."

"Wala naman akong paki kung ano ka."

"Aba, um-a-attitude. Bakit kay Irene, ang bait mo?"

Natahimik ako. Oo nga. Ewan ko ba. Tipong sobrang direkta ako pagdating sa ibang tao, pero kay Irene, iba. Natutunaw agad ako. "Kasi—"

"Ay, wala rin pala akong paki," bigla niyang sinabi. Malapit ko na ibato ang hawak kong kape sa kanya, buti na lang at kamukha niya si Irene. Natawa naman siya. "Sarap sa feeling, ano? Pero kaya ako nandito para maghabilin lang."

Napatingin ako sa kanya. "Pagkakaalala ko, ang hiling ko—"

"Kung ang iniisip mo e may katapusan 'to, wala nga. Ikaw ang humiling nito, di ba? Na araw-araw, kahit sa iisang araw. Kaya habambuhay 'to hangga't gusto mo."

"Seryoso?"

Tumango siya. "Puwede mong ibahin ang mga nangyayari. Ikaw naman ang may kontrol sa gagawin mo. Pero same ending, same next day."

Napatigil ako sa same ending. Ibig sabihin—

"Kaya kung may plano kang three-night stay in Baguio o four-day travel in Siargao, ekis, bes," pagpapatuloy niya.

Ang limitado pala ng puwede kong gawin. Ng puwede naming gawin.

"Pero sa pagkakataong gusto mo na itigil, sabihin mo lang sa kanya ang mangyayari. O sa kahit sino. Do'n lang ulit aandar ang oras."

"Hindi mangyayari 'yon."

"Sabi mo, e. Too early to tell."

Ibig sabihin, wala akong puwedeng sabihan nito. Okay lang. Wala rin naman akong intensiyon. Hindi ko rin naman gugustuhin na sabihin kay Irene kung anong mangyayari. Paano ko gagawin 'yon? Di ko maaatim. Mapupuno lang siya ng takot.

"Iyon lang. Good luck—"

"Alis ka na?"

"Mami-miss mo 'ko?"

"Natural, hindi." Nilapag ko ang kape sa may mesa. "Pero gusto ko lang malaman kung sa mga araw ba na 'to, magpapakita ka."

Ngumiti siya at umiling. "Makikita mo lang ako kapag nagdesisyon kang palayain siya."

Tapos bigla na siyang nawala.

Umupo ako at napainom, napaisip ng maaaring gawin. Ito na ang pagkakataon kong baguhin ang oras . . . kahit sa iisang araw lang.

Maya-maya, narinig kong tumunog ang cell phone ko. May notification galing kay Kian. "Matalik na kaibigan" niya, kumbaga. College sila nagkakilala.

Hindi kami masyadong malapit sa isa't isa, pero tinanggap ko na lang na parte siya ng buhay ni Irene. Nang pinakilala ako ni Irene sa kanya no'ng magkaibigan pa lang kami, ang sama ng titig. Ayun pala, tinitimbang na ako dahil lagi akong kinukuwento bilang "crush" ni Irene sa trabaho.


Kian: Uy, okay na yung banner para mamaya. Tinapos namin para bukas setup na lang. Anong oras mo siya iuuwi sa kanila?


Sumakit ang dibdib ko. Naalala ko kung gaano ako nanabik nang makita 'tong mensaheng 'to. Pero di ko akalain na—

"Tumigil ka," sabi ko sa sarili ko. "Araw n'yo na 'tong dalawa . . . habambuhay."


Humphrey: Bukas na lang, para Sunday.

Kian: Ha? Alam nina tito at tita na ngayon di ba?

Humphrey: Gusto ko munang dalhin si Irene sa ibang lugar ngayon.

Kian: E bakit di na lang iyon ang ipagpabukas mo?


Wala akong maisip na dahilan na aaprubahan ni Kian. Pero alam ko naman ang kahinaan niya dahil kaparehas ng akin—ang kaligayahan ni Irene.


Humphrey: Nakakutob. Nahalata kasi nakita yung text mo.

Kian: Sabi ko ingat sa mga kinikilos at madaling makakutob yon e. Naudlot tuloy ng isa pang araw. Sige. Ikaw magsabi kina tita. Matutulog na ko. Text na lang ng plano bukas.

Kian: At idelete mo to. Baka makita na naman niya mamaya.


Hindi na ako nag-reply sa kanya at dumiretsong mag-text na lang sa mga magulang ni Irene na ipagpaliban na lang ang sorpresa ko dapat sa Linggo.

Alam ko naman kasing hindi na aabot ang bukas.

Umupo ako sa mesa at napaisip . . .

Saan ko siya puwedeng dalhin sa unang araw ng magpakailanman?

Over AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon