Sunod-sunod ang tilaok ng manok – ito ang gumising sa akin.
Ngayon ang ikalawang pagkakataon na gumising ako sa tahanan ng isang mabait na estranghero; sa lugar kung saan bago sa akin ang lahat; lugar na malayo sa masalimuot na buhay sa lungsod at sa bahay-ampunan.
Nang tuluyang imulat ko ang aking mata ay wala na si Mang Greg.
Kagabi lang ang hubad kaming magkayakap sa pagtulog matapos kong gampanan ang kauna-unahang hiling niya sa akin bilang bahagi ng kondisyon. Marahan kong hinipo ng aking daliri ang labi ko. Napakasarap ng mga halik na iyon. Baliw na kung sasabihin kong hindi ako nasabik na maulit iyon. Kaya ang pag-asam kong masundan muli ay naudlot dahil wala na siya sa aking tabi.
Gumulong pa ako sa kama, sa bahaging hinigaan niya, amoy ko pa rin siya, amoy na sa kanya lang nanggagaling simula noong umangkas ako sa likod niya sa unang gabi ng pagkikita namin – amoy ng lalaking nagsisimula ko ng kahumalingan. Hindi ko alam kung anong bagay ang nagtutulak sa akin na dumikit sa kanya pero alam kong bawat hibla ng pagkatao ko ay siya lang ang gusto.
"Hmmm... Mang Greg..." Pagtawag ko sa pangalan kahit alam kong wala siya.
Nang tuluyan akong umupo sa kama ay kita kong maliwanag na sa labas ng bintana dahil bukas iyon na bahagya. Nakatabon sa ibabang kalahati ng katawan ko ang puting kumot. Napangiti ako nang madama kong may suot na akong maluwag na salawal, alam ko kasing wala iyon kagabi. Sa luwang nito ay kailangan ko pa itong hawakan upang di humulas. Halatang sa kanya ito at wala na siyang ibang maipasuot sa akin pero pagtatyagaan ko na lang muna kesa wala.
Nakadama ako ng tuwa sa kalooban ko. Mukhang may natatagong kabaitan pala si Mang Greg maliban sa pagiging pilyo at agresibo. Maya-maya pa ay tumayo na ako at nag-ayos ng higaan tapos lumabas ako ng silid. Walang tao. Pero nasa sofa pa rin ang ibang pinagdamitan ko at sinuot muli iyon kahit maghapon ko iyong suot kahapon.
Nagtungo ako sa kusina upang uminom ng tubig at magmumog. Naalala kong wala na pala ang bag ko, ninakaw, kaya mumog na lang muna sinabayan ng asin. Matapos iyon ay napansin kong may papel sa mesa nakatupi iyon pero may nakasulat sa bahaging nakalantad.
Paglapit ko ay nabasa ko ito.
Kyle
Muli napangiti ako dahil hindi niya nakalimutan ang pangalan ko. Parang may kiliti ito sa puso ko. Agad kong binuklat ang piraso ng papel at binasa ang nakasulat sa loob.
Di na kita ginising. Nasa trabaho ako.
May 100 pesos sa tabi ng transistor, ipambili mo ng pagkain.
Ikaw na bahala sa bahay natin. Mag-usap pa tayo mamayang gabi.
Yun lang ang mensahe.
Di na nakapagtataka mula sa isang lalaking gaya ni Mang Greg pero natutuwa naman ako dahil sa pagsabi niyang "bahay natin". Ibig sabihin, talagang kinupkop na niya ako at bahagi na ako ng tahanan niya, ng buhay niya. At ano kaya ang pag-uusapan namin?
