Part Seven: Meeting Miss Piper

812 38 6
                                    

"SHUTAENA ka, ano'ng kabaklaan 'yan?" narinig ni Armie na bulalas ni Mike Tyson mula sa kabila ng pinto, iritable ang tono.

Kagat-kagat ang labi na binuksan niyang muli ang pinto, marahan na sa ikalawang pagkakataon. "I-Ikaw si... si Piper?"

"May nakikita ka pa bang ibang diwata sa hallway na ito maliban sa 'kin?" Nakataas ang isang kilay nito sa kanya at ikinumpas ang mga kamay sa kahabaan ng hallway ng palapag na iyon ng condo.

"S-Sorry po. Pasok kayo." Binuksan ni Armie ng maluwang ang pinto. Pumasok naman si Piper nang nakairap sa kanya. Isinara niya ang pinto at nang pagharap niyang muli ay nakapamewang sa kanya si Piper. "Kayo po yung kaibigan ni Kuya Mac na pageant coach?" magalang ang tono na tanong niya rito.

"Oh yes, kaibigan niya 'ko. Kaibigan niya LANG ako... And I'm so stupid to make the biggest mistake of falling in love with my best friend!" sumbat ni Piper sa kanya na mangiyak-ngiyak pa.

"Uhm.. po?"

"Hoy, bakla. 'Wag kang masyadong mapanghusga sa aming mga pangit, ha," ani Piper na biglang sumeryoso ang mukha. "Kung hindi dahil sa 'min, sa tingin mo ba malalaman na kayo ang magaganda?" Pagkasabi noon ay naupo ito sa sofa nang naka-pose at parang pi-picture-an. "So, THE Mister Macario Sandejas requested this King Kong Barbie to turn you, oh-one-ugly-bibe, into a beautiful babe." Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa.

"Sorry po talaga kanina."

"You should be. Pero sige na, move on na tayo, bakla. Bayad ako ng gobyerno ng Pilipinas, so I better do my job for the tax-payers of my beautiful, beloved, bombastic country, Philippines!" Itinaas pa nito ang mga braso't kamay pagkatapos ng litanya nito. "Okay, let's see first what you've got. Lakad ka mula sa cabinet na 'yon," itinuro nito ang cabinet na may mga rugby football memorabilia ni Mac, "Papunta dito sa harap ko. Turn ka counter-clockwise, then pose at the end. Getlak?"

Tumango siya at ginawa ang iniutos nito.

"Shutaena, para kang nagma-martsa! Landian mo naman, walang bibili sa 'yo niyan, bakla! Ganito oh," Tumayo ito at ipinakita sa kanya ang tamang pagrampa. Animo tumatalsik ang mga balakang nito habang naglalakad, bago umikot at nag-pose na parang nabalian ng balakang pagkatapos. "O, gawin mo 'yon, ha. And pwede ba hubarin mo nga 'yang chaka mong t-shirt at jogging pants. Para nakikita ko kung nagagawa mo 'yung Shakira Sway na pinapagawa ko."

Napalunok siya. Gusto nito na magpanty at bra lang siya sa harap nito?

Nakita marahil ni Piper ang pag-aalinlangan sa mukha niya kaya tumaas ang isang kilay nito at pinamewangan siya. "Ay, bakla, we're doing this for the country. Wit kita type, allergic ako sa tahong, if you know what I mean." Inirapan pa siya nito nang matalim.

Napabuntunghininga na lamang siya bago sinimulang hubarin ang t-shirt at jogging pants sa harap nito. Wala pang 24 hours ang nakakalipas nang sabihan siya ni Mac na hindi siya nito type, pagkatapos ngayon, ito namang si Piper ang humirit noon. 

Tinupi ni Armie ang mga damit at inilapag sa center table. Hindi naman siya naiilang na may nakakakita ng katawan niya. Noong first year niya sa academy, merong unannounced body checks kung saan hubo't hubad sila during inspection para masigurong walang nangyayaring hazing sa kanilang mga plebo. Sabay-sabay din silang maligo ng mga kasama niya sa barracks. Pero, ang pinagkaiba nga lang, puro babae sila. At lalaki pa rin si Piper kahit na—

"Ang panget ng undies mo," maasim ang ngiti na sabi ni Piper. Tumayo ito at kinuha ang dalawa sa makakapal na libro na nakapatong sa center table, katabi ng mga damit na tiniklop niya. "Chaka man underwear mo, pero bakla, truth and nothing but, maganda shape ng katawan mo. Ilagay mo nga 'tong mga libro sa ulo mo, then do the Shakira Sway from the top of the world! Gowww!"

Inabot niya ang mga libro ni Mac at ipinatong ang mga iyon sa ulo niya kagaya ng utos ni Piper. Muli siyang naglakad simula sa cabinet. Hirap na hirap siyang ihakbang ang mga paa na hindi nalalaglag ang mga libro, lalo na ang ipaling pakaliwa't kanan ang mga balakang niya—

Napasigaw silang dalawa ni Piper nang biglang bumukas ang front door! Nalaglag ang mga libro sa ulo niya. Sa pagkataranta ay dinampot niya ang mga iyon at itinakip sa dibdib at pagitan ng hita niya. Nang mag-angat siya ng tingin ay napanganga siya nang makitang si Mac ang dere-derechong pumasok ng condo.

"Sorry to disturb you guys, but I need to get my books—" Dumako ang tingin ni Mac mula sa lamesa papunta sa kanya. Napahakbang ito paurong.

"Uhm, hi, Kuya Mac?" aniya rito. Parang gusto niyang tumakbo papasok sa kwarto o sa banyo. Bakit naman sa dinami-dami nang maaabutan nitong itsura niya, ngayon pa talagang naka panty at bra lang siya?

"Papa Mac needs his books daw, bakla, ibigay mo 'yang mga hawak mo," biglang lumambing ang boses ni Piper nang kausapin siya.

Tiningnan niya ang pageant coach niyang kamukha ni Mike Tyson. Seryoso ba ito sa gusto nitong iabot niya kay Mac ang mga librong nakatakip sa katawan niya? Nagpalipat-lipat siya ng tingin sa dalawa. Mukhang wala naman siyang choice. Atubili siyang lumapit kay Mac, kipkip pa rin ang mga libro na nakatakip sa katawan niya. Nang isang dipa na lang ang pagitan nila ay saka niya iniabot ang mga hawak niyang libro dito. 

Hindi nakaligtas kay Armie ang mabilis na pagpasada ng tingin ni Mac sa kabuuan niya bago nito inabot ang mga libro. Pagkatapos ay bumaling ito sa center table at kinuha pa ang ilan sa mga librong naiwan doon. Wala sa loob na itinakip ni Armie ang kaliwang braso sa dibdib at ang kanang kamay sa pagitan ng mga hita.

"Thanks. Good luck on the training, guys," pagkasabi ni Mac noon ay mabibilis ang hakbang na lumabas na ito ng condo unit bitbit ang mga libro nito. Kung gaano kabilis ang naging pagsulpot nito ay siya rin ang bilis nito umalis.

Napabuga siya nang hangin habang nakatitig sa nakasaradong pinto.

"Shutaena, ibang klaseng sexual tension 'yun, bakla, ah. Amoy na amoy koh! Mmmmmm!" ani Piper na nakapikit pa at animo may naamoy na mabango sa paligid. Nang dumilat ito ay seryoso muling tumingin sa kanya. "O tapos na ang commercial, maghanap ka ng pwedeng ipatong d'yan sa ulo mo. Kaldero, kawali , kaserola, wah ko care, just DOH it!"  

The Queen of ShieldsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon