k a s a m a

117 18 38
                                                  

Sa mundong lahat ng bagay ay walang tunog, gusto kong makarinig ng musika, ng indayog, ng dahilan para matabunan ng iba’t ibang uri ng himig.

Pero biningi ako ng buhay.

Hindi na nakakagulat kung maraming tao ang nagdesisyong sukuan ang buhay nila. Tinuruan ng mundo ang lahat na maghangad ng isang bagay, na paghirapan ito. At halos lahat—kasiyahan, kasiyahan ang pilit hinahabol.

Pero paano kung sumubok naman ako. . .pero pumalya? Sapat ba ‘yon para ipagsawalang bahala ‘yong mga pinaghirapan ko para lang habulin ‘yang kasiyahang ‘yan?

Mali ba, kahit isang beses, na lumihis sa mas madaling daan?

Pinagmasdan ko lang ang buwan habang binibigyang liwanag nito ang kahoy na sahig sa ilalim ng malalamig kong mga paa. Anumang tamaan ng liwanag, may madilim na aninong mabubuo.

Mula sa katawan ko.

Madilim ang anino kagaya ng buhay ko.

Wala nang katumbas na liwanag para luminaw ulit.

Halo-halo ang naiisip ko. Ang gulo—ang dami! Buhol, bangga, sabog, kontra. Hindi ko na alam. Inayos ko ang sumbrerong suot. Kanina pa ako nakatingin dito sa mga tabletang nasa kamay ko. Gagawin ko ba talaga ‘to? Kaya ko ba? Handa na ba ako?

Ganito ba talaga dapat?

Kailangang matakot muna bago mapayapa?

Saan ako patungo pagtapos nito?

Lahat ng tanong, pinatahimik ko. Ayos na siguro ‘to. Hindi ko na kailangang mag-isip. Bahala na. Mas mabuti na ‘to, ‘di ba? Mas madali ‘to. Ito ang pipiliin ko. Tangina. Kahit dito man lang, madali. Ayoko na talaga ng ganitong buhay.

Katahimikan ang kasama ko ngayon. Kamusta kaya ang mga taong payapang natutulog ngayon? Masaya kaya sila? Maganda kaya ang mga panaginip nila?

“Gawin mo na ‘to, Andy,” bulong ko. “Gawin mo na. Pakiusap. . .” Tiningnan ko nang maigi ang mga tableta. Nakakatuksong inumin lahat nang sabay-sabay.

Ito lang naman ang kaya ko. Mas madali—mas maayos na pagkamatay kaysa sa pagbigti. Ayokong papasok ang sinuman sa loob ng kwarto at gabi-gabi babagabagin ng mukha kong nawalan ng hangin.

Inisip ko pa talaga sila, ‘no?

“Pagod na talaga ako. . .”

Sa wakas, isang tableta.

“Kaya mo ‘to, Andy,” sabi ko sabay inom ng tubig.

Ito na ‘yon.

Mawawala na lahat ng sakit.

Wala nang mananatiling puwang.

Nagtatama ang mga hawak kong gamot habang inilalapit ko ang kamay sa bibig. Nangilabot ako sa lamig pagkadampi niyon sa labi ko. Halos mabulunan ako nang ilagay ko lahat sa bibig. Pumikit ako. Hingang malalim.

“Magandang gabi! May tao ba rito?”

Bigla kong naibuga lahat ng mga gamot sa loob ng bibig ko. Gumulong ang iba sa sahig. May nalaglag tapos gumawa ng mahinang tunog. May mga napunta pa sa suot kong pantulog.

Tangina. Anong nangyari?

Sa gulat yata ako mamamatay.

“May tao ho ba rito?”

kasamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon