Chapter 3

5K 281 13
                                    


"JET! Kanina ka pa namin hinihintay ang tagal mong lumabas ah," bungad kay Jet ng pamilyar na tinig ng kaibigan niyang si Yuuji nang lumabas siya ng Biker's Grill. Halos nasa labas na ang lahat ng mga taong kanina ay nasa loob kaya kinailangan pa niyang igala ang paningin upang hanapin ang barkada niya. Nakita niya ang mga ito sa di kalayuan kung saan nakahilera ang mga motorsiklo ng mga ito kabilang na ang kaniya.

Sumenyas siya sa mga ito kasabay ng paglakad palapit sa mga ito. Isa sa maraming bagay na masasabi niyang magandang nangyari sa kaniya nang umalis siya sa bahay nila ay nang makilala niya ang mga barkada niya. Doon niya rin sa Biker's Grill nakilala ang mga ito magtatatlong taon na ang nakalilipas. Sa dami kasi ng mga nagpupunta roon upang kumarera ay ang mga ito ang nakasundo niya. Tulad ng dati ay kumpleto sila maliban kay George na nagpunta na ng amerika upang ituloy ang pag-aaral nito.

"Nasaan si Cedric?" tanong ni Aio.

Nagkibit balikat siya. "Wala pa nga. Kanina ko pa hinahanap sa loob at baka may kasama na namang babae pero wala siya roon," aniya sa mga ito.

Pumalatak si Greg. "Malamang babae pa rin ang kasama 'non hindi nga lang dito," komento nito. Natawa si Yuuji at sumang-ayon.

"Kaya pala ang tagal mo sa loob. Akala namin naharang ka na ng grupo nila Bruno. Nakaaway mo na ang mga iyon noong isang beses hindi ba?" tanong naman ni Martin.

"Akala ko rin. Pero hindi sila nakipag-away. Umalis din," tipid na sagot niya. Kanina nang hinahanap niya si Cedric sa loob ng Biker's Grill ay iba ang nahagip ng mga mata niya. Nakita niya si Bruno at dalawa sa alipores nito na nasa bar counter at mukhang abala sa pamimick-up ng kung sino. Wala sana siyang balak pansinin ang mga ito nang mahagip ng tingin niya ang babaeng pilit na kinakausap ng mga ito.

Bago sa paningin niya ang babae at malamang isa iyon sa dahilan kung bakit mabilis pa sa alas kuwatrong nilapitan ito nila Bruno. Bukod doon ay napansin niyang sa lahat ng mga waitress doon ay ito lamang ang hindi naka-uniporme. Naka hapit at low waist na pantalong maong lamang ito at itim na blouse na hapit na hapit sa katawan nito at may kaiksian kaya nakikita ang baywang at ibabang bahagi ng tiyan nito. Ang buhok nito ay nakatali ng pataas at halos walang bahid ng make-up ang mukha nito. Pero aminado siya na sa lahat ng waitress doon ay ito ang pinakamaganda. No infact, sa tingin niya ay ito ang may pinakainteresanteng mukhang nakita niya sa buong buhay niya.

Pero hindi lamang iyon ang dahilan kung bakit hindi niya napigilan ang sariling lumapit sa bar counter at ipakita kina Bruno ang presensiya niya. It was something about the air around her. Kahit nakatayo ito roon ay parang hindi ito parte ng lugar na iyon. Iba ang tindig nito, iba ang ekspresyon sa mukha, iba ang galaw. Hindi ito bagay na waitress. Kahit nakikita niyang sumasagot ito sa mga tanong nila Bruno ay nakikita niyang hindi ito interesado sa kausap nito. Sa malayo rin ito nakatingin.

Dahil alam niya kung saan mapupunta ang pangungulit ni Bruno kapag tumanggi ang babae ay lumapit na siya roon bago pa niya maisip na hindi siya dapat nangingielam sa buhay ng iba. Inaasahan niyang mapapaaway siya sa pangingielam niya pero kataka-takang hindi nakipag-away ang mga ito sa kaniya at umalis na lang.

"Huy Jet. Tara na magsisimula na ang karera. Mukhang malaki ang pusta ngayon," pukaw sa kaniya ni Yuuji.

Muling bumalik sa mga ito ang atensiyon niya. Sumasampa na ang mga ito sa kani-kaniyang motorsiklo ng mga ito. "Mukhang hindi darating si Ced ah," sabi pa ni Martin.

Napailing siya at sumampa na rin sa motor niya. "Baka hindi maiwan ang kasama niya," sabi na lang niya. Sumang-ayon at natawa ang mga ito.

Nang pinaandar na niya ang motorsiklo niya patungo sa tatayong starting point ng karera sa gabing iyon ay nahagip ng mga mata niya si Bruno at ang dalawa pang kasama nito kanina. Napansin niya kaagad na sa kaniya nakatingin ang mga ito at nang makitang nakatingin siya ay tumalikod at nakipag-usap sa mga kasama ng mga ito. Inalis niya ang tingin sa mga ito. May hindi siya magandang pakiramdam sa nakita niya.

TIBC BOOK 5 - THE TROUBLEMAKERWhere stories live. Discover now