"Mabuti at nandito na kayo." Sinalubong sila ni Nancy. "Oshi, kumusta ka na? Na-miss kita." Niyakap siya ng kapatid.

"Nancy," yumakap na rin siya rito habang pinipigilang wag mapapaluha.

"Hi, mommy." Lumapit si Vanessa at humalik sa pisngi ng ina.

Lumapit din sa kanila si Edward. "Kanina ka pa hinihintay nina Papa at Mama. Puntahan mo na sila." Sabi nito sa kanya.

Tumango siya. Sinamahan siya ni Nancy sa kinaroroonan ng kanilang mga magulang. Naroon din ang parents ni Rune at ang lalaki.

"Pa," humalik siya sa pisngi ng ama.

"Akala ko magmamatigas ka pa rin." Sabi ni Vergel.

Hindi siya sumagot. Nilapitan niya ang ina at hinagkan din sa pisngi. "Ma," niyakap niya ito. Sinulyapan niya ang mga magulang ni Rune. Nakangiti sa kanya ang mommy ni Rune. Humakbang siya, nilapitan ang mga ito at nagmano.

"Hija," banayad na pinisil ng ginang ang kanyang kamay. "Pinagsabihan na namin si Rune. Kung anuman ang mga naging pagkukulang niya sa pagsasama ninyo, naniniwala ako na makakaya ninyong ayusin yan."

Tinapunan niya ng sulyap si Rune na hindi makatingin sa kanya ng deretso. Kung sana ay ganoon lamang ka-simple ang problema nila baka pwede pang maayos. Pero hindi. Masyadong mabigat ang kasalanang nagawa nito sa kanya. Kahit busog siya sa pangaral at mga turo ng bibliya sa loob ng kombento ngunit kailangan niya ng sapat na panahon para mapatawad ito.

"Oshema, can we talk?" Matapos ang hapunan ay lumapit sa kanya si Rune.

Tumango siya at nagpatiuna patungo sa loob ng bahay. Sumunod sa kanya ang lalaki. Sa study room sila nag-usap.

"Alam kong pinilit ka lang ng mga magulang mong makipag-ayos sa akin." Siya na ang nagbukas ng usapan.

"Ayaw nilang maghiwalay tayo."

"Bakit hindi mo sabihin sa kanila ang totoo?"

"Hindi ko kaya."

"Gusto mo akong magsabi?"

"Oshema, please." Nagmamakaawa ang boses ni Rune. Ngunit hindi naantig ang puso niya.

"Rune, hindi mo ako pwedeng itali sa isang pagsasama na walang pupuntahan para lamang protektahan ang lihim mo. Maawa ka naman sa akin. I've had enough already! Tama na!" Hindi na niya pinigil ang mga luhang kanina pa nagbabantang bumukal mula sa mga mata. "Hindi ko masabi ang totoo sa pamilya ko dahil ayaw kong masaktan sila. Alam mo kung gaano kalaki ang tiwala nila sa iyo para sirain mo lang ng ganoon."

"Oshi, magbabago ako. Bumalik ka lang sa akin. Magpapakasal tayong muli. 'Yong totoong kasal."

Mahigpit na nagkuyom siya ng mga kamao. "Pagkatapos ng lahat? Do you expect me to believe you? Tumigil ka na, pwede ba? Kahit na anong pakiusap pa ang gawin mo, hindi na ako babalik sa iyo." Nag-uumapaw na sa puso niya ang sobrang sama ng loob ngunit hindi man lamang iyon makita ng lalaking ito. "Sabihin mo sa mga magulang mo ang totoo kung hindi ako mismo ang magsasabi sa kanila."

Ibinaba nito ang paningin at nagtagis ng mga ngipin. Yumukyok ito sa pagkakaupo sa sofa at isinubsob ang mukha sa dalawang palad. Umiiyak din.

"Sana maintindihan mo ako. Ikaw, ang parents mo at parents ko, ang dami kong isinakripisyo para sa inyo. Pangarap ko at dangal ko. Lahat iyon ay nawala sa akin. Walang natira kundi awa para sa sarili ko. Pati iyon ba ay gusto mong kunin? Sagad na sagad na ako. Wala na akong maibibigay sa inyo." Aniya sa pagitan ng mga tangis.

Sa pagkakataong iyon, alam niyang siya muli ang lalabas na mali at masama sa paningin ng lahat. Panibagong galit ang haharapin niya. Ngunit hindi siya natatakot basta't ang kapalit ay kalayaan mula sa bangungot na kanyang kinasasadlakan.

RAGRANOK SERIES : BEAUTIFUL SCANDAL ✅Where stories live. Discover now