PROLOGUE

20.5K 442 49

A/N

Unang-una, nais kong magpasalamat dahil binigyan mo ng atensyon ang munting akda kong ito. Pangalawa, sana magustuhan mo at maenjoy mo ang kwentong ito. Kapag naisipan mong magvote o magcomment, ngayon pa lang maraming salamat na :). Ang pagbabasa pa lamang nito ay lubos ko nang ikinatutuwa. Thank you at sana ay makilala at makainteract din kita one time. :D


PROLOGUE

"NOOOOO!!" malakas na sigaw ko nang paslangin sa harapan ko ang aking ina.

Namumugto na ang mga mata ko sa kaiiyak at nananakit na ang lalamunan ko sa kasisigaw. Halos hindi ko na rin kayang tumayo dahil ubos na ang aking lakas sa kasusubok na makawala sa mga nilalang na may hawak sa akin.

Batid kong hindi tao ang mga kaharap ko sapagkat kakaiba ang kanilang bilis at lakas. Isa pa, kitang-kita ko sa mga sandaling ito kung paano nila pagkaguluhan ang walang buhay na katawan ng aking ina. Para silang mga hayop na hayok na hayok sa dugo. Nakakadiri! Nakakasuklam!

Pati ang mga itsura nila ay sadyang nakakasuka at nakakatakot. Pulang-pula ang kanilang mga mata at sobrang puti nila na para bang wala na silang dugo sa katawan. May matutulis din silang mga kuko at pangil. Labis akong nahindik sa kaalamang may mga nilalang na katulad nila rito sa mundo. 

Nais ko silang sugurin at pagpapatayin kung may lakas lamang akong gawin iyon. Subalit wala akong magawa. Maliban sa katotohanang hindi nila ako kasinlakas o kasingbilis ay manhid na rin ang buo kong katawan. Pakiramdam ko tumigil na ang pagtibok ng puso ko sa eksenang nasasaksihan ko ngayon. Ang aking pinakamamahal na ina, sa isang iglap ay wala na.

Maski ang aking ama ay tila ba naestatwa sa nangyari. Tahimik na lamang siyang umiiyak habang nakatingin sa taas at malamang ay nananalangin na iligtas kami ng Diyos. Ni hindi niya matignan ang kalunos-lunos na sinapit ng aking ina.

Kitang-kita ko ang galit sa kanyang mga mata. Sa tingin ko, hindi lamang galit iyon sa mga walanghiyang nilalang kundi maging sa kanyang sarili sapagkat wala man lang siyang magawa para mailigtas ang kanyang pinakamamahal na asawa.

Nagkakagulo pa rin sa dugo ng mama ko ang mga walanghiyang nilalang nang bumaling sa akin si ama. Nagtitigan kami habang kapwa hilam sa luha ang aming mga mata. Para bang sapat na ang tinginan naming iyon upang magkasama kaming magluksa.

Maikling sandali lamang ang naibigay sa amin sapagkat maya—maya lamang ay hinawakan ng lalaking pumaslang sa aking ina ang kanyang leeg. Batid ko na ang susunod na mangyayari subalit tulad ng nangyari kanina hindi ko nagawang iiwas ang aking mga mata. Kung hindi lamang ako pigil ng isang lalaking ubod nang lakas ay nais ko sana siyang takbuhin at mahigpit na yakapin. Mas gugustuhin ko pang maunang mamatay kesa masaksihan na naman ang pagtapos sa buhay niya.

Nanatili pa rin siyang nakatitig sa akin habang tila naghihintay na lamang ng katapusan niya. Kapagkuwan ay bumuka ang bibig niya. Wala man akong narinig na salita ay naintindihan ko ang kanyang winika...'mahal na mahal ka namin anak'.

Iyon lang at walang-awang inihiwalay na ng halimaw ang ulo niya mula sa nanghihina nang katawan. Gumulong sa mismong harapan ko ang natanggal na ulo. Nakatingin ng diretso ang dilat na mga mata sa akin.

Gusto kong sumigaw! Magwala! At patayin silang lahat. Ngunit ang tanging nagawa ko na lamang ay ang umiyak at sumigaw sa isip. Nasaid na ang lahat ng lakas ko. Pakiramdam ko ay namatay na rin ako.

