"JENNIFER ARIESA DIMAKATARUNGAN!"

Bigla akong napabalikwas mula sa pagkakahiga nang marinig kong sumigaw ang dragona, este, ang tiyahin kong nagpapaaral sa akin. Mukhang kanina pa siya sumisigaw at tinatawag ako. Agad akong tumayo at sumilip sa bintana para makita ko ang carinderia. 

Shet. Kaya pala kanina pa tawag nang tawag si Antie dahil ang daming customer. Mukhang kailangan niya ng tulong.

"SANDALI LANG PO, ANTIE. NANDIYAN NA PO!" sigaw ko naman saka mabilisan nang pumasok ng banyo para maligo at mag-ayos.

Hindi naman ako matagal maligo dahil wala akong arte sa katawan. Kaya malaki talaga ang pagtataka ko kung bakit may mga babaeng ang tagal-tagal maligo na inaabot pa ng tatlumpung minuto o isang oras sa banyo. Ano ba’ng ginagawa nila sa loob? Nagdadasal ba o nagbume-bending muna bago magbuhos ng tubig?

Dali-dali na akong bumaba at pumunta sa carinderia dahil baka umusok na ang ilong ng tiyahin kong sumbatera. Napatingin agad sa akin si Antie nang makita niya akong pumasok sa loob ng carinderia. Ang sama ng titig niya sa ‘kin na parang sinasabing “Wala kang hapunan mamaya”. Okay lang naman sa akin dahil wala naman akong ganang kumain. Broken-hearted kaya ako, remember?

"Ano ba’ng ginagawa mong bata ka? Bakit ba hindi mo ako tulungan dito sa carinderia? Kinuha kita sa probinsya para pag-aralin at makatulong sa akin dito. Pero dagdag pabigat ka pa sa buhay ko!" sermon niya sa akin habang inaasikaso ko ang mga bagong customer na dumating. "Kung hindi lang ako nahihiya sa ate ko na mama mo, hindi kita kukuhanin. Huhuwag ka namang dumagdag sa mga problema ko, Jennifer! Sana naman marunong kang tumanaw ng utang na loob!"

Hindi ko na lang pinansin ang pagdadakdak ni Antie habang kumukuha ako ng mga pagkain para sa mga customer. Lagi naman siyang ganyan, e. Lagi niyang sinusumbat sa akin na kinuha niya ako sa probinsya at pinag-aaral kung hindi lang daw siya nahihiya sa nanay ko. Huhuwag daw ako dumagdag sa mga problema niya. Dumadagdag ba ako? As far as I couldremember, hindi ako dumadagdag. Chos, um-eenglish lang.

Tanging 'yung tatlong anak niya lang na lalaki ang problema niya na puro maloloko. At 'yung bunso niyang anak na babae na kasing-edad ko na feeling rich kid at kikay, pero mukha namang bangkay. Charot. Pero mukha talagang bangkay si Bernadette dahil ang kapal ng foundation sa mukha kahit tanghaling tapat. 'Yung kilay niyang peke, nagmumura na at parang sinasabing “Kilay ako. Kilay ako”.

"Sana naman ay tinutulungan mo ako, ‘di ba? Hindi 'yung puro ka lakwatsa. Kagabi, gabing-gabi ka na dumating. Hindi mo na ako tinulungan!" 

Hindi pa rin natatapos si Antie sa pagsesermon. Dinaig pa niya sa haba ang “Please Be Careful With My Heart” sa sobrang haba ng sumbat niya. Sumasakit na ang mga eardrums ko sa mga sinasabi niya. Mabuti nalang at hindi na ako sensitive ngayon sa tuwing sinusumbatan niya ako. Hindi katulad dati na kararating ko lang dito ay umiiyak na ako gabi-gabi dahil sa mga panunumbat niya. Mabuti nalang at lagi kong katext si Rolando Berto Judas no’n at lagi niya ako napapatawa kaya na-inlove ako sa kanya.

Punyeta. Naalala ko na naman 'yung mukhang kuko na 'yun. Pwe. Noon, nakakatuwa siya pero ngayon, isa na siyang malaking pakshet sa buhay ko. Sarap niyang buhusan ng acitone at mertayolet para luminis naman siyang kuko siya.

"Aray ko, Antie! Aray, ang sakit." Bigla akong napabalik sa pag-iisip ko nang pingutin ako ni Antie sa tainga. 

"Kanina pa kita tinatanong, pero hindi ka naman sumasagot. Nasa’n ba ang utak mong bata ka? Masasaktan ka talaga sa akin," galit niyang sabi sa akin habang nakapingot pa rin sa tainga ko.

"Aray, ano ba’ng tanong niya? Aray…" nasasaktan na sagot ko. "Saka, nasa ulo ang utak ko at wala sa tainga."

"Sabi ko, ikaw na muna bahala rito dahil pupunta ako sa kabilang bayan at maniningil ng bayad sa order kahapon." 

"Anong tanong do’n? E, binibilinan niyo lang naman ako,” sagot ko. Mas lalo niya pang nilaksan ang pagpingot sa akin. "Aray ko naman, Antie!"

"Mas’yado kang pilosopong bata ka!"

"Babae kaya ako, Antie, kaya pilosopa dapat. ARAY!"

"Hays, aatakihin talaga ako sa ‘yong bata ka." Binitawan niya na ang tainga ko. "Kung hindi lang ako nahihiya sa ate ko..." ‘Ayan na naman siya sa panunumbat niya.

Jenny and the Magic Arinola (Published Under LIB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon