Anna Marga Rita- Kabanata 1: Bangungot

30.7K 627 50
                                    

PAUNAWA: 

Ang kuwentong ito ay akin pong aayusin. Madaragdagan ang nilalaman ng mga kabanata at lilinisin ang napakaraming kalat. Sa halip na book 2 gaya nang inuungot sa akin nang nakabasa nito, durugtungan ko na lamang po ang kuwento at ang ending ay isasarado natin. Bigyan niyo lang ako ng sapat na panahon upang sa muling pakikipagkita sa inyo ng mga bida ay maayos na. Muli ko kayong inaanyayahang silipin ang tila REMAKE ng ANNA MARGA RITA. 

Ngayon pa lang ay lubos na ang aking pasasalamat. Magandang araw po at nawa'y parati tayong maging ligtas sa lahat ng oras at pagkakataon. 

~ ajeomma


=============

KABANATA 1

Bangungot

ISANG ITIM NA Nissan Vanette ang humaharurot sa kahabaan ng kalsada. Malakas ang tunog ng stereo niyon na sinasabayan pa ng malalakas na tawanan ng mga nasa loob. Malayo na sa mga kabahayan nang lumiko ang sasakyan sa isang pribadong daan at dire- diretsong nagtuloy sa hangganan ng malawak na bakuran.  Lumang bodega ang nakatirik sa bahaging iyon ng lote. Makahulugang nagtinginan ang mga nakasakay. Ang pananabik at naglalarong kahayupan ay nasasalamin sa namumula at nandidilat na mga mata.

Huminto ang van sa tapat. Hindi naman nagtagal at padarag na bumukas ang pinto niyon at dalawang lalaki ang bumaba. Luminga muna ang mga ito. Nang makitang walang ibang tao sa paligid ay pinagtulungan nang buksan ang nakapinid na pintuan ng bodega.

Nang lumantad ang daraanan, nagbabaan na ang tatlo pang lalaking kasamang nanatili sa loob. Kasunod ang dalawa pa na humihila sa isang taong nakatalukbong ng kulay itim na animo sako. 

Mula ulo hanggang baywang ng katawan nito ang nasasakop ng supot kung kaya't ang mga bisig at braso ay hindi maigalaw sa kabila ng ginagawang pagpiglas. Halos kaladkarin na ito ng dalawang lalaking may tangan at sapilitang ipinasok sa loob.

Nang makapasok, mabilis nang isinara ng isa sa pitong lalaki ang pinto matapos muling siguraduhing walang nakakita sa kanila.

Madilim sa loob ng bodega. Hinanap ng lalaking may hawak ng may sinding lighter ang switch ng ilaw. Nang makita ay agad iyong diniinan. Mabilis namang kumalat ang manilaw-nilaw na liwanag mula sa bumbilyang napapalibot ng alikabok at sapot ng gagamba.

Nagngisihan ang pito. Nagsindi pa ng sigarilyo ang ilan kung kaya ang usok ay sumama sa hangin at naglaro sa kakapiranggot na liwanag.

"Tanggalin mo na ang takip niyan! Baka hindi na 'yan makahinga at mapurnada pa ang larong gagawin natin!" utos ng isa sa pito.

Agad namang sumunod ng inutusan. Tinanggal ang parang sakong itim na nakatalukbong sa taong hawak pa rin ng dalawang kasama.

Agad na nagsigawan ang lahat nang tumambad sa kanilang paningin ang magandang babae sapilitang dinukot at binihag. May sumisipol pa at pumapalakpak na animo isang magandang tanawin ang bumulaga sa harapan. Tinanggal ng isa sa kanila ang tali nito sa bibig.

"Mga hayup! Bitawan niyo 'ko! Bitawan niyo 'ko!" Sigaw ni Anastacia habang nagpupumiglas at nagsisikap makawala. Naninipa, nangangagat at ipinanghahalihaw nito ang ulo.

Naghahalakhakan naman ang limang kalalakihan habang pinanunuod ang dalawa nilang kasama na nakakapit at pumipigil sa nanlalabang dalaga.

"Tangina! Babanatan ko na 'to, pare!" pikon na pikong sabi ng isa. Nakahawak ito sa kanang braso ng dalagang naninipa.

"Sige pare, pero medyahan mo lang. Mas mag-e-enjoy tayo diyan kung may malay habang kinakana natin." Tumatawang sabi ng isang lalaking may sinusunog na kung ano sa makintab na papel at saka hinihitit. Hindi man lang ito nag-abalang lingunin ang kinakausap at ang buong atensiyon at konsentrasiyon ay nakatutok sa ginagawa.

Anna Marga Rita (Lagim ng Nakaraan) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon