Pinagmulan ng Tinyente Tagalog - Lieutenant Tagalog's Origin

110 4 0

   Paano nga ba napunta sa pangalang Tinyente Tagalog ang superhero ng salaysay na ito? Makikita ito sa isang eksena mula sa nakaraan ng naunang Tinyente Tagalog, si Juan Felipe dela Cruz.

"Superhero na ako, Buknoy," sabi ni Felipe sa kanyang matalik na kaibigan.

"Weh? 'Di nga?? Patpatin ka pa rin eh," sagot naman ni Buknoy.

"Nagsalita ang kailangan magdiet. 'Wag mo 'kong susubukan."

Para hindi mapatalsik ang bestfriend ng isang kilometro sa pamamagitan ng isang pitik, niyaya ni Felipe si Buknoy na makipagbunong braso. Noon pa man, dahil sa laki ni Buknoy, ay hindi matalo-talo ni Felipe ang kaibigan sa ganitong larangan. Subalit, sa pagkakataong ito, nagwagi si Felipe. Parehong hindi makapaniwala ang dalawa kaya sinubukan nilang muli. Ganoon pa rin ang resulta. Sobra ang naging tuwa ni Felipe dahil pagkatapos ng maraming taon, nanalo na rin siya.

"Ngayong superhero ka na, may pangalan na ba?" tanong ni Buknoy na tila mabilis makaahon mula sa pagkatalo.

Sinubukan ni Felipe na ibahin ang paksa ngunit hindi ito nagtagumpay. Kaya, napilitan siyang magbigay ng tugon.

"Uh, Captain Philippines?"

"Hindi orig eh. May Captain America na kaya, next attraction sa mga sinehan."

"Daya. I-search ko muna dito sa Google!"

"Ayan oh, tignan mo. 1965 pa pala meron 'yan! Da King pa ang producer, 'ka mo."

"Hrr. Oo na. E ba't kasi kailangan pa? 'Di ba pwedeng Anonymous na lang? Parang Anonymous Philippines?"

"Lahat ng superhero, may pangalan. Kung ayaw mo matulad kay Kapitan Sino o Extranghero na parang ewan ang nakuhang pangalan, isipin mo na ngayon!"

"Sa bagay, may punto ka na naman..."

Super Pinoy? Super Tagalog? Gasgas na ang salitang "super." Mega Pinoy?  Kapitan Pilipinas? Kaya lang, sinusulong na gawing Filipinas ang pangalan ng bansa. Tila tricky ang kalagayang iyon. Manila Man, tapos ang logo ng M&M's ang gagamitin? Wonderman? Dakilang Pilipino? Parang initials lang ni Daniel Padilla. Parang Rizal pa ang nais higitan. Baka magkaroon pa ng EDSA IV.

"Kabesang Pepe na lang!" sabi ng natatawang si Buknoy. Pepe kasi ang palayaw ni Felipe.

"Bastos!" tugon naman ni Felipe bago natawa.

At, mula sa tila walang hanggang paghahanap, napunta sila sa Tinyente Tagalog.

"Tenyenteng Tagalog?!"

"Tin-yen-te Ta-ga-log. May problema ba?"

"Ba't 'di kaya Kapitang Tagalog? Koronel Tagalog? Gawin mo namang Heneral!"

"Ayaw mo nun, original na. Saka, 'pag sa PMA, gagradweyt kang Valedictorian... anong ranggo mo?'

"Lieutenant... Ah, oo nga. First honor ka ng mga bayaning rookie!"

"Hay, Tinyente Tagalog... Paano kaya ang magiging pagtanggap sa'yo ng Pilipinas?"

Tinyente Tagalog - Superherong Pinoy (Lieutenant Tagalog - Filipino Superhero)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!