Chapter Sixty-One

39.6K 671 0

“PAPA, hayaan na po ninyo akong pumunta diyan. Please. Pagbigyan na ninyo ako kahit ngayong birhday lang ninyo,” pakiusap ni Krystinia kay Teodicio. Ilang beses na siyang pumunta sa bagong bahay na nilipatan ng mga ito pero hindi siya nito pinapapasok man lang. Kahit ang padala niya sa mga ito ay ibinabalik din sa kanya. Hindi daw tatanggap ang mga ito nang alam na galing sa bulsa ni Warrick. Mas gugustuhin daw ng mga ito na mamatay sa gutom.

“Hindi kita tatanggapin kundi mo kasama ang apo ko.”

“Papa naman,” mangiyak-ngiyak niyang wika. “Alam naman ninyong hindi pwede.”

“That’s final, Krystinia. Matatanggap lang kita kung kasama mo ang apo ko. Kung hindi mo siya kasama, huwag ka nang pumunta dito. Tutal matagal mo naman nang pinili ang lalaking ‘yan na inangkin na ang apo ko. Ipinagpalit mo na kami sa kanya.”

Tahimik na lang siyang umiyak sa sulok ng balkonahe. Matigas talaga ang puso ng ama niya. Hindi naman niya ito masisisi dahil binigo niya ito bilang anak. Nadismaya ito sa kanya.

“Krystinia, are you okay?” tanong ni Warrick sa kanya.

Mabilis niyang pinahid ang luha. “Oo. Okay lang ako.”

“May kausap ka sa phone kanina.”

“Birthday ni Papa ngayon. Gusto ko sana siyang dalawin pero…”

“You can go if you want to. Hindi naman kita pipigilang dalawin ang pamilya mo. Dalhin mo na rin ang kotse at si Manong Ferdie para ihatid ka.”

Kinagat niya ang labi niya. “Hindi lang kasi iyon.”

Kumunot ang noo nito. “May kailangan ka pa ba?”

Umiling siya. “W-Wala. Salamat ng marami. Pumunta ka na rin sa opisina. May importante ka pang meeting ngayon, hindi ba?” Hindi na lang niya ipipilit ang tungkol sa hiling ng papa niya. Tiyak na pagtatalunan na naman nila iyon. Malinaw sa patakaran nito na hindi ito papayag na mapalapit si Wahlberg sa pamilya niya. Iyon ang parusa nito.

 Nag-commute na lang si Krystinia papunta sa Bulacan. Hindi kalayuan ang bagong bahay na nilipatan ng pamilya niya. Nalaman kasi ng mga ito na si Warrick at hindi si Dante ang may-ari ng farm. Nakahanap ng bagong trabaho si Thirdy sa kalapit na farm habang si Serafina ay nagtitinda ng lutong ulam sa harap ng bahay. Iyon naman daw ang trabaho nito nang una nitong nakilala ang papa niya. Hindi daw ito natatakot na bumalik sa simpleng buhay basta huwag lang tumanggap ng kahit ano mula kay Warrick.

“Mommy! Papa! Nandito na po ako,” aniya at tumawag mula sa gate.

“Umalis ka na lang,” narinig niyang sigaw ni Teodicio. “Sinabi ko na sa iyo na gusto kong makita ang apo ko. Siya ang gusto kong makasama sa birthday ko.”

Iyon na ang huling narinig niya mula sa loob ng bahay. Kahit si Serafina ay di nag-abalang silipin man lang siya. Kilala niya ang papa niya. Oras na magmatigas ito at wala siyang magagawa. Mukhang mas mabuting umalis na lang siya.

Naglalakad siya papunta sa bungad ng sitio kung saan may nakaparadang sasakyan nang tumigil ang isang kotse sa tabi niya. Mula sa bintana ng kotse ay sumilip si Vernel. “Krystinia! Krystinia, ikaw nga!” Bumaba ito ng kotse at nilapitan siya. “Anong nangyari sa iyo? Saan ka pupunta?”

“Ayaw akong tanggapin nila Papa. Gusto ko lang namang dumalaw dahil birthday ko.”

Kinuha nito ang mga paper bag na dala niya. “Sumakay ka na sa kotse. Namumutla ka na. Papunta rin sana ako doon dahil nga birthday ni Tito Teodicio.”

“Huwag mo na akong intindihin. Pumunta ka na kay Papa.”

“Mukhang hindi ka pa kumakain. Its past lunchtime. Wala naman sigurong masama kung magkukwentuhan tayo at kakain. Magkaibigan naman tayo, di ba?”

Tumango siya. Kahit iyon man lang ay magawa niya para dito.

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!