CHAPTER 1

19.9K 461 178
                                    


NALILIGO sa sariling pawis na tila galing sa mahabang pagtakbo si Cheezer nang magising. Ilang sandali rin siyang tulala at halos hindi makagalaw. Binangungot na naman siya. Napapadalas nang mangyari iyon nitong mga nakaraang buwan at pakiramdam niya'y malapit na niyang ikabaliw 'yon.

"Aaaargghh! Ano ba kasi ang dapat kong gawin?" reklamo niyang sinabunutan pa ang sarili dahil sa sobrang frustration.

Mukhang tama ang nanay niya sa pagsasabing dapat tigil-tigilan na niya ang panonood ng vampire movies at pagbabasa ng mga librong may kinalaman sa mga kakaibang nilalang. Kailangan na rin niyang bawasan ang pagkahumaling sa super gwapo at machong si Damon Salvatore.

Napasimangot siya sa ideyang iyon. Hindi niya kayang pakawalan ang pinakamamahal niyang si Damon. Love na love pa naman niya ang bad boy na imahe nito at balak pa niya itong agawin sa malanding si Elena.

"Fighting, Cheezer! Fighting!" may kasamang taas ng kamay na sigaw niya. Lilipas din ang masamang bangungot at mapapasakanya rin si Damon. Tiwala lang.

"Kung si Damon ang kakagat sa leeg ko, buong-puso kong iaalay kahit buhay ko," nangingiting pagkausap niya sa sarili. Ngiting dali-dali ring nabura nang magbalik sa isip ang nakakapangilabot na bangungot. Hindi man siya naniniwalang may mga ganoong nilalang na nabubuhay sa mundo ay hindi pa rin niya maiwasang matakot. Ni katiting na posibilidad na maaaring may katotohanan ang kanyang mga nakita sa panaginip ay ayaw niyang isipin. Nakakakilabot ang mga nasaksihan niya at kung sa kanya man mangyari iyon ay baka mauna muna siyang masiraan ng bait kesa mamatay.

Pero kung iisipin, pamilyar talaga sa kanya ang babae.

Nangalumbaba siya at sa unang pagkakataon ay masusi niyang pinag-isipan kung saan nga ba niya ito nakita. Napangiti pa siya at pinuri ang sarili. Sa wakas, sinipag siyang mag-isip!

Matagal na sandali siyang nanatiling tahimik hanggang sa mapadako ang mga mata niya sa litratong nakapatong sa mesang nasa tagiliran ng kama.

"Holy cow!" bulalas niya kasabay ng biglaang realisyon na dahilan upang magsitayuan ang mga buhok sa katawan. Hindi rin niya alam kung gaano katagal siyang tumitig lang sa kawalan at naging blangko ang isipan.

"No, no, no." Marahas na umiling-iling siya nang sa wakas ay mahimasmasan. Tila gusto rin niyang mapakanta ng no, no, no, no way pero baka mabato siya ng kapitbahay kapag narinig na naman ang boses niya. Hindi kasi maappreciate ng mga ito ang natatagong talent niya.

Dahan-dahan, tipong isang taon pa ang lilipas, niyang tiningnang muli ang larawan. Hindi man makapaniwala ay hindi rin siya maaring magkamali. Kamukhang-kamukha talaga niya ang babaeng nasa bangungot niya! Tila sila hinulma sa iisang hulmahan. Ang tanging pagkakaiba lang nila ay Itim na itim at tuwid ang buhok nito samantalang ang kanya ay blonde at tipong hindi nasusuklay. Natural na kulot kasi ang buhok niya.

Wala sa sariling dinampot niya ang picture frame kung saan nakalagay ang larawan at daang beses 'ata siyang kumurap-kurap. Nagbabakasakaling nananaginip siya ulit at tuluyan nang magigising na hindi naman nangyari. Ilang sandali na ang lumipas ay hayun pa rin siya at nakatitig lamang sa maganda niyang mukha.

"Bakit kaya kamukha ko ang babaeng nasa panaginip ko? Magiging bampira kaya ako?"

Nag-dra-drugs ka ba 'teh?

Ipinagkibit-balikat niya ang tinuran ng munting boses sa utak. Baka tuluyan na siyang maloka kapag sinagot pa niya iyon.

"Cheerie Zerina Orden, bumangon ka na diyan!"

The Union Of Bloods (Revised Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon