Chapter Sixty-Two

40.3K 743 3

Sa isang restaurant sila sa tabi ng highway kumain. Hindi nito inaalis ang tingin sa kanya at may bahid ng lungkot ang mga mata nito. “Ano nang nangyari sa iyo?” tanong nito. “Naikwento sa akin ni Tita Serafina ang nangyari.”

“Komplikado ang buhay ko ngayon.” Pinagdikit niya ang labi niya. “Siguro naiintindihan mo kung bakit kinailangan kitang tanggihan dati. Madidismaya ka lang sa akin."

Mataas ang tingin sa kanya ni Vernel. Hindi niya alam kung gaano karami ang nalalaman nito pero nasisiguro niyang anumang paghanga at pagmamahal nito ay nawala na.

"Ang sabi sa akin ni Tito Teodicio, pinili mo ang ama ng anak mo. Pakakasalan ka ba niya? Ni hindi ka nga niya maipakilala sa mga tao bilang ina ng anak niya."

Parang may tumusok na kutsilyo sa dibdib niya sa sinabi nito. Wala naman siyang magagawa sa bagay na iyon dahil siya mismo ang nagsabi kay Warrick na handa siyang magsakripisyo basta’t makasama ang anak niya. Pikit-mata niya iyong tinanggap.

"It doesn't matter. Kasama ko ang anak ko. Masaya na ako ng ganito."

Hinawakan nito ang kamay niya. "Krystinia, you don't deserve this kind of life. That man doesn't deserve you. Bakit hinahayaan mo siyang tratuhin ka ng ganito? Wala kang kasalanan sa kanya. Hindi mo kailangang pagbayaran ang pagkakamali ng pamilya mo."

Mariin siyang pumikit. "Pati ba iyan sinabi sa iyo ni Mommy?”

Hangga’t maari ayaw na niyang makalabas pa ang sitwasyon niya sa labas ng pamilya. Kahit pa sabihing kaibigan niya si Vernel. It was a family problem after all.

"Concern lang siya sa iyo. Isa pa alam niyang malinis ang intensiyon ko sa iyo. Ako ang totoong nagmamahal sa iyo."

Malungkot niya itong pinagmasdan. kung tutuusin ay maswerte siya na may lalaking tulad ni Vernel na nagmamahal sa kanya. Bihira na ang lalaking katulad nito na nagmamahal ng walang kondisyon. Ang problema lang ay hindi niya ito kayang mahalin.

"Ayokong umasa ka, Vernel. Wala na akong maibibigay sa iyo." Ang puso niya at kaluluwa ay naisuko na niya kay Warrick. Parang hindi na niya kayang maglaan ng pagmamahal para sa iba.

Matiim siya nitong tiningnan. "Wala akong pakialam. Kahit di mo ako mahalin. Bigyan mo lang ako ng pagkakataong iparamdam sa iyo na mahal kita. Iwan mo na siya. Sumama ka sa akin. Magsimula ka ng bagong buhay kasama ako. Ilalaban natin ang anak mo."

Isa iyong alok na hindi tatanggihan ng ibang babae. For self-preservation, she would love to accept that. Kung gusto pa niyang sagipin ang sarili niya… "Hindi ganoon kasimple iyon. Si Warrick ang ama ng anak ko. Hindi ko kayang ilayo ang anak ko sa kanya. Mag-isa na lang siya sa buhay. Si Wahlberg na lang ang pamilya niya."

"And he has you," malungkot nitong wika. "Mahal mo siya, hindi ba? Hindi mo ako magawang mahalin dahil siya na ang mahal mo."

Hindi niya alam kung tatango o tatanggi pero sa huli ay tango na lang ang naisagot niya. Hindi naman niya maitatago ang totoo. "I'm sorry. Kung iba lang sana ang sitwasyon, Vernel..."

"Paano mo siya nagagawang mahalin sa kabila ng mga nagawa niya sa iyo?" puno ng hinanakit nitong tanong.

"Hindi ko rin alam." May nakita ang puso niya kay Warrick. Wala namang problema kay Vernel. He was the ideal man. Pero minsan talaga ay hindi natuturuan ang puso kung sino ang mas dapat na mahalin. " Kahit nang malaman kong galit siya sa pamilya ko, hindi ko magawang magalit sa kanya ng sobra. Warrick has his reason and I can't blame him. At alam kong malaki ang maitutulong namin ng anak ko para mawala ang galit na nararamdaman niya."

Lumuwag ang pagkakahawak nito sa kamay niya. “I see.”

Nag-ring ang cellphone niya at nataranta nang makitang si Dinah ang tumatawag. “Dinah, may problema ba kay Wahlberg?”

“Nandito po kami sa bahay ng magulang ninyo, Ma’am. Kasama ko po si Wahlberg.”

“Anong ginagawa ninyo diyan?”

“Sabi po ni Sir Warrick sumunod daw po kami sa inyo dahil birthday ng lolo niya. Nasaan po ba kayo? Akala ko po nandito kayo.”

“M-May kausap lang akong kaibigan ko. Papunta na ako diyan.” Ibinalik niya ang cellphone sa bag niya. “Bumalik na tayo. Nasa bahay daw nila papa ang anak ko.”

Sinalubong siya ng yakap ni Serafina. “Wiling-wili ang papa mo sa apo niya. Huni ng huni si Wahlberg at kinakausap siya.”

Nang pumasok sa loob ng bahay ay narinig niya ang halakhak ni Teodicio na kalong-kalong si Wahlberg. Si Wahlberg talaga ang sentro ng atensiyon. Kahit si Thirdy na di mahilig sa bata ay nakita niya ang pagkaaliw at pagmamahal sa mga mata habang pinapanood si Wahlberg.

“Happy Birthday, Papa,” bati niya at humalik sa pisngi nito.

“Salamat, Krystinia. Ito ang pinakamagandang regalong maibibigay mo sa akin.”

Hindi niya regalo kundi regalo ni Warrick. Hindi niya iyon inaasahan. Ni hindi nga niya sinabi dito ang request ng papa niya pero kusa nitong ginawa para sa kanya.

Nasa  gitna ng kasiyahan nang lapitan siya ni Vernel. “Naiintindihan ko na kung bakit kahit na nasasaktan ka, hindi mo pa rin maiwan ang ama ng anak mo. Mukhang mabuti siyang lalaki. Iyon siguro ang nakita mo sa kanya.”

“Masyado lang siyang nilamon ng galit niya.”

"Nandito lang ako kung kailangan mo ako. Huwag mong kakalimutan na mahal kita. Hihintayin pa rin kita. Kapag pagod ka na sa kanya, nandito pa rin ako.”

Hindi niya alam kung anong dapat sabihin dito. Pareho lang silang nagmamahal. Pareho nilang ayaw isuko ang taong mahal nila. Pareho lang silang nasasaktan. "Sana makatagpo ka rin ng babaeng magpapasaya sa iyo at magmamahal sa iyo. Kung matatagpuan mo siya, huwag mo na akong hawakan ng mahigpit. Let go. You deserve someone who will really love you.”

Dahil hangal ang puso niya. Pangalan lang ni Warrick ang isinisigaw.

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!