Isa—isa kong tinitigan ang mga halimaw. Anim sila kabilang ang mayhawak sa akin at ang lalaking kanina pa nakatayo at nagmamasid lamang sa mga nangyayari. Iminemorya ko ang kanilang pagmumukha at siniguradong hinding—hindi ko sila makakalimutan——kahit sa aking kamatayan.

Lumipas ang ilang minutong mga singasing at tawanan lamang nila ang naririnig habang pinagpiyepiyestahan ang dugo ng aking aking mga magulang. Hindi ko alam kung bakit nawala ang nararamdaman kong takot kanina. Siguro ay dahil wala na akong pakialam kahit ano pa ang mangyari sa akin. Ang labis na ikinalulungkot ko lang, nangyari ang lahat ng ito sa bisperas ng aking kaarawan. Napapikit ako kasabay ng pagbagsak ng masaganang luha mula sa aking mga mata.

Subalit mabilis din akong napadilat nang maramdaman ko ang paghaplos ng kung sino sa aking mukha. Kahit ayaw ko ay kusang nanginig ang aking katawan nang diretsong magtama ang aming mata. Siya ang lalaking kanina ay nagmamasid lamang. Ilang beses akong napalunok. Kung tama ang hinala ko, siya ang boss nila. Kakaiba ang kanyang dating kumpara sa iba. Ang kanyang mga mata ay kulay abo at para bang walang buhay iyon. Ang kanyang mga palad ay malamig. At ang kanyang titig ay nakakapanghilakbot. Pakiramdam ko hinuhugot niya ang aking kaluluwa mula sa katawan ko. Pati ang hangin na hinihinga ko ay parang ninanakaw niya sa akin.

Maya-maya lamang ay lalo pa niyang inilapit ang kanyang mukha sa akin at sa labis na pagkasindak ay bigla na lamang niya akong hinagkan. Nakakasulasok ang kanyang hininga at amoy. Laking pasasalamat ko at hindi ako kumain ng tanghalian kaya wala akong maisusuka.

Sinubukan kong sumigaw at kumawala sa pagkakahawak niya subalit masyado siyang malakas. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa aking mukha at madiin ang pagkakahalik niya sa akin. Hindi na ako nagtaka nang malasahan ko ang sarili kong dugo. Akala ko ay hindi na siya titigil. Hanggang sa maramdaman ko ang pagbaon ng matutulis na pangil sa aking leeg. Pumikit na lamang ako at tinanggap ang maaaring mangyari sa akin. Tanggap ko na ang lahat.

Ngunit lubos akong nalito nang muli akong nagmulat at para bang wala akong kahit anong sakit na nararamdaman. Ang akala ko'y nasa langit na ako pero nasa silid pa rin pala ako. At hindi ako makapaniwala sa aking nasa harapan... Patay na ang mga Demonyo!

Nais kong magtatalon at humalakhak. Kahit papaano ay nagkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng aking mga magulang. Kung sino man ang tumulong sa akin ay malaki ang utang na loob ko sa kanya at hindi ako magsasawang pasalamatan siya.

Inilibot ko ang aking paningin sa pagbabaka-sakaling makita ko ang nagligtas sa akin. Ngunit imbes na matuwa ay lalo akong natakot. Sa isang sulok ay nakita ko ang babaeng nakatayo at nakatitig sa akin. Puno ng dugo ang kanyang mga kamay at punit—punit ang kasuotan niyang kulay dugo na rin.

Siya ba ang tumulong sa akin?

Unti-unti siyang lumapit sa akin. Dahan-dahan na para bang natatakot siyang hawakan ako. Nang makalapit siya'y iniangat niya ang kanyang mga kamay na waring gusto akong damhin at inspeksiyonin. Hindi ako makagalaw habang hinihintay ang susunod na mangyayari. Ngunit imbes na duguang kamay ang lumapat sa akin ay malamig na bagay ang aking naramdaman...isang salamin!

Kung ganun... hindi ako nawalan ng malay, kundi... nawala ako sa aking sarili...


The Union Of Bloods (Complete) Basahin ang storyang ito ng LIBRE!