Ikalawa

218K 7.3K 1.1K

PANGALAWA



Ayoko sanang ipasok sa loob ng bahay at dalhin sa kuwarto ko 'yung luma at kaderder na arinolang iniwan ni Lola na nang-drink and run kanina kaso wala akong choice, e. Baka kasi makita ng tiyahin kong dragona 'to bukas na nasa gilid lang ng carinderia at dakdakan na naman ako saka sumbatan. Alam niyo naman 'yun. Laging pinapamukha sa akin na wala akong utang na loob, na siya ang nagpaaral sa akin at nagpapalamon. Akala mo naman, free at pagkagawang-gawa lang, ‘no? Ginagawa niya naman akong katulong, kasambahay, hampaslupa at alipin.

Kinuha ko na lang at dinala pagpunta sa kuwarto ko. Baka kasi balikan 'to ni lola bukas dahil mukhang naiwanan niya lang.

Inilapag ko muna sa study table ko 'yungluma at kaderder na arinola ni lola. Ang taray ko ba kasi may study table ako sa loob ng kuwarto ko? ‘Di, pinaglumaang gamit na 'to ng pinsan kong bankay na si Bernadette. Itatapon na sana ni Dragona kaso sabi ko akin nalang at ilalagay ko sa kuwarto. Pero siyempre, hindi ko nakuha nang madalian. Dinakdakan niya muna at sinumbatan.

"Ano ba’ng gagawin mo riyan? Kita mo nang kalat nalang 'yan sa bahay tapos kukuhanin mo pa at isisiksik sa kuwarto mo. Sakit ka lang talaga sa ulo, Jennifer. Kung hindi lang ako nahihiya sa ate ko na mama mo, hindi kita kukuhanin. Huhuwag ka namang dumagdag sa mga problema ko, Jennifer! Sana naman marunong kang tumanaw ng utang na loob!"

O, ‘di ba? Saulo ko pa 'yung eksakto niyang isinumbat sa akin. Sabi ko sa inyo, e. Saulo ko na panunumbat ng tiyahin kong dragona. Ikaw ba naman ang araw-araw sabihan niyan, tignan natin kung hindi tumatak sa bumbunan mo. Kulang nalang ay ipagduldulan niya sa mukha kong mabait siyang tao dahil tinutulungan niya ako. Pero ang totoo, pinagpapaguran ko naman ang itinutulong niya. Tse.

Tinitigan ko muna 'yung luma at kaderder na arinola. Hays, bakit ko ba kasi pinasokdito ‘to? Pero kiber na nga. Sana lang kuhanin ni Lola 'to bukas dahil kung hindi, itatapon ko na 'to. Wala akong balak itambak 'to sa kuwarto ko, 'oy. Baka lagi ko pang maalala si Rolando Berto Judas. Bukod kasi sa mukha siyang kuko, mukha rin siyang arinola. ‘Yung kalawangin nga lang.

Kinuha ko 'yung twalya ko na nakasabit sa likuran ng pintuan saka lumabas ng kuwarto at nagtungo na sa banyo para maligo. Naabutan ko pa 'yung panganay na lalaki kong pinsan na nakahiga sa sahig sa sala at mukhang lasing na naman. Napaikot nalang ako ng mata. Bahala si Antie riyan sa anak niya. Speaking of Antie, bakit kaya wala pa 'yun? Bahala nga rin siya riyan. Ang tanda-tanda na, pero ang gala-gala pa rin.

"Ang shunga ko talaga," sabi ko na lang sa sarili ko nang maalala kong hindi ako nakapagdala ng damit na pamalit. "Kapag broken-hearted ba ang isang tao, nashu-shunga? Buwisit kasing Rolando Berto Judas 'yan. Kung hindi ako niloko, e ‘di, hindi sana ako broken-hearted ngayon. Kung hindi ako broken hearted, e ‘di, hindi ko makakalimutan 'yung damit kong pamalit." Napaikot nalang ako ng mata nang maalala ko si kuko.

Judas kang kuko ka. Ikaw ang kukong ang sarap-sarap kutkutin ng nipper at buhusan ng kumukulong mertayolet. Pwe. Pangit mo, kuko.

Pinunasan ko na lang ang sarili ko sabay nagtapis at lumabas ng banyo. Naabutan ko si Bernadette na nasa kusina at umiinom ng tubig. Napatingin siya sa akin saka ako tinignan nang masama.

"Ano tinitingin mo riyan?" iritado niyang tanong. 'Yun peke niyang kilay na mas manipis pa sa suot niyang skirt na itim nakataas nang sobra. Halos mapunta na ‘ata sa noo niya 'yun kilay niya. ‘Yun mukha niya, mukhang iningudngod sa isang kilong harina sa sobrang puti.

"Wala," kaswal kong sagot saka siya tinalikuran.

"Stupid," singhal niya. "Sampid."

"Bangkay," bulong ko naman saka pumasok na sa loob ng kuwarto ko. "Harina girl."

Hindi ko talaga kasundo 'yang mga pinsan ko, lalo na si Bernadette. Actually, no’ng mga bata pa kami, close ko silang lahat. Madalas pa silang pumunta sa probinsiya namin. Pero simula nang hindi na sila pumunta ro’n at lumipas na ang mahabang panahon, naging magaspang nang pakikitungo nila sa akin. Nakakalungkot lang, pero whatever. Hindi sila kawalan. Mabubuhay ako kahit walang pinsan.

Pagpasok ko sa loob ng kuwarto ko, agad kong ni-lock ang pintuan. Mahirap na dahil baka biglang pumasok si Kuya Bernard dito ngayon at lasing pa. Kapag lasing kasi 'yun, hindi na niya alam kung saan ang kuwarto niya. Gano’n ba ang resulta ng alak sa utak? Nagagawa niyang kalimutan ang isang bagay?

Hmm. Siguro, kailangan kong mag-inom minsan. Para makalimutan kong niloko ako ni Rolando Berto Judas. Pero, I doubt it. Mukhang kahit lunurin ko ang puso ko sa alak, lulutang pa rin ito para maalala si Rolando Berto Judas na mukhang kuko. Yak, kadiri. Ano ba 'tong mga pinagsasabi ko?

Jenny and the Magic Arinola (Published Under LIB)Where stories live. Discover now