Pangsampu

170K 5.2K 2.7K

PANGSAMPU

 LAXUS’ SIDE.

 Hindi ko alam kung bakit ako umiiyak noong araw na ‘yun. Ang mga mata ko ay punong-puno na ng luha. Mga luhang sigurado akong dulot ng kakaibang sakit, puot at matinding kalungkutan. Ang dilim ng kalangitan. Para itong magbubuhos nang malakas na ulan. Para itong nagluluksa. Ang gulo rin ng buong kapaligiran. Ang daming pana na nagkalat sa kagubatan. Parang nagkaroon ng gera, pero walang mga nilalang na sugatan. Tanging ako lang ang may galos. Dumudugo ang kanan kong braso at pati na rin ang gilid ng kilay ko. Ang likuran ko ay puro tama ng sibat. Patuloy lang ang pagdaloy ng dugo rito na hindi ko alam kung paano ko ito nakuha.

Biglaang sumakit ang ulo ko kasabay nang muling pagtulo ng aking luha. Bakit ako lumuluha? Bakit dumadaloy ang luha sa aking mga mata? Sinubukan kong alalahanin ang nangyari kung bakit naging ganito ang paligid at kung bakit ako nandito. Pero wala akong maalala. Wala ni isa sa memorya ko ang natira. Pati pangalan ko hindi ko matandaan.

Sino ako? Ano ang nangyari? Bakit wala akong matandaan? Sinabunutan ko ang sarili kong kulay dilaw na buhok dahil sa inis sa sarili ko. Bakit naging ganito? Papaano naging ganito ang paligid ko?

May natanaw akong nilalang na nakatayo sa gilid ko kaya napadako ang paningin ko sa kanya.

Nakasuot siya ng mahabang kulay puti na damit. Kumikinang ito na parang diyamante.  Ang buhok niya din ay mahaba na hanggang talampakan. Kulay pula naman ito at may suot din siyang kulay gintong korona. Kilala ko siya. Siya ang aming Diyosa. Siya ang lumikha sa akin, sa aking uri, at sa aming kaharian.

“Goddess Erza,” binanggit ko ang kanyang pangalan. Nakasalampak pa rin ako sa lupa habang nakatingala sa kanya. “Ano’ng nangyayari? Bakit wala akong matandaan? Ano’ng nangyari sa paligid? Bakit ako may galos? Bakit nabura ang memorya ko? Pati ang sarili kong pangalan ay hindi ko alam,” sunod-sunod na tanong ko sa kanya. Muli na namang tumulo ang sarili kong luha na hindi ko inaasahan.

Seryoso lang siyang nakatingin sa akin. Hindi ko mabasa ang kanyang iniisip.

“Tinanggal ko ng pangsamantala ang iyong memorya,” wika niya sa akin. Seryoso ang boses niya.

“Pero bakit?” gulat na tugon ko sa kanya.

“Dahil muntikan mo ng sirain ang ating kaharian at ang mundo ng mga ordinaryong nilalang,” sabi niya. “Muntikan nang masira ang Florea at Orlea dahil sa iyo.”

“IMPOSIBLE!” mariin kong sinabi rito “Hindi ko magagawa ‘yan. Bakit ko sisirain ang kaharian na aking pinagmulan? Hindi ko gagawin ‘yan. Napakaimposible ng iyong tinuran.”

Alam kong si Goddess Erza ang pinakamataas na nilalang sa uri namin. Siya ang lumikha sa mga katulad ko at sa aming kaharian kaya kailangan ko siyang igalang. Pero hindi ko magawa dahil naguguluhan ako sa kanyang sinasabi. Naguguluhan ako sa mga nangyayari ngayon.

“Nakakalungkot mang aminin pero ginawa mo ito.” Tumingin siya sa paligid. “Halos masira ang kagubatan dahil sa iyong nagawa.”

“Ano ba’ng ginawa ko? Bakit hindi mo sabihin?” muli akong sumigaw.

“Muntikan mo nang dalhin sa ating kaharian ang isang nilalang na nakatakdang wumasak sa ating lahat.” Natigilan ako sa sinabi niya. “Dahil sa kapabayaan mo ay nangyari ang lahat ng ito. Bilang kaparusahan tinanggal ko ang iyong memorya at ibabalik ko lang kapag nagawa mo ang misyon.”

Jenny and the Magic Arinola (Published Under LIB)Where stories live. Discover now