Ang Lumang Mansyon

82 1 0

Ang Lumang Mansyon

Ni: Junelie Anthony Velonta

                Ika’y naglakad patungo sa isang luma at gibaing mansyon. Iyong nakita na ang mansyo’y natatakpan na ng mga ugat ng halaman at mga dahon ng mga kumakatay na damo. Iyong binuksan ang mga maduming pintuan patungo sa mansyon at ika’y nagpatuloy patungo sa looban ng mansyon.

                Tila kabisado mo ang mga pasikot-sikot ng mansyon habang ikay nagpaikot-ikot sa mga madidilim na sulok nito. Ika’y nagpatuloy sa iyong walang patutunguhang pag-iikot hanggang ika’y biglang kinapusan ng hininga. Kumalabog ang sahig sa iyong biglang pagdapa. Ang huli mong nalaman ay mayroong isang babaeng nakaharap sa iyo na tila napakapamilyar. Yinakap ka niya at sinirado mo ang iyong mga mata ng unti-unti.

                Ika’y nagising sa loob ng isang aparador na mayroong mga damit pambabae.  Lumabas ka nang dahan-dahan hanggang ang iyong mga paa ay nakatapak na sa sahig. Natagpuan mo ang iyong sarili na nasa isang lumang opisina at nakasuot ng damit pangmayaman noong panahon ng mga kastila.

                Lumabas ka at nakakita ka ng isang nakadapang kalansay na tila hinahabol ang kanyang hininga. Ika’y natakot at nagtungo ka sa labasan. Iniabot mo na ang iyong kamay para buksan ang mga pintuan nang biglang sumikip ang iyong dibdib at nahulog ka sa sahig. Nakita mo na naman ang isang babaeng napakapamilyar ang mukha at muli ka niyang niyakap.

                Ika’y muling nagising na nakaupo sa isang upuan sa isang kwartel na walang laman. Ika’y lumabas at nakita mo ang isang kalansay ng isang tila-mayaman na tao. Siya’y tila umaabot para sa pintuan at ang kanyang maitim na bungo ay nakatutok sa iyo. Ika’y muling natakot at kumaripas patungo sa mga daanang hindi mo alam ang patutunguhan. Ika’y tumigil para habulin ang iyong hininga ngunit mayroong ahas na nahulog mula sa itaas at ika’y kinagat. Humagba ka sa sahig at nakita mong naging isang babae ang ahas.

                Ika’y nagising sa isang hardin na may hawak na patalim. Alam mong ika’y mawawalan uli ng hininga maya-maya kaya ika’y nagmahinahon. Tila hindi mo alam na unti-unti mong inilapit ang patalim sa iyong dibdib. Ikaw na lang ay natuligsa sa nangyari habang humiga ka sa lupa. Nakita mo uli ang babaeng tila palaging sumusunod sa iyo at narinig mo siyang nagsabi ng “Sa wakas, tayo’y magsasama sa lupang pareho nating pinanggalingan”.

Ang Lumang MansyonBasahin ang storyang ito ng LIBRE!