PROLOGO
Hinawi ko ang buhok kong nililipad nang malakas na hangin. Saka itinuon ang paningin sa pinakagwapong lalaking nakita at nakilala ko. Nagkamali ako nang isipin kong sapat na ang lakas ng loob ko nang matanaw ko siya mula sa aking kwarto. Pero heto at nanginginig na naman ang buong katawan ko, hindi pa man ako tuluyang nakakalapit, hindi pa man nito nalalaman ang presensya ko.
Bumaba ako nang bumuhos ang malakas na ulan at nakita siyang nababasa. Hindi pa man sapat ang lakas ng loob na nahugot ko ay patakbo na akong pumunta kung saan naroon ito.
Nakaupo siya sa buhangin sa harap ng dagat at deretsong nakatingin sa maliwanag at bilog na buwan. Ngunit dahil umuulan ay unti-unti nang nababawasan ang liwanag niyo . May hawak siyang bote ng beer at paulit-ulit iyong tinutungga, binabalewala ang papalakas nang papalakas na ulan. Nakapalibot sa kaniya ang marami pang bote ng beer, ang karamihan ay nakatumba, ang may laman ay nakatayo pa.
Itinaas niya ang kaliwang tuhod at ipinatong doon ang kaliwang brasong may hawak na beer. Itinuon niya ang kanang kamay sa buhangin sa likuran saka siya tumingala sa madilim na langit. Nakapikit niyang sinalubong ang malalaking patak ng ulan.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa payong na aking dala. Hindi ko magawang ikilos ang mga paa ko papalapit upang isilong siya. Samantalang ganoon na lang kabilis ang pagtakbo ko nang bumuhos ang malakas na ulan matapos ko siya matanaw rito.
Sa dilim ng gabi, sa kabila ng malalaki at malakas na patak ng ulan, ano't nakikita ko nang malinaw ang bawat detalye ng kaniyang mukha? Makinis na kutis, itim na itim, bagsak at pinong buhok, makakapal na kilay at pilik-mata, nabuburyong mga mata, matangos at may kanipisang ilong, perpekto at mamula-mulang labi.
Napalunok ako nang muli siyang tumungga sa bote ng beer at makitang mabasa ang kaniyang labi. Napahawak ako sa dibdib at paulit-ulit na umiling. Pakiramdam ko ay ganoon agad kalaki ang kasalanang nagawa ko.
Sa dami ng pelikula at seryeng napanood ko, sa dami ng romance novels na nabasa ko, higit na perpekto sa mga iyon ang isang ito sa harap ko. Tila walang artistang papantay o hihigit sa kaniyang itsura.
Walang hinto sa pagkabog ang dibdib mo habang inaabuso ang pagtitig sa kaniya. Iilan pa lang ang lalaking nakilala ko pero sa kaniya lang ako nakaramdam ng ganito.
Is it really possible to fall in love with a brokenhearted man?
"It's rude to stare," bigla ay aniya saka lumingon sa akin.
Gumapang ang hiya sa buong katawan ko, nag-init ang aking mukha. Umawang ang labi ko nang umihip ang malakas na hangin at liparin ang ilang hibla nang basa, bagsak at pino niyang buhok. Nakita ko nang bahagyang manliit ang mga mata niya nang tumingin sa akin. Binasa niya ang gilid ng kaniyang labi saka pa lang ngumiwi.
"What do you want?" Ramdam ko ang inis sa tinig niya. Tumayo siya at pinagpag ang parehong palad.
"Ano..." nanginig agad ang tinig ko, hindi malaman ang sasabihin.
Nagbaba ako ng tingin nang hindi niya alisin ang mga mata sa akin. Sa sobrang pagkalito ay tinalikuran ko siya. Ngunit awtomatiko akong nahinto nang bago pa man ako nakahakbang ay nasa harapan ko na siya. Kung paano siyang nakakilos nang ganoon kabilis ay wala akong ideya.
Lalo pa akong nalito nang tuluyan siyang lumapit upang sumilong sa payong ko. "What?" pabulong na aniya.
Nahugot ko ang hininga, tila aatake ang aking hika. "Sorry..." napapapikit kong sabi.
"What are you doing here?"
Galit ba siya? Nanginig agad ang tuhod ko, hindi ko na masalubong ang mga tingin niya. "Ano..." hindi ko kinayang sumagot, masyadong nanginginig ang boses ko.
"What?" Noon pa lang ay parang naubos na ang pasensya niya.
"Titingnan ko sana iyong...buwan," iyon na yata ang pinakapalpak na sagot.
Hindi na talaga yata ako makakapag-isip nang tama kapag kaharap siya. Ang init-init na ng mukha ko, hinang-hina na ang aking tuhod. Ngunit hindi iyon dahil sa takot. Kundi dahil sa lapit namin sa isa't isa.
Narinig ko ang mahina niyang tawa. Nang mag-angat ako ng tingin ay nakaangat na ang gilid ng labi niya.
Nilingon niya ang buwan dahilan upang mapalingon din ako doon. Napapikit ako sa kahihiyan nang makitang tuluyan na iyong natakpan ng mga ulap.
"Kaso...biglang umulan," awtomatiko kong sinabi. Na para bang iyon na ang pinakamaganda at maaaring idahilan upang huwag mapahiya sa kaniya. "Natakpan tuloy ng ulap 'yong buwan..." Bumilis ang kabog ng puso ko nang ituon niya ang tingin sa akin.
Inagaw niya ang payong sa akin saka ako tiningnan nang deretso sa mga mata. "Look at me, then."
Umawang ang labi ko at napatitig sa kaniya. Napalunok ako nang tuluyang rumehistro sa isip ko ang ibig niyang sabihin.
BINABASA MO ANG
LOVE WITHOUT BOUNDARIES
RomanceLove Trilogy #2 This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as sexual, self-harm, physical violence, emotionally triggering materials, death and suicide. Please engage in self-care as y...