1

1.9K 57 2
                                                  

“MINSAN ka lang magbakasyon Laurice, kaya hindi mo dapat sayangin 'yan. Baka naman kahit nasa Macau ka ay ang mga kapatid mo pa rin ang inaalala mo.”

“Masama ba?”

“Natural! Ano ka ba?!”

Nakangiwing inilayo ni Laurice ang cellphone dahil kulang na lang ay umusok iyon at lumabas mula sa screen ang kaibigan niyang si Bunny.

“Hindi mo naman maaalis sa akin na isipin ang mga kapatid ko, siyempre ate nila ako at normal lang na isipin ko sila.” Natatawang sabi niya.

“Jusko! Isang linggo ka lang naman nagbakasyon. Buong buhay mo sinamahan mo na sila, kaya sana naman isipin mo ang sarili mo. Hindi ko sinasabing pabayaan mo sila pero think about yourself naman, my friend. Twenty six ka na pero mas nauna pa sa'yong mag asawa ang mga kapatid mo.”

“Amen!” 

Hindi na bago kay Laurice ang sermon Bunny dahil sa Pilipinas pa lang ay gasgas na ang linya nito. Hindi nga lang niya akalain na hanggang sa Macau ay mumultuhin siya ng pangungulit ng kaibigan na intindihin na niya ang nilulumot niyang love life.

Madalas sabihin ng mga tao na sinasayang lang daw niya ang ganda niya. Iniisip kasi ng mga ito na wala na siyang balak pang mag asawa pagkatapos nang ginawa ng mga kapatid niya. Para sa kaniya ay masyado lang overacting ang iba. Twenty six pa lang naman siya at may ilang nanliligaw sa kaniya na hindi naman niya binibigyang pansin.

Hindi niya sinasabing hindi siya open sa pakikipagrelasyon, wala lang talaga sa mga nanliligaw sa kaniya ang nakakuha ng interes niya. Hindi pa siguro oras para makilala niya si “Mr. Right”.

Kaya lang ang iba ay masyadong interesado sa status ng love life niya. Kulang na lang ay ipagnobena siya ng mga matatanda sa angkan nila. Pero hindi rin naman niya magawang sisihin ang mga ito dahil matindi ang pinagdaanan niya sa buhay. Ang gusto lang siguro ng pamilya niya ay makita siyang masaya at magkaroon ng sariling pamilya. Hindi daw kasi patas na napag iiwanan na siya ng mga kapatid.

Kambal sila Avery at Lory at mas bata sa kaniya ng apat na taon. Maagang namatay ang mga magulang nila dahil sa malaking sunog na nangyari noon sa barangay nila sa Quezon. Tinupok ng malaking apoy ang bahay nila at sa kasamaang palad ay hindi na nakalabas pa ng kwarto ang mga magulang nila.

Nakitira sila kay lolo Ponchong, tiyuhin ito ng daddy niya. Mabait ang pamilya ni lolo Ponchong kaya naging maayos ang buhay nilang tatlo. Nang makapagtapos siya ng highschool ay lumuwas siya ng Maynila para mag aral sa isang state university. Nakapasa siya sa scholarship kaya wala siyang ibang inintinding gastos maliban sa bayad sa boarding house at daily expenses niya. Kahit mahirap ay pinagsabay niya ang pag aaral at trabaho. Graduating na siya sa college nang lumuwas naman ng Maynila ang kambal para mag aral ng kolehiyo. Katulad niya ay scholar rin sila Avery at Lory.

Pagkagraduate ay nakahanap naman agad siya ng trabaho. Naging DJ siya sa Heart radio station, ang pinakasikat na FM station sa bansa. Naging maganda ang takbo ng career niya, mabilis na nakilala siya ng mga listeners—bilang si DJ Love— dahil sa pagbibigay niya ng mga love advice.

Naging instant celebrity siya dahil maliban sa pagiging DJ ay bumenta rin at naging bestselling book pa ang libro niyang ‘Dear Crush’. Nagkaroon na rin siya ng ilang TV commercials dahil kinuha siyang endorser ng isang cosmetic company at bagong labas na milk tea product.

Ngayon ay nakabili siya ng sariling bahay at kotse. May malaking ipon na rin siya sa bangko. Pero may kapalit pala ang swerteng natanggap ni Laurice. Parehong graduating sa college sila Avery at Lory nang magkasabay na umamin sa kaniya na buntis ang mga ito. Nagalit siya ng todo at halos palayasin na ang kambal dahil sa sobrang sama ng loob niya. Pero sa una lang naman pala umatake ang galit niya dahil mabilis na napatawad niya ang mga kapatid. Nakatulong rin sa paghupa ng galit niya ang nalaman niya na hindi naman pala kung sinong lalaki lang ang mga boyfriend ng dalawa. Parehong may magandang family background ang dalawang bayaw niya.

THE BUMP SQUAD SERIES: LAURICE THE LOVELY DJ (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon