CHAPTER 03-PART 01; Chuwariwap, BFF, Best friends forever.

87 3 4
                                    

"Hoy, babaeng tulaley. Ang lalim naman yata ng iniisip mo?" pukaw ni Empress sa atensyon ni Chastity. Kasalukuyan silang nasa kwarto ng kanyang kaibigan dahil tinutulungan niya itong mag-empake. Ayon rito ay may pupuntahan na naman itong probinsya para mag-volunteer. Sa loob ng isang buwan ay mananatili ito roon at bukas ng umaga na ito aalis.

Dalawang araw na ang nakaraan mula nang pumunta si Julien sa bahay nila upang alukin siya na maging personal nurse nito. Hanggang ngayon ay hindi siya makapag-isip ng magandang dahilan upang tanggapin iyon.

Unang-una, maayos naman ang kanyang trabaho. Hindi man kalakihan ang kanyang sahod ay hindi naman sila masyadong nagigipit sapagkat nagtatrabaho pa rin ang kanyang tiya sa munisipyo. Pangalawa, sa susunod na taon pa naman papasok ng kolehiyo si Joy kaya makakapag-ipon pa siya para sa tuition fee nito. At pangatlo, hindi niya alam kung ano ang mayroon kay Uno at isipin pa lang niya makakasama niya ito araw-araw ay naaapektuhan na siya.

Napabuntong-hininga na lamang siya at dahil doon ay kinurot ng makulit niyang kaibigan ang kanyang nananahimik na pisngi.

"Aray!" reklamo niya sabay tingin dito.

"O edi tumingin ka rin," nakangising saad ni Empress.

"Bakit ba?" tanong niya rito at patuloy sa pagdama sa nasaktan na pisngi.

"Anong bakit ba? Kung hindi mo po napapansin, eh, kanina pa ako nakatunganga habang hinihintay ang sasabihin mo."

"Ano naman ang sasabihin ko sayo?"

"Aba, malay ko," mabilis nitong sagot sabay kibit-balikat.

"Ewan ko sayo," aniya atsaka ipinagpatuloy ang pagtutupi ng mga T-shirt nito. Inagaw ni Empress ang hawak niyang T-shirt at umupo sa kanyang harapan. Inilapit pa nito ng todo ang mukha habang matiim na nakatingin sa kanya. Nagsalubong ang kilay niya dahil sa ginawa nitong iyon. "Anong problema mo?"

"Hindi mo ako maloloko. Alam kong may iniisip ka. Ganyan na ganyan ka rin noong malaman mo na may girlfriend na si Joem, eh," tuloy-tuloy na wika nito. Isang malalim na hininga ang kanyang pinakawalan at muling kumuha ng bagong kamiseta upang itupi.

"Palagi mong sinasabi sa akin na humanap na ako ng trabaho," panimula niya at tumango naman ito bilang pagsang-ayon. "Bakit?"

"Uhm, hindi ko rin alam. Basta kapag nakikita kita pagkatapos ng 10-hour shift mo, ang chaka mo. 'Tapos kapag lumagpas pa ng sampung oras ang pagtatrabaho mo para kang zombie. Ako ang nai-stress dahil sayo," mahabang paliwanag ni Empress. "Alam ko naman na para 'yon sa Tita Lorna mo at sa mga anak niya. Alam ko rin na mahal mo sila pero hindi mo naman kailangan na bugbugin ang sarili mo sa pagtatrabaho."

Hindi maiwasan ng puso niya na tumaba mula sa kanyang narinig. Kahit ang kanyang tiya ay pinapayuhan na siyang humanap ng ibang mapapasukan dahil na rin sa mga dahilan na sinabi ni Empress. Maybe she's pushing herself too much that she didn't realize no one was asking her to do so. Ayon pa sa kanyang Tiya ay hindi naman niya kailangan na magbigay ng malaking halaga para sa mga gastusin sa bahay lalo na't hindi naman daw niya responsibilidad iyon.

"Matagal mo ng gustong sumunod sa yapak ni Mother Teresa, alam ko. Pero, girl, humanap ka ng totoong purpose mo. Kung feeling mo purpose mo talaga ang tumulong, mag-volunteer ka nalang kagaya ko," ani Empress sabay ngiti ng malapad.

Matagal na siyang isinasama nito sa mga volunteer programs na sinasalihan nito. Kahit na gustuhin niyang sumama ay wala naman siyang sapat na ipon para roon. Sa pagkakaalam kasi niya ay malaki rin ang nagagastos ni Empress sa pagsali sa mga ganoon na programa. Hindi naman basta-basta na lang sumasama ang kaibigan niya nang wala itong sapat na pera na maitutulong.

Iyon naman ang ipinagkaiba nilang dalawa. Nag-iisang anak lamang ang kanyang kaibigan at may pag-aari na negosyo ang magulang nito. Hindi man iyon kalakihan ay sapat naman iyon upang mamuhay ng masagana ang buong mag-anak.

Ngumiti rin siya. "'Di ba sabi ko naman sayo kapag nakapagtapos na si Joy, makakasama rin ako sayo kahit saang lupalop ka pa ng Pilipinas pumunta."

Sumimangot si Empress na ikinatawa niya. "Oo na. Apat na taon, ay hindi, limang taon pa ang hihintayin ko."

"Pero alam mo naman na sinusuportahan kita kaya humingi ako ng mga damit sa mga katrabaho ko sa ospital at sa mga pinsan ko na pwede mong ipamigay sa lugar na pupuntahan ninyo." Nagningning ang mga mata ni Empress dahil sa sinabi niyang iyon at niyakap siya ng mahigpit. Sa ganoong paraan lamang siya nakakatulong sa tuwing umaalis ito upang mag-volunteer.

"Ayos! Sabi ko na nga ba maasahan kita sa bagay na 'yon, eh."

Pumalatak siya. "Ikaw yata ang gustong sumunod sa yapak ni Mother Teresa," biro niya rito.

"Pareho lang tayo, 'no. Though, gusto ko naman ang magkaroon ng asawa," tila nangangarap na wika nito.

"Malay mo naman mahanap mo na siya sooner or later," aniya rito.

"Later na lang. Busy pa ako, eh."

Napailing na lang siya sa naging sagot nito. At natapos ang usapan nilang iyon ng wala siyang nahanap sapat na dahilan upang mag-resign sa pinapasukan niyang ospital at tanggapin ang trabaho na inaalok sa kanya ni Julien.

Eternally YoursDonde viven las historias. Descúbrelo ahora