Prologue

790 50 14
                                                  

Hindi maampat ang mga luha ni Jenelle habang mabilis na tumatakbo palayo sa hotel na pinanggalingan. Hindi niya na alam kung saan siya nakarating hanggang sa bumigay na lang ang mga tuhod niya at madapa. Pilit na tumayo siya at nagsumiksik sa madilim na sulok ng parking lot na hindi niya namalayang narating niya.

Kasinungalingan ang buong buhay niya— 'yon ang paulit-ulit na tumatakbo sa isip niya.

Excited pa naman siyang nagpunta sa lugar na 'yun. For sixteen years mula nang ipinanganak siya, iyon sana ang unang beses na makakasalamuha niya ang mga kamag-anakan ng papa niya. Kaya naman nang makita niya ang invitation card para sa anibersaryo ng kumpanya ay naghanap agad siya ng gown na maisusuot.

Hindi niya inakala sa kalagitnaan ng paglalakad niya palapit sa papa niya ay isang malakas na sampal ang sasalubong sa kanya.

Nagwala ang ginang na sumalubong sa kanya at tinawag pa siyang anak ng kabit. Doon niya nalaman na pangalawang pamilya lang pala sila ng kanyang mama, kaya naman pala halos hindi umuuwi ang papa niya sa bahay nila sa Batangas nang nabubuhay pa ang ina. Inakala niyang masyado lang itong abala sa mga negosyo kaya nananatili ito sa Metro Manila.

Pero kahit na ngayong nasa Metro Manila na siya ay mabibilang lang ang mga panahon na pinuntahan siya nito. Puros mga kasambahay lang ang kasama niya sa bahay.

Kaya pala. Dahil anak lang naman siya nito sa labas.

"Are you okay?"

Hindi siya nag-angat ng tingin kahit na narinig niya ang boses ng lalaki. Patuloy lang siya sa pag-iyak, walang pakialam kung lumalakas na ang palahaw niya.

Naramdaman niya ang pagpatong ng isang jacket sa likuran niya. Noon na siya nag-angat ng tingin.

Pilit niyang inaaninag ang mukha ng lalaki pero hindi niya 'yun makita dahil medyo madilim ang pwesto nila.

"Isuot mo 'yan," sabi nito.

Isinuot niya naman ang jacket. Marahil ay napnsin nito na punit ang suot niyang gown. Sa galit kasi ng legal na asawa ng papa niya ay hindi ito nakuntento sa pagsampal sa kanya, sinabunutan pa siya nito at hinila ang damit niya dahilan ng pagka-punit noon.

"S-salamat," mahinang sabi niya.

"Are you lost? Gusto mong ihatid na kita?"

Umiling agad siya.

"I'm o-okay. M-magpapasundo na l-lang ako d-dito," sabi niya kasabay ng paghikbi.

Kahit na sinabi niya na iyon ay hindi pa rin umalis sa harap niya ang binata. Naupo pa ito sa tabi niya kapagkuwan at sinamahan siya. Tahimik lang ito na sa tabi niya habang iyak siya nang iyak.

Nagawa niya ang magpadala ng text message sa driver niya para susunduin siya sa parking lot. Hinihintay niya na lang ang pagdating nito.

Ilang minuto lang din ang lumipas ay isang kotse ang pumarada sa 'di kalayuan. Nag-angat siya ng tingin at nakitang ito ang Hi-Lux, ang sasakyan na dinala nila ng gabing 'yun.

"Is that yours?" tanong ng lalaking katabi niya.

Tumango siya at tumayo na. Kasabay niya ay tumayo na rin ito.

Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay gumaan ang loob niya dahil sa paghihintay sa kanya roon ng lalaki kahit na isa itong estranghero.

Hinarap niya ito para sana magpasalamat.

Hindi niya maaninag ang mukha nito pero sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay bumilis bigla ang tibok ng puso niya nang ilang pulgada na lang ang layo nila sa isa't-isa. Tila may mahikang biglang pumalibot sa kanila at wala sa sariling tumingkayad siya at hinalikan ito sa mga labi.

Isang ungol ang naging sagot nito sa kanya noong una pero hinapit din siya nito sa beywang at ipinagpatuloy ang halik.

Humihingal silang pareho nang maghiwalay ang mga labi nila.

Sa unang pagkakataon mula nang lumabas siya sa hotel na 'yun ay isang ngiti ang lumabas sa mga labi niya.

Nilagpasan niya ito at mabilis na naglakad siya papunta sa kinaroroonan ng sasakyan. Walang lingon-likod na sumakay siya kahit na naririnig niyang tinatawag siya ng lalaki.

Hindi na inusisa ng driver niya ang hitsura niya at mukhang ito rin ay balisa. Malamang ay napagsabihan ng papa niya dahil dinala siya sa hotel na 'yun.

Kinalimutan niya na lamang ang nangyari sa hotel at nangingiti pang tinignan ang jacket na suot. Ininspeksyon niya 'yun at nakita ang pangalan na nasa laylayan. Tinitigan niya ang pangalan na nakasulat doon—ang pangalan ng lalaking nagpagaan ng loob niya... at siya ring unang halik niya.

"Patrick," pabulong na basa niya roon.

Bitter 1: The PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon