2. PAGLIHIS

15.5K 159 27
                                        




"Susulatan kita, hintayin mo ah. Mag-iingat ka doon."


Ang paulit-ulit na mga salita sa aking isipan. Iyon ang mga salitang huling narinig ko kay DJ nang tuluyan akong sumampa sa bus. Pitong oras din ang tinagal ng byahe ko. Habang binabagtas ng bus ang ruta ay nagkaroon ako ng pagkakataon na sariwain sa aking isipan ang mga nagdaang taon ko sa bahay-ampunan. 


Mga alaala na nagpabalik sa aking gunita – masaya, malungkot, nakakaiyak, takot. Kapag naiisip ko ay napapatungo na lang ako sa labas ng bintana. Tulad ng mga nadaraanan ay mga alaala ng aking pagkabata ay lumipas na. Nasa gaanoon akong pagmumuni hanggang sa 'di ko namalayang nakatulog na ako.


"Sta. Monica! Sta. Monica, sa lahat po nang gustong magbanyo at kumain ay maari na po kayong bumaba." Ang tinig na iyon na nagpamulagat sa aking pagkahimbing.


Umayos ako ng upo at sinipat ang paligid. Maliwanag pa rin naman. Nakaidlip ako, gaano kaya katagal? Wala na ang babaeng katabi ko sa upuang pandalawahan. Baka bumaba para kumain o sa CR. Yakap-yakap ko pa rin ang backpack ko sa pag-aalalang mawala ito sa akin. Ito lang kasi ang lalagyan ng iilang kagamitan ko, maliban doon ay wala na. Minasdan ko ang ilang mga pasahero sa labas at abala sa pagkain sa malapit na kainan.


"Sige na bumaba na tayo! Kasi kanina doon sa stop over 'di ka nagbanyo, sinabihan na kita di ba?!", narinig kong iritang boses ng isang matandang babae sa likuran.


Pangalawang hinto na pala namin ito? Wala naman kasi akong alam dahil ito ang unang byahe sa buhay ko sa labas ng ampunan. Mabuti na lang at isinulat ni Mother Elsa ang kumpletong address na tutunguhin ko pati na ang mga dapat sakyan kaya pihadong hindi ako maliligaw nito. Binuksan ko ang zipper ng bag ko at nilabas ang isang supot. Laman nito ay pagkain na pabaon sa akin ni Sister Hanna bago ako umalis kanina. Hindi na mababawasan ang pera ko para sa pagkain. Busog pa naman akong umalis kanina kaya OK pa naman ako ngayon. Kumagat lang ako sa sandwhich at uminom sa mineral water. Matapos ay binalik ko na ang supot at sumandal sa kinauupuan.


Kung may walkman lang sana ako. Iyon ang namutawi sa aking isip nang makita ko ang dalawang teenager na kasing edad ko lang ata at masayang nakikinig sa musika mula sa walkman. Sa halip na patuloy na maiinggit ay naisip ko kung ano na kaya ang ginagawa ng mga kaibigan ko sa bahay-ampunan lalo na si DJ. Siguradong labis ang lungkot noon dahil sa aming paghihiwalay na ito.


Lumaki kasi kami na laging magkasangga, sabi pa nga nila daig pa namin ang pagiging magkambal sa sobrang malapit namin sa isa't isa. Hindi lang nila alam na sa likod noon ay may higit na malalim pang dahilan ang pagiging malapit namin sa isa't isa. Bagaman ganoon ay nilihim ko iyon sa lahat, maging si DJ ay wala siyang pinagsabihan sa kung anoman ang namamagitan sa amin. Basta ang alam ko masaya ako kasama siya. Tila ba hindi buo ang pagkatao ko kapag wala siya.


Bagaman mahalaga ang pagsasamahan naming iyon ay natanto ko na hindi pala ito tanggap ng lipunan, maging ang katotohanan na maaring lumipas ang aking nararamdaman. Na masyado akong nakadepende kay Dj dahil nangungulila ako sa pagkalinga ng magulang at mga kapatid, bagay na napunan ng mga batang nakasama ko lalo na ni DJ sa mahabang panahon. 

Si Itay . . . ang Barakong Ex-ConTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon