Limang buwan na ang nakalipas simula no'ng nag-lockdown sa lugar namin dahil sa isang pandemya. May kumakalat na virus at hanggang ngayon ay wala pa ring panglunas. Ngunit ginagawa naman lahat ng mga eksperto para lamang makagawa.
Lahat ay kailangan mag-home quarantine para mabawasan ang pagkalat nito. Dulot ng nangyayari, hindi natapos ng maayos ang klase at wala ding graduation ceremony para sa mga mag-ga-graduate. Malungkot man pero para naman sa kaligtasan ng lahat. Kaya lang heto ako ngayon, nakahilata sa kama ko, nakakulong sa kuwarto at nagbabasa na lamang ng wattpad sa cellphone ko. Sana magkaroon na agad ng vaccine.
Ang lumipas na araw ay kasing buryo lang din ng ngayon. Paulit-ulit ang ginagawa ko. Pakiramdam ko gumigising na lang ako para matulog ulit. Sa gabi ay matutulog at gigising sa umaga para maghintay ng gabi para matulog ulit. Nakakapagod mag-isip ng gawain na makakapagpalibang sa'kin. Pati pagiging boring ay nagiging boring na din. Hays.
Napaigtad ako nang biglang bumukas ang pintuan ng kuwarto ko at may sumigaw. "Maaaa! Si Sheighl nagbabasa na naman! Hindi pa naghuhugas ng pinggan!" Si Ceia, kapatid ko. Umirap lang ako nang isara niya ang pinto. Mayamaya'y bumukas ulit 'yon pero hindi na siya ang bumukas kung 'di si mama! Agad na agad ako bumangon at binitawan ang cellphone ko.
Nakapamewang at nakataas ang kilay niya akong tinignan. "Bakit hindi ka pa lumalabas ng kuwarto mo?"
"Nagbabasa pa po ako."
"Nang ano? Wattpad na naman? Oh, ano ang uunahin mo? Wattpad o paghuhugas ng—"
"Syempre 'yong plato, ma. Huhugasan ko 'yon ng mabuti at sisiguraduhing walang sebo na matitira." Pigil ko sa mga sasabihin niya. Lumabas na ng kuwarto at iniwan siya do'n. Paniguradong hahaba lang ang mga sasabihin niya kapag hindi pa ako gumalaw.
"Puro ka na lang wattpad," Dinig ko pang sabi niya nang makalabas na ako.
Nadatnan ko si Ceia sa sala na nanood ng K-Drama sa T.V. Inirapan ko lang siya at tumungo sa kusina. Naghugas na ako ng plato. Hindi ko maiwasang nakabusangot habang naghuhugas. Pa'no ba naman kasi, ang dami-daming hugasin.
Nang matapos ako ay bumalik ako sa kuwarto para magpatuloy sa binabasa ko. Panay ang tili at tawa ko. Nakakatawa kasi si Deib Lohr kung magselos pero nakakakilig! Pero habang tumatawa bumukas na naman ang pintuan ng kuwarto ko at paniguradong istorbo na naman 'to.
"Hoy, tinatawag ka ni mama." Sabi ng kontra-bida kong kapatid. Ugh! Nakakainis! Wala akong choice. Pinuntahan ko si mama na naglalaba.
"Yes, Ma? Anong kailangan mo sa maganda mong anak?" Makapal ang mukha kong sabi.
"Ano?!" Takang-taka niyang tanong. "Maganda ka?"
"Hala, malabo na ba mata mo, ma? Oo, maganda ako. Nagmana ako sayo, remember?" Pang-uuto ko.
Gusto kong matawa kasi nag-isip pa siya. "Oo, maganda ka nga," Bulong niya na nakatingin sa kawalan. Binalik niya ang tingin sa'kin, "Iyon ay kung nagsusuklay ka." Aniya at nagpatuloy sa paglalaba. Sumimangot ako.
"Bakit niyo po ako pinatawag?" Tanong ko na lang.
"Hindi naman kita pinatawag, ah." Tumaas ang isang kilay ko sa sinabi niya. Hindi niya ako pinatawag?
"Sure ka po?"
"Oo!" Seryosong sagot ni mama. "Bakit?"
"Wala po," Pesteng Ceiaaaa!
Tumakbo ako at pinuntahan siya. Nakahiga siya sa sofa at nanonood pa rin ng K-Drama. Kumuha ako ng unan sa sofa na malapit sa'kin tinapon iyon ng malakas sa mukha niya. "Araaay!" Sigaw niya at nagmura pa. "Anong problema mo?!"
