Part 6

5.9K 85 13
                                    

TUMUNOG ang first bell kaya mabilis na nagsiligpit ng mga gamit ang mga estudyante, uwian na. Habang naglalagay si Blessie ng notebooks sa bag niya ay nilapitan siya ni Francis.

"Hi, Blessie."

"H-hello, Francis," aniyang bahagyang ngumiti, naasiwa siya sa ginawa nitong paglapit. First time niyang maligawan nang personal kaya nahihiya siya.

"Blessie, mauna na kami," sabi ni Shiela na sumenyas sa kanya. Tumango rin siya bilang tugon.

Umupo si Francis sa tabi ng desk niya. "Natanggap mo ba ang sulat ko?"

"A, oo, nabasa ko."

"So, kumusta? I mean, ano'ng sagot mo?" tanong nito.

Bakit ito humihingi ng sagot? May tinatanong ba ito sa sulat?

Napakamot ito sa ulo at nahihiyang tumawa. "I mean, may pag-asa ba ako kung manliligaw ako sa 'yo?"

Matagal bago nakasagot si Blessie. Hindi niya napaghandaan ang paghaharap nila ng hapong iyon. Masyado naman itong nagmamadali.

Lumunok siya ng laway bago nagsalita. Hindi siya mapakali kaya wala sa loob niyang kinutkot ang hawak na ballpen.

"Kasi, Francis, may . . . may gusto akong iba," pagsisimula niya. Totoo naman iyon. Pagdating sa usaping pag-ibig, walang ibang lumilitaw sa isip niya kundi mukha ni Seb. "Ayokong maging dishonest and unfair sa feelings mo kaya sasabihin ko na sa 'yo ngayon, na mas magiging happy kung maging good friends na lang tayo."

Napabuntonghininga ang lalaki. Malungkot itong ngumiti. "Ganoon ba? Naiintindihan ko, thank you for being honest, Blessie. Sana maging happy kayo ng lalaking gusto mo," saad nito.

Alam niya na nalulungkot ito sa naging rejection. Sino ba'ng hindi? Pero ayaw niya lang talagang pumasok sa relasyon lalo at classmates sila. Turn off agad sa kanya iyon.

Bubuka na sana ang bibig ni Blessie para magpasalamat nang tawagin siya ni Seb.

"Blessie!" Napalingon siya sa kinaroroonan nito. Agad naman siyang humarap uli kay Francis.

"Salamat, Francis, sa pag-intindi. Sorry talaga," bulong niya para hindi marinig ni Seb ang napag-usapan nila at nang hindi naman mapahiya si Francis.

"Sige," saad nitong ngumiti.

"Una na ako. Ba-bye!" Lumabas na siya ng classroom kasabay si Seb.

"GO! Go! G-O, G-O! Go! Go! Let's go!"

"Who will win the matchup?!" pasigaw na tanong ni Blessie.

"White, White, White Doves!" korus na sigaw ng mga alepores niya. Sa tono ng kantang "Who Let the Dogs Out?"

Dahil na-pressure siya sa cheering squad ng ibang team noong nakaraang game, naisipan niyang bumuo ng sarili. Kinalap niya ang mga bagong usbong na kabataan sa kanilang subdivision para makilahok sa kanyang project. Katuwa-tuwa naman na meron ding nagpaunlak sa kanyang imbitasyon.

Ngayon nga ay nasa covered court sila ng NiceVille, nag-eensayo para sa magiging fight song nila para sa susunod na laro ng White Doves.

"Ang galaw para sa "White, White, White Doves" ay ganito," turo niya sa mga kasama. "Clapping lang naman siya, four times. Ang kaibahan lang ay ang right hand n'yo should be clenched, gaya nito, habang ang kaliwa ay nakabuka." Ipinakita niya kung paano gawin ang tinurong choreograph. "Kuha, guys?"

"Kuha!"

"Blessie, kina-career mo na talaga ang pagiging cheerleader, a," si Jeric. Isa sa mga player ng team. Matangkad ito at medyo malaki ang build kaya ito ang kanilang rebounder.

"Kasi na-stress ako. 'Yong ibang team ang daming supporter tapos tayo wala."

"Wow, ang thoughtful tapos ang sipag pa."

"Slight lang," sagot niya.

"Konti na lang ang ganyang babae ngayon kaya hanggang ngayon single pa rin ako." Halata ni Blessie ang ibig sabihin ng pasaring ni Jeric kaya nakaramdam siya ng pagkaasiwa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nasasanay sa mga ganoong approach ng mga lalaki.

"A, ganoon ba. Maghanap ka pa, sigurado 'kong marami diyan," pasimple siyang lumayo dahil bahagya nitong inilapit ang sarili sa harap niya.

"Hindi ko na kailangang maghanap, nakita ko na, e," pa-cute nito na sinabayan ng one-sided smile.

"Mm . . . Mm . . . Layo, layo. Masyadong lumalapit, e," saad ni Seb na itinulak ang mukha ni Jeric palayo kay Blessie. Hindi nila napansin ang paglapit nito dahil dumaan ito sa likuran nila.

"Ito naman si Seb, napakaistrikto," usal ni Jeric na napakamot pa ng ulo.

"Tama na 'yang practice n'yo, umuwi na tayo," sabi ni Seb at pinagpupulot ang mga nakalatag nilang gamit.

"Nag-text si Daddy?"

"Hindi, nag-text si Mama. Nagluto daw siya ng turon."

"A, okay." Nilikom na rin niya ang mga gamit at pinauwi ang mga cheer member.

Sa tuwing may nagpapalipad-hangin sa kanya ay ganoon palagi ang reaksiyon ni Seb. Kung hindi nito literal na ilalayo sa kanya ang lalaki ay siya naman ang kukulitin nito. Na gusto niya dahil hindi na niya kailangang humabi pa ng mga rason para layuan o iwasan ang mga ito. And to top it all, napapaipit siya ng buhok sa tainga sa isiping ayaw ni Seb na malapitan o maligawan siya ng ibang lalaki. Kumokota na talaga itong knight in shining armor niya sa pagbibigay ng kilig moments. Masyado na tuloy siyang I love you rito.

Gaya ng gusto ng Tita Rosario niya, tumuloy sila sa bahay ng mga ito para magmeryenda bago siya inihatid ni Seb sa bahay nila.

NAG-E-ENJOY ang magbabarkadang nag-iinuman sa paborito nilang tambayan, ang Omaylabs Sari-Sari Store. Linggo kaya nakapaglaan sila ng oras para magsaya. Pabilog silang nakapuwesto sa gilid ng tindahan habang may maliit na lamesa sa gitna. Nangangalahati na ang pangalawang bote ng San Miguel na nakapatong sa mesa.

"Naalala n'yo noong first game natin sa San Roque? 'Yong babaeng nakapula na blonde. Crystal pala ang pangalan niya, nakuha ko ang number, pati Facebook account," sabi ni Aki sa grupo.

"'Di ba sexy 'yon?" sabat ni Carlos.

"Oo, nag-aaral pala siya sa Saint Therese, fourth year high school. 'Di ba kursonada ka n'on, p're?" siko nito kay Seb.

"Talaga?" sagot ng huli.

"Nag 'I love you, number nine!' pa nga 'yon, e," saad ni Aki na ginaya ang pagsigaw ng babae. "Ise-send ko sa 'yo mamaya ang Facebook account niya."

"Sige," usal ni Seb na tinungga ang beer.

"Maiba tayo, pare," si Jeric. "May boyfriend na ba si Blessie?"

"Imposibleng magka-boyfriend 'yon, bantay sarado ni Kuya, e," biro ni Aki kay Seb na bahagyang tumawa, nakisabay na rin si Carlos.

"Pare, kasi kaibigan kita kaya nirerespeto kita at alam kong malapit sa 'yo si Blessie. Kaya gusto ko sanang humingi ng go signal sa 'yo kung puwede akong manligaw sa kanya. Type ko talaga siya, e. Noon pa," si Jeric uli.

Dinala uli ni Seb ang baso sa bibig at sinaid ang laman niyon. "Pare, hindi mo kailangang humingi ng permiso sa akin. Kasi pinakiusapan lang naman talaga ako ng daddy niya na bantayan siya pero kung ako ang tatanungin mo, sa opinyon ko, mas mabuting pass muna si Blessie sa mga ganyan. Ang bata niya pa, kumakain pa nga minsan ng cerelac 'yon," saad niya. "Marami namang babae diyan, p're."

Laglag ang balikat ni Jeric sa sagot ni Seb pero tumango-tango ito.

"Pare, bigay ko sa 'yo ang number ni Crystal, gusto mo?" basag ni Aki sa katahimikan.

"Sige, p're, send mo nga," sabi ni Jeric.

Magmula nang mangyari ang usapang iyon, hindi na muling nagpakita ng motibo si Jeric kay Blessie pero nanatili naman ang magandang pagkakaibigan ng dalawa.


COMPLETED Once Upon A NeighbourTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon