Jelly Ace Ulit

21.2K 1K 197
                                    

Chapter Ten

PUNO ng pag-aalalang sumalubong kay Chantal si Marcy. Habang si Jethro naman ay salubong ang mga kilay na dire-diretsong pumasok ng bahay.

"Ayos ka lang ba, ha? Sinaktan ka ba ng mga nambastos sa'yo?"

Umiling si Chantal sa magkasunod na tanong. "Ayos leng akow, Ate Marcy."

"Are you sure?" ininspeksyon pa ni Marcy ang magkabilang braso at mukha ng alaga. "Eh, ano 'to?"

Nakita ni Marcy ang bakas ng mga daliri sa may punong braso ng dalaga. Isang palatandaan na may mariing humawak dito.

"Oh, it's nothing. No biggie."

"Patingin."

Pareho silang napalingon ni Marcy nang magsalita si Jethro. Kaagad namang dumistansya ang PA para makita ng binata ang tinutukoy niya.

Nang lumapit si Jethro ay tumahip ang dibdib ni Chantal. Maingat nitong hinawakan ang kanyang braso. At nang makita ang bakas ng daliri sa kanyang balat ay nagtagis ang mga bagang nito.

"Masakit ba?"

Mabilis siyang umiling. Nang tumaas ang isang kamay nito at hagurin ng daliri ang kanyang balat ay nagtaasan ang mga pinong balahibo sa kanyang batok. Napasinghap siya sa tila boltahe ng kuryenteng naglakbay sa bawat himaymay ng kanyang katawan!

"Ayos ka lang?"

"Y-y-yes."

"Next time, huwag kang bastang lalabas ng bahay nang walang kasama. Naiintindihan mo?" parang tatay na nagpapaalala ito sa anak.

"Natitindihan ko."

"Tsk. Halika, lagyan natin ng yelo para hindi na lumala."

Hindi siya nakapagsalita nang hagipin nito ang kanyang kamay at pagsalikupin ang kanilang mga palad at banayad siyang hinigit patungong komedor. Humila ito ng upuan at pinaupo siya roon. Saka lamang naghiwalay ang kanilang mga kamay. May kinuha itong malinis na bimpo na nakasampay sa sandalan ng upuan bago ito lumapit sa ref at naglabas ng yelo. Pinanood niya lang ito habang malakas na dumadagundong ang puso niya.

Oh, dear. Why is he making my heart beats like crazy?

Hindi niya alam kung ano ang sasabihin o gagawin ng mga sandaling iyon. Para kasing naba-blangko ang utak niya kapag nasa malapit lamang ito.

"D-did you t-take your medicine?" lihim niyang nakagat ang dila sa pagka-utal.

"Mayamaya na, bago ako pumunta ng talyer."

Humila ito ng isang upuan sa harapan niya. Ipinatong nito ang kanyang braso sa mesa at maingat na idinantay roon ang yelong nakabalot sa bimpo.

Hindi naman iyon masakit. Sa katunayan ay mas nararamdaman pa niya ang tila mumunting electric volts na nagmumula sa isang kamay ni Jethro na nakahawak sa braso niya keysa sa bakas ng daliring naiwan sa balat niya.

"Sabihin mo kung masakit, ha?"

"It's not. But your hand," napansin niya ang pamumula ng magkabilang knuckles nito. Hula niya ay dahil iyon sa pagsuntok nito sa dalawang maton na humarang sa kanya.

"Ayos lang 'to."

"I think--"

"Di sabi ko sa'yo mag-Tagalog ka," bagama't mariin ang pagkakasabi nito ay hindi naman iyong tonong-galit na katulad noong una silang magkakilala.

"Oh," nakagat niya ang lower lip saka bahagyang napanguso. Marunong naman siyang mag-Tagalog kaya lang may ilang words talaga na mahirap bigkasin. Kumukulot ang dila niya. "Your, ahm, ano Tegalog sa knuckles?"

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon