1. PAGLISAN

23.4K 138 5
                                        


"Hijo, mag-iingat ka ah.", sabi ni Sister Hanna hawak niya ang backpack ko.


Kinuha ko iyon mula sa kanya at sinukbit sa balikat ko.


Binigyan ko siya ng simpleng ngiti para naman hindi kami malungkot pareho. Ngayon na kasi ang takdang araw ng pag-alis ko dito sa bahay-ampunan na naging tahanan ko sa loob ng 13 taon at nagbigay sa akin ng matatawag na pamilya.


"Sister Hanna, maraming salamat po sa lahat. Napakasaya ko po na nakilala ko kayo. Hindi ko po kayo malilimutan.", pinilit kong maging masaya ang boses ko.


Niyakap niya ako matapos iyon kaya gumanti na rin ako. Ayoko umiyak dahil mas malulungkot ako at mahihirapan lalo umalis. Isa pa lalaki ako, dapat ay maging matatag ako lalo pa't magsisimula na akong tumayo sa sarili kong mga paa.


Kumalas kami ng yapos sa isa't isa at nakita ko naman na papalapit ang iba ko pang kasamang kabataan dito sa ampunan. Halos napalibutan nila ako – mas matanda ako ng ilang taon sa kanila, ang iba ay malapit talaga sa akin at 'yong iba ay nasanay lang ako na kasama sila pero mabait silang lahat. Tumayo na akong Kuya sa kanila.


Nagbigay sila ng mensahe ng pamamaalam sa akin at panalangin na sana ay magkita pa kami sa hinaharap kapag nakalabas na din sila o kaya ay may umampon sa kanila. Isa-isa ko silang niyakap na mahigpit – si Nono, Jenna, Mito, Al, Biboy, Carmi... pero may kulang.


"Ang Kuya DJ n'yo?", mahina kong tanong kay Al matapos ko siyang yakapin. 10 years old lang siya.


"Baka nandun po sa kwarto, Kuya. Hindi po siya sumabay sa almusal kanina Kuya Kyle.", sumbong pa sa akin ng bata.


Magsasalita pa sana ako kaso pinutol na ni Sister Hanna ang usapan namin dahil kailangan ko pa raw pumunta sa opisina ng director ng ampunan para sa huling bilin nito bago ako umalis. Sinunod ko siya at nagtungo sa opisina sa ikalawang palapag. Pamilyar na ako sa bawat sulok at silid ng institusyon na ito dahil dito na ako nagkaisip at lumaki hanggang sa maging binatilyo na ako.


Sa taas na 5'4 ay masasabi kong ganap na akong binata. Kulay itim ang aking buhok. Singkit ang mga mata dahil minana ko ito sa aking ina na purong Instik, may kaputian din ako. Manipis ang aking mga labi at sabi nila bagay daw ang maliit na matangos kong ilong sa mapupungay kong mata. Katamtaman din ang hubog ng aking katawan dahil sanay na ako sa mga gawaing-bahay at pagkukumpuni ng mga kasangkapan gaya ng mesa, silya maging sirang bintana at kisame.


Pero pagkakatanda ko, madalas noong maliit pa ako ay binibihisan nila ako ng bestida at may ribbon pa ang buhok ko kunwari para magmukhang manyika pero hindi ko iyon nagustuhan ng ako'y lumaki na kaya hininto na rin nila ang kakaibang trip na iyon. Lumaki ako na maayos subalit sa kabila noon ay may isang bagay na gumugulo sa aking isipan subalit wala akong pinagsabihan ukol dito maliban sa isang tao na itinuring ko ng matalik na kaibigan at kapatid – si 'DJ'.


"Kyle, naabisuhan ko na ang bahay na tutuluyan mo pati na ang pabrika kung saan ka magtatrabaho. Magpapakabait ka doon para magtagal ka. Huwag mong kalimutang magdasal lagi ah.", sabi sa akin ni Mother Elsa.

Si Itay . . . ang Barakong Ex-ConTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon