-13-

403 24 8

Dear Gio,

Grabe, ang tagal na rin pala noong huli tayong nagkasama talaga. Noong nagaayos kasi ako ng gamit, nakita ko 'yung mga pictures natin. 'Yung last memory natin together, noong sa may London pa. Tanda mo ba 'yon? Nandun tayo sa isa sa mga restaurant na malapit sa work mo. You gave me a necklace and told me that when the right time comes, engagement ring naman ang ibibigay mo. Tinawanan lang kita noon, but I forgot to tell you this. Even without the ring, I am engaged to you. Nakapag propose ka na kaya. At sa puso't isip ko, kasal tayo, dahil na rin sa mga tattoo na nasa daliri natin.

Noong unang tapak ko sa London, tinanong ko 'yung sarili ko "Kakayanin ba natin?". Wala akong duda sa talent mo, alam kong kaya mo ang trabaho mo. Ang iniisip ko ay kung kaya ba natin 'yung bilis ng panahon sa London? At napatunayan ko nga na sobrang bilis ng panahon, ilang linggo lang, sobrang busy ka na, tapos ako, patuloy pa rin sa paghahanap ng trabaho para makapagpadala kila Nanang at Tatang. Noong natanggap ako bilang cafe assistant, naging masaya naman ako. Nakakilala ako ng bagong kaibigan, si Harry. Alam mo ba, sa lahat ng katrabaho ko, siya lang talaga 'yung naging kumportable ako. Nakikita ko kasi 'yung sarili ko sa kaniya. Alam mo 'yun? 'Yung iba ang nationality, ang way ng pagsasalita, 'yung kulay. Pareho rin kami naka experience ng racism sa trabaho, pero hindi 'yun naging hadlang para patuloy kaming kumayod para sa sarili namin at para sa pamilya namin.

Masaya ako, na nakapagtrabaho ako at nabibigyan ko ng pera ang pamilya ko. Masaya ako na nakakapaghulog ako sa alkansiyang binili mo noong nasa Pilipinas pa lang tayo, dahil sabi mo, oras na para maghanda tayo sa future natin. Masaya ako na gumigising ako at matutulog ako na mukha mo ang nakikita ko. Masaya ako kada kasama kita. Masaya ako na makita ang kislap sa mga mata mo kada kinukwentuhan mo ako kung gaano mo nae-enjoy ang trabaho mo. Masaya ako noong bumisita ang mga naging kaibigan mo sa apartment natin. Masaya ako habang pinagmamasdan kang nakikisaya kasama nila. Masaya ako na masaya ka.

Pero Gio, habang busy ako na maging masaya para sa'yo, nakalimutan ko nang pasayahin ng totoo ang sarili ko. Nakalimutan ko na ngumiti ng totoo kahit mag-isa. Nakalimutan ko na kung paano maging masaya kahit hindi tayo magkasama. Noong sinabihan mo ako ng selfish noong nag-away tayo, para akong sinaksak ng paulit-ulit. Noong pinamukha mo sa'kin na mali ang desisyon ko na piliin ang sarili ko, para akong unti-unting pinapatay. Tapos tinanong ko 'yung sarili ko, sobrang sama ko ba talaga? Kulang pa ba 'yung suportang binigay ko? Kulang pa ba 'yung pagmamahal ko? Selfish ba talaga ako?

Gio, habang tinatahak mo ang daan para sa pangarap mo, nakalimutan mo ako. Nakalimutan mo kung anong pwede kong maramdaman habang nakikita ka na masaya at ako, patuloy na nalulungkot dahil hindi na ako okay sa mga ginagawa ko. Nakalimutan mo na sa sobrang pagmamahal ko sa'yo, kinalimutan ko kung ano man ang nasimulan ko sa Pilipinas. Iniwan ko ang buhay ko para sa'yo. Tiniis ko ang masasakit na salita na natanggap ko galing kay Tatang, ang mga iyak ni Nanang dahil sa panghihinayang, mga malulungkot na tingin ng kapatid ko, para lang masamahan kita sa pagbuo ng buhay na gusto mo. Nakalimutan mo na sa kabila nang suporta ko sa'yo, may pangarap din naman ako.

Noong ilang araw kang hindi umuwi, natakot ako. Na baka sa pagbalik mo, tuluyan mo na akong alisin sa buhay mo. Noong umuwi ka, humingi agad ako ng sorry. Halos magmakaawa ako sa'yo but you didn't listen, at ang sabi mo, bahala na ako kung anong gusto kong gawin. Pakiramdan ko, pinipigilan mo akong sumaya. Sinasakal mo ako. Kaya umuwi ako. At hinayaan mo ako diba?

Mali ako noong hindi ako nagparamdam sa'yo nang makauwi ako sa Pilipinas. Mali noong ang huli kong sinabi sa'yo ay kalimutan mo na lang ako. Mali noong kinalimutan kita na para bang hindi ka naging parte ng buhay ko. Aaminin ko, magmula noong umuwi ako, nakaramdam ako ng ligaya talaga. Nang makapagtrabaho ulit ako sa trabahong gusto ko, doon ko muli nakita 'yung Joanne na nawala ko noong pumunta akong London.

Mahigit isang taon kitang pilit kinalimutan. Noong dumating si Gab, nakatulong siya sa'kin. Oo, niligawan niya ako, sinagot ko siya, naging kami. Pero kahit kailan hindi ko siya minahal. Hindi ko naramdaman sa kaniya ang nararamdaman ko para sa'yo. Hindi ko naramdaman 'yung hinahanap ng puso ko.

I'm sorry. I'm very sorry, Gio. Tama ka nga, selfish nga ako. Sarili ko nga lang ang iniisip ko. Hindi kita naisip noong pinili kong iwan ka at ipagpalit. Napakatanga ko para saktan ka, at habangbuhay kong pagsisisihan 'yon. Sumulat ako para sabihin sa'yo na hanggang dito na lang siguro talaga tayo. You don't deserve someone like me, Gio. It may sound cliché but it's true. Sana makahanap ka ng babaeng ikaw lang 'yung mamahalin. 'Yung hindi madaling sumuko. 'Yung kayang mag-stay.

Mahal na mahal kita, Gio. I will never not love you. Kahit hanggang kamatayan, ikaw lang talaga.

Joanne

Papers, Inks, And FeelingsRead this story for FREE!