Chapter Sixty-Eight

43.2K 756 10

“SIGURADO ka na gusto mo pang mamanhikan sa pamilya ko?” tanong ni Krystinia kay Warrick habang bumibiyahe siya papunta sa bahay ng pamilya niya sa Bulacan.

“Pang-ilang beses mo nang itinanong ‘yan sa akin. Mukha bang may balak akong baguhin ang isip ko.”

Bumuntong-hininga siya at hinapit palapit sa katawan niya ang nahihimbing na  si Wahlberg. “Baka hindi maganda ang maging pagtanggap nila sa iyo.”

“Hindi mo ako kailangang protektahan mula sa pamilya mo, Krystinia. Malaki na ako at kaya kong depensahan ang sarili ko. Isa pa, wala naman silang magagawa kahit na tumutol sila. Pakakasalan pa rin kita. Ikaw ang baka magbago ng isip.”

“Warrick, nakagawa ako ng mga bagay na mas matindi pa kaysa sa pagpapakasal sa iyo. Pumayag akong maging babymaker mo. I even dared to defy their wishes to go with you. At hindi nila ako mapipigilan dahil ginagawa ko ang nararapat para kay Wahlberg.”

Ginagap nito ang kamay niya. “Let’s keep a united front then.” Kinintalan nito ang likod ng palad niya. “Walang bibitaw sa ating dalawa.”

Sumigid muli ang kaba sa dibdib niya nang humimpil na ang kotse sa harap ng bahay. Siya ang bumungad sa pinto at kalong niya si Wahlberg. Sinalubong sila sa pinto ni Serafina. “Krystinia, mabuti at dumalaw kayo. Miss na miss na namin si Wahlberg.”

“Magandang araw po,” magalang na bati ni Warrick.

“M-May iba ka palang kasama,” wika ni Serafina na nawala ang ngiti sa labi.

 “Si Kyrstinia ba ang dumating? Dala ba niya si Wahlberg?” tanong ni Teodicio mula sa kusina.

“Aabsent ako sa trabaho kung nandiyan si Wahlberg,” narinig niyang sabi ni Thirdy. Nakangiti itong lumabas ng kusina at kasunod ng papa niya.“Warrick Evaristo,” he said in a hiss.

“Anong ginagawa ng lalaking ‘yan dito?” mariing tanong ni Teodicio. Sa pakiwari niya ay isa itong bulkan na nagbabantang sumabog. Kinakabahan tuloy siya.

Nanatiling kalmado si Warrick na parang di alintana ang galit ng pamilya niya. “Nandito po ako para sabihin sa inyo na magpapakasal na kami ni Krystinia,” anito sa magalang ngunit matatag na boses.

“Medyo biglaan po kaya sa isang linggo na. Gusto sana namin kayong imbitahin. Sana po makarating kayo, Papa, Mommy, Kuya,” sabi naman niya habang ipinagdadasal na sana ay hindi siya himatayin o atakihin sa puso sa sobrang kaba niya.

Tuluyan nang sumabog si Teodicio at kinuyom ang palad. “Anong pakakasalan? Gusto mo ba akong patayin, Krystinia?”

“Paano mo siya nagawang pakasalan sa kabila ng ginawa niya sa pamilya natin?” puno ng akusasyong tanong ni Thirdy na inalalayan si Teodicio.

Nanatili siyang matatag sa pagkakataong ito. “Kailangan kong buuin ang pamilya ko, Papa. Kailangan naming harapin ang responsibilidad namin kay Wahlberg. Ito ang makakabuti para sa kanya.”

“Ang makakabuti ay kung mawawala siya sa buhay ninyong mag-ina. Sasaktan ka lang ng lalaking ‘yan, anak.” Dinuro ni Teodicio si Wahlberg. “Hindi ba’t sinira niya ang lahat sa pamilya natin?”

“Papa, buo na po ang desisyon ko. Sana po ay irespeto ninyo iyon. Kung hindi po ninyo kayang igalang si Warrick, aalis na lang po kami.”

Iniwan ni Warrick ang imbitasyon sa mesa. “Nandito po ako bilang respeto dahil kayo ang pamilya ng ina ng anak ko. Kahit sa kasal namin, gusto ko sanang isantabi natin ang mga galit natin sa isa’t isa. Mas magiging masaya po si Krystinia kung dadalo kayo sa kasal namin. Sana po isipin ninyo ang kaligayahan niya.”

“Hindi mo mapapasaya ang anak ko? Sasaktan mo lang siya. Hindi ako pupunta sa kasal ninyo para panoorin kung paano niya isusuko ang buong buhay niya sa iyo at kung paano mo siya gagawing miserable,” sabi ni Teodicio.

“Warrick, halika na,” aniya at inakay ito palayo. Ayaw niyang magkainitan pa ang mga ito. “Sabi ko naman sa iyo ganyan ang magiging trato nila sa iyo.” Masakit pa rin sa kanya na hindi magkasundo ang pamilya niya at Warrick. Ayaw din naman niyang mababastos ng mga ito ang lalaking mahal niya.

“Basta ginawa ko ang tama. Bahala na sila kung ayaw nila.”

“Krystinia, sandali!” anang si Serafina at hinabol sila nang pasakay na sila ng kotse. “Pasensiya na kayo ni Warrick sa inasal ng papa at kuya mo. Alam mo naman na hindi madaling kalimutan na lang ang mga nangyari. Ikaw lang ang inaalala niya.”

“Alam ko po iyon. Kaya nga po iiwas na lang ako.”

“Talaga bang masaya ka na makasal kay Warrick?” tanong nito at puno ng pag-aalalang sinulyapan si Warrick.

Tumango siya. “Opo. Mahal ko po siya.”

Ngumiti ito. “Kung ganoon ay hindi ko pipigilan ang kasal ninyo. Gusto ko sanang dumalo pero ayokong isipin ng papa mo na tinalikuran ko siya.”

Pinisil niya ang kamay nito. Alam naman niyang nahahati ito sa pagiging ina sa kanya at sa pagiging asawa kay Teodicio. “Mahal na mahal talaga ninyo si Papa.”

Tumango ito at malungkot na tiningnan si Warrick. “Hijo, gusto ko sanang humingi ng tawad sa nangyari sa kapatid mo. Ang totoo ay mabuti siyang bata. W-Wala lang akong magawa nang ilayo ni Teodicio si Thirdy sa kanya. Sana maintindihan mo na gusto lang niya ang mabuti para sa anak namin. Matagal na panahon niyang hindi nakasama si Thirdy. Gusto niyang maging ama dito at tiyakin na magiging maayos ang kinabukasan niya.”

“Hindi na po ninyo kailangang magpaliwanag. Nakaraan na po iyon,” sabi ni Warrick.

“Alam ko. Pero malaking parte ng sarili ko ay nakikita ko sa kapatid mo. Alam ko kung ano ang naramdaman niya dahil ganoon din ang nangyari sa akin. Kaya sising-sisi ako nang mabalitaan kong nawala siya at ang apo ko. Sana naging mas matapang ako at ipinagtanggol siya kay Teodicio. Sana tinulungan ko siya sa sarili kong paraan. Takot na takot kasi akong suwayin noon si Teodicio. Minsan na siyang nawala sa akin. Ayokong mangyari ulit iyon. Sana dumating ang panahong mapatawad mo ako.”

“Serafina, nasaan ka na?” sigaw ni Teodicio mula sa loob ng bahay.

“Babalik na ako sa loob.” Niyakap siya nito ng mahigpit. “Maging masaya sana kayo.”

“Okay ka lang?” tanong niya nang mapansing tahimik si Warrick habang bumibiyahe sila pauwi.

“Iyon ba talaga ang nagagawa ng nagmamahal? Nagiging bulag ka sa tama dahil natatakot kang mawala ang taong mahal mo?”

“In Mommy’s case, yes. Pinili niyang ipikit ang mata niya dahil mahal na mahal niya si Papa. Ang iba naman handang iwan ang minamahal nila at isasakripisyo nila ang sarili nilang kaligayahan para sa taong mahal nila.”

Nilingon siya nito. “Paano ka naman magmahal?”

“Handa akong magtiis para lang makasama ko ang taong mahal ko. Kahit na nasasaktan ako, mananatili pa rin ako sa tabi niya. Lalo na kapag nakikita ko siyang nasasaktan. Aakuin ko ang sakit na nararamdaman niya kung pwede lang.”

“Hindi ko maipapangakong darating ang panahon na masusuklian ko ang pagmamahal mo sa akin. Pero gagawin ko ang lahat para maging masaya ka at hindi ka masaktan, Krystinia. Poprotektahan ko kayo ni Wahlberg. That is a promise.”

Niyakap niya ito ng mahigpit. Sapat na sa kanya kung anuman ang kaya nitong ibigay sa kanya. Hindi na siya manghihingi pa ng kahit ano.

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!