Pupunta ba siya o hindi? Hindi niya alam. Kanina pa siya nagdadalawang-isip. Hindi pala.. Noong araw na huli nilang pagkikita ni Daniel pa pala siya nag-iisip, nag-iisip sa lahat. Kung totoo bang hiwalay na sila, kung totoo bang malaya na siya at kung totoo bang ikakasal na ang lalaking dati niyang asawa.

Hindi ba dapat ay masaya na rin siya? Dapat ay natutuwa na siya dahil nangyari na ang gusto niyang paghihiwalay nilang dalawa na matagal niya nang inaasam? Pero bakit ay nagiging taksil ang sarili niya na humihiling na sana ay hindi niya ginawa? Siya rin ang bumabawi ngayon, siya rin ang nagsisisi. At ngayon, isa na namang sana ang hinihiling niya. Sana.. Sana hindi siya makapunta, sana magkaroon ng dahilan para hindi siya makapunta.

Ngunit napakaimposible, dahil unang-una sa lahat, wala siyang trabaho sa araw na 'to, wala siyang kahit anong lakad na kahit magdahilan siya ay katawan niya na rin ang umaayaw dahil sa kawalan ng gana, at.. at isa pa, hiling ng mga anak niya na dumalo sila, na dumalo siya.

Sadyang magulo niya ang utak ni Kathryn at nawawalan ng pokus matapos ang lahat, dahil hanggang ngayon, wala pa ring kaalam-alam ang dalawa niyang anak na wala na, nakipaghiwalay na siya sa ama ng mga ito. Tanging ang ina niyang si Min lang ang pinagsabihin niya, na hindi nakasagot sa ginawa niya. At hindi niya alam kung ipinagsabi na ba ng ina niya sa ama niya, mga kapatid niya, o kahit sinoman na hindi na siya kasal sa lalaking alam ng lahat na asawa niya.

At hindi niya rin alam kung alam na rin ba ng ina niya at mga taong malapit sa kanya na ikakasal na ulit si Daniel sa ibang babae. Agad-agad. Malamang, naging sagot niya rin kalaunan. Natawa na lamang siya sa pinag-iisip niya. Ngunit ang pagtawa na ginawa niya ay may kalakip na namang luha.

Nagpunta siya sa salamin upang tignan ang repleksyon niya sa kasuotan na nakasuot sa kanya ngayon. Damit pangkasal. Sinubukan niyang ngumiti at nag-ensayo sa mukhang ihaharap niya mamaya sa harap ng maraming tao, ngunit bigo siya. Ayaw niya magmukhang hindi maayos sa paningin ng lahat. Kaya kahit labag sa kalooban niya, kaya niyang magpanggap, kaya niyang pekehin ang sarili niya. Napangiti naman siya nang may panlalait sa kanyang sarili dahil oo nga pala, sa pagpapanggap siya ubod ng galing.

Bumuntong-hininga siya na saktong dumako ang tingin niya sa pinto nang may kumatok. Inayos niya na ang kanyang sarili at lumapit upang pagbuksan ito.

"Ma'am Kath, tara na po. Baka matagalan pa po tayo sa traffic eh." Saad ng kanyang drayber at napatango si Kathryn.

Nandito pa si Kathryn sa kanyang bahay, wala siyang kasama maliban ang mga kasambahay niya't itong drayber niya. Nakakapagtakang hindi niya kasama ngayon ang mga anak niya. Pasado alas 3 ng hapon, narito pa rin si Kathryn sa kanyang bahay, tila wala pang balak bumaba at siyang mag-aya sa kanyang drayber upang umalis na't humayo na sa kasal na magaganap.

Wala rito ang mga anak niya, sa katunayan ay kaninang umaga pa nawala ang mga ito. At kaninang umaga nga'y nagpunta rito si Carla at nagpaalam kung maaari bang kunin niya ang mga bata nang mas maagang oras bago maganap ang kasal. Tanging pagpayag ang naging sagot niya at pagpapaalam na kailangan niya nang bumalik sa kanyang kwarto dahil marami pa siyang ginagawa, walang sinabi si Carla doon. Umaasa pa man siya kung isipin ngunit umasa nga siya na sasabihin rin ni Carla na sumama na rin siya sa patungo sa lugar kung saan magaganap ang kasal para hindi na mahirapan pa sa byahe, pero wala rin naman siyang natanggap na alok.

Pero mabuti, mabuti kung ganoon. Sabi niya. Naisip niya, mas mabuti naman na hindi siya sumama dahil baka wala pa man din ay humagulgol na siya habang natatanaw ang dalawang taong sabik na sabik magkaharap sa altar at isa-isang sasambitin ang mga pangako at paninindigan para sa isa't isa.

A Chapter Untold (Broken Vows Book 2)Where stories live. Discover now