Chapter Fifty-Four

39.5K 676 7

“Napakaguwapo talaga ng apo namin. Kamukha siya ni Teodicio,” excited na sabi ni Serafina nang dalawin siya sa ospital. Mukhang ito lang ang maaliwalas ang mukha. Madilim ang mukha ni Teodicio. Kapuna-puna din ang pagkawala ni Thirdy.

“Kailan ba mailalabas ang apo ko?” tanong ni Teodicio na nakaharap lang sa bintana.  Galit pa rin ito sa kanya at ayaw siyang tingnan man lang.

“Isa o dalawang linggo pa daw po. Pero bukas pwede na po akong lumabas ng ospital.”

"Susunduin ka namin bukas kung ganoon," sabi ni Serafina.

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. "Kailangan po akong maiwan dito para sa anak ko." Ang totoo ay hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga ito ang bagong kasunduan nila ni Warrick. Masasaktan na naman ang pamilya niya.

"At saan ka tutuloy? Sa bahay ni Evaristo? Hindi ako papayag na magkaroon ka pa ng kaugnayan sa kanya,” anang si Teodicio sa maigting na boses.

Heto na nga ba ang sinasabi niya. Kahit di niya sabihin ay alam na ng ama niya ang scenario. "Papa, hindi po ganoon kasimple ang lahat. Siya ang ama ng anak ko. May kontrata po kami. Maswerte po ako na binigyan niya ako ng pagkakataon na makasama ang anak ko."

"At ano? Gagawin ka niyang alila? Ibabahay ka lang at gagamitin? Iyan ba ang buhay na gusto mo?" angil nito. “Para saan pa ang ipinaglaban mo sa amin para buuin ang sarili mo kung sa ganito ka lang pala babagsak? Wala ka nang itinirang respeto sa sarili mo. Akala ko pa mandin ikaw ang anak na ipagmamalaki ko.”

Mula nang maging ina siya itinapon na niya ang lahat ng pangarap niya. Wala na siyang itinira sa sarili niya. Kahit alipinin pa siya ni Warrick basta mayakap lang niya ang anak niya. Hindi niya mahaharap ang sarili niya sa araw-araw kung alam niyang isinuko niya ang anak niya para sa pride niya. She actually gave up her pride and self-respect ages ago. Iyon ay nang isakripisyo niya ang sarili para sa pamilya niya.

Ginagap ni Serafina ang kamay niya. May pakiusap sa mga mata nito. "Krystinia, sumama ka na sa amin. Ilalaban namin ang kaso mo. Kayo ng anak mo. Hindi tamang mawala sa iyo ang anak mo. Ikaw ang mas higit na may karapatan sa bata.”

"I am sorry, Mommy. Buo na po ang desisyon ko. Hindi ko po iiwan ang mag-ama ko."

Hindi niya kayang iwan si Warrick. He was already alone. Nawala ang buong pamilya nito. Kung naging matigas man ang puso nito, hindi niya ito masisisi. Baka sadyang ibinigay dito ang anak nila para lumambot muli ang puso nito at hindi na ito mag-iisa. Mas kailangan siya ni Warrick ngayon.

Bumuntong-hininga si Serafina. "Kahit ano pang tingin mo sa amin, kami pa rin ang pamilya mo. Sa amin ka rin tatakbo sa huli. Tandaan mo rin na ginamit ka lang ni Warrick para gumanti sa pamilya natin. Kung iniisip mong mamahalin ka niya, kalimutan mo na. Hindi ka niya mamahalin dahil isa kang Valdesco. Bakit ipagsisiksikan mo pa ang sarili mo sa kanya? Hindi mo kailangang magpakababa ng ganyan."

"Nangako po ako na gagawin ko ang lahat para po makasama ang anak ko. Mommy, huwag ninyong isiping tinalikuran ko kayo o wala na akong natirang kahihiyan at pride. Ina po ako. Kahit ano isusuko ko para lang hindi malayo sa anak ko."

"Hayaan mo siya kung piliin niya si Evaristo,” maigting na sabi ni Teodicio at naglakad patungo sa pinto. “Hindi na tayo mahalaga sa kanya. Tinalikuran na niya tayong pamilya niya."

Mahigpit siyang niyakap ng Mama niya. Nang mag-isa na lang siya ay tahimik siyang napaiyak. Totoo ang sinabi nito pero mahal niya si Warrick. Kahit di pa siya nito mahalin ay di niya ito iiwan. Kahit na kamuhian pa siya nito habambuhay ay di niya ito pakakawalan. Di siya aalis sa tabi nito hanggang tuluyang nawala ang galit sa puso nito.

Baby, Be Mine -Published under PHR and Finalist of Filipino Readercon 2014 (Completed)Basahin ang storyang ito ng LIBRE!