"E, sabi ni mommy, 'wag ako 'sabi ng name sa strangers."

Napakamot na lang sa ulo ang pulis. Mukhang naturuan nang maayos ang bata na huwag magpa-uto sa kahit kanino.

"Hijo, kaya mo bang kausapin ang batang 'yan? Tutal, ikaw ang nakakita sa kaniya. Baka, sa 'yo siya maniwala para makauwi na rin siya. Anong oras na, e," tugon ng pulis sa binata na siyang kasama ng bata.

Napatango ang binata at dinala muna ang batang babae sa labas para kausapin ito. Ramdam niya na hindi basta-basta naniniwala ang bata sa mga sinasabi nila.

Noong nasa labas na sila ay lumuhod ang binata sa harap ng batang babae para ito ay makausap niya nang maayos. Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat.

"Dapat mong sabihin ang iyong pangalan. Kailangan mo nang umuwi. Tutulungan kita. Hindi ako masamang tao," sambit ng binata.

Napayakap naman ang batang babae sa kaniyang pink na teddy bear. "Promise po?" tanong ng bata sa binata.

"Oo, pangako." At itinaas pa ng binata ang kamay na parang nanunumpa.

"Bakit mo po taas kamay mo?" tanong ng batang babae na nagtataka.

"Ibig sabihin n'yan ay nangangako ako. Kaya, sabihin mo na ang pangalan mo. Sigurado akong nag-aalala na mga magulang mo."

"Okay po. Pero, kailangan mo mag-pinky swear!" tugon ng bata.

Nagtaka naman ang binata sa sinabi nito. "Pinky swear?"

"Opo, ganito, o." Ipinakita ng bata ang kaniyang hinliliit sa kaniyang daliri at kinuha niya ang kamay ng binata at ipinulupot niya ang kaniyang daliri sa hinliliit nito.

"Ano'ng ibig sabihin n'yan?" nagtatakang tanong ng binata. Natatawa na lamang siya sa pinagsasabi ng batang babae.

"Pinky swear po, meaning nangangako ka at dapat hindi mo i-break 'yong promise. Pinky swear!" masayang sambit ng bata. Akala niya, siguro ay kalaro niya ang binatang nasa harap niya.

Nakapulupot pa rin ang maliit niyang daliri sa hinliliit ng binata.

"Sige. Pinky swear," sabi ng binata. Ramdam niyang naniniwala na ang bata sa kaniya.

"Dahil nag-promise ka na. I will tell you my name na po," sabi ng bata.

"At ano na ang iyong pangalan?"

"Dalia... Dalia Erasquin po."



HACIENDA LAFUENTE, 1889

Si Vicente?!

Kaagad akong naghanap ng pupuwedeng pangtakip. Binunot ko ang isang dahon galing sa puno ng saging at ipinangtakip iyon sa katawan ko.

"Nagugutom ka pa ba, Kabayo? Batid kong nagutom ka dahil mahaba ang biyahe natin."

Hindi ko maaninag si Vicente dahil nagtatago ako sa likod ng puno ng mangga. Nakakainis! Ang malas! Gawin ba namang pamunas ng kabayo ang tuwalya ko? Saka, ano ang ginagawa niya rito sa mansiyon namin?

"D'yan ka lang kabayo at tatawagin ko si Bb. Rosenda. Kukumustahin ko lang siya dahil sa nangyari kahapon sa Binondo."

Nakakaloka na kinakausap niya iyong kabayo niya na ang pangalan ay 'Kabayo'. Teka! Kukumustahin niya ako? So, pinuntahan talaga niya ako? Wow!

Narinig kong papalayo na si Vicente, kung kaya't sumilip na ako at dahan-dahang humakbang papalapit doon sa tuwalya ko na nakapatong sa kabayo niya. Yuck! Maputik na iyong tuwalya ko. Nakakainis itong si Vicente!

Nakatakip pa rin iyong katawan ko ng dahon ng saging at dahan-dahan akong humakbang papalapit doon sa kabayo niya.

Hihilain ko na sana iyong tuwalya, pero nagulat ako nang tumalikod ulit si Vicente at humarap sa direksiyon ko.

131 Years (PUBLISHED)Where stories live. Discover now