Chapter Sixty-Three

38.9K 738 8

KAHIT pagod ay di nawawala ang ngiti sa labi ni Krystinia. Ngayon lang niya narinig ang halakhak ng papa niya dahil kay Wahlberg. Sa palagay niya ay unti-unting nang naghihilom ang mga sugat. Mahahalikan talaga niya si Warrick kapag nakita niya mamaya.

Nakaabang na si Warrick nang dumating siya. "Good evening, Sir,” magalang na bati ni Dinah dito.

"Good evening. Pakidala na si Wahlberg sa nursery,” utos nito kay Dinah.

"Nag-dinner ka na ba?” tanong niya. “Nagpadala ng kakanin si Mommy at kare-kare. Masayang-masaya sila dahil ipinasunod mo si Wahlberg."

"Nang dumating daw si Dinah doon ay wala ka. Saan ka ba nagpunta?" madilim ang mukhang tanong nito nang kasabay niyang maglakad patungong kusina.

"Kasi ayaw akong tanggapin nila Papa noong una. Pauwi na sana ako nang makita ako ni Vernel. Nagkumustahan lang kami."

Tumigil ito sa paglalakad at lumingon sa direksiyon niya. “Bukod sa pangungumusta, ano pa ang pinag-usapan ninyo? Sinabi ba niyang mahal ka pa rin niya? Nag-offer ba siya na kukunin kayo ni Wahlberg kapag iniwan ninyo ako?" sunud-sunod nitong tanong at hinawakan ang balikat niya saka idinikit ang galit nitong mukha sa kanya.

Napamaang siya. Nakatitig lang siya sa mga mata nito. Di niya alam kung kukumpirmahin ang hula nito o magkakaila. But she couldn’t lie to Warrick. Not when his face was a few inches from her. Not when his tensioned body was painfully near hers. Pero di rin naman niya iyon maaamin. Ayaw niyang isipin nitong ikino-consider niya ang offer ni Vernel.

Ngumisi si Warrick at hinawakan ang balikat niya. "Tama ako, hindi ba? He still wants you. Bakit hindi ka sumama sa kanya?"

Nagsalubong ang kilay niya. Itinataboy ba siya nito? Iyon ba ang hinihintay nitong pagkakataon para masolo ang anak nila? "Kaibigan ko lang si Vernel. Walang ibang mahalaga sa akin kundi ang anak ko.”

“Mabuti at nag-iisip ka. Oras na umalis ka para sa ibang lalaki, hindi mo na makikita si Wahlberg." At nagdadabog na pumasok sa masters bedroom.

Nanlambot siya. Ngayon lang ulit siya pinagbantaan ni Warrick ng ganito. Pero hindi siya nagpasindak sa galit nito. "Warrick, sinabi ko na sa iyo na pwede kong piliin si Vernel dati pa pero ikaw ang pinili ko. Kayo ni Wahlberg. Sinabihan ko na si Vernel na mas mabuting humanap siya ng iba."

"At nakinig ba siya?"

"He'll eventually realize that he deserves someone better. Iba na ang buhay ko ngayon. I have nothing to offer him."

"Gusto ko lang maging malinaw ang lahat. Pumayag akong dalhin si Wahlberg sa pamilya mo kahit labag sa loob ko. Ayoko nang maulit ito."

"Hindi na mauulit." Tumingkayad siya at kinintalan ito ng halik sa labi saka ito niyakap ng mahigpit. "Thank you! Pinasaya mo ang pamilya ko. Di ko pa sila nakitang ganito kasaya sa loob ng mahabang panahon."

Naging maamo ang mga mata nito at nabura ang galit. "Wala nang lolo at lola si Wahlberg sa pamilya ko. Minsan lang naman ito. Baka hindi na maulit."

"Alam ko pero tinatanaw ko itong malaking utang na loob. Gusto mo ng kape? Ipagtitimpla kita."

"Sure."

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!