Part 12

2.2K 53 2
                                    

FIESTA. Suot ni Blessie ang pinakabago niyang jumper short na binili nila ng mommy niya sa SM. Itinabi niya talaga iyon para sa okasyon. Pinalooban niya ng puting fitted blouse at pinaresan ng puti ring converse shoes. Magarbo ang selebrasyon ng piyesta kaya palaging may kasayahan at kainan.

"Blessie, ihatid mo 'tong ice cubes kina Daddy mo, 'nak," utos ng mommy niya.

Kinuha niya ang bowl ng yelo at pinuntahan ang daddy niyang nakikipag-inuman sa mga kompadre.

"Blessie," tawag sa kanya ng Tito Bernard niya. "Huwag mong kalimutang puntahan ang Tita Maggie mo sa bahay. Ginawa niya ang paborito mong mango float, siguradong magtatampo iyon kung hindi mo bibisitahin."

"Opo, Tito, pupunta po talaga ako mamaya." Ang mango float ang isa sa mga most awaited niya kapag fiesta dahil walang mintis na gumagawa talaga si Maggie niyon. At sa labing-anim na taon ng buhay niya ay ang version nito ang kanyang pinakapaborito. Nai-imagine pa lang ni Blessie ay naglalaway na siya. Ipapakita rin niya kay Seb ang resulta ng entrance exam sa college school na gusto niyang pasukan. Natanggap niya ang congratulatory mail kahapon. Alam nito na pangarap niyang makapag-aral doon, at witness ito kung paano siya nagpursigeng mag-review bago nag-take ng exam, kaya siguradong magiging masaya ito para sa kanya.

Pagkatapos niyang gawin ang mga trabaho sa kusina ay nagpaalam siya na pupunta sa bahay nina Seb. Bitbit ang sobre ng resulta ay pa-sway-sway ang buhok na tinungo niya iyon. Magpapalibre siya sa binata ng Jollibee para sa tumataginting niyang ninety percent passing score! Siguradong hindi siya tatanggihan niyon. Magde-date na naman sila!

'Kilig much!'

Dahil nakabukas ang gate ng mga ito at may mga bisita rin sa garden kaya dumiretso na siyang pumasok sa loob ng bahay. Naabutan niya si Oliver sa kusina na nakaharap sa kaserola.

"Liv, sa'n si Tita?"

"Nasa taas, nagbibihis."

"A, okay. Ano 'yang niluluto mo?"

"Sauce ng carbonara."

"Oooh, may ganyan ka na, a. Ikaw na ang chef ng de Chavez!" aniya at nakiusisa sa ginagawa ng lalaki.

"Blessie, kanina ka pa ba?" si Tita Maggie, kabababa lang galing sa kuwarto.

"Ngayon lang po talaga, 'Ta."

"Kumain ka na ba?"

"Opo."

Inilabas nito mula sa ref ang malaking tupperware at humiwa ng mango float.

"'Eto, dalhin mo kay Seb sa likod. Sumabay ka na sa kanilang kumain doon."

"May bisita po siya?" tanong ni Blessie na dinampot ang plato ng dessert.

"Oo, kasama niya ang girlfriend niya."

Hindi alam ni Blessie kung guniguni lang ba niya ang narinig o totoong lumabas iyon sa bibig ni Tita Maggie.

"Girlfriend?"

Tumango ito. "Hindi mo pa ba kilala?"

Bakas sa mukha ni Blessie ang pagkabigla; totoo nga ang narinig niya.

Si Seb, may girlfriend?

Kailan pa?

Sino?

Girlfriend ba talaga iyon?

Bakit wala siyang alam?

Napakalaking sorpresa iyon kay Blessie at hindi napaghandaan ng inosente niyang puso kaya hindi rin niya alam kung paano magre-react. Bumuka ang bibig niya para sana sumagot pero wala siyang maisipang sabihin kaya tinikom na lang niya uli iyon.

COMPLETED Once Upon A NeighbourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon