Naku, patay. Kailangan nang umalis.

Mabilis nalang akong lumabas ng banyo at dedma sa nangyari. Ang sama pa ng titig sa akin ng janitress na naglilinis sa tapat ng banyo. Tinanong niya pa ako kung bakit daw ang tagal ko sa loob at ano raw ba ang ginawa ko ro’n. Sabi ko na lang nag-bending, nag-split at nag-backwards ng ilang beses. Napasayaw kasi ako dahil niloko ako ni Rolando Berto Judas. Napangiwi nalang siya sa sinabi ko.

Kung ako lang ang masusunod, ayoko na mag-aral sa school na ‘to ngayon. Noong una, nae-excite ako lagi pumasok dahil araw-araw ko nakikita ‘yung walang’yang Judas na ‘yun. Pero ngayon, ayoko na. Para kasing sa bawat parte ng school na ‘to, naaalala ko ‘yung masasayang alaala naming dalawa. Isang alaalang puro kasinungalingan lang pala. Sa bawat lingon ko sa school na ‘to, parang isinasampal sa mukha kong ginago lang talaga ako ni kuko.

Naisip ko rin bigla na noong panahon na kami pang dalawa ay guwapong-guwapo ako sa kanya. Lahat ng ginagawa niya parang ang guwapo sa paningin ko. Ang guwapo niya mangulangot. Ang guwapo niyang umutot at ang guwapo niyang magtutuli. Naisip ko nga rin noon na ang guwapo niya dumumi. Pero ngayon lahat ng ginagawa niya, nakakairita na at ang sakit sa mata. Pati paghinga niya’y kinabu-buwisitan ko na.

Buwisit na kuko talaga ‘yan, hindi pa naagnas.

Sumakay na ako ng tricycle pauwi sa bahay at nag-emote na naman. Para akong gumagawa ng music video habang umaandar ang tricycle. Mas lalo akong naiyak dahil hindi pala ako nakapaglong-quiz examination. Punyeta ka, Rolando. Mamamatay ka rin talagang hayop ka.

Kapag bumagsak ako sa subject na ‘yun, hindi kita mapapatawad. At kahit pumasa ako, hindi pa rin kita mapapatawad, ano. Walang kapatawaran ang mga ginawa mo sa akin. What you have done to me is unforgivable. ‘Ayan, napapa-english na naman tuloy ako. Leche ka talaga.

Pagdating ko sa bahay naabutan ko si Antie na ang daming customer sa carinderia niya. Magtatago sana ako para hindi niya ako makita dahil papatulungin niya lang ako sa pagtitinda. Wala akong gana ngayon dahil masakit nga ang puso ko. Pero minamalas talaga ako kasi nakita niya ako at agad na tinahuwag. Punyetang buhay naman ‘to. Buwisit ka talaga, Rolando Berto Judas.

“Bakit, Antie?” tanong ko sa kanya nang nasa tapat na ako ng carinderia.

“Buti naman maaga natapos ang klase mo. Tulungan mo ko rito!” sermon na naman niya sa akin habang naglalagay ng ulam sa plato.

Maaga natapos? E, hindi nga ako nakapasok ng first class ko. Umiyak-iyak lang kaya ako. Lokaret pala ‘tong si Antie, e.

“E, Antie, masakit ang puso ko. Wala akong ganang magtinda. Masama pakiramdam ko,” pagdadahilan ko. Bigla naman siyang tumingin sa akin nang masama.

“Aba naman, Jennifer. Pinag-aaral kita sa mamahaling school na ‘yun tapos pagtitinda lang ay hindi mo pa ako matulungan? Dagdag pasanin ka lang talaga sa akin, e. Puro problema nalang ang dala-dala mong bata ka!” ‘Ayan na naman po tayo sa sermon niya. “Kung hindi lang dahil sa ate ko na mama mo—,“ Pero bigla siyang napahinto kaya napatingin ako sa kanya.

‘Yun mga mata ni Antie parang may mga glitters na kumikislap. Sandali lang ito nagtagal at agad din naman nawala.

Ano ‘yun?

“Masama ba’ng pakiramdam mo? Sige. Umakyat ka na sa taas at magpahinga ka. May gamot sa taas ng fridge at uminom ka agad.” Naging mahinahon ang boses ni Antie.

“Antie?” naguguluhang tawag ko rito.

“Ano pa’ng hinihintay mo riyan? Umakyat ka ro’n at magpahinga!” sagot na naman niya sa akin. “May sopas sa may lamesa. Kumain ka pala muna bago uminom ng gamot.” Tinulak-tulak pa niya ako para lumakad na. “Bilisan mo na at baka lalo pang sumama ang panglasa mo. Magpahinga ka nang mabuti, pamangkin.”

Jenny and the Magic Arinola (Published Under LIB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